Lahat ba ng Tunay na Kristiyano’y Kailangang Maging mga Ministro?
“Mula sa Diyos ang lahat ng bagay, na pinapagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo at binigyan tayo ng ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2 CORINTO 5:18.
1. Ano ang kalagayan kung tungkol sa uring klero sa kongregasyon noong kaarawan ni Pablo?
“WALANG ipinagkakaiba [noong kaarawan ni apostol Pablo] ang klero at ang lego sapagka’t noo’y walang klero.” Ang kataka-takang pangungusap na iyan, na inilathala sa London Times, ay nagpapahayag ng isang mahalagang katotohanan tungkol sa sinaunang Kristiyanismo. Ito’y hindi nababahagi sa klero at lego. Ibig bang sabihin ay walang nakikitang mga tagapanguna ang kongregasyong Kristiyano? At wala bang mga ministro anuman ang pinaka-diwa na kahulugan nito?
2. Anong uri ng pangunguna ang umiral sa sinaunang kongregasyon? (Filipos 1:1)
2 Pagkatapos ng Pentecostes, 33 C.E., nang maging libu-libo na ang dami ng pinahirang mga Kristiyano, kailangan na humirang ng kuwalipikadong mga lalaki sa bawa’t kongregasyon upang magsilbing mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod. Subali’t sila’y hindi isang uri ng klero. Ang paghirang sa kanila ay hindi depende sa isang titulo na nakamit sa isang unibersidad o seminaryo. Sila’y hindi suwelduhan. Sila’y mga lalaking mapagpakumbaba at may espirituwal na mga kuwalipikasyon, hinirang ng banal na espiritu upang mag-asikaso sa kawan. Sila ba lamang ang mangangaral ng ‘mabuting balita ng Kaharian’? Sila ba ang tanging mga ministro sa kongregasyon?—Mateo 24:14; Gawa 20:17, 28; 1 Pedro 5:1-3; 1 Timoteo 3:1-10.
3, 4. Sang-ayon kay Pablo, sino ang mga may bahagi sa ministeryong Kristiyano?
3 Ang mga tanong na ito ay sinasagot ng payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto sa kaniyang mga liham. Pansinin ang pambungad sa kaniyang ikalawang liham: “Si Pablo . . . sa kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto, kalakip ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.” Tiyak iyan—siya’y sumulat sa buong grupo ng mga pinahirang Kristiyano sa Corinto at Acaya, hindi lamang sa mga nangunguna roon. Kaya ang kaniyang mga komento sa ministeryong Kristiyano ay totoong kapit sa “lahat ng mga banal.” Salig sa kaniyang aktibidad at ni Timoteo, siya’y nangatuwiran: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa kaawaan na ipinakita sa amin, kami ay hindi sumusuko.” “Nguni’t mula sa Diyos ang lahat ng bagay, na pinapagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo at binigyan tayo ng ministeryo ng pakikipagkasundo . . . Tayo nga ay mga embahador na kumakatawan kay Kristo, na para bagang ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan natin.” Siya’y nagpapatuloy: “Sa ano mang paraan ay hindi kami nagbibigay ng ano mang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang ministeryo; kundi sa lahat ng paraan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa maraming pagtitiis.”—2 Corinto 1:1; 4:1; 5:18-20; 6:3, 4.
4 Ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig na bawa’t pinahirang Kristiyano’y kailangang maging ministro at embahador para kay Kristo. Bakit? Sapagka’t ang sanlibutan, dahil sa kasalanan nito, ay “hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos” at nangangailangan ng ministeryo ng pakikipagkasundo upang ang masunurin at tapat na mga tao buhat sa lahat ng bansa ay magkaroon ng kaugnayan sa Soberanong Panginoong Jehova sa pamamagitan ni Kristo.—Efeso 4:18; Roma 5:1, 2.
5, 6. Papaano pinatunayan ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma ang paniniwalang ito?
5 Sa kongregasyon sa Roma, si Pablo ay sumulat: “Nguni’t ano ang sinasabi [ng Salita ng Diyos]? ‘Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong sariling bibig at sa iyong sariling puso’; samakatuwid baga, ang ‘salita’ ng pananampalataya, na aming ipinangangaral. Sapagka’t kung ipinapahayag mo sa madla ang gayong ‘salita sa iyong sariling bibig,’ na si Jesus ay Panginoon, at sumasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos buhat sa mga patay, ikaw ay maliligtas. Sapagka’t sa puso nananampalataya ang tao sa ikatutuwid, subali’t sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla ukol sa ikaliligtas.”—Roma 10:8-10.
6 Ang mga salita bang iyon ay sa mga ilan lamang pinili ipinahahatid ni Pablo? Hindi, ayon sa ipinakikita ng kaniyang pambungad, sapagka’t siya’y sumulat: “Sa lahat ng mga nasa Roma bilang mga iniibig ng Diyos.” Isinusog niya: “Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo tungkol sa inyong lahat, sapagka’t ang inyong pananampalataya ay pinag-uusap-usapan sa buong sanlibutan.” Maliwanag na ang kaniyang payo at pampatibay-loob, pati Rom kabanata 10, ay sa buong kongregasyon ipinahatid ni Pablo. Ang pribilehiyo ng pagpapahayag sa madla ay para sa lahat. Oo, kaniyang pinatibay ang kaniyang argumento nang sabihin pa niya: “Subali’t, paano sila magsisitawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na tungkol sa kaniya’y hindi nila napakinggan? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? Paano naman sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat: ‘Anong ganda ng mga paa niyaong mga nangangaral ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ”—Roma 1:7, 8; 10:14, 15.
7. Papaanong ang tunay na pagka-Kristiyano ay naiiba sa mga ibang relihiyon? (Lucas 19:36-40)
7 Anong laking pampatibay-loob iyan sa bawa’t pinahirang Kristiyano! Kailangan pala na lahat sila ay may kagalakan sa paghahatid sa iba ng pang-Kahariang pabalita ng kaligtasan. Oo, sa paningin ng Diyos, ang kanilang mga paa ay magiging ‘maganda’ at dapat na ‘maganda’ sa makasagisag na diwa. Bakit? Sapagka’t ang tunay na pagka-Kristiyano ay hindi isang relihiyong maka-ako na umaakay sa pagpapalugod sa sarili, sa pagkukulong sa kombento at sa panata ng di-pag-imik. Bagkus, ang itinataguyod nito’y isang aktibong ministeryong Kristiyano na ipinapahayag sa salita at sa gawa! Ang pagiging palaisip ni Pablo tungkol diyan ay makikita sa kaniyang ibinulalas: “Sa aba ko nga kung hindi ko inihayag ang mabuting balita!”—1 Corinto 9:16; Isaias 52:7.
8. Anong mahalagang mga tanong ang napapaharap ngayon sa marami?
8 Subali’t kumusta naman ang angaw-angaw na mga tunay na Kristiyano na walang pagkapahid ng banal na espiritu sapagka’t ang kanilang pag-asa ay magkamit ng buhay na walang hanggan sa lupa, hindi sa langit? Sila ba’y kailangan ding maging mga ministro?—Awit 37:29; 2 Pedro 3:13.
Mga Ministro ba ang mga Nasa “Malaking Pulutong”?
9. Sa anong aktibidad nakikibahagi ang mga nasa “malaking pulutong”?
9 Ang aklat ng Apocalipsis ay nagbibigay ng isang kasagutan sa mga tanong na iyan. Halimbawa, pagkatapos na makita sa pangitain ang pinahirang kongregasyon ng 144,000, sinasabi ni Juan: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sino mang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nangakadamit ng mga puting kasuotan; at may mga sanga ng palma sa kanilang kamay. At sila’y patuloy na nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono at sa Kordero.’ ” Tunay na ang mga ito, na ngayo’y tinitipon upang makatawid sa malaking kapighatian, ay hindi itinatago ang pagkakakilanlan sa kanila bilang mga Kristiyano. Kanilang ipinahahayag sa “malakas na tinig” ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan. Paano nila ginagawa iyan ngayon? Isa, sa pamamagitan ng pagtulong sa munting nalabi ng mga pinahiran sa pagganap ng iba pang mahalagang mga hula at utos tungkol sa ministeryo.—Apocalipsis 7:9, 10, 14.
10, 11. (a) Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad bago siya umakyat sa langit? (b) Anong hula ang kailangang matupad sa panahon natin?
10 Halimbawa, ang lubhang karamihang ito ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa pagtupad sa utos ni Jesus na mangaral at magturo, na ibinigay niya sa kaniyang tapat na mga alagad sa Galilea. Sa pagkakataong iyon ay sinabi ni Jesus: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Ang utos na iyan ay ibinigay sa lahat ng Kristiyano, hindi sa isang piniling uring klero.—Mateo 28:18-20; 1 Corinto 15:6.
11 Ang utos ni Jesus ay may malapit na kaugnayan din sa hulang ibinigay niya tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Papaano ba tinugon ang hamong ito na ipangaral ang pabalita ng Kaharian sa buong daigdig sa panahon na ikinabubuhay ng isang salin-ng-lahi? Tunay na ang patuloy na kumakaunting libu-libong pinahirang mga Kristiyano ay hindi makagagawang mag-isa ng nagliligtas-buhay na gawaing ito. Ito’y imposibleng magawa nila!—Mateo 24:3, 14; Lucas 21:32.
12. Ano ang maligayang kinikilala ng mga pinahiran ngayon?
12 Ang mga pinahirang “kasamang tagapagmana ni Kristo” ay naliligayahan na kilalanin ang bahaging ginagampanan ng mahigit na na dalawang angaw na mga ministro ng “malaking pulutong” na nakapagpalaganap ng pabalita ng Kaharian sa buong daigdig sa loob ng isang maikli lamang yugto ng panahon. Maging noon pa mang 1930’s, marami sa mga tunay na Kristiyano ang tumanggap sa pananagutan ng ministeryo sa mga ibang bansa at nagboluntaryong maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan. Salamat na lamang sa mapagsakripisyong halimbawa ng mga kapatid na ito, sila man ay nasa uring pinahiran o “mga ibang tupa,” ang gawaing pang-Kaharian ay nagkaugat nang matibay sa maraming bansa sa Europa, Aprika, Asia at sa Amerika.—Roma 8:17.
13. (a) Paanong ang gawain ay pinabilis ni Jehova sapol noong 1943? (Isaias 60:22) (b) Anong bahagi ang ginampanan ng “malaking pulutong” sa gawaing misyonero?
13 Bago ng 1943 ang uring “tapat at maingat na alipin” ng pinahirang mga Kristiyano ay nakaunawa ng pangangailangan na magtayo ng isang paaralang misyonero upang ang mga ministrong Kristiyano ay makatanggap ng karagdagang pagsasanay at paghahanda upang mabuksan at mapabilis ang gawaing pangangaral sa marami pang lupain. Mula nang inaugurasyon nito noong 1943 at hanggang Marso 4, 1984, ang Paaralang Gilead (“bunton ng patotoo” ang ibig sabihin ng “Gilead” sa Hebreo) ay nakapagsanay ng mga 6,100 graduwado, na ang karamihan sa kanila ay idinistino sa mga ibang bansa sa buong daigdig. Mayroon lamang 292 (4.8 porciento) ng mga graduwadong ito sa Gilead ang nag-aangkin na sila’y kabilang sa uring pinahiran, kaya’t ang karamihan ng pantanging-sinanay na mga ministrong ito ay kabilang sa “malaking pulutong.” Tulad ng iba pang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig kanilang tinatanggap ang ministeryong Kristiyano bilang isang mahalagang bahagi ng buhay Kristiyano nang sila’y mag-alay ng sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Mateo 24:45-47; Hebreo 10:7.
Sa Ano Nakasalig ang Bokasyon?
14, 15. Ano ang saligan ng bokasyong Kristiyano sa ministeryo? (Mateo 22:37-40)
14 Ibig bang sabihin na ang mga Kristiyano ay may personal na bokasyon, o pagkatawag buhat sa Diyos, sa ministeryo? Totoo na may mga nasa Sangkakristiyanuhan na ang paglalarawan sa kanilang “bokasyon” ay isang labis na emosyonal na karanasan, na para bang sila’y tuwirang tinawag ng Diyos para maglingkod sa kaniya. Subali’t ang ministeryong Kristiyano ba ay nakasalig ang malaking bahagi sa emosyon na kaydali-daling lumipas?
15 Nang banggitin ni apostol Pablo ang banal na paglilingkod sa Diyos, ano ang ipinakita niyang saligan nito? Siya’y sumulat: “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran [“bilang isang gawa ng matalinong pagsamba,” Phillips; “bilang makatuwirang mga nilalang,” The New English Bible, talababa].” Oo, ang banal na paglilingkod sa Diyos ay nakasalig sa katuwiran. Sa papaano? Sapagka’t ang pag-aalay at personal na kaugnayan ng isa kay Jehova ay depende sa kaalaman sa tunay na Diyos. Kaya’t ang pagkatawag ng Kristiyano sa ministeryo, bagaman isang masayang karanasan sa ganang sarili, ay hindi resulta lamang ng isang emosyonal na karanasan. Ito’y may matibay na batayan—pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa.—Roma 12:1; Juan 17:3.
16. Ang buong-panahong hanapbuhay ba ay nagpupuwera sa isa sa pagiging ministro? (Gawa 18:1-5)
16 Nguni’t baka itanong mo, Ang mga sinaunang Kristiyano bang iyon ay mga ministro rin kahit na sila may buong-panahong hanapbuhay o mga ina ng tahanan? Oo, sila’y mga ministro rin. Baka isang napakaliit lamang na bahagi ng kanilang panahon ang ginugugol nila sa ministeryong Kristiyano, sa pangangaral at pagtuturo, nguni’t iyon ang pangunahing layunin nila sa buhay. Batid nila na kailangan nilang ‘pasikatin ang kanilang liwanag’ bilang mga tunay na alagad ni Kristo. Ang totoo sila’y mga manggagawang-ministro malaon na bago pa bumangon sa Sangkakristiyanuhan ang kaniyang kilusang manggagawang-pari.—Mateo 5:16; 1 Pedro 2:9.
Patotoo ng Kanilang Ministeryo
17, 18. (a) Anong pangkalahatang simulain ang ibinigay ni Kristo tungkol sa mga tunay na Kristiyano? (b) Ano ang tunay na ipinagmamapuri ng isang ministro?
17 Paano pinatutunayan ng mga Saksi ni Jehova na sila’y mga ministro kung sila’y walang diploma o titulo sa unibersidad? Bueno, paano ba pinatunayan ng mga sinaunang Kristiyano na sila’y mga ministro? Si Kristo mismo ang nagbigay ng ganitong pagkakakilanlan: “Ang bawa’t mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti.” Ang mga ministrong Kristiyano ay dapat magbunga “ng mabuti,” at kasali na rito ang pakikibahagi sa paggawa ng mga alagad.—Mateo 7:17.
18 Ganito iyon ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Muli baga naming pinasisimulan na ipagkapuri ang aming sarili? O kami baga, tulad ng ibang mga lalaki, ay nangangailangan ng mga liham ng pagmamapuri sa inyo o buhat sa inyo? Kayo nga ang aming liham, na isinulat sa aming mga puso at kilala at binabasa ng lahat ng tao. Sapagka’t ipinakikitang kayo’y isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga ministro, isinulat hindi ng tinta kundi ng espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas na laman, sa mga puso ng tao.” Paano nagawa ang pagsulat na iyon sa mga puso? Sa pamamagitan ng pangangaral ng tulad-binhing salita ng pananampalataya na napatanim sa puso. At ang binhing ito ang nag-udyok sa tumanggap nito na mangaral sa iba ng mensahe ring iyon ng kaligtasan.—2 Corinto 3:1-3.
19. Ano ang matibay na patotoo ng mga Saksi ni Jehova bilang mga ministro?
19 Ang mga Saksi ni Jehova ba ay may patotoo ng ‘isang liham ni Kristo na isinulat nila bilang mga ministro’? Ang mga katibayan ang nagsasalita sa ganang sarili. Noong 1931, nang unang tanggapin nila ang kanilang pambihirang pangalan, mayroon lamang mga 50,000 Saksi na nangangaral sa buong daigdig. Sang-ayon sa ulat para sa 1983 ay mayroong sukdulang bilang na mahigit na 2,652,000 mga ministro na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian kaugnay ng 46,235 kongregasyon. Oo, ang mga kongregasyon ngayon ay halos kasingdami ng mga Saksi noong 1931! Ang katotohanan ay talagang napasulat sa angaw-angaw na mga puso noong nakalipas na mga ilang dekada—at iyan ay hindi matutulang patotoo ng ministeryo ng mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10-12.
20. Bilang mga ministrong Kristiyano, ano ang kailangan natin ngayon? Anong mga tanong ang kailangan pang sagutin?
20 Higit kailanman, ngayon kailangang-kailangan ang mga ministrong Kristiyano. Ang panahon ay maikli na nguni’t napakarami pa ang aanihin. Lalo pang higit na dahilan, kung gayon, na tayo’y maging kuwalipikado at may kakayahang mga ministro na nangangaral at nagtuturo sa mabungang paraan. Papaano natin magagawa iyan? Papaano tayo magiging lalong mabibisang ministro? Ang mga halimbawa ba ni Kristo at ng mga apostol ay may praktikal na kapakinabangan para sa atin ngayon?—Efeso 5:15, 16; Mateo 9:37, 38.
Mga Puntong Rerepasuhin
◻ Paano natin nalalaman na lahat ng pinahirang mga alagad ni Kristo ay mga ministro?
◻ Anong bahagi ang ginampanan ng “malaking pulutong” sa modernong-panahong ministeryo?
◻ Sa ano nakasalig ang bokasyong Kristiyano sa ministeryo?
◻ Ano ang patotoo ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo?
[Larawan sa pahina 13]
May uring klerong Kristiyano ba noong panahon ng mga apostol?
[Mga larawan sa pahina 14]
Noong 1943 ang Paaralang Gilead ay nagbukas sa South Lansing, New York. Ang paaralan ay lumipat noong 1961 sa Brooklyn, New York
[Mga larawan sa pahina 15]
Ngayon na nasa mga bagong pasilidad malapit sa Brooklyn Bridge, ang Paaralang Gilead ay patuloy na naghahanda ng mga ministro para sa paglilingkod sa mga ibang bansa