FILIPOS, LIHAM SA MGA TAGA-
Isang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ng apostol na si Pablo para sa kongregasyon na nasa lunsod ng Filipos sa probinsiya ng Macedonia, isang kongregasyon na itinatag ni Pablo noong mga 50 C.E., sa panahon ng kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.
Kung Kailan at Saan Isinulat. Ipinahihiwatig ng panloob na katibayan ng liham na isinulat ito noong panahon ng unang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma. Dito ay binanggit niya na alam ng “lahat ng Tanod ng Pretorio” ang dahilan kung bakit siya nakagapos, at nagpadala siya ng mga pagbati mula sa “mga nasa sambahayan ni Cesar.” (Fil 1:13; 4:22) Ang unang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma ay karaniwang ipinapalagay na naganap noong mga 59-61 C.E. May ilang pangyayari na naganap sa pagitan ng pagdating ni Pablo sa Roma at ng kaniyang desisyon na sulatan ang mga taga-Filipos. Si Epafrodito ay naglakbay mula sa Filipos, nagpagal upang tulungan si Pablo, at nagkasakit nang malubha. Ang kaniyang pagkakasakit ay nabalitaan ng mga taga-Filipos, na nasa layong mga 1,000 km (600 mi). Ngayon ay magaling na si Epafrodito, at isinusugo siya ni Pablo sa kanila dala ang liham. Kaya isinulat ang liham noong mga 60 o 61 C.E.
Mga Kalagayan at mga Dahilan Kung Bakit Isinulat. Ang kongregasyon ng Filipos ay nagpakita ng malaking pag-ibig at pagpapahalaga kay Pablo. Di-katagalan pagkatapos niyang dumalaw sa kanila, ang kongregasyon ay bukas-palad na nagpadala sa kaniya ng materyal na mga paglalaan sa panahon ng pananatili niya nang ilang linggo sa kalapit na Tesalonica. (Fil 4:15, 16) Nang maglaon, nang ang mga kapatid sa Jerusalem ay dumaan sa isang yugto ng matinding pag-uusig at mangailangan ng materyal na tulong, ang mga Kristiyano sa Filipos, bagaman sila mismo’y napakadukha at dumaranas ng malaking pagsubok ng kapighatian, ay nagpamalas pa rin ng pagiging handang mag-abuloy nang kahit higit pa sa kanilang kakayahan. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Pablo sa kanilang mainam na saloobin anupat binanggit niya sila bilang isang halimbawa sa iba pang mga kongregasyon. (2Co 8:1-6) Sila rin ay lubhang aktibo at abala sa pangangaral ng mabuting balita, kaya lumilitaw na wala silang gaanong pakikipagtalastasan kay Pablo sa loob ng ilang panahon. Ngunit ngayon, dahil sa kaniyang pangangailangan habang nasa mga gapos ng bilangguan, hindi lamang sila nagpadala ng materyal na mga kaloob upang managana si Pablo kundi ipinadala rin nila ang kanilang personal na sugo na si Epafrodito, isang lalaking kapaki-pakinabang sa kanila. Ang masigasig na kapatid na ito ay lakas-loob na tumulong kay Pablo, anupat isinapanganib pa nga ang kaniyang sariling buhay. Dahil dito, lubha siyang pinapurihan ni Pablo sa kongregasyon.—Fil 2:25-30; 4:18.
Ipinahayag ni Pablo ang pagtitiwala na, kasuwato ng kanilang mga panalangin, siya’y palalayain mula sa pagkakabilanggong ito at muling makadadalaw sa kanila. (Fil 1:19; 2:24) Alam niya na ang pananatili niyang buháy ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila, bagaman pinananabikan niya ang panahon kung kailan siya’y tatanggapin ni Kristo sa Kaniyang sarili. (Fil 1:21-25; ihambing ang Ju 14:3.) Samantala, umaasa siyang maisusugo niya si Timoteo, na tunay na magmamalasakit sa kanila nang higit sa kaninuman na maipadadala niya.—Fil 2:19-23.
Nangingibabaw sa liham ang pag-ibig. Hindi kailanman ipinagkait ni Pablo ang komendasyon kapag nauukol, ni nag-atubili man siya sa pagbibigay ng kinakailangang pagsaway, ngunit sa kasong ito ay pampatibay-loob ang kailangan. Ang kongregasyon ay may mga kalaban, ang “mga manggagawa ng pinsala,” na naghahambog salig sa mga kaugnayan sa laman at sa pagtutuli ng laman, ngunit lumilitaw na ang mga kapatid ay hindi gaanong naaapektuhan o naliligalig nito. (Fil 3:2) Kaya hindi na kailangan ni Pablo na magharap ng matinding argumento at pagsaway, gaya halimbawa ng ginawa niya sa kaniyang mga liham sa mga kongregasyon sa Galacia at Corinto. Ang tanging pahiwatig ng pagtutuwid ay ang payo niya na magkaisa sina Euodias at Sintique. Sa buong liham ay pinatibay-loob niya ang kongregasyon ng Filipos na magpatuloy sa kanilang mainam na landasin—ang pagkuha ng higit na kaunawaan at mahigpit na pagkapit sa Salita ng buhay, isang mas matibay na pananampalataya, at pag-asa sa gantimpalang darating.
Maraming maiinam na simulaing nakasaad sa liham ang naglalaan ng patnubay at pampatibay-loob sa lahat ng mga Kristiyano. Ang ilan sa mga ito ay:
Kabanata
at talata Simulain
1:9, 10 Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga upang
hindi makatisod sa iba may kinalaman sa anumang
bagay
1:15-18 Maaari tayong magsaya kahit ang mga kaaway ng
katotohanan ay nagsasalita tungkol dito nang may
pakikipagtalo, sapagkat dahil doo’y lalong
naihahayag ang katotohanan
1:19 Mabisa ang panalangin ng mga lingkod ng Diyos
1:27, 28 Ang pagkakaisa at lakas ng loob ng mga Kristiyano sa
harap ng kanilang mga kalaban ay isang katunayan
mula sa Diyos na ililigtas niya ang kaniyang mga
lingkod at pupuksain ang kaniyang mga kaaway
2:5-11 Ang kapakumbabaan ay nagdudulot ng pagkakadakila
mula sa Diyos
2:27 Maaaring pasalamatan ang Diyos sa kaniyang awa
kapag ang isa sa kaniyang tapat na mga lingkod ay
gumaling mula sa karamdaman
3:16 Sa anumang antas nakagawa na ng pagsulong ang isang
Kristiyano, dapat na patuloy siyang lumakad nang
maayos sa rutina ring ito upang matanggap niya ang
gantimpala
3:20 Ang mga Kristiyano ay dapat tumingin sa langit,
kung saan naroroon ang kanilang pagkamamamayan,
hindi sa mga kaugnayan sa lupa
4:6, 7 Huwag mabalisa; sa anumang kalagayan ay idulog sa
Diyos ang iyong mga pakiusap, at magbibigay siya
ng kapayapaan na magbabantay sa iyong puso at mga
kakayahang pangkaisipan
4:8 Laging isaalang-alang ang mga bagay na tama at
kapuri-puri
[Kahon sa pahina 775]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG FILIPOS
Isang liham na nagpapabanaag ng pantanging buklod ng pag-ibig sa pagitan ni Pablo at ng mga Kristiyano sa Filipos
Isinulat ni Pablo noong mga 60-61 C.E. samantalang nakabilanggo siya sa Roma
Ang pag-ibig ni Pablo sa mga kapatid at ang pagpapahalaga niya sa kanilang pagkabukas-palad
Nagpasalamat si Pablo sa Diyos dahil sa iniabuloy ng mga taga-Filipos para sa ikasusulong ng mabuting balita. Udyok ng matinding pagmamahal sa kanila, ipinanalangin niya na ang kanilang pag-ibig ay sumidhi at na tiyakin nila ang mga bagay na higit na mahalaga (1:3-11)
Nababahala si Pablo sa kapakanan ng mga taga-Filipos; umaasa siyang maisusugo niya sa kanila si Timoteo, na lubusan niyang inirekomenda; nagtitiwala siya na siya mismo ay makadadalaw rin sa kanila sa di-kalaunan (2:19-24)
Upang mapanatag ang mga kapatid may kinalaman kay Epafrodito, na narinig ng mga taga-Filipos na nagkasakit nang malubha, isinugo ni Pablo sa kanila ang matapat na lingkod na ito na inatasan nilang maglingkod kay Pablo (2:25-30)
Bagaman si Pablo ay may kasiyahan sa sarili sa lahat ng kalagayan dahil sa lakas na ipinagkaloob sa kaniya mula sa itaas, lubusan niyang pinapurihan ang mga taga-Filipos sa kanilang pagkabukas-palad (4:10-19)
Mga ibinunga ng pagkakabilanggo ni Pablo
Ang pagkakabilanggo ni Pablo ay umakay sa pagsulong ng mabuting balita; ang kaniyang situwasyon ay hayag na hayag sa gitna ng Tanod ng Pretorio, at ang karamihan sa mga kapatid ay nagpakita ng higit pang lakas ng loob na salitain ang salita ng Diyos nang walang takot (1:12-14)
Ang ilan ay nangangaral nang may mabuting motibo, ang iba naman ay may masamang motibo—alinman dito ang kalagayan, si Kristo ay naihahayag; mabuhay man o mamatay si Pablo, dadakilain niya si Kristo; ngunit nadarama niyang mabubuhay pa siya upang makapaglingkod sa mga taga-Filipos (1:15-26)
Nakapagpapatibay na payo may kinalaman sa saloobin at paggawi
Gumawi sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita, nang hindi nagagawang takutin ng mga kaaway; ang mga kalaban ay mapupuksa, samantalang ang mga mananampalataya ay magtatamo ng kaligtasan (1:27-30)
Ipamalas ang pangkaisipang saloobin na gaya ng kay Kristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng kapakumbabaan at pagiging di-makasarili (2:1-11)
Bilang walang-kapintasang mga anak, sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa gitna ng isang pilipit na salinlahi, “na nananatiling mahigpit na nakakapit sa salita ng buhay” (2:12-16)
Magbantay laban sa mga nagtataguyod ng pagtutuli; ang pagtitiwala ng isang Kristiyano ay kay Kristo, hindi sa pagtutuli sa laman (3:1-3)
Si Pablo ang may pinakamataas na katayuan pagdating sa mga kuwalipikasyon sa laman, ngunit itinuring niya ang lahat ng ito bilang basura dahil sa “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo”; nagsumikap siya patungo sa gantimpala at hinimok niya ang iba na gayundin ang gawin (3:4-21)
Patuloy na magsaya sa Panginoon; magpakita ng pagkamakatuwiran at ilagak ang mga kabalisahan sa Diyos sa panalangin; punuin ang isip ng kapaki-pakinabang na mga kaisipan (4:4-9)