Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
“Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—AWIT 46:9.
1. Anong kamangha-manghang pangako ng kapayapaan ang masusumpungan natin sa hula ni Isaias?
“ANG gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan sa payapang dakong tirahan at sa mga tiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.” (Isaias 32:17, 18) Anong gandang pangako! Ito ay pangako ng tunay na kapayapaan na pangyayarihin ng Diyos.
2, 3. Ilarawan ang tunay na kapayapaan.
2 Subalit ano nga ba ang tunay na kapayapaan? Ito ba’y basta pagkawala lamang ng digmaan? O ito kaya’y isang panahon lamang ng paghahanda ng mga bansa para sa susunod na digmaan? Isa bang pangarap lamang ang tunay na kapayapaan? Ito ang mga tanong na kailangan natin ng mapananaligang sagot. Una, higit pa kaysa sa isang pangarap ang tunay na kapayapaan. Ang ipinangako ng Diyos na kapayapaan ay makapupong higit kaysa sa anumang inaakala ng sanlibutang ito. (Isaias 64:4) Hindi ito kapayapaan sa loob ng ilang taon o ilang dekada lamang. Ito’y mamamalagi magpakailanman! At hindi ito kapayapaan para lamang sa ilang nakaririwasa—saklaw nito ang langit at lupa, ang mga anghel at ang mga tao. Umaabot ito sa mga tao sa lahat ng bansa, lahi, wika, at kulay. Wala itong mga hangganan, walang mga hadlang, walang mga kabiguan.—Awit 72:7, 8; Isaias 48:18.
3 Ang tunay na kapayapaan ay nangangahulugan ng kapayapaan sa araw-araw. Nangangahulugan ito na gigising ka tuwing umaga na hindi man lamang sasagi sa iyong isip ang digmaan, anupat hindi ka nababalisa tungkol sa iyong kinabukasan, sa kinabukasan ng iyong mga anak, maging sa kinabukasan ng iyong mga apo. Nangangahulugan ito ng ganap na kapayapaan ng isip. (Colosas 3:15) Nangangahulugan ito na wala nang krimen, wala nang karahasan, wala nang mga pamilyang watak-watak, wala nang mga palaboy, wala nang mga taong nagugutom o naninigas sa ginaw, at wala nang pagkasiphayo at kabiguan. Lalong mabuti, ang kapayapaan ng Diyos ay nangangahulugan ng isang sanlibutan na walang sakit, kirot, lumbay, o kamatayan. (Apocalipsis 21:4) Tunay ngang isang kamangha-manghang pag-asa ang taglay natin na tamasahin ang tunay na kapayapaan magpakailanman! Hindi ba ito ang uri ng kapayapaan at kaligayahan na inaasam nating lahat? Hindi ba ito ang uri ng kapayapaan na dapat nating ipanalangin at pagsikapang makamit?
Bigong Pagsisikap ng Tao
4. Anong mga pagsisikap para sa kapayapaan ang isinagawa ng mga bansa, at ano ang mga resulta?
4 Sa loob ng mga siglo, ang mga tao at mga bansa ay nag-usap na tungkol sa kapayapaan, nagdebate tungkol sa kapayapaan, at lumagda ng daan-daang kasunduang pangkapayapaan. Ano ba ang naging resulta? Halos walang sandali sa nakaraang 80 taon na hindi nakikipagdigma ang isang bansa o grupo. Maliwanag, naging mailap sa tao ang kapayapaan. Kaya ang tanong ay, Bakit nabigo ang lahat ng pagsisikap ng tao na itatag ang pandaigdig na kapayapaan, at bakit walang kakayahan ang tao na magdulot ng namamalaging tunay na kapayapaan?
5. Bakit palaging nabibigo ang pagsisikap ng tao ukol sa kapayapaan?
5 Ang simpleng sagot ay na ang sangkatauhan ay hindi bumaling sa tamang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan. Sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas na Diyablo, nagtatag ang mga tao ng mga organisasyon na naging biktima ng sarili nilang mga kahinaan at mga bisyo—ng kanilang kasakiman at ambisyon, ng kanilang pagkauhaw sa kapangyarihan at katanyagan. Bumaling sila sa mga pamantasan ng mataas na edukasyon at nagtatag ng mga institusyon at mga grupong sanggunian, na nagpanukala lamang ng higit pang pamamaraan ng paniniil at pagpuksa. Sa anong pinagmumulan inakay ang mga tao? Saan sila naghanap?
