Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/1 p. 9-15
  • Pagharap sa Panahong Ito ng Karahasan Nang May Tiwala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Panahong Ito ng Karahasan Nang May Tiwala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Katuparan sa Modernong Panahon
  • “Yumaon Ka, Manghula Ka”
  • Ang Pangglobong Katuparan
  • Paghuhubad sa Sangkakristiyanuhan
  • Aklat ng Bibliya Bilang 30—Amos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Amos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Ang Kamatayan ng Isang Bansa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/1 p. 9-15

Pagharap sa Panahong Ito ng Karahasan Nang May Tiwala

“Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagsalita! Sino ang hindi manghuhula?”​—AMOS 3:8.

1. (a) Tungkol sa pangalan ni Jehova, mayroon tayo ng anong dakilang pribilehiyo? (b) Papaanong si Jehova at ang kaniyang pangalan ay dinakila ni Jesus at ni Pablo?

“ANG Soberanong Panginoong Jehova”​—anong ganda ng mga salitang iyan na tumutukoy sa Kataas-taasang Hari ng sansinukob! Sa kabila ng mga pagtutol ng mga sekta-sekta, isang dakilang pribilehiyo ang tumawag kay Jehova sa kaniyang pangalan, ang magkaroon ng matalik na kaugnayan kay Jehova at ibalita sa iba ang pangalan at mga layunin ni Jehova. Ang kaniyang Anak, si Jesus, nang narito sa lupa ay nagpahayag: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasa-akin, upang mangaral ng mabuting balita sa mga dukha.” Nang nananalangin kay Jehova, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko.” At si apostol Pablo, sa pagsipi sa mga sinaunang propetang Hebreo, ay nagsabi: “Lahat ng tatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Lucas 4:18; Juan 17:26; Roma 10:13; Joel 2:32.

2. (a) Sa papaanong si Jehova ay pinapurihan ni Amos? (b) Kasuwato ng kahulugan ng pangalan ni Amos, anong atas ang kaniyang tinanggap?

2 Si Amos ay isa sa mga sinaunang propeta. Kaniyang pinapurihan ang pangalan ni Jehova, at ang pananalitang “ang Soberanong Panginoong Jehova” ay lumilitaw nang 21 beses sa kaniyang aklat sa Bibliya. Ang kahulugan ng pangalang Amos ay “Nagdadala ng Pasanin.” Oo, siya’y nagdala ng isang mabigat na pasanin ng pananagutan, gaya ng tapat na mga saksi ni Jehova ngayon. Si Amos ay isang mag-aalaga ng tupa at maghahalaman, at lumilitaw na siya’y hindi nag-aral sa ano mang paaralan para sa gawain ng isang propeta. Gayunman ay maliwanag na alam na alam niya ang Salita ng Diyos, at sumasa-kaniya ang espiritu ni Jehova upang matapos niya ang mahirap na gawaing iniatas sa kaniya. Ano ba iyon? Iyon ay ang pag-alis sa kaniyang sariling bayan sa Juda at pagparoon bilang isang misyonerong banyaga sa naglilong sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. Doon, sa Israel, na ang kabisera’y Samaria, siya’y kailangang mangaral ng isang pabalita ng kapahamakan, na lubhang di-popular.

3. Anong napapanahong “lihim” ang inihayag sa pamamagitan ni Amos?

3 Si Amos ba ay umurong sa gawaing ito na iniatas sa kaniya? Hindi! Mga panahon iyon ng karahasan, nguni’t ang mga tao ay kailangang maging palaisip ng isang lalong “kapaha-pahamak na araw.” Ang kanilang buhay ay pulos na lamang pagkain at pag-inom. Samantalang nakasalagmak sa kanilang mga supang garing at mga likmuang de-luho, hindi man lamang nila pinag-isipan si Jehova at ang tunay na pagsamba sa kaniya. (Amos 6:3-6) Ipinasiya ni Jehova na parusahan sila, nguni’t kailangan munang bigyan sila ng babala ng isang propeta. Kaya naman, si Jehova mismo ang nagsabi: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”​—Amos 3:7.

Ang Katuparan sa Modernong Panahon

4. (a) Bakit iningatan ang sinaunang hula? (b) Sa pamamagitan ng anong alulod ipinababatid ngayon ang kahulugan nito?

