Ang Kahulugan ng mga Balita
Sinisira ang Pagpapahalaga sa Trabaho
“Ang telebisyon ang pinakamalaking lansakang tagaprograma sa modernong lipunan,” ang sabi ni Edward Cornish, presidente ng World Future Society, at ito’y “higit na mahalaga kaysa mga paaralan, mga magulang o mga simbahan.” Sang-ayon sa kaniya ang mga tagapanood ng telebisyon “ay isinasaprograma na taglay ang sumusunod na mga paniwala: Lahat ay may karapatan na magkaroon ng isang mataas na pamantayan ng pamumuhay gaano mang kaliit na trabaho ang gawin nila. Sa katunayan pa nga, sa kalakihang bahagi’y hindi na kailangan ang trabaho sapagka’t lahat ng malulubhang problema ay maaaring malutas sa pamamagitan ng produkto ng sino mang sponsor o tagatangkilik. Hindi dapat na ang isa’y totohanang magpagal sa kaniyang trabaho sapagka’t makahahadlang iyan sa pagtatamo ng isang tao ng katuwaan, at . . . ang laro—pagkakaroon ng katuwaan—ang layunin ng buhay.”
Sa pagtatalumpati sa isang pantanging komperensiya sa Washington, D.C., sinabi ni Mr. Cornish na bagaman ang mga aninong gumagalaw sa telebisyon ay ipinakikita sa mga eksenang sila’y nagtatrabaho roon, ang totoo’y naglalaro lamang sila, “kunwari’y nagtatrabaho—naglalakuwatsa sa kanilang trabaho.” Ang resulta, aniya, ay na “lumilikha ng TV programs ng isang lahi ng mga tao na umaasang makakamit nila ang isang pamantayan ng pamumuhay bagaman hindi sila gaanong nagpapagal upang makamit iyon,” palibhasa sila’y isinaprograma “upang maniwala na hindi na kailangan ang talagang pagpapagal at ang pagdidisiplina sa sarili.”
Mangyari pa, hindi ganiyan ang layunin ng Diyos sa tao. Kaniyang ginawa ang tao upang magtrabaho. (Genesis 2:15) Gayunman, bagaman kailangang magpagal ang tao, iyon ay magiging isang kaluguran at hindi nakababagot. Ang “kaloob” ng Diyos, ayon sa sinasabi ng Eclesiastes 3:13, ay na “bawa’t tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa.” Isa pa, ang isang taong may takot sa Diyos ay pinapayuhan na “magpagal, na iginagawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang may maibigay siya sa nangangailangan.”—Efeso 4:28.
‘Nagkakawatak-watak ang Daigdig’
“Nahahalata,” isinulat ng peryodistang si Gwynne Dyer “na ang daigdig ay nagkakawatak-watak.” Baka pinipilipit ng mga paulong-balita ang katotohanan? Hindi, ang sabi ni Dyer. “Talagang lumulubha ang mga pangyayari.” Sa peryodikong New Nigerian, isinulat ni Dyer: “Sa buong santaon ang mga higing ng giyera sa maunlad na mga bansa, at aktuwal na giyera at karahasan sa ibang mga dako, ang nangibabaw sa malubhang mga problema ng daigdig na natural na makatawag-pansin”—tulad baga ng kagipitan sa kabuhayan at yaong mga problema ng daigdig sa pagkakautang. Subali’t “ang pinakamalalaki at pinakamalulubhang digmaan,” ani Dyer, “ay hindi gaanong nakatawag-pansin, sapagka’t napakatagal nang nangagaganap.”
Hindi nagtataka rito ang seryosong mga nag-aaral ng Bibliya, na umaasang magkakaroon nga ng “mga digmaan at mga balita ng digmaan” bilang tanda ng ‘katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.’ (Mateo 24:3, 6, 7) Nguni’t sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag masindak sa lumulubhang mga kalagayan ng daigdig: “Tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagka’t malapit na ang inyong katubusan.”—Lucas 21:28, The New English Bible.