6, 7. (a) Anong rekord ang nagawa ng Liga ng mga Bansa para sa sarili nito? (b) Ano ang rekord ng Nagkakaisang mga Bansa?
6 Noong 1919 naglagak ang mga bansa ng kanilang tiwala sa Liga ng mga Bansa upang magtatag ng namamalaging kapayapaan. Gumuho ang pag-asang ito nang sakupin ni Mussolini ang Etiopia noong 1935 at magkaroon ng gera sibil sa Espanya pasimula noong 1936. Naglaho ang Liga sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Ang tinaguriang kapayapaan ay hindi man lamang tumagal nang 20 taon.
7 Kumusta naman ang Nagkakaisang mga Bansa? Naglaan ba ito ng anumang tunay na pag-asa para sa namamalaging kapayapaan sa buong lupa? Hindi. Mahigit na 150 digmaan at armadong alitan ang ipinaglaban mula nang itatag ito noong 1945! Hindi nga nakapagtataka na inilarawan ni Gwynne Dyer, isang taga-Canada na nag-aaral ng digmaan at ng mga pinagmumulan nito, ang UN bilang “isang samahan ng mga ilegal na mangangaso na naging mga tagapag-alaga ng mababangis na hayop, hindi isang kapulungan ng mga santo,” at “pangunahin nang isang walang-kapangyarihang institusyon na pulos talakayan lamang.”—Ihambing ang Jeremias 6:14; 8:15.
8. Sa kabila ng kanilang mga usapang pangkapayapaan, ano ang ginagawa ng mga bansa? (Isaias 59:8)
8 Sa kabila ng kanilang usapan tungkol sa kapayapaan, ang mga bansa ay patuloy na nag-iimbento at gumagawa ng mga armas. Ang mga bansa na nagtataguyod ng mga komperensiyang pangkapayapaan ay malimit na siya mismong mga nangunguna sa paggawa ng mga sandata. Ang makapangyarihang komersiyal na kapakanan ng mga bansang ito ang nagtataguyod sa paggawa ng nakamamatay na mga kagamitang pandigma, kasali na ang nakapangingilabot na mga mina sa lupa na taun-taon ay pumapatay o pumipinsala ng mga 26,000 sibilyan na nasa hustong gulang at mga bata. Ang kasakiman at katiwalian ay mga puwersang nag-uudyok nito. Ang mga suhol at pangungurakot ay bahagi na ng pandaigdig na kalakalan ng armas. Nagpapayaman ang ilang pulitiko sa ganitong paraan.
9, 10. Ano ang sinabi ng mga dalubhasa sa daigdig hinggil sa mga digmaan at pagsisikap ng tao?
9 Noong Disyembre 1995, nanawagan sa mga bansa ang Polakong pisiko at nagwagi ng Nobel Prize for Peace na si Joseph Rotblat na tapusin na ang pagpapaligsahan sa armas. Ganito ang sabi niya: “Ang tanging paraan upang makaiwas [sa isang bagong pagpapaligsahan sa armas] ay ang lubusang alisin ang digmaan.” Sa palagay mo kaya’y malamang na mangyari ito? Mula noong 1928, 62 bansa ang nagpatibay sa kasunduang tinatawag na Kellogg-Briand Pact, anupat itinakwil ang digmaan bilang isang paraan ng paglutas sa mga sigalutan. Maliwanag na ipinakita ng Digmaang Pandaigdig II na sayang lamang ang papel na pinagsulatan sa kasunduan.
10 Di-maikakaila, ang digmaan ay laging isang batong katitisuran sa landas ng kasaysayan ng sangkatauhan. Gaya ng isinulat ni Gwynne Dyer, “ang digmaan ay isang pangunahing institusyon sa sibilisasyon ng tao, at ang kasaysayan nito ay kasintanda na ng sibilisasyon.” Oo, halos lahat ng sibilisasyon at imperyo ay may sariling dinadakilang mga bayaning militar, organisadong mga hukbo, mga popular na labanan, sagradong mga akademyang militar, at nakaimbak na mga sandata. Gayunpaman, ang ating siglo ay nangunguna sa lahat ng iba pa kung tungkol sa digmaan, kapuwa sa pagiging mapangwasak at sa pagbuwis ng buhay.