4 Ang sinaunang hulang ito ba ay may kahulugan para sa atin ngayon? Oo, mayroon itong mahalagang pasabi para sa atin! Ang kinasihang Salita ng Diyos ay binuo sa ilalim ng makalangit na patnubay, at ito’y naingatan hanggang sa “panahon ng kawakasan” para sa kapakinabangan ng bayan ng Diyos “na dinatnan ng mga katapusan ng mga sistema ng mga bagay.”​—Daniel 12:4; 1 Corinto 10:11; Mateo 24:45-47.

5. Papaano tayo dapat tumugon sa pasabi ni Jehova sa Amos 3:8?

5 Ang turing ba natin sa “lihim” na ito na tinukoy sa hula ni Amos ay isang bagay na pangalawa lamang ang kahalagahan at dapat gawin kung mga libreng oras natin, wika nga? Bueno, kung tayo’y nag-iisa sa parang, at biglang-biglang binasag ang katahimikan ng atungal ng isang leon, ano ba ang ating ikikilos? Sa ganoong kalagayan na nakataya ang ating buhay, hindi ba tayo dagling kikilos? Hindi tayo magmamabagal! Hindi ba ganoon din ang ikikilos natin sa mga makahulang pasabi ni Jehova? Si Jehova mismo ang nagsasabi: “Mayroong isang leon na umungal! Sino ang hindi matatakot? Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagsalita! Sino ang hindi manghuhula?” (Amos 3:8) Kung gayon, mahalaga na ipaalam natin sa iba ang hula at pati kahulugan nito. Subali’t papaano?

“Yumaon Ka, Manghula Ka”

6. Sa papaanong ang Sangkakristiyanuhan ay nahahawig sa sinaunang Samaria?

6 Ang utos ni Jehova kay Amos ay “Yumaon ka, manghula ka sa aking bayang Israel.” (Amos 7:15) Ang apostatang kahariang iyan ng Israel ay katumbas ngayon ng Sangkakristiyanuhan, na materyalistiko sa kaniyang pangmalas, umaasa sa karahasan o sa banta ng karahasan para sa kaniyang ikaliligtas, at lumalaban sa Soberanong Panginoong Jehova, napopoot sa kaniyang pangalan. Sa kaniyang titulong “Kristiyano,” ito’y palamuti lamang ng Sangkakristiyanuhan, sapagka’t siya salansang sa napipintong Kaharian ni Kristo ng katuwiran. Sang-ayon na rin kay Jesus ang mga nasa relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay “mga manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:21-23.

7, 8. (a) Papaanong ang kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan ay pasulong na ‘inihahayag’ na sa lumipas na mga taon? (b) Anong “kalayaan” ang ibinalita na para sa “mga bihag,” at ano ang resulta?

7 Sapol nang itatag ang Kaharian sa kalangitan noong 1914, ang modernong-panahong uring Amos, ang mga Saksi ni Jehova, ay nangangaral na sa buong Sangkakristiyanuhan ng araw ng paghihiganti ni Jehova. Isang lubusang pagbibigay ng babala ang isinagawa sa mga bansa ng Sangkakristiyanuhan mula noong 1919 hanggang 1939 lalung-lalo na, at ito’y nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang kaarawan. Para sa mga Saksi ni Jehova, ang mga taon ng Digmaang Pandaigdig II, 1939-45, ay isang panahon ng pag-uusig, nguni’t isang panahon din ng reorganisasyon. Noong 1943 ang Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimulang nagsanay ng mga misyonero para sa mga ibang bansa, at nang matapos na ang Digmaang Pandaigdig II ang mga ito ay idinistino sa iba’t-ibang bansa upang palawakin doon ang pagpapatotoo sa Kaharian. Ang gawain na nasasakupan ng Sangkakristiyanuhan ay pinalawak sa gayon, lalo na sa Italya, Portugal, Espanya at sa malawak na teritoryo ng Latin Amerika.

8 “Humayo ka, manghula ka,” ang naging panawagan noon. Masigasig na mga pami-pamilya ang nanggaling sa Canada, sa Estados Unidos, British Isles, Europa at Australasia at nakisama sa mga misyonero sa mga bagong teritoryo na kung saan malaki ang pangangailangan. May pagtitiwalang ipinangaral nila ang ‘sinalita mismo ng Soberanong Panginoong Jehova.’ Ang espiritu ni Jehova ay suma-kaniyang mga saksi upang ibalita, sa buong globo, ang “araw ng paghihiganti” ng Diyos sa Sangkakristiyanuhan, at gayundin ang “kalayaan sa mga bihag” na nakabilanggo sa huwad na relihiyon. (Isaias 61:1, 2; Zacarias 4:6) Kaya naman, sa loob lamang ng 40 taon, ang resulta’y isang kagila-gilalas na pagsulong sa buwanang aberids ng mga Saksi na nagbabalita ng Kaharian: mula sa 109,794 noong 1943 ay umabot ito sa 2,501,722 noong 1983.

