Pinatutunayan ng mga Ministro ng Diyos ang Pagkaministro Nila
“Sino ang may sapat na kakayahan?”—2 CORINTO 2:16.
1. Sa daigdig na ito ngayon na baha-bahagi sa relihiyon, anong tanong ang maaaring ibangon nang buong katapatan?
SA KASALUKUYANG daigdig na ito na baha-bahagi sa relihiyon, taimtim na maitatanong ang ganito: Sino bang talaga ang awtorisadong ministro ng Diyos? Gayundin, si apostol Pablo ay nagtanong: “Sino ang may sapat na kakayahan para sa mga bagay na ito?” Nang mapaharap sa kanila ang hamon, si Pablo at ang kaniyang mga kamanggagawa ay nagsabi, “Kami nga”! (2 Corinto 2:16, 17) Subalit ngayon, sino ang may matatag na batayan, karapatan, at lakas ng loob na tumugon, “Kami nga”?
2. Ano ang pinakadiwa ng mga sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 2:14-17?
2 Bago sagutin ang tanong na iyan, ating isaalang-alang ang mga salitang ito ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Subalit salamat sa Diyos! Sapagkat . . . saanman tayo magpunta ay kaniyang ginagamit tayo upang ibalita sa iba ang tungkol sa Panginoon at palaganapin ang Ebanghelyo gaya ng masamyong pabango. Kung para sa Diyos ay mayroong isang mabango, kaaya-ayang samyo sa ating buhay. Ito ang samyo ni Kristo sa loob natin, isang halimuyak sa kapuwa naliligtas at sa di naliligtas sa palibot natin. Sa mga hindi naliligtas, para bang tayo’y isang kasindak-sindak na alingasaw ng kamatayan at kapahamakan, samantalang sa mga nakakakilala kay Kristo tayo ay isang pabangong nagbibigay-buhay. Subalit sino ang may kasapatan para sa ganiyang gawain? Sila lamang na, tulad ng ating sarili, ay mga taong tapat, sinugo ng Diyos, nangungusap na taglay ang kapangyarihan ni Kristo, samantalang nakapako sa atin ang mata ng Diyos. Tayo’y hindi katulad ng mga maglalako na iyon—at sila’y marami—na ang layunin ay makinabang sa Ebanghelyo upang magkaroon sila ng mariwasang pamumuhay.”—2 Corinto 2:14-17, The Living Bible; tingnan ang The Watchtower, Mayo 1, 1944, pahina 133-4.
3. (a) Paano tayo dapat maapektuhan ng kaisipan na paglalakò ng Salita ng Diyos para sa mapag-imbot na pakinabang? (b) Ano ba ang ginawa ni Pablo upang maiwasan na siya’y maging isang pabigat sa gastos sa mga taong kaniyang pinangangaralan?
3 Ang paglalako sa Salita ng Diyos para sa mapag-imbot na pakinabang—karima-rimarim ngang isipin iyan! Hindi sinikap ni Pablo na kumita nang malaki sa pamamagitan ng pangangaral ng Salitang iyan upang siya’y magkaroon ng maginhawang pamumuhay, at sa wakas ay rumetiro sa ministeryo at mamuhay sa kaginhawahan sa nalalabing bahagi ng kaniyang mga araw. Siya’y kusang gumawa ng mga tolda bilang sideline para mayroon siyang magasta para sa kaniyang sarili at matulungan pa niya ang kaniyang mga kasamahan sa paglilingkuran kay Jehova. (Gawa 18:1-4) Si Pablo ay hindi naging pasanin sa gastos sa mga taong pinangaralan niya ng mabuting balita. Kaya’t maaari naman na naitanong niya sa mga Kristiyano sa Corinto: “Ako nga ba’y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo’y mangataas dahil sa ipinangaral ko sa inyo na walang bayad ang mabuting balita ng Diyos?” (2 Corinto 11:7) Ang sagot sa tanong na iyan ay isang mariing hindi!
4. Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Pablo may kaugnayan sa Salita ng Diyos?
4 Sa ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulad sa napakainam na halimbawa ng apostol sa hindi paglalako ng walang katumbas na halagang Salita ng Diyos kundi kanilang ipinamamahagi ito sa lahat. Hindi nila ipinangangalakal ang ganiyang napakabanal na bagay. Kaya naman sila ay walang binabayarang mga klerigo, ang kanilang pangmadlang mga tagapagpahayag ay hindi nagpapabayad sa kanilang mga pahayag, at kailanma’y walang ipinapasang mga platong pangkolekta sa kanilang mga pulong. Kung ang sinuman ay nagnanais na mag-abuloy ng salapi para sa gawain, maaari siyang maghulog ng anumang halaga, kahit na napakaliit na gaya ng inihulog niyaong biyuda na “dalawang barya na pagkaliit-liit ang halaga,” at ito’y maihuhulog niya sa kahon para sa mga abuloy sa Kingdom Hall o sa mga ibang lugar pa. (Lucas 21:1-4) Ang ganiyang kusang-loob na mga abuloy ay ginagamit para sa pagtatakip ng gastos at hindi upang yumaman ang sinumang tao. Kahit ang mga pribadong tahanan ay ginagamit para sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova.—Filemon 1, 2.
“May Sapat na Kakayahan”
5. Sino ang nagbigay ng kakayahan sa mga Saksi ni Jehova para sa banal na paglilingkod?
5 Subalit sino sa ngayon ang nagbigay sa mga Saksi ni Jehova ng kakayahan na magpatuloy sa gawain ayon sa ganiyang maka-Kasulatang parisan sa kabila ng lahat ng pag-uusig at pananalansang na laging dinaranas nila? Walang sinuman kundi ang indibiduwal na nagbigay kay Pablo at sa kaniyang mga kasamahan ng sapat na kakayahan para sa banal na paglilingkod. Pakisuyong pansinin ang kalinisan ng motibo ni Pablo, na ibang-iba sa motibo ng isang relihiyosong tagapaglako: “Sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Diyos, sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami kaisa ni Kristo.” (2 Corinto 2:17) Ganiyan nagsasalita ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Subalit atin bang inirirekomenda ang ating sarili bilang mga ministro? Kailangan pa bang maglabas tayo ng mga sulat na rekomendasyon buhat sa iba?
6. (a) Bakit iniisip ng klero ng Sangkakristiyanuhan na sila’y “may sapat na kakayahan”? (b) Ano ang saligan para sa pagkakaroon ng isang tao ng sapat na kuwalipikasyon para sa tunay na ministeryong Kristiyano?
6 Hindi sumang-ayon si Pablo na ang kaniyang kuwalipikasyon para sa kaniyang ministeryo ay sa kaniya lamang nanggaling. Sinabi niya: “Ang aming sapat na kakayahan ay nagmumula sa Diyos, na siyang nagbigay sa amin ng sapat na kakayahan upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.” (2 Corinto 3:4-6) Di-tulad ni Pablo, ang mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na sila’y “may sapat na kakayahan” dahilan sa nagtapos sila sa mga seminaryo ng teolohiya. Kaya’t sinasabi nila na yaong mga hindi nagtapos sa seminaryo ay hindi kuwalipikadong mga ministro na may karapatan na magturo. Subalit ang pagkapag-aral ni Pablo sa Judaismo ay hindi nagbigay sa kaniya ng kakayahan sa ministeryong Kristiyano may kaugnayan sa bagong tipan. Si Jesus ay hindi rin naman nagtatag ng anumang seminaryo ng teolohiya para sa kaniyang 12 apostol o sa kaninuman. Gayundin naman sa ngayon, ang pagkakaroon ng isang tao ng sapat na kakayahan para sa tunay na ministeryong Kristiyano ay kailangang manggaling kay Jehova, ang pinakadakilang Guro. Mangyari pa, ang gayong ministro ay dapat magbigay ng patotoo na hindi maikakaila ninuman.
