Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 2/15 p. 24-30
  • Mabisang Ministeryo Nagbubunga ng Higit Pang mga Alagad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mabisang Ministeryo Nagbubunga ng Higit Pang mga Alagad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Saligan? At ang Pabalita?
  • Ikaw ba’y Nang-aatake o Nang-aakit?
  • Kung Paano Mararating ang Puso
  • Kaninong mga Alagad?
  • Paano Magiging Mabibisang Ministro
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Lahat ba ng Tunay na Kristiyano’y Kailangang Maging mga Ministro?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • “Lubusang Ganapin Mo ang Iyong Ministeryo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Maging mga Ministrong Progresibo at Madaling Makibagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 2/15 p. 24-30

Mabisang Ministeryo Nagbubunga ng Higit Pang mga Alagad

“Ito ang kaniyang mga kaloob: ang ilan upang maging . . . mga ebanghelista, ang ilan upang maging mga pastol at mga guro, upang ang bayan ng Diyos ay sangkapan para sa gawain sa paglilingkod sa kaniya.”​—EFESO 4:11, 12, The New English Bible.

1. Ano ba ang damdamin ni Kristo sa mga tao?

SI KRISTO JESUS ay hindi isang ermitanyo. Ang kaniyang ministeryo ay lubusang ibinagay sa mga tao. Sa apat na ulat ng Ebanghelyo si Jesus ay halos laging kasangkot sa mga tao. Sa panahon ng kaniyang paglalakbay ay nakita niya ang kanilang tunay na kalagayan at siya’y lubhang nahabag sa kanila. Kung isa kang ministrong Kristiyano, ikaw ba’y nahahabag sa mga taong iyong nakakausap?​—Mateo 9:35, 36.

2. Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Jesus?

2 Sa ministeryong Kristiyano ngayon ay kasangkot din ang mga tao. Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay palaisip sa bagay na iyan. Sa kanilang paglilingkod sa Diyos ang mga Saksi ni Jehova ay nakikibagay sa mga taong kanilang nilalapitan. Sa buong daigdig sila’y makikitang nakikipag-usap sa mga tao​—sa mga lansangan, sa mga bahay-bahay, sa mataong mga dakong pamilihan, sa mga istasyon ng bus, ng subway at ng tren, sa mga pabrika, opisina at mga lugar ng negosyo. Saanman mayroong tao, ang mga Saksi ay naroroon at nagsisilbing mga ebanghelisador. Bakit nga? Sapagka’t ang salitang “ebanghel” ay galing sa salitang Griego na euaggelion, na ang ibig sabihin ay “mabuting balita.” Tulad ni Kristo, bawa’t Kristiyanong saksi ni Jehova ay kailangang maging ministro ng mabuting balita, isang ebanghelisador. Samakatuwid ang bawa’t saksi ay kailangan ding makitungo sa mga tao.​—2 Timoteo 4:5; Efeso 4:11, 12.

3. Ano ang pinakamabisang paraan ng ministeryong Kristiyano?

3 Papaano dapat isagawang mabisa ang pag-eebanghelyong ito? Ang pamamahayag ba sa radio at sa TV na ginagamit ng napakaraming relihiyon ang tunay na sagot? Bueno, tanungin ang iyong sarili, Ang iyo bang mga tanong ay kusang masasagot ng radio at TV? Hindi​—ang mga iyan, sa isang diwa, ay mga paraan lamang ng komunikasyon. Ang pinakamabisang ministeryo ay yaong ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, pakikipag-usap nang harapan sa mga taong humahanap ng katotohanan. Subali’t nangangailangan ito ng panahon at pagpapagod, at ipinaghalimbawa ni Pablo sa isang simpleng ilustrasyon: “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, nguni’t ang Diyos ang patuloy na nagpalago; anupa’t walang anuman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago.”​—1 Corinto 3:5-7.

4. Ano ang tatlong yugto sa mabisang ministeryo?

4 Ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng tatlong yugto sa ministeryong Kristiyano​—pagtatanim, pag-aalaga at pag-aani. Sa papaano? Una, nariyan ang pagtatanim, nang unang-unang marinig ng isa ang mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ang kasunod nito ay pag-aalaga, kasali na ang pagdidilig sa itinanim. Papaano ginagawa iyan? Sa pamamagitan ng higit pang pakikipag-usap upang sagutin ang mga tanong at nang maalis ang mga pag-aalinlangan. Malimit na ito’y humahantong sa isang regular na pakikipag-aral ng Bibliya at dito ang katotohanan ng Bibliya ay malalim na napapatanim sa puso at isip ng taong inaaralan; kung ito’y pagpapalain ng Diyos, ang resulta’y paglaki. At sa wakas ay nariyan ang isa pang aktibong alagad ni Kristo Jesus, isa pang ministro. Papaano ngang lahat tayong mga ministro ay magkakamit ng maligayang pagpapalang iyan ng pag-aani ng isang alagad?

5. Ano ang tutulong sa atin upang maging mabisang mga ministro?

5 Gaya ng binanggit ng ating nauunang artikulo, ang kaniyang mga alagad ay tinuruan ni Jesus ng praktikal na paraan ng pagganap ng kanilang ministeryo. At binanggit ni Pablo ang kaniyang “mga paraan may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (1 Corinto 4:17) Ang sunud-sunod na mga kongregasyon na napatatag sa Asia Minor at Gresya katulong siya ay mariing patotoo ng kaniyang tagumpay. Natalakay na natin ang ilan sa kaniyang mga paraan (pati ng kay Jesus), nguni’t mayroon pa bang iba na maaaring mabisang magamit ngayon?

Ano ang Saligan? At ang Pabalita?

6. Ano ang kailangang maging pinaka-batong-panulok ng ating ministeryo?

6 Sa ano kailangang isalig ang pabalitang Kristiyano? Sa karunungan at pilosopya ba ng tao? Ang liham ni Pablo kay Timoteo ang nagbibigay ng malinaw na sagot: “Nguni’t ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at naakay ka na paniwalaan, yamang nalalaman mo . . . na mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo.” Maliwanag, ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, ang kailangang maging pinaka-batong-panulok ng ating ministeryo.​—2 Timoteo 3:14-17.

7, 8. Papaano nagpakita si Jesus at si Pablo ng halimbawa tungkol sa paggamit ng mga teksto sa Kasulatan?

7 Sa bagay na ito si Kristo Jesus ang nagpakita ng halimbawa​—lagi siyang sumisipi sa Kasulatan; ganoon din si apostol Pablo. Halimbawa, siya ba’y naparoon sa Tesalonica na ang kaniyang itinuturo’y pilosopong Griego? Hindi, sapagka’t gaya ng sinasabi sa atin ng ulat: “Kaya’t gaya ng kinaugalian ni Pablo siya’y pumasok sa kinaroroonan nila, at may tatlong sabbath na siya’y nakipagkatuwiranan sa kanila buhat sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga pagbanggit na ang Kristo ay kailangang magdusa at muling mabuhay sa mga patay.”​—Gawa 17:1-3.

8 Ano ang resulta? “Ang iba sa kanila ay naging mga mananampalataya.” Samakatuwid, sa pagtulad sa paraan ni Pablo, ang ating pangangaral ngayon ay kailangang nakasalig sa Salita ng Diyos. Kaya tayo’y binigyan ng inimungkahing tema sa Bibliya para ipakipag-usap sa mga tao sa ating ministeryo. Kaya naman ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay maaaring makagising sa damdamin ng mga taong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.​—Gawa 17:4.

9, 10. (a) Ano ang kailangang maging tema ng ating pangangaral ngayon? (b) Magbigay ng mga halimbawa buhat sa ministeryo ni Pablo.

9 Ngayon ang susunod na tanong ay, Anong pabalita ang dapat nating ipangaral? Bueno, ano ba ang tema ng ministeryo ni Kristo? Alam na alam ni Jesus ang pagkasugo sa kaniya, sapagka’t sinabi niya: “Kailangang ipangaral ko rin sa mga ibang lunsod ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagka’t ito ang dahilan ng pagkasugo sa akin.” Tungkol sa mga huling araw ng ating kasalukuyang sistema, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Lucas 4:43; Mateo 24:14.

10 Ang ganito ring pagdiriin ay makikita sa pangangaral ni Pablo. Halimbawa, sa mga Judio na nasa isang sinagoga “siya’y nagsalita nang may katapangan sa loob ng tatlong buwan, na nagpapahayag at gumagamit ng panghihikayat tungkol sa kaharian ng Diyos.” Sa mga nasa Roma, ‘kaniyang ipinaliwanag ang bagay na iyon sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.’ Samakatuwid ang “kaharian ng Diyos” ang dapat na maging tema ng ating ministeryong Kristiyano sa ngayon.​—Gawa 19:8; 28:23, 31.

Ikaw ba’y Nang-aatake o Nang-aakit?

11. Ano ang malimit na reaksiyon ng mga tao pagka napaharap sa isang Saksi, at paano natin mababago iyan? (Gawa 17:17, 18)

11 Noong unang siglo, ang mga tao ay baha-bahagi sa relihiyon, sa lahi at sa nasyonalidad gaya rin ngayon. (Gawa 2:7-11) Ibig sabihin niyan na karamihan ng tao ay mayroon nang dating mga kuru-kuro kung tungkol sa relihiyon. Kadalasan ay inaakala nilang sila’y pinagbabantaan at sila ay nagtatanggol ng kanilang panig pagka may nakaharap silang Saksi. Paano natin mababago iyan? Sa pamamagitan ng paggamit ng kabaitan, ng taktika at ng pakikibagay.

12, 13. Paano nagsalita si Pablo sa mga mananamba sa idolo sa Atenas? Ano ang naging epekto nito sa kanila?

12 Pansinin kung paano pinakitunguhan ni Pablo ang gayong kalagayan sa Atenas na kung saan ang mga tao ay mga mananamba sa idolo. Ang unang epekto sa kaniya nang makita niya ang napakaraming idolo ay pagkayamot. Nang siya’y tumayo upang magsalita sa Areopago, agad ba niyang inatake ang kanilang pagsamba sa mga idolo? Ang kaniyang pambungad ay: “Kayong mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay ay waring higit sa mga iba’y kayo ang lalong malaki ang takot sa mga diyus-diyosan. Halimbawa, samantalang ako’y nagdaraan at matamang nagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba nakasumpong din ako ng isang dambana na may nakasulat na ‘Sa isang Diyos na Di-kilala.’ Kaya yaong inyong sinasamba nang wala kayong malay, ito ang ibinabalita ko sa inyo.”​—Gawa 17:16-23.

13 Sa pambungad na mga salitang iyon, pinalayo ba ni Pablo ang damdamin ng kaniyang mga tagapakinig? Hindi. Ang kaniyang paraan ay mataktika, hindi dogmatiko. Hindi niya hinatulan sila, kahit na sa paningin ng Diyos ay walang kabuluhan ang kanilang pagsamba. Siya’y naroroon upang mangaral ng balita ng Kaharian, hindi upang mang-atake sa kanila. Kaniyang nakilala na sila’y panatiko sa kanilang relihiyon kaya ginamit niya ito na pinaka-tulay para maiharap niya ang kaniyang tema tungkol sa tunay na Diyos at sa Kaniyang kinatawan, ang binuhay-muling si Jesus. Ano ang resulta ng mataktikang paraang ito? Bueno, bagaman ang iba sa kanila ay nanlibak, “Ang iba’y nagsabi: ‘Sa ibang araw na kami makikinig uli sa iyo tungkol dito.’ ” Oo, siya’y inanyayahan na dumalaw uli!​—Gawa 17:22-32.

14. Paano natin matutularan si Pablo sa ating ministeryo?

14 Papaano natin matutularan ang paraang ito sa ating ministeryo sa ngayon? Unang-una, kailangang listo tayo na mapansin ang mga tanda na nagpapahiwatig sa relihiyosong paniniwala ng isang tao​—marahil ipinakikita ito ng isang relihiyosong bagay na kaniyang suot o makikita sa pinto o sa bulwagan ng kaniyang tahanan. Samakatuwid, tulad din ni Pablo, kadalasa’y mahihiwatigan natin ang punto-de-vista ng isang tao tungkol sa relihiyon. Ito’y nagbibigay sa atin ng ideá ng pambungad, na palakaibigan, pumupukaw ng interes nguni’t hindi nagbabangon ng pagtatalo. Tandaan na tayo’y dumadalaw sa isang tao unang-una upang makipag-usap tungkol sa Kaharian ng Diyos​—hindi upang mapasangkot agad-agad sa pagtatalo tungkol sa mga turo. Ibig natin na makaakit ng mga tao, hindi ng mga pagtatalo.​—Ihambing ang 2 Timoteo 2:23-26.

15. Ano pang maiinam na aral ang matututuhan natin sa ministeryo ni Jesus? (Lucas 10:38-42)

15 Ano pa ang maaari nating matutuhan sa halimbawa ni Kristo? Pagka sinuri natin ang kaniyang ministeryo ating makikilala ang kaniyang matibay na paniniwala at pagkasimple. Ang kaniyang saloobin ay hindi naapektuhan ng ano mang kalagayan kundi siya’y nagsalita nang buong linaw tungkol sa Kaharian ng Diyos sa lahat ng uri ng kalagayan, maganda man o pangit. Siya’y nakapangangaral sa katahimikan ng isang tahanan o nakatatayo sa harapan ng isang lubhang karamihan ng mga tao at nakapagsesermon​—nang walang nota, Bibliya o mikropono! Siya rin naman ay makamahihirap. Ang mga taong maralita ay nakalalapit sa kaniya. Siya’y nakikipag-usap sa mga magbubukid, sa mga mamamalakaya, sa kani-kanilang wika. Ang kaniyang mga paghahalimbawa ay praktikal bagaman malalalim ang kahulugan. Tayo ba’y may ganito ring maiinam na katangian sa ating ministeryo?​—Mateo 4:18-25; 13:1-33; Lucas 5:1-3.

Kung Paano Mararating ang Puso

16. Bakit tayo kailangang maging mga kuwalipikadong guro?

16 Pangkaraniwan ay kailangan ang panahon at maingat na pakikipag-aral sa isang tao bago siya makumbinsi ng pabalita ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kaya mayroon tayo ng regular na kaayusang pakikipag-aral ng Bibliya sa tahanan, walang bayad o obligasyon, sa kanino mang tao na ibig magsuri ng mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ang gayong mga pag-aaral ay maaaring tumagal ng mahaba-habang panahon at sumasaklaw ng maraming paksa at mga tanong. Kaya kailangan nga na tayo’y maging mga kuwalipikadong guro. Nguni’t anong talaga ang pinakabuod ng turo?​—1 Timoteo 4:16.

17. Ano ang kaisa-isang paraan na ginamit ni Jesus upang marating ang puso?

17 Minsan pang bumaling tayo kay Jesus para sa sagot. Papaano siya nagturo? Pakisuyong suriin ang sumusunod na mga teksto at tingnan kung nakikilala mo ang simpleng sistema ni Jesus ng pagtuturo sa iba: Lucas 6:9, 32-34, 39-42. Ano ba iyon? Siya’y nagbangon ng mapagkakakilanlang mga tanong. Bakit niya ginawa iyon? Upang tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na mangatuwiran at suriin ang kanilang sarili sa liwanag ng kaniyang mga turo. Sa pamamagitan ng mga tanong niya ay mataktikang narating niya ang kanilang mga puso. Kanilang ipinakita kung talagang ibig nilang maging kaniyang mga alagad o kung ang kanilang mga motibo sa pakikinig ay paimbabaw lamang.​—Mateo 13:10-17; Marcos 8:34-38.

18. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay napakadalas gumamit ng mga tanong sa kanilang mga publikasyon? (b) Anong paraan ang hindi natin dapat gamitin nang malawakan sa pagtuturo sa iba?

18 Halos lahat ng mga babasahing pantulong sa pag-aaral sa Bibliya at ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo ay may mga tanong sa bawa’t parapo ng paliwanag sa teksto. Ito’y isang tulong sa pagtuturo para ang mga nag-aaral ng Bibliya ay magpahayag ng kanilang sarili sa sariling pananalita nila. At nagliliwanag kung ang pinag-aaralan ay naiintindihan o hindi ng taong inaaralan. Gayunman, bagaman sa maraming pagkakataon ay nagbangon si Jesus ng maraming tanong, iyon ay hindi niya ginawang isang laro lamang na páhulaan sa pamamagitan ng kaniyang pagbibigay ng unang salita o pantig ng isang sagot. Ikaw ba kung minsan ay nahuhulog din sa ganiyang pamamaraan sa iyong mga inaaralan ng Bibliya? Bakit iyan hindi isang mabuting pamamaraan na gamitin nang regular? Sapagka’t ang kaalaman sa Diyos at kay Kristo na humahantong sa kaligtasan ay dapat na nakasalig sa katuwiran at matinong pangangatuwiran, hindi sa walang kabuluhang hula-hula lamang.​—Juan 17:3; 1 Juan 5:20.

Kaninong mga Alagad?

19, 20. Anong paalaala ng pag-iingat ang kinakailangan dito? Bakit?

19 Isang paalaala ng pag-iingat ang kinakailangan dito. Kung tayo’y nangangaral at nagtuturo nang mabisa sa mabungang teritoryo, sa bandang huli’y umaani tayo ng mga alagad. Nguni’t kanino bang mga alagad sila? Dapat ba nating isipin na sila’y “aking mga tupa”? At bilang mga ministro’y dapat ba nating payagang mapalagay tayo sa pedestal ng labis-labis na papuri? Pansinin ang iginawi ni Pablo at ni Bernabe nang ibig ng mga taga-Listra na sila’y tratuhin na parang mga diyos. Sila’y sumigaw sa karamihan ng mga tao: “Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami’y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nagdadala sa inyo ng mabuting balita, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Diyos na buháy.”​—Gawa 14:14, 15.

20 Hindi itinawag-pansin nina Pablo at Bernabe ang kanilang sarili. Bagaman sa mga Kristiyano’y ipinayo ni Pablo na tularan siya, gaya ng pagtulad niya kay Kristo, hindi niya gustong sila’y maging kaniyang mga alagad. Ang ministeryong ating isinasagawa ay kailangang laging sa ikaluluwalhati ng Diyos, hindi ng mga tao.​—1 Corinto 3:6, 7; 11:1.

21. Bakit ang mga alagad ay nagiging mga ministro rin?

21 Pagdating ng panahon, ang mga alagad ay nagiging mga ministro. Bakit nangyayari iyan? Bueno, ano ang nangyayari pagka tayo’y mayroon talagang mabuting balita na masasabi? Maaatim ba nating masarili iyon? Bagkus, nag-uumapaw ang ating kagalakan na sabihin iyon sa iba. Gaya ng sabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng kabutihan sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, . . . sapagka’t sa kasaganaan ng puso nagsasalita ang kaniyang bibig.” Ganiyan nga kung tungkol sa mabuting balita ng Kaharian. Ang alagad na ang puso’y napukaw ay nagnanais na magturo sa iba at palagian at kusang-loob na lumahok sa ministeryo. Ang kasunod nito’y pag-aalay ng sarili sa Diyos at pagpapabautismo. Sa ganito’y patuloy na paulit-ulit ang sunud-sunod na hakbang sa paggawa ng mga ministro, kasuwato ng simulain ng payo ni apostol Pablo kay Timoteo: “Ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na sapat ring masasangkapan upang magturo sa iba.”​—Lucas 6:45; 2 Timoteo 2:2.

22. (a) Bakit si Jehova ay bumuo ng isang organisasyon ng mga guro at ebanghelisador? (b) Anong gawain ang kailangang gampanan sa hinaharap?

22 Sa ngayon, sa buong lupa, ang Diyos na Jehova ay may pinakamagaling ang pagkasanay sa organisasyon ng mga tagapagturo, mga ebanghelisador, mga ministro sa ika-20 siglo. Mahigit na 2,600,000 ang nakikibahagi sa pangkatapusang pagpapatotoo na isinasagawa bago sumapit ang wakas sa masamang sistemang ito. Subali’t ang lumalagong pulutong na ito ay inihahanda para sa isang lalong malaking hamon​—ang pagtuturo sa bilyun-bilyon na magsisibalik pagka sila’y binuhay-muli. Ikaw ba’y handa na makibahagi sa ganiyang kahanga-hangang pribilehiyo? Ang iyo bang ministeryo ay mabunga ngayon? Maging panalangin sana natin na ang ating liwanag ay sumikat sa ikaluluwalhati ng Diyos, samantalang tayo’y naglilingkod bilang mabibisang ministro.​—Mateo 5:16; Juan 5:28, 29.

Mga Puntong Tinalakay

◻ Ano ang pinakamabisang paraan ng pangangaral ng mabuting balita?

◻ Sa ano kailangang nakasalig ang ating turo? Ano ang pabalita?

◻ Anong mga katangian ang kinakailangan upang ang mga tao’y makinig sa atin?

◻ Paano narating ni Jesus ang mga puso ng kaniyang mga tagapakinig?

◻ Anong pag-iingat ang kinakailangan sa ating pagtuturo sa iba?

[Larawan sa pahina 26]

Ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral saanman mayroong mga tao

[Larawan sa pahina 28]

Pagka tayo’y nagpapatotoo, dapat na magmasid tayo sa mga pagkakakilanlan sa relihiyon ng isang tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share