Ang Pangglobong Katuparan

9, 10. (a) Gaano bang kalawak ang pagbabalita noong kaarawan ni Amos, at ano ang katulad nito sa ngayon? (b) Gaya ng inilarawan ng hula ni Amos, ano ba ang pagkakilala ng diumano’y mga pagano sa Sangkakristiyanuhan?

9 May katulad na pangyayari noong kaarawan ni Amos, nang ang pasabi ng kapahamakan ay kailangang ihatid din sa Ashdod​—ang paganong sentro ng pagsamba sa karatig na Ehipto. Sapagka’t ang Soberanong Panginoon na si Jehova ay nagsalita, na ang sabi: “Ihayag ninyo sa mga palasyo sa Ashdod at sa mga palasyo sa lupain ng Ehipto, at inyong sabihin: ‘Magpisan-pisan kayo laban sa mga bundok ng Samaria, at inyong masdan ang maraming kaguluhan sa gitna niya at ang mga dayaan sa loob niya. At hindi sila marunong magsigawa ng matuwid,’ ang sabi ni Jehova, ‘silang nag-iimbak ng pandarahas at pagnanakaw sa kanilang mga palasyo.’”​—Amos 3:9, 10.

10 Sa katulad na paraan, ang modernong-panahong pasabi ng paghihiganti ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan ay lumaganap hindi lamang sa mga dakong nasasakupan niya kundi​—hanggang sa Aprika, sa mga isla sa dagat at sa maraming bahagi ng Oryente. Kung paano ang Ehipto ay ginagamit sa Bibliya bilang isang simbolo ng buong balakyot na sanlibutang hiwalay sa Diyos, gayundin na ang pasabi ng kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan ay naibalita na sa buong globo. (Ihambing ang Isaias 19:19, 20.) Marami sa diumano’y mga bansang pagano ay lubhang nakakaalam sa ‘mga kaguluhan, dayaan, kalikuan, pandarahas at pagnanakawan’ sa Sangkakristiyanuhan. Sa lumipas na mga siglo ay nasaksihan nila ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan na nakikibahagi sa mga digmaan at mga rebolusyon at nagsisilbing isang balatkayo na pinagkukublihan ng internasyonal na komersiyo sa mga armas at narcotico. Pagka sinimulan ng isang misyonero ng Watch Tower na makipag-usap sa isang Buddhist, malimit na napapaharap siya sa pagtutol na: ‘Nguni’t tingnan lamang ang moral na katayuan ng mga Kristiyano, kaming mga Buddhist ay mayroong lalong maiinam na moral, kaya’t ano’t kami’y magbabago pa?’ Kailangang liwanagin ng misyonero na ang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay ibang-iba sa pagka-Kristiyano na tinutukoy sa Bibliya. At saka lamang siya makikinig.

11. Ang kasamaan sa Samaria ay katumbas ng ano sa ngayon?

11 Tulad sa sinaunang Samaria, ganoon din sa Sangkakristiyanuhan, na ang mga politiko at mga opisyales, malalaki at maliliit, ay ‘hindi marunong magsigawa ng matuwid.’ Isa pa, sa karamihan ng diumano’y mga bansang Kristiyano, karahasan at katampalasanan ang naghahari sa mga lansangan. (Mateo 24:3, 12) Ito’y isang kapuna-punang kaibahan sa maraming “di-Kristiyanong” mga bansa na kung saan mas mapayapa ang mga kalagayan.

12. Papaanong ang Sangkakristiyanuhan ay “nag-iimbak ng pandarahas at pagnanakaw”?

12 Ang “pandarahas at pagnanakaw” ay isinasaplano rin sa lawak na pambuong daigdig at nakagigitla. Hindi sapat na sabihing ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ang pasimuno sa dalawang digmaang pandaigdig, kung kaya’t sila ang may kasalanan sa pagbububo ng dugo at pagkamatay ng humigit-kumulang 69,000,000 katao. Ngayon ang Sangkakristiyanuhan ay isang masugid na kasapakat sa pagpapaligsahan ng dalawang superpowers, “ang hari ng timog” at “ang hari ng hilaga,” at ang resulta ay ang pakikiisa ng mga bansa sa paglalagay ng pamatay na mga armas nuclear sa buong nasasakupan nilang mga teritoryo.

13. Papaanong ang politikal na mga tagapagtaguyod ng karahasan ay nakibahagi sa pagtupad sa Daniel 11:40 at Lucas 21:25?

13 Nang dumalaw sa Hapon ang pangunahing kinatawan ng “hari ng timog,” sinabi niya: “Ang tanging silbi ng pag-aari ng mga armas nuclear ay ang katiyakan na ang mga ito’y hindi gagamitin​—kailanman.” Kung gayo’y bakit sila mayroon nito? Ang dahilan ay sapagka’t si Satanas, na diyos ng sanlibutang ito, ang sumilo sa mga bansa upang mapasa-kalagayan na kung saan hindi sila makaliligtas. Bilang tugon naman sa “pagtutulak” ng “hari ng timog,” ang pangunahing kinatawan ng “hari ng hilaga” ay nagpahayag ng pag-aasinta ng medium-range nuclear missiles sa kontinental na E.U. sa pamamagitan ng “pag-iistasyon ng mga ito sa mga oseano at mga karagatan.” Lahat na ito ay tumutupad sa hula ni Jesus tungkol sa “panggigipuspos ng mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahilan sa hugong ng dagat at mga daluyong.”​—Daniel 11:40; Lucas 21:25; Apocalipsis 12:9, 12.

14. Sa papaanong ang kalagayang ito at ang magiging resulta nito ay nagpapaalaala sa atin ng mga pangyayari noong kaarawan ni Noe?

14 Katulad din noong mga araw ni Noe ang nagaganap na pagnanakawan ngayon, at paglubha ng karahasan. Ganito ang sinasabi ng kasaysayan tungkol sa panahon ni Noe: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawa’t hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi. . . . At sumamâ ang lupa sa harap ng tunay na Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.” Dahilan sa kasamaan at karahasan na iyon, ang mga balakyot ay nilipol ni Jehova sa pamamagitan ng Delubyo. At muli na naman, ngayon, kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Genesis 6:5-13; Apocalipsis 11:18; Lucas 17:26, 27.

Paghuhubad sa Sangkakristiyanuhan

15. Papaano pinapangyari ni Jehova na isang “kaaway” ang magparusa sa Samaria?

15 Sa ano ba magwawakas ang komprontasyon ng superpowers ng daigdig? May masasabi tungkol dito si Jehova, gaya ng mababasa natin sa Amos 3:11: “Kaya’t ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘May kaaway na paparito sa palibot ng lupain, at kaniyang ibabagsak ang lakas mo sa iyo, at ang iyang mga palasyo ay sasamsaman.’ ” Sino ba ang “kaaway” na ito? Noong kaarawan ni Amos ang “kaaway” ay ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Asiria. Ang makapangyarihang hukbo ng Asiria ay minaniobra ni Jehova at ginamit niya bilang isang simbolikong “pamalo” na magpaparusa sa apostatang Samaria, ayon sa sinasabi sa Isaias 10:5, 6: “Hoy, taga-Asiria, na pamalo ng aking galit, at tungkod na hawak nila para sa aking pag-iinit! Laban sa isang bansang nagtaksil sa akin, aking siyang susuguin, at laban sa bayan na aking kinapopootan pagbibilinan ko siya, upang manamsam at mandambong at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.”

16. (a) Papaano inilalarawan sa Apocalipsis 17 ang isang katumbas na komprontasyon ngayon? (b) Anong mga pangyayari ang nagpapakita na malapit na ang kapahamakan ng Sangkakristiyanuhan?

16 Sa katulad na paraan, isang armadung-armadong modernong taga-Asiria ang pangyayarihin ni Jehova na maging kaniyang “pamalo” at “palakol” sa pagpaparusa sa apostatang Sangkakristiyanuhan. Oo, ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila, sa natatanging panahong iyon ay wawasakin ng malulupit na “mga sungay”​—militarisadong malalakas na bansang politikal na kahit na ngayon ay mga miyembro ng UN. (Isaias 10:15; Apocalipsis 17:5, 16, 17) Ang hugong ng dumarating na komprontasyong iyan ay malimit na maririnig sa araw-araw na balita. Halimbawa, ganito ang sinabi kamakailan ng U.S. News & World Report: “Hindi lamang sa Poland tila nga patungo sa komprontasyon ang Katolisismo at Komunismo. Sa buong Silangang Europa, ang relasyon ng simbahan at ng mga pamahalaang Komunista ay patuloy na pumapangit sapol nang maging Papa noong 1978 ang taga-Poland na si John Paul II. Sa mga obispong Romano Katoliko sa blokeng Soviet ay nahahalata ang isang ibayong katapangan . . . . Ang mahigpit na pagtataguyod ng Papa ng kapakanang Katoliko ang lalong nagpapalubha sa panganib ng komprontasyon. . . . Hindi inililihim ng mga pamahalaang Komunista ang kanilang mga paghihinala sa Papa.”

17. Ano ba ang sinasabi ng aklat ni Amos, at ng iba pang mga hula, tungkol sa paghuhubad sa huwad na relihiyon?

17 Sa gayo’y mangyayari ang paghuhubad na sinabi ni Jehova sa Amos 3:15: “ ‘At ang mga bahay na garing ay papanaw, at ang maraming bahay ay sasapit sa kanilang wakas,’ ang sabi ni Jehova.” Ang kayamanan at materyalismo ng Sangkakristiyanuhan ay wawasakin, kasama ng buong nasasakupan ng huwad na relihiyon.​—Ezekiel 7:19; Apocalipsis 18:15-17.

18. (a) Anong pagmamataas ang susunod na gagawin ng “taga-Asiria”? (b) Ito’y hudyat ng ano, at ano ang magiging resulta sa mga lingkod ni Jehova?

18 Gayunman, ang kahulugan kaya nito ay ang agad na paglaya ng tapat na mga lingkod ni Jehova​—buhat sa mga upasala, pag-uusig, pang-aapi na dinaranas nila buhat sa sanlibutan ni Satanas? Hindi pa! Sapagka’t ang makapolitika ang kaisipan na “taga-Asiria”​—“ang pamalo” at “ang palakol” na ginagamit ni Jehova sa pagpaparusa sa apostatang Sangkakristiyanuhan​—ay may pagmamataas na dadakila ng kaniyang sarili laban kay Jehova sa pamamagitan ng pagbaling sa kaniyang tapat na mga saksi dito sa lupa. Subali’t sa walang kabuluhan! (Isaias 10:15-19) Gaya ng pagkakita ni apostol Juan sa pangitain, “ang mga hari sa lupa,” ang politikal na mga bansa ng ‘mabangis na hayop,’ ang UN, ay magsasama-sama upang makipagbaka sa iniluklok ng Diyos na “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Ito ang hudyat para sa Har-Magedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Sa pamamagitan nito ay malilipol ang lahat ng alipores ni Satanas sa lupa at maliligtas ang “sinuman na tatawag sa pangalan ni Jehova.”​—Apocalipsis 16:14, 16; 19:11, 16, 19-21; Roma 10:13.

19. Ang halimbawa ni Amos at ang katuparan ng kaniyang hula laban sa Samaria ay dapat magbigay sa atin ng anong pagtitiwala?

19 Kung gayon, papaano mo haharapin ang panahong ito ng karahasan? Tiyak na taglay ang matibay na pagtitiwala na ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang makahulang Salita! At taglay ang katigasan ng loob na kagaya niyaong kay Amos, na nangaral ng isang di-popular na pasabi ng kapahamakan sa isang bayang apostata! Subali’t paano ka makakaligtas tungo sa Bagong Kaayusan at tatamasahin ang mga pagpapala na inihahanda ng Soberanong Panginoong Jehova para sa mga umiibig sa kaniya? Ang susunod na artikulo ang sasagot sa tanong na iyan.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Paanong isang mainam na halimbawa sa atin si Amos sa pagharap sa mga panahon ng karahasan?

◻ Anong “lihim” ang pribilehiyo natin ngayon na “ihayag”?

◻ Sa papaanong ang sinaunang Samaria ay lumalarawan sa Sangkakristiyanuhan?

◻ Papaano magwawakas ang panahong ito ng karahasan, at ano ang nagpapakita na ito’y malapit na?

[Larawan sa pahina 11]

Ang Soberanong Jehova ang nagsugo sa mag-aalaga ng tupa na si Amos upang maghayag ng isang di-popular na pasabi

[Larawan sa pahina 14]

Para sa Babilonyang Dakila, ‘Sulat sa Pader’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share