PAGKAMAKATUWIRAN
Ang salitang Griego na e·pi·ei·kesʹ, na isinasaling “pagkamakatuwiran,” ay binibigyang-katuturan bilang “naaangkop, nararapat; samakatuwid, patas makitungo, walang-kinikilingan, katamtaman, matiisin, hindi iginigiit ang kaliit-liitang detalye ng kautusan; ipinahihiwatig nito ang uri ng pagkamakonsiderasyon na nagsasaalang-alang sa ‘mga bagay-bagay sa paraang mahabagin at makatuwiran.’”—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 2, p. 144, 145.
Ang pagkamakatuwiran ay isang pagkakakilanlang katangian ng makalangit na karunungan. (San 3:17) Isa itong katangian na dapat taglayin ng isang lalaking hihirangin bilang isang tagapangasiwa sa isang kongregasyong Kristiyano. (1Ti 3:2, 3) Kailangan siyang maging makatuwiran sa kaniyang sarili mismo, sa pakikitungo niya sa iba, at sa pangmalas niya sa mga problema. Gayundin, ang mga Kristiyano sa pangkalahatan ay hinihimok na maging makatuwiran. Pinayuhan ng apostol na si Pablo ang mga taga-Filipos: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran [“pagkamapagparaya,” Int].” (Fil 4:5) At tinagubilinan naman si Tito na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Creta na “maging makatuwiran [sa literal, mapagparaya].” (Tit 3:1, 2, tlb sa Rbi8) Angkop na angkop ito noon, yamang ang mga tumatahan sa Creta sa pangkalahatan ay may reputasyon bilang mga sinungaling, mapaminsalang mababangis na hayop, at matatakaw na di-nagtatrabaho.—Tit 1:12.
Sa 1 Pedro 2:18, pinapayuhan ang mga tagapaglingkod sa bahay na “magpasakop sa mga may-ari sa kanila taglay ang buong kaukulang pagkatakot, hindi lamang sa mabubuti at sa mga makatuwiran, kundi gayundin doon sa mga mahirap palugdan.”