Armagedon—Isang Digmaan na Nagbibigay-Daan sa Tunay na Kapayapaan
SA WIKA ng mga taong may kinalaman sa relasyon ng mga bansa, ang salitang ginagamit upang tumukoy sa situwasyon ng daigdig ay MAD—Mutual Assured Destruction. Ang salitang iyan ay angkop na angkop. Noong nakalipas na 40 taon sapol nang pasabugin ang bomba atomika sa Hiroshima, Hapon, totoong malaki ang isinulong ng mga arsenal ng armas nukleyar sa daigdig. Sang-ayon sa mga ulat ang mga ito ay umabut sa katumbas ng 12 libong milyong tonelada ng TNT, o mga 3 tonelada para sa bawat tao sa lupa!
Bilang ang Isa “na hindi lumikha [sa lupa] nang sa walang kabuluhan, na siyang lumikha nito upang tahanan,” hindi pahihintulutan ng Diyos na Jehova ang mga bansa na magpatuloy sa kanilang pagpapatiwakal. (Isaias 45:18; tingnan din ang Awit 104:5.) Bago sila magkaroon ng pagkakataon na gamitin ang kanilang mga armas na pamatay sa pagpuksa sa isa’t-isa, at sa pagwawasak sa kapaligiran, ang Maylikha at May-ari ng lupa at ng lahat ng naririto ay babangon at kikilos na. Kaniyang ipinangako na magaganap ito sa “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang Armagedon kung tawagin sa Bibliya!—Apocalipsis 16:14, 16.
Samakatuwid, ang Armagedon ay hindi lamang isang digmaan upang lutasin ang kasalukuyang usapin ng mga bansa. Isasagawa nito ang hindi magawa ng tao noong nalakarang mahabang panahon. Wawakasan nito ang lahat ng sanhi ng digmaan ng tao. Itatatag nito ang tunay na kapayapaan sa lupa. Higit sa lahat, isasauli nito ang matuwid na pamamahala sa lupa sa May-ari, si Jehovang Diyos, upang maghari siya sa lahat ng kaniyang mga nilalang. Paano nga magaganap ang lahat ng ito? Tingnan natin.
Kapayapaan—Pagka Nalipol Na ang mga Gamit sa Digmaan
Ang isang dahilan kung bakit hindi maalis ng mga bansa ang digmaan ay sapagkat hindi nila maalis ang mga gamit sa digmaan. Bagamat batid nila na ang patuloy na pagpaparami at pagpapaunlad ng mga armas ay isang pagpapatiwakal, ayaw nilang ihinto ito. ‘Kamangha-mangha’ nga, pagka si Jehova ay kumilos na at ginawa ang hindi magawa ng mga bansa: “Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:8, 9.
Noong nakaraan ay ipinakita ni Jehova na maaari niyang pawalang-saysay ang pinakamahuhusay at totoong kakilakilabot na mga armas na maaaring taglayin ng mga bansa. Halimbawa, ang waring walang pananggalang na bayan niya, ang mga Israelita, ay iniligtas niya sa kapangyarihan ng unang makapangyarihang bansa sa daigdig, ang Ehipto, nang paurungin niya ang mga tubig ng Dagat na Pula. (Exodo 15:3-5) Gayundin naman, si Haring Jabin ng Canaan, na may “siyam na raang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal,” sa pangunguna ng kaniyang punung-hukbong si Sisera, ay tunay na walang nagawa nang pasapitin ni Jehova ang isang biglaang baha. Ang mga kaaway ay nagkagulo nang dikawasa, at sila na rin ang naglipulan sa isa’t-isa. Ang resulta nito ay na “hindi na nagambala ang lupain sa loob ng apatnapung taon.”—Tingnan ang Mga Hukom, kabanata 4 at 5:21, 31.
Ang pakikipagbakang iyan laban sa hukbo ni Haring Jabin ay naganap sa libis ng Kishon, “sa tabi ng tubig sa Megiddo.” (Hukom 5:19-21) Binibigyan tayo nito ng pangitain ng lubos na pagtatagumpay ni Jehova sa darating na digmaan ng Armagedon.
Kung mayroon mang gagamitin si Jehova na mga “mahiwagang” puwersa laban sa kaniyang mga kaaway, iyan ay hindi natin alam. Ang alam natin ay na kaniyang magagamit ang anumang puwersa upang lubusang lipulin ang hukbo ng mga bansa. Halimbawa na lamang, may kaalaman ang mga siyentipiko tungkol sa isang malakas na electromagnetic pulse—na kahit sila’y magagawa nila sa pamamagitan ng pagpapasabog ng bomba nukleyar buhat sa itaas—na sa pamamagitan nito’y mawawasak nila ang sistema ng komunikasyon at lakas ng hukbo ng isang bansa, at sa ganoo’y inilalagay sa masalimuot na kaguluhan ang lahat ng bagay doon. Makatuwiran nga na iwalat ni Jehova ang lahat ng mga arsenal ng lahat ng bansa upang maitayo ang lubos na kapayapaan.
Kapayapaan—Tanging Para sa mga May Ibig Dito
Malimit na sinasabi na ang digmaan ay ipinaglalaban ng mga tao, hindi ng mga armas. Samakatuwid, bagamat kailangan na ang gamit sa digmaan ay maalis, hindi garantiya iyan na mananatili ang kapayapaan. Kung ibig nating masaksihan ang tunay na kapayapaan, ang makapolitika, panglahi, at pambansang mga pagkakapootan na bumabahagi sa daigdig sa napakaraming bloke ay kailangang maalis din. Ito’y gagawin ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapangyari ng idinadalangin ng angaw-angaw na mga tao sa daigdig: “Dumating nawa ang kaharian mo.”—Mateo 6:9, 10.
Bagamat ang natupad na hula sa Bibliya ay malinaw na nagpapakita na natatag na ang Mesiyanikong Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo noong Digmaang Pandaigdig I nang taong 1914, ito’y hindi tinanggap ng mga bansa. Walang isa man sa kanila ang nag-isip na isuko ang kanilang pagkasoberano. Sa halip, sa kanilang pagsisikap na mapamahalaan ang daigdig, sila’y napasangkot sa pinakamalaking digmaan na naganap hanggang nang panahong iyon.
Ganito ang pagkasabi ng ikalawang Awit tungkol sa nangyari: “Bakit ang mga bansa ay nagugulo at ang mga bayan ay nag-aakala ng walang kabuluhang bagay? Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda at ang matataas na pinuno ay nagsasanggunian laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.” Kaya naman ang utos ni Jehova sa kaniyang Hari, si Jesu-Kristo, ay: “Sila’y iyong babaliin ng isang pamalong bakal, iyong dudurugin sila na parang sisidlan ng magpapalayok.”—Awit 2:1, 2, 9; 110:2.
Ang pananagumpay na ito ng pinahirang Hari ng Diyos ay inilalarawan sa Apocalipsis 19:11–20:3. Ang Salita ng Diyos, si Jesu-Kristo, na suportado ng mga hukbo ng mga anghel, ay nakasakay sa isang maputing kabayo, “at siya’y humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran. . . . At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang mahabang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito’y utasin niya ang mga bansa.” Pagkarami-rami ang napapatay na mga balakyot. Sa kaniyang ganap na pagtatagumpay, ang nagwaging Hari ay makikitungo naman ngayon sa pinagmumulan ng lahat ng kaabahan o pagdurusa sa lupa. Ang pangitain sa Apocalipsis ay naglalarawan nito na para bagang ito’y naganap na, na ang sabi: “Kaniyang sinunggaban ang dragon, ang matandang ahas, ang Diyablo at Satanas, at iginapos siya nang isang libong taon.”
Kapayapaan—Isang Libong Taon at Pagkatapos Pa Nito
Iyo bang maguguniguni ang ibubunga sa sangkatauhan ng isang libong taon ng kapayapaan? Kinikilala ngayon ng mga pinuno ng daigdig na ang gutom, sakit, at karalitaan sa mga bansa ay maaaring maalis kung kahit isang kudlit ng daan-daang bilyong dolyar na ginugugol sa mga armas taun-taon ay ginagamit para maalis ang nasabing mga bagay. Gunigunihin lang ang mangyayari pagka lahat ng kayamanan ng lupa ay ginamit sa mabuti. Hindi isang panaginip lamang ang inilarawan ni Isaias tungkol sa paghahari ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo: “Ang kasaganaan ng maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas.”—Isaias 9:6, 7.
Ang mahalagang tanong ay: Ikaw ba ay makakaligtas sa Armagedon upang magtamasa ng walang hanggang kapayapaan? Marahil ay itatanong mo, ‘Ano ba ang kailangan kong gawin upang makaligtas?’ Narito ang payo ng Bibliya: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsisigawa ng ayon sa kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran. Hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:2, 3) Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na makatulong sa inyo sa bagay na ito. Kung gayon, ang Armagedon ay magiging para sa inyo, hindi isang digmaan na lubusang magwawasak, kundi isang digmaan na umaakay tungo sa tunay na kapayapaan.
[Larawan sa pahina 6]
Sa Dagat na Pula ipinakita ni Jehova na kaniyang mapawawalang-saysay ang matitibay na mga armas sa digmaan