Buháy ang Salita ng Diyos
Siya’y May Pananampalataya at Tibay ng Loob—Mayroon Ka Rin Ba?
ANG munting Israelitang batang babaing ito ay binibihag ng isang pangkat ng tulisan na mga Siriano. Sa wakas siya’y dinala sa asawang babae ni Naaman, ang komandante ng hukbo ng Siria. Samantalang siya’y nasa teritoryo ng hari, malayo sa kaniyang tahanang Israel, siya’y naging alila ng asawa ni Naaman.
Si Naaman ay isang magiting at matapang na lalaki na kinaaalang-alanganan. Datapuwat, ang matapang na kumandanteng ito ng hukbo ay may sakit na ketong, na umuubos ng mga bahagi ng katawan ng isang tao. Doon sa Israel, bago nabihag ang batang ito, nabalitaan na ng munting Israelitang ito ang tungkol sa mga himala ng Diyos na Jehova na ginawa sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Eliseo, kasali na pati ang pagbuhay-muli sa namatay na anak ng isang babae. (2 Hari 4:8-37) Di tulad ng marami, ang munting batang ito ay may lubusang pananampalataya sa mga himala ng Diyos, at siya’y may lakas ng loob na magsalita tungkol sa mga himalang ito.
Kayat isang araw, gaya ng nakikita ninyo rito, ang sabi ng bata sa asawa ni Naaman: ‘Kung ang panginoon ko ay pupunta sa Samaria, naroon ang propeta ni Jehova na magpapagaling sa kaniya sa kaniyang sakit na ketong.’ Bueno, mayroong nagpunta kay Naaman at nagbalita ng ganoong sinabi ng batang Israelita. At si Naaman ay hangang-hanga!
Gaya ng nakalarawan dito, maguguni-guni natin si Naaman na lumalapit sa bata at nagsasabi ng ganito: ‘Ako ang puno ng hukbo ng Siria. Gayunman ay nangahas kang sabihin sa akin na pumunta sa iyong bayan, sa propeta ng iyong Diyos, upang ako’y mapagaling sa aking ketong. Ikaw na paslit, ikaw ay may malaking pananampalataya at lakas ng loob, hindi mo inalintana na baka ako magalit sa iyo at ako’y pinagpakitaan mo ng ganitong kabaitan. Ako’y hihingi ng pahintulot sa hari ng Siria upang ako’y makaparoon sa Israel.’—2 Hari 5:1-5.
Nakikita mo ba ang iyong sarili sa kalagayan na kagaya ng sa batang Israelitang ito? Ikaw ba’y may kabatiran tungkol sa kabutihan ni Jehova at kung paano nilayon niyang lumikha ng isang bagong sistema ng mga bagay na doo’y lahat ng tao ay magiging malusog at maaaring mabuhay magpakailanman? (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Aba, karamihan ng tao ngayon ay walang gaanong alam tungkol sa mga bagay na ito!
Kaya, bilang isang bata, baka ang katulad mo’y yaong batang nakalarawan dito. Ang titser at ang mga ibang estudyante sa klaseng ito ay hindi nakakakilala kay Jehova. Kung gayon, kung mayroon kang pagkakataon, magkakaroon ka kaya ng pananampalataya at lakas ng loob na magsalita at tulungan ang iba na pumaroon kung saan sila makakatanggap ng espirituwal na pagpapagaling?
Ngunit ano ang nangyari kay Naaman? Siya ba’y gumaling? Iyan ay ibang kuwento, at saka na uli natin pag-uusapan iyan.