11. Anong mahalagang salik ang kinaligtaan ng mga lider sa daigdig sa kanilang paghahanap ng kapayapaan?
11 Maliwanag na ipinagwalang-bahala ng mga lider ng daigdig ang saligang karunungan sa Jeremias 10:23: “Talastas ko, O Jehova, na hindi nauukol sa makalupang tao ang kaniyang lakad. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Kung wala ang Diyos sa eksena, hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan. Nangangahulugan ba ang lahat ng ito, kung gayon, na di-maiiwasan ang digmaan sa isang sibilisadong lipunan? Nangangahulugan ba ito na ang kapayapaan—tunay na kapayapaan—ay isang pangarap na imposibleng abutin?
Tinutunton ang Ugat na Sanhi
12, 13. (a) Ano ang isinisiwalat ng Bibliya na siyang pangunahin at di-nakikitang sanhi ng digmaan? (b) Paano inilayo ni Satanas ang pansin ng sangkatauhan mula sa tunay na lunas sa mga suliranin ng sanlibutan?
12 Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangan nating maunawaan ang mga sanhi ng digmaan. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang rebelyosong anghel na si Satanas ang siyang orihinal na “mamamatay-tao” at “sinungaling” at na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Juan 8:44; 1 Juan 5:19) Ano ang ginawa niya upang isakatuparan ang kaniyang mga pakana? Mababasa natin sa 2 Corinto 4:3, 4: “Ngayon, kung ang mabuting balita na ipinahahayag namin ay sa katunayan natatalukbungan, ito ay natatalukbungan doon sa mga nalilipol, na sa gitna nila ay binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang isipan ng mga di-mananampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag makatagos.” Ginagawa ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan upang ilayo ang pansin ng sangkatauhan mula sa Kaharian ng Diyos bilang siyang tanging lunas sa mga suliranin ng daigdig. Binubulag at inililihis niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga bumabahaging usaping panlipunan, pampulitika, at panrelihiyon, anupat ang mga ito ay waring nagiging mas mahalaga kaysa sa pamamahala ng Diyos. Isang halimbawa nito ang kamakailan lamang na pandaigdig na bugso ng nasyonalismo.
13 Itinataguyod ni Satanas na Diyablo ang nasyonalismo at pagtatangi ng tribo, ang paniniwala sa kahigitan ng isang bansa, lahi, o tribo kaysa sa iba. Ang malalim-ang-pagkakaugat na mga pagkakapootan na napigil sa loob ng mga siglo ay muling binubuhay upang gatungan ang higit pang digmaan at mga alitan. Nagbabala si Federico Mayor, ang pangkalahatang kalihim ng UNESCO, hinggil sa hilig na ito: “Kahit na sa mga lugar na kaugalian na ang pagpaparaya, ang pagiging matatakutin sa mga banyaga ay nagiging kitang-kita, at ang panghahamak sa katauhan o sa lahing pinagmulan na waring nailibing na sa limot ay malimit na namang naririnig.” Ano ang naging resulta? Ang nakapangingilabot na masaker sa dating Yugoslavia at ang pagbububo ng dugo ng mga tribo sa Rwanda ay dalawa lamang sa gayong mga pangyayari na nalagay sa mga ulong-balita.
14. Paano inilalarawan ng Apocalipsis 6:4 ang digmaan at ang epekto nito sa ating panahon?
14 Inihula ng Bibliya na sa panahon ng katapusan ng sistemang ito, isang kabayong kulay-apoy, na sumasagisag sa digmaan, ang kakaskas sa buong lupa. Mababasa natin sa Apocalipsis 6:4: “May iba pa na lumabas, isang kabayong kulay-apoy; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” Sapol noong 1914 ay nakita natin ang makasagisag na mangangabayong ito na ‘nag-aalis ng kapayapaan,’ at ang mga bansa ay patuloy na naglalabanan at nakikipagdigma.
15, 16. (a) Ano ang naging papel ng relihiyon sa mga digmaan at pagpapatayan? (b) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa