“Ang Panahong Natitira ay Maikli Na”
1. Bakit ang iba’y naniniwala na ang panahon ay paubos na para sa sangkatauhan?
ANG panahon ay paubos na para sa sistemang ito ng mga bagay. Ang isang dahilan kung bakit marami ang may ganiyang paniniwala ay sapagka’t nanganganib ang mismong buhay ng sangkatauhan. Aba, ang isang digmaang nuclear ay waring kaylapit-lapit na sa ngayon na anupa’t sinasabi na walang natitira kundi “tatlong minuto bago maghatinggabi”!
2. Ano ang sinabi ng isang peryodista tungkol sa nagbabantang digmaang nuclear?
2 Ang Australyanong peryodista na si Nick Brash ay sumulat tungkol sa paksang “Ang Anino ng Bomba” at ang sabi: “Ang isang palito ng gelignite na tumitimbang ng kalahating kilo ay sapat na upang pasabugin ang katawan ng isang tao. Nguni’t ang nakatalaksang mga bombang nuclear ngayon ay katumbas ng apat na tonelada ng gelignite para sa bawa’t lalaki, babae at bata sa ibabaw ng mundo. Mahigit na $500 bilyon ang takda na gugulin sa mga armas nuclear at mahigit na $40 bilyon ang gugugulin sa mga armas sa buong daigdig sa taóng ito [ng 1983]. Isang halaga ito na di-maubus-maisip at gagastahin sa pagkitil ng labis-labis na pagkarami-raming buhay. Katumbas ito ng pag-iisprey sa kaisa-isang lamok ng 10 lata ng Mortein [insecticide].”—The Sun Weekend Magazine (Melbourne, Australia), April 23, 1983.
3. Ano ang masasabi tungkol sa maaaring maging epekto ng digmaang nuclear?
3 Mahirap na gunigunihin ang maaaring maging epekto ng digmaang nuclear. Bukod sa pagkamatay ng daan-daang milyon, sa kulandong ng radyoaktibidad sa buong globo, sa epekto sa likas na kapaligiran at iba pa, magkakaroon ng di-kapani-paniwalang pagkasira ng panlipunan, pampolitika at pangkabuhayan na mga pamamalakad sa buong lupa. Sa katunayan, inaamin ni Dr. Brian Martin, isang pisisista at mananaliksik sa Australian National University: “Walang sapat na nalalaman upang mahulaan nang tiyakan ang lahat ng epekto sa buong globo ng digmaang nuclear.”
4. (a) Bakit matitiyak natin na hindi pupuksain ng sangkatauhan ang ganang sarili niya sa isang digmaang nuclear? (b) Paano natin nalalaman na ang panahon ay paubos na para sa kasalukuyang sistema ng mga bagay?
4 Ang hinaharap ay waring nagbababala ng masama. Subali’t para sa mga umiibig sa Diyos, kayo’y magpakalakas-loob! Bagaman ang panahon ay paubos na para sa kasalukuyang sistema ng mga bagay, hindi pupuksain ng sangkatauhan ang ganang sarili niya sa isang walang patumanggang digmaang nuclear. Matitiyak natin iyan, sapagka’t si Jehova, “ang Nag-anyo at Gumawa” ng lupa, “hindi niya nilalang ito na nasa masalimuot na kaguluhan, kaniyang ginawa ito na nasa anyong tatahanan.” (Isaias 45:18, Byington) Mangyari pa, kung ang sangkatauhan ay ililigtas sa pagkapuksa, kailangan ang dagling pagkilos ng isang kapangyarihang nakatataas sa tao at siyang makapagwawasak sa sistemang ito, pati na sa kabaliwan nito na nag-uudyok para sa gayong pagdidigmaan. Nakatutuwang malaman, hindi na magtatagal at pupuksain ng Maylikha ng planetang Lupa at ng tao ang balakyot na sistemang ito na gustong magpatiwakal. Ang panahon nito ay maikli na sapagka’t “ang dakilang araw ni Jehova” ay kaylapit-lapit na! (Zefanias 1:14-18) Subali’t, anong laking kaaliwan na malaman na sa panahon ng mabilis na dumarating na araw na ito ng pagtutuos, ‘iingatan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya, nguni’t lahat ng mga balakyot ay kaniyang lilipulin’!—Awit 145:20.
Gaanong Panahon ang Natitira?
