BAHAGHARI
Isang hating-bilog na balantok, o arko, na kakikitaan ng sari-saring kulay; isang nakikitang tanda ng tipang pangako ni Jehova na “hindi na lilipulin pa ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng isang delubyo, at hindi na magkakaroon pa ng delubyo na sisira sa lupa.” (Gen 9:11-16) Sa Hebreo, walang pantanging salita para sa bahaghari, kaya naman ang karaniwang salita para sa “busog” [sa Ingles, bow] (na panghilagpos sa palaso) ang ginagamit sa Bibliya.
Masalimuot na mga teoriya at mga pormula ang ginagamit upang ipaliwanag kung paano nabubuo ang isang bahaghari. Pangunahin na, waring kapag pumapasok ang puting liwanag sa loob ng isang patak ng ulan, ito ay bumabaluktot at nangangalat sa iba’t ibang kulay, anupat ang patak ng ulan ay nagsisilbing isang pagkaliit-liit na prisma. Bawat kulay ay tumatama sa panloob na gilid ng patak ng ulan at pinatatalbog sa isang anggulong naiiba at espesipiko. Sa gayon, ang nagmamasid ay nakakakita ng isang balantok na may kabuuang pitong kulay ng ispektrum (mula sa pinakaloob ng arko papalabas: biyoleta, indigo, asul, berde, dilaw, kahel, at pula), bagaman maaaring maghalo ang mga ito anupat apat o limang kulay lamang ang nakikita nang malinaw. Kung minsan, isa pang mas malaki at di-gaanong malinaw na “pangalawahing” balantok ang nabubuo at baligtad naman ang pagkakasunud-sunod ng mga kulay. Pinag-aaralan pa rin ng mga siyentipiko ang bahaghari. Ganito ang puna ni Carl B. Boyer: “Sa loob ng isang patak ng ulan, napakasalimuot ng inter-aksiyon ng enerhiya ng liwanag at ng materya anupat ang isa ay tuwirang inaakay sa quantum mechanics at sa theory of relativity. . . . Bagaman marami nang nalalaman tungkol sa paglitaw ng bahaghari, hindi pa ito gaanong nauunawaan.”—The Rainbow, From Myth to Mathematics, 1959, p. 320, 321.
Ang unang pagtukoy ng Bibliya sa isang bahaghari ay nasa ulat hinggil sa pakikipagtipan ng Diyos kay Noe at sa kaniyang mga supling nang makalabas na sa arka ang mga nakaligtas sa Baha. (Gen 9:8-17; Isa 54:9, 10) Ang magandang tanawing ito mismo ay malamang na nakaaliw kay Noe at sa kaniyang pamilya at nagsilbing pahiwatig ng kapayapaan sa kanila.
Maraming opinyon ang inihaharap hinggil sa kung ito ba ang unang pagkakataon na nakakita ng bahaghari ang mga tao. Ipinapalagay ng ilang komentarista na bago pa nito ay nakakita na ng bahaghari ang mga tao at na ang ‘pagbibigay’ ng Diyos ng bahaghari noong panahong iyon ay ‘pagbibigay’ lamang ng pantanging kahulugan o kahalagahan sa isang penomeno na dati nang umiiral. Marami sa mga nanghahawakan sa ganitong pangmalas ang naniniwala na ang Baha ay nangyari sa isang lugar lamang o hindi nagkaroon ng malaking epekto sa atmospera.
Gayunpaman, ito ang unang pagbanggit sa isang bahaghari, at kung mayroon nang bahaghari na nakita mas maaga pa rito, hindi na magkakaroon ng tunay na puwersa ang paggamit ng Diyos dito bilang isang namumukod-tanging tanda ng kaniyang tipan. Magiging pangkaraniwan lamang ito, at hindi magiging isang mahalagang palatandaan ng isang pagbabago, ng isang bagay na bago.
Hindi inilarawan sa Bibliya kung gaano kalinaw ang atmospera bago ang Baha. Ngunit lumilitaw na dahil sa mga kalagayan ng atmospera noon, maliban noong magkaroon ng pagbabago at “nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit” (Gen 7:11), walang sinumang nakakita ng bahaghari nang una kay Noe at sa kaniyang pamilya. Maging sa ngayon, apektado ng mga kalagayan ng atmospera kung ang isa ay makakakita ng bahaghari o hindi.
Ang karilagan, kagandahan, at kapayapaan ng isang bahaghari na lumilitaw pagkaraan ng isang bagyo ay ginagamit sa mga paglalarawan ng Bibliya tungkol sa Diyos at sa kaniyang trono. Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa Diyos, nakita ng propeta ang “isang anyong gaya ng balantok na lumilitaw sa kaulapan kapag araw na may buhos ng ulan.” Idiniriin nito ang “kaluwalhatian ni Jehova.” (Eze 1:28) Sa katulad na paraan, nakita ni Juan ang marilag na trono ni Jehova, at ‘sa palibot nito ay may isang bahagharing tulad ng esmeralda ang kaanyuan.’ Malamang na ang nakagiginhawang kulay ng bahaghari na kasimberde ng esmeralda ay nagpahiwatig kay Juan ng kahinahunan at katahimikan, at angkop naman iyon yamang si Jehova ang kumokontrol sa bawat situwasyon, anupat isa siyang maluwalhating Tagapamahala. (Apo 4:3) Nakakita rin si Juan ng isang anghel na may ‘isang bahaghari sa kaniyang ulo’ (Apo 10:1), na maaaring nagpapahiwatig na isa itong pantanging kinatawan ng “Diyos ng kapayapaan.”—Fil 4:9.