“Sino ang Nagbigay sa Inyo ng Awtoridad na Ito?”
7. Sa paanong ang mga pinuno ng relihiyon ay naiiba kay Nicodemo sa paraan ng pagkakilala nila sa awtoridad ni Jesus?
7 Hinamon ng mga pinuno ng relihiyon ang karapatan ng kahit na Anak ng Diyos na mangaral ng mabuting balita at magsagawa ng mga himala. Sa templo, “nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatandang lalaki sa bayan samantalang siya’y nagtuturo at sila’y nagsabi: ‘Ano ang karapatan mo na gawin ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?’” (Mateo 21:23) Sila’y tumangging manghinuha ng gaya ng tagapamahalang Judiong si Nicodemo nang kaniyang sabihin kay Jesus: “Rabbi, nalalaman namin na ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Diyos; sapagkat walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa maliban sa kung sumasa-kaniya ang Diyos.”—Juan 3:1, 2.
8. Pagkaraan ng mahigit na tatlong taon ng ministeryo ni Jesus, ano ang ikinilos ng mga lider na Judio sa patotoo ng kung sino nga siya at ng kaniyang awtoridad?
8 Marahil ay sinabi ni Jesus sa mga naghahamon sa kaniya, ‘Hayaan ninyong ang aking mga gawa ang magsalita para sa kanilang sarili!’ Pagkaraan ng mahigit na tatlong taon ng kaniyang pangmadlang ministeryo, marami nang tanda na nasaksihan ang mga pangulong saserdote at matatandang lalaki upang mapagbatayan ng tamang konklusyon tungkol sa kung sino nga si Jesus at ano ang karapatan niyang gumawa ng mga himala at magturo ng katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Napakatigas ang kanilang ulo upang tanggapin ang lahat ng ebidensiya na ibinibigay ni Jehova upang patunayan na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.
9, 10. (a) Bakit hindi dapat magtaka ang mga Saksi ni Jehova kung ang kanilang kuwalipikasyon bilang mga ministro ay pinag-aalinlanganan ngayon? (b) Paano ba nakitungo si Jesus sa mga lider ng relihiyon na humamon sa kaniyang awtoridad, at ano ang naging epekto nito?
9 Sa ganiyang pangyayari kay Jesus, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nga nagtataka na ang kanilang kuwalipikasyon bilang awtorisadong mga ministro ng kaniyang Ama ay pinag-aalinlanganan ng mga pinuno ng relihiyon sa ngayon. Yamang ang mga humamon sa awtoridad ni Jesus ay hindi pumansin sa kaniyang maraming mga himala, siya’y nagbangon ng tanong na naglagay sa kanila sa alanganin. At ang ganiyan ay maaari ring gawin ng kaniyang kasalukuyang mga alagad kung tungkol sa mga taong kusang nagwawalang-pansin sa mga gawa ng mga alagad na ito.
10 Nang ang mga pangulong saserdote at matatandang lalaki ay magtanong kay Jesus, “Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” Hindi siya nagharap ng isang malabong tanong kundi ang sabi niya: “Ako rin naman ay magtatanong sa inyo. Kung sasagutin ninyo ako, sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito: Ang bautismo ni Juan, saan ba nagbuhat iyan? Sa langit ba o sa mga tao?” At ang salaysay ay nagpapatuloy: “Subalit sila’y nagsimulang magkatuwiranan sa kani-kanilang sarili, na nagsasabi: ‘Kung sasabihin natin, “Nagbuhat sa langit,” kaniyang sasabihin sa atin, “Eh, bakit hindi ninyo pinaniniwalaan?” Kung sasabihin naman natin, “Nagbuhat sa mga tao,” nariyan ang karamihan na ating kinatatakutan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.’ Kaya’t sila’y sumagot kay Jesus at nagsabi: ‘Hindi namin alam.’ Kaya naman kaniyang sinabi sa kanila: ‘Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.’” (Mateo 21:23-27) Sa ngayon, ang klero ay maaaring tanungin ng mga Saksi ni Jehova ayon sa maka-Kasulatang paraan na may ganiyan ding epekto.a
11. Anong gawain ang ginawa ng mga lingkod ni Jehova bago sumapit ang 1914, at paano hindi nakapangusap gaputok man ang kanilang mga kritiko?
11 Magmula pa noong 1876 at patuloy, ang mga lingkod ni Jehova ay nagbibigay-babala sa daigdig, at lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan, na ang mga Panahong Gentil ay magtatapos sa taglagas ng 1914. (Lucas 21:24, King James Version) Hindi maaaring hindi mapansin ng klero ang paunang gawaing ito na may halos 40 taon—isang gawain na katumbas ng kay Juan Bautista. Ang mga klerigong iyon ay naghintay ng buong sigasig upang dikdikin ang editor ng magasing ito kung sakaling ang 1914 ay lilipas nang walang anumang pambihirang mga pangyayari na katumbas niyaong kaniyang ibinabala. Subalit, oo, gagaputok man ay hindi sila nakapangusap sapagkat noong Hulyo 28, 1914, ang kapayapaan ay biglang nasira nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig I!
12. Anong mga kahirapan ang kasabay at kasunod ng Digmaang Pandaigdig I?
12 Dahilan sa mga nasalanta ng digmaan at maraming mga lalaki ang hindi nangakapagtanim kaya nagkaroon ng mga kakapusan sa pagkain. Ang mga lindol ay sumapit sa maraming bahagi ng lupa, anupa’t nagdulot ng malaking pinsala at paghihirap. Noong 1915 isang lindol sa Avezzano, Italya, ang sumawi ng 29,970, at isang malakas na lindol noong 1920 ang pumatay ng 200,000 sa Lalawigan ng Kansu, Tsina. Noong 1923, mahigit na 140,000 ang namatay sa lindol sa Great Kanto sa Hapon. At nariyan din ang trangkaso Espanyola na sa loob lamang ng isang taon ay higit pa ang pinatay kaysa noong apat na taon ng digmaan. Hindi rin dapat kaligtaan ang pag-uusig sa mga lingkod ni Jehova noong unang taon ng digmaan, at umabot ito sa sukdulan nang ibilanggo ng may siyam na buwan ang presidente at sekretaryo-tesurero ng Watchtower Society at ang anim na mga kamanggagawa nila, bagaman walang kasalanan.
13. Ano ang itinatanong ng mga Saksi ni Jehova sa klero ng Sangkakristiyanuhan, at ano ang dapat aminin ng mga kritikong ito kung ang sagot nila ay tapat?
13 Sapol nang matapos ang Digmaan Pandaigdig I, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatanong sa klero ng Sangkakristiyanuhan: ‘Ang nagpapahamak na mga pangyayari ba na sumapit sa lupang ito sapol noong 1914 at patuloy ay katuparan ng inihula ni Jesus sa Mateo 24:3-13?’ Kung ang mga klerigong iyan ay tapat na sasagot ng oo, kailangang aminin nila na si Jesu-Kristo ay lumuklok na sa kaniyang makalangit na Kaharian noong 1914. Natural, yamang sinabi ni Jesus na ‘hindi na siya makikita ng sanlibutan’ at ngayo’y isa na siyang walang kamatayang espiritung persona, ang kaniyang “pagparito,” o “pagkanaririto” (presence) ay di-nakikita. (Juan 14:19; Mateo 24:3, KJ; 1 Pedro 3:18) Subalit kung aaminin nilang lahat ito mahahadlangan ang klero sa pangangatuwiran na ang yumayanig-daigdig na mga pangyayari noong 1914-18 ay isa lamang muling pagsisiklab ng dati nang paglalaban-laban ng mga bansa.
14. (a) Kung aaminin ng mga pinuno ng relihiyon ang katotohanan, sa anong gawain uubligahan sila nito na makibahagi? (b) Anong panghalili sa Kaharian ang kailangang itakwil nila, subalit anong landasin ang kailangang itaguyod nila?
14 Isa pa, kung aaminin ng klero ng Sangkakristiyanuhan na ang mga pangyayari noong 1914-18 ang tanda ng pasimula ng wakas para sa matandang sistema ng mga bagay, sila’y mauubligahan na kilalanin ang mga iba pang bahagi ng “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus at kailangang makibahagi sila sa katuparan ng kaniyang sinabi: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:14) Ito’y mangangahulugan ng pangangaral, hindi ng Ebanghelyo na kanilang ipinangangaral sa loob ng daan-daang taon na, kundi ng mabuting balita ng Kaharian na itinatag sa langit sa katapusan ng mga Panahong Gentil noong 1914. Kakailanganin na itakwil nila ang Liga ng mga Bansa bilang “ang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos sa lupa” at ituring ito at pati humalili rito, ang Nagkakaisang mga Bansa, bilang ‘ang kasuklam-suklam na paninira na tumatayo sa dakong banal.’ (Mateo 24:15, KJ) Subalit hanggang sa taóng 1986, ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay tumatangging uriin ang Liga ng mga Bansa at ang Nagkakaisang mga Bansa bilang ang “kasuklam-suklam,” o “karima-rimarim na bagay.”
15. Anong kinabukasan ang naghihintay sa klero, subalit ano ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova?
15 Samakatuwid ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay tumatangging manindigan sa panig ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Jesu-Kristo. Dahilan sa hindi nila pagsuporta rito, sila’y pupuksain sa “malaking kapighatian” na napipinto na. Subalit di-tulad nila, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsilabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at sila’y nangangaral ng balita ng Kaharian sa 203 mga lupain. Ang wala pang nakakatulad na gawaing ito ay isang litaw na bahagi ng “tanda” na nagpapatotoo na noong 1914 si Jesus ay iniluklok bilang makalangit na Hari, na magpupuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway.—Mateo 24:3, 14, 21; Awit 110:1, 2; Apocalipsis 18:1-5.
Kailangan Pa ba ang Isang Rekomendasyon?
16. Anong mga tanong ang bumabangon kung tungkol sa rekomendasyon, at ano ang sinabi ni Pablo tungkol dito?
16 Tayo ba’y nagrirekomenda nang walang batayan ng ating sarili bilang pinahirang mga saksi ni Jehova? O atin bang may kasanayang minamaneobra ang mga bagay upang maitatag ang gayong rekomendasyon para sa “mga ibang tupa” ni Jesus? (Juan 10:16) Hindi ginawa ni Pablo ang gayong bagay kundi kaniyang masasabi sa mga Kristiyanong yaon na naging mga Kristiyano dahilan sa kaniyang walang-sawang pagsisikap: “Muli baga naming pinasisimulan na irekomenda ang aming sarili? O kami baga, tulad ng ibang mga lalaki, ay nangangailangan ng mga liham ng rekomendasyon sa inyo o buhat sa inyo? Kayo nga ang aming liham, na isinulat sa aming mga puso at kilala at binabasa ng lahat ng tao. Sapagkat ipinakikitang kayo’y isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga ministro, isinulat hindi ng tinta kundi ng espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas na laman, sa mga puso ng tao.”—2 Corinto 3:1-3.
17. Bakit masasabi na si Pablo ay may sapat na kakayahan para sa ministeryo, at sa bagay na ito, ano ang masasabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova?
17 Sa tulong ng espiritu ni Jehova, si Pablo ay sumulat ng maraming aklat ng Bibliya at marami ang nakomberte niya sa pagka-Kristiyano. Kaya tunay na pinatunayan niyang siya’y may sapat na kakayahan para sa ministeryong Kristiyano. Bilang modernong kahalintulad, lalung-lalo na sapol nang unang ilathala ang magasing ito noong 1879, ang pinahirang nalabi ng mga alagad ni Jesus, bagama’t hindi kinasihan na gaya ni Pablo, ay nakagawa na ng maraming mga literatura tungkol sa Bibliya. Sapol noong 1920, sila’y nakapaglathala na ng libu-libong angaw na mga aklat, pulyeto, magasin, at tract sa maraming wika. Ang literaturang ito ay ipinamamahagi sa maliit na halaga, marami rito ay ipinamimigay nang libre sa mga dukha. Ang Watch Tower Society ay nagsaayos din naman ng walang bayad na mga pahayag sa Bibliya at nagsugo ng mga misyonero sa mga teritoryong hindi pa nagagawa sa buong mundo. Angaw-angaw na ang tumugon sa nakalimbag at bibigan na pabalita at sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo, lalo na sapol noong 1935 nang unang bigyang-linaw na isang walang bilang na “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesus ang umaasang mabubuhay nang walang hanggan sa isang naisauling paraiso sa lupa.—Apocalipsis 7:9-17; Lucas 23:43.
18. Kung hahamunin na patunayan ang kanilang kuwalipikasyon bilang mga ministro, ano ang maituturo ng pinahirang nalabi?
18 Kaya ngayon, ano kung hamunin ng klero ang pinahirang nalabi upang maglabas ng mga diploma bilang mga Doctors of Divinity? Aba, ang mga lingkod na ito ni Jehova ay makapaglalabas ng higit pang mahalagang ebidensiya! Ngayon ay kanilang maituturo ang mahigit na dalawa at kalahating milyong “mga ibang tupa” sa buong lupa at kanilang masasabi: ‘Iyan ang aming liham ng rekomendasyon!’ Kanilang mabibigkas ang mga sinabi ni Pablo at masasabi sa mga kabilang sa “malaking pulutong”: “Kayo nga ang aming liham, na isinulat sa aming mga puso at kilala at binabasa ng lahat ng tao.” (2 Corinto 3:2) Sige, basahin ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang buháy na liham na iyan na binubuo ng nag-alay at bautismadong mga Kristiyano na naglilingkod sa Diyos na Jehova araw at gabi sa kaniyang templo at tumutulong sa ‘pangangaral ng mabuting balitang ito ng kaharian sa buong lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.’ (Mateo 24:14) Tulad ng pinahirang nalabi, kanilang pinatutunayan na sila’y may sapat na kakayahan para sa ministeryong Kristiyano.
19. Anong pambihirang liham ng rekomendasyon ang iingatan para makatawid sa Har-Magedon?
19 Ang pambihirang liham na ito ng rekomendasyon ay hindi mapapawi sa napipintong “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa simbolikong dakong tinatawag na Har–Magedon. (Apocalipsis 16:14-16) Bagkus, ito’y iingatan at itatawid ng Pinakamakapangyarihang Diyos para itanghal pagkatapos ng Har–Magedon sa sistema ng mga bagay sa ilalim ni Kristong Hari. Ang “malaking pulutong” ay magsisilbing isang mabisang liham sa bilyun-bilyong mga taong nangamatay na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay bubuhayin ng Diyos na Jehova sa panahong iyon buhat sa mga libingang pang-alaala sa buong lupa! Kaya’t patuloy na sumulat kayo ng liham, kayong pinahirang nalabi! At patuloy naman na tulungan ninyo sila, kayong “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol!
[Talababa]
a Halimbawa, tingnan ang mga parapo 13 at 14 sa ibaba.
Ano ang Komento Ninyo?
◻ Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova si Pablo sa hindi paglalakò ng Salita ng Diyos?
◻ Ano ang batayan para sa pagiging may sapat na kakayahan ng isang tao para sa tunay na ministeryong Kristiyano?
◻ Kung aaminin ng mga pinuno ng relihiyon ang katotohanan, sa anong gawain obligado silang makibahagi?
◻ Anong pambihirang liham ang maituturo ng pinahirang nalabi bilang patotoo na sila ay may sapat na kakayahan bilang mga ministro?