5. Ayon sa Apocalipsis 6:9, 10, ano ang ibig maalaman ng mga pinahirang tagasunod ni Jesus?
5 Walang bahagya mang alinlangan na ang Diyos ay kikilos laban sa kaniyang mga kaaway. Subali’t gaano pang katagal bago niya wakasan ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at ihalili rito ang kaniyang Bagong Sistema ng kapayapaan at katuwiran? Baka ikaw ay isang saksi ni Jehova na ibig makaalam ng kasagutan sa tanong na iyan. Sa bagay na ito, ang nadarama mo ay katulad ng pinaslang na pinahirang mga Kristiyano na binabanggit sa Apocalipsis na sumisigaw na nagsasabi: “Hanggang kailan pa, Soberanong Panginoon banal at totoo, ang pagpipigil mo mula sa paghatol at paghihiganti ng aming dugo sa mga nananahan sa lupa?” (Apocalipsis 6:9, 10) Oo, sa makasagisag na pangungusap ibig maalaman ng mga pinahirang iyon kung kailan ipaghihiganti ng Diyos ang kanilang dugo. Hindi kataka-taka na lahat ng mga Saksi ni Jehova ngayon ay may pananabik na naghihintay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon!—Apocalipsis 16:14-16.
6, 7. (a) Tungkol sa panahon, ano ang sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 7:29? (b) Anong pangungusap ni Pedro ang nagdiriin sa katotohanan na ang sistemang ito ay magwawakas sa kapahamakan?
6 Ang pinahirang mga saksing iyon na nagbubo ng dugo dahilan sa kanilang katapatan kay Jehova ay nakahanay para sa isang gantimpala, sapagka’t ang Bibliya ay nagsasabi: “At binigyan ang bawa’t isa sa kanila ng maputing kasuotan; at pinagsabihan silang mamahinga pa sandali, hanggang sa mabuo din ang bilang ng mga kapuwa nila alipin at ng kanilang mga kapatid na noo’y handa na ring pataying katulad nila.” (Apocalipsis 6:11) Matitiyak natin na ang Diyos ay kikilos sa kaniyang itinakdang panahon. Sa katunayan, ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 7:29 ay angkop na angkop. Buong linaw na sinabi niya sa mga kapananampalataya: “Ang panahong natitira ay maikli na.”
7 Ang mga salita ni Pablo ay hindi lamang nagdadala sa mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ng pampatibay-loob kundi nagpapakita rin na ang buhay ng mga Kristiyano ay dapat na nakatuon sa apurahang gawain na iniatas sa kanila ng Diyos. Sa nahahawig na diwa, si apostol Pedro ay sumulat: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” (1 Pedro 4:7) Batid ni Pedro na ang sistemang ito ay nakatakdang magwakas sa kapahamakan. Diyan patungo iyan!
8. Ano ang dapat maging epekto sa mga lingkod ni Jehova ng pagkaalam na malapit na ang wakas ng sistemang ito?
8 Idiniin kapuwa ni Pablo at ni Pedro ang katunayan na ang sistemang ito ng mga bagay ay hinatulan ng kamatayan. Ito’y hindi dapat kalimutan ng mga tunay na Kristiyano. Ang wakas ay darating sa kaarawan natin, at lahat ng ebidensiya ay nagpapakita na ito’y pagkalapit-lapit na nga. Kung gayon, sa araw-araw na lumilipas ay dapat ngang mabanaag sa atin ang paniniwalang iyan. Gayundin, ngayon na nasa dulung-dulo na tayo ng mga huling araw ng sistemang ito dapat na tayo’y maging disidido na gawin ang ating buong makakaya sa mabuti at totoong apurahang gawaing ito na pangangaral ng mabuting balita bilang nalinis na at masisikap na mga saksi ni Jehova.—Tito 2:13, 14.
Nasa Dulo Na ng “Panahon ng Kawakasan”
9. Sa ano abalang-abala ang karamihan ng mga tao sa ngayon, at mayroon bang katulad na pangyayari noong una?
9 Binanggit ni Jesu-Kristo sa kaniyang hula na sa panahon ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ang mga tao ay magiging abalang-abala sa kanilang pamumuhay. Sila’y magiging katulad ng mga tao noong kaarawan ni Noe at ni Lot sa gayong pagkaabalá sa buhay. “Magiging ganiyan din sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag,” ang sabi ni Jesus, na ang tinutukoy ay yaong panahon ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto, na panahon ng pagpuksa sa balakyot na sistemang ito.—Lucas 17:26-30.
10, 11. Anong ebidensiya ang inihaharap dito upang ipakita na malapit na ang wakas ng sistemang ito?
10 Pag-isipan din ang mga hula na nasusulat sa Mateo 24, Marcos 13 at Lucas 21. Sa hula ni Jesus ay binanggit niya ang mga bagay na talagang hindi masusupil ng tao—gaya ng mga salot at malalakas na lindol. Gayundin, may “lumalagong katampalasanan” sapol noong 1914. Ang mga balita ngayon, lalo na sa malalaking siyudad, ay malimit na pulos mga balita ng krimen at kabulukan. Higit pa ang ibig sabihin nito kaysa pag-uulat lamang ng dumaraming krimen, sapagka’t ang umiiral ngayon ay ang hindi na pagkilala sa ano mang batas, at ang pag-ibig ng lalong marami ay tiyak na lumalamig.—Mateo 24:12.
11 Gayundin, mahahalata ngayon ang “panggigipuspos ng mga bansa” sapagka’t hindi alam ng mga tao kung paano nila lulusutan ang kanilang dumaraming mga problema. (Lucas 21:25, 26) At, nariyan din na kumakaunti ang bilang ng mga taong kabilang sa “lahing ito” ng 1914, na hindi lilipas bago matupad ang lahat ng inihula ni Jesus para sa panahon natin. (Mateo 24:34) Isang malinaw na tanda rin ito na malapit na ang wakas ng sistemang ito.
12. Ano ang tiyak na pinakamatinding patotoo na tayo’y nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan”?
12 Maraming karagdagang ebidensiya ang maihaharap upang patunayan na tayo’y nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Subali’t tiyak na ang pinakamatinding patotoo na tayo’y malapit na sa wakas ng sistemang ito ay ang pambuong daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Kailanma’y ngayon lamang nangyari ang bagay na iyan. Oo, sa 203 mga bansa sa buong mundo ay mahigit na 2,842,500 mga saksi ni Jehova ang masigasig na nagsasagawa ng mabuting gawain na pangangaral ng nakagagalak-pusong balita na si Kristo’y naghahari na sa Kaharian sapol noong 1914. At sinabi ni Jesus na pagka ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay naipangaral na sa buong tinatahanang lupa, kung magkagayo’y “darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Mamuhay na Kasuwato ng Payo ng Bibliya
13. Paano natin dapat unawain ang sinabi ni Pablo na “ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala”?
13 Ngayong ang natitirang panahon ay maliwanag nga na maikli na at malapit na ang wakas, ang bayan ni Jehova ay kailangang mamuhay na kasuwato ng payo ng Bibliya, tulad niyaong sinulat na mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 7:29-31. Pagkatapos na pagkatapos sabihing “ang panahong natitira ay maikli na,” siya’y sumulat: “Mula ngayon ang mga lalaking may-asawa ay maging mga tulad sa wala.” Dito hindi ibig sabihin ng apostol na ipagwawalang-bahala ng isang lalaking Kristiyano ang kaniyang asawang babae. Hindi, kundi samantalang may katapatang inaasikaso ng isang lalaki ang kaniyang mga pananagutan bilang asawa, ang dapat na unang-unang nasa kaniyang puso at isip ay yaong kaniyang kaugnayan sa Diyos, at sisikapin niyang ang kaugnayang ito’y mapasulong ang relasyon niya sa kaniyang asawa.
14. Ayon sa 1 Corinto 7:30, paano dapat malasin ng mga mangangaral ng Kaharian ang personal na mga problema, at iba pa?
14 Sa 1 Cor 7 talatang 30, sinabi naman ni Pablo: “At ang mga nagsisiiyak ay [maging] tulad sa mga hindi nagsisiiyak, at ang mga nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak, at ang mga nagsisibili ay maging tulad sa mga walang inaari.” Ano ang ibig sabihin niyan? Ang kinasihang mga salitang ito ay nagdiriin sa katotohanan na ang personal na mga bagay, maging iyon man ay mga ari-arian, mga kalungkutan o mga kagalakan, ay hindi siyang importanteng mga bagay para sa mga ministro ng Kaharian. “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari” ay dumarating sa lahat sa atin at maaaring baguhin nitong bigla ang ating mga kalagayan. (Eclesiastes 9:11; Santiago 4:14) Kung gayon ay hindi dapat na tayo’y padaig sa mga kalungkutan, kahirapan at sarisaring personal na mga problema na anupa’t ang mga ito’y totoong nakahahadlang sa ating ministeryo, ang ating pinagpalang gawain na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.
15. Bakit sukdulan ng kamangmangan na ang isang Kristiyano’y maging abalang-abala sa personal na mga bagay na may kinalaman sa materyal na mga ari-arian, at iba pa?
15 Sa 1 Corinto 7:31, sinabi ni apostol Pablo: “[Hayaang] ang mga nagsisigamit ng sanlibutan ay [maging] tulad sa mga hindi nagpapakalabis ng paggamit.” Dahil sa ang mga tao ng sanlibutan ay walang pag-asa na nakasalig sa Bibliya, sila’y walang iniisip kundi ang kanilang araw-araw na mga pangangailangan at mga ambisyon o mithiin. Kalimitan ay ibig nilang pahangain ang iba sa pamamagitan ng materyal na mga ari-arian. Subali’t, gaya ng niliwanag ni apostol Juan, “ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ay isa sa “mga bagay na nasa sanlibutan” na “hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.” At tinitiyak sa atin ni Juan na “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:16, 17) Samakatuwid, sukdulan ng kamangmangan na ang isang Kristiyano, na nakaharap sa pag-asang buhay na walang hanggan, ay maging abalang-abala sa personal na mga bagay na anupa’t wala na siyang panahong natitira para sa mga intereses ng Kaharian. (Mateo 6:25-32; ihambing ang Filipos 2:19-22; 2 Timoteo 4:10.) Bagaman hindi masama na magtamasa ng pakinabang sa materyal na mga ari-arian at ng ilang kalugud-lugod na kaaliwan, huwag nating pahintulutang sa mga bagay na ito nakasentro ang ating buhay.—Lucas 12:15.
16. Anong saloobin at mga tunguhin ang malimit na mayroon ang mga taong makasanlibutan, subali’t ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa mga lingkod ni Jehova?
16 Para sa mga taong makasanlibutan, o yaong mga taong kulang ng tunay na espirituwalidad, malimit na iriklamo nila ang kanilang kalagayan sa buhay. (Ihambing ang Judas 16.) Kung sila’y masasakitin, baka laging iniririklamo nila ang gayong kalagayan ng kanilang pangangatawan. Gayundin, para sa mga dukha naman, baka sila nagririklamo dahilan sa hindi sila mayaman. Aba, ang gayong mga bagay na gaya baga ng mabuting kalusugan at malaking kayamanan ay nagiging marubdob na mga tunguhin nila sa buhay! Sila’y nagsusumakit na makamit ang mga iyan, at pagka hindi nila nakamit ay baka manaig sa kanila ang matinding kalungkutan. Subali’t para sa nag-alay na mga lingkod ni Jehova ang “banal na paglilingkod” ang pinakamahalaga. (Roma 12:1, 2) Totoo, bagaman tayo’y mga lingkod ni Jehova, mayroon tayong mga problema na dapat harapin. Gayunma’y hindi dahil dito ay nagiging mga mapagbulong tayo, mga riklamador tungkol sa ating kalagayan sa buhay. Tayo’y binigyan ng Diyos ng gawain na kailangang isagawa, at sa pinagpalang aktibidad na ito ay nagbibigay tayo ng unang-unang pansin. Oo, tayo’y may kagalakan, sapagka’t ang mga kapakanan ng Kaharian ang inuuna natin sa ating buhay.—Mateo 6:33.
17. Kung tungkol sa mga pagkaabala, ano ang hindi dapat payagan ng mga lingkod ni Jehova na makaabala sa kanila?
17 Kung gayon, ano ang pinakamatalinong dapat gawin ng mga lingkod ni Jehova? Bueno, maaari nating gamitin ang ilang mga bagay at serbisyo na inilalaan ng sanlibutan, subali’t huwag nating payagan na tayo’y maabala ng mga ito at mahadlangan sa ating paglilingkod sa Diyos. (Lucas 21:34-36) Tandaan na walang ano mang bagay sa kasalukuyang sistema ang mananatili. Ang mismong pagbabagu-bago nito ay maaaring makaabala. Oo, gaya ng sinabi ni Pablo, “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Subali’t huwag nating payagan ito na makaabala sa atin sa paglilingkod kay Jehova.
Gawing Masikap ang Gawain ng Panginoon
18. (a) Yamang tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” magbuhat pa noong 1914, ang ating mga buhay ay dapat na punuin natin ng anong gawain? (b) Kung tayo’y laging magawain sa Panginoon, ano ang malamang na mangyari sa mga problema sa buhay?
18 Ngayong naliwanagan tayo sa espirituwal na mga bagay, nakikilala natin ang napakaraming ebidensiya na tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” magbuhat pa noong 1914. Kung gayon, tunay na hindi natin ibig na magpakalabis sa paggamit sa sanlibutan na para bagang magkukulang tayo ng ano mang bagay kung hindi natin gagawin iyon. Bagkus, ang ating mga buhay ay punuin natin ng “gawain ng Panginoon.” Tayo’y dapat na ‘maraming gawain sa Panginoon, yamang alam natin na ang ating pagpapagal ay hindi walang kabuluhan may kaugnayan sa Panginoon.’ (1 Corinto 15:58) Kung gayon, ang totoong pagkaabalahan mo ay ang pangangaral at pagtuturo ng mga katotohanan ng Kaharian. Ano ngayon ang malamang na mangyari sa mga problema sa buhay? Aba, matatabunan na ang mga ito at sa iyo’y hindi na gaanong magiging mahalaga at nakaliligalig ang mga suliraning gumagambala sa iyo!
19. Ano ang ibig sabihin ng ‘pagtitiis hanggang wakas’?
19 Nang sinasalita ang kaniyang dakilang hula tungkol sa mga huling araw ng sistemang ito, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “kapopootan ng lahat ng tao” dahil sa kaniyang pangalan. “Nguni’t,” sinabi pa niya, “ang magtiis hanggang wakas ang siyang maliligtas.” (Marcos 13:10-13) Para sa atin na mga taong nag-alay ng ating buhay kay Jehova, ang “wakas” ay maaaring “ang katapusan ng sistema ng mga bagay” o ang ating sariling kamatayan, baka pagkatapos na maghirap tayo buhat sa kamay ng ating mga mang-uusig. (Mateo 24:3) Sa alinman sa dalawang iyan, tayo’y may limitadong panahon upang gawin ang gawain ng Panginoon. Kung gayon, hindi baga tayo dapat maging masigasig at masikap sa pangangaral ng pabalita ng Kaharian? Dapat nga!
Lubhang Napapanahon Na ang Pagkilos!
20. Paanong ang mga Israelitang nakalaya buhat sa pagkabihag sa Babilonya ay nagpakita ng kanilang pagkabahala sa pagsamba kay Jehova?
20 Nang ang mga bihag na Judio’y makalaya buhat sa pagkabihag sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E., sila’y kailangang magpasiya. Sila ba’y dapat bumalik sa kanilang sariling lupain at isauli roon ang pagsamba kay Jehova, o sila ba’y mananatili sa Babilonya? Ang mga Israelita na namalagi sa lunsod na iyon ay hindi naman masasabi na mga balakyot, sapagka’t ang matanda nang si Daniel ay isa sa kanila. Maaari silang magbigay sa magsisibalik na nalabi ng materyal at moral na pagsuporta at sila’y makapagpapadala rin ng “kusang handog” ukol sa bahay ni Jehova sa Jerusalem. (Ezra 1:2-4) Sa ganoo’y makatutulong sila upang mapasulong ang tunay na pagsamba. Anong saya marahil ng lahat ng mga mananamba kay Jehova nang ang nalabi ay pauwi na sa kanilang sariling bayan, na dala ang mga banal na kagamitan na gagamitin sa templo ni Jehova! At ang mga may dala ng mga banal na gamit na ito ay kailangan munang maglinis ng sarili buhat sa lahat na ano mang pagkahawa nila sa maruming relihiyon at asal ng Babilonya.—Isaias 52:11.
21. (a) Anong mga tanong ang inihaharap dito upang pag-isipan mo? (b) Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” ano ang totoo tungkol sa mga pagkakataon na ipangaral ang mabuting balita?
21 Ikaw ba’y kagaya ng nakalayang mga Israelitang iyon noong may 25 siglong lumipas na may pagkabahala tungkol sa tunay na pagsamba? Itinuturing mo ba na isang masayang pribilehiyo na magsagawa ng banal na paglilingkod kay Jehova bilang bahagi ng isang nilinis at masikap na organisasyon na nagpaparangal sa kaniyang banal na pangalan? Iyo bang nakikilala ang maraming ebidensiya na tayo’y nabubuhay sa dulo ng “panahon ng kawakasan”? Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na ito, tiyakin mo na ikaw ay gumagawa ng positibong pagkilos sa mismong sandaling ito. Unahin mo sa iyong buhay ang pagtataguyod sa mga intereses ng Kaharian. Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” ang ating kasalukuyang mga pagkakataon na ipangaral ang mabuting balita ay nagiging higit at higit na mahalaga. Mapalad ang lahat ng mga taong ang buhay ay nakasentro sa Kaharian bilang tapat na mga saksi ni Jehova na may maraming gawain sa pangangaral ng mabuting balita habang may panahon pa!
Ano ang mga Sagot Mo?
◻ Bakit ang panahon ay paubos na para sa sistemang ito ng mga bagay?
◻ Paano natin nalalaman na tayo ay nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan”?
◻ Kung tayo’y laging magawain sa Panginoon, ano ang malamang na mangyari sa ating mga problema?
◻ Yamang ang wakas ay malapit na, ano ang dapat nating unahin sa ating buhay?
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga problema sa buhay ay huwag sanang makaabala sa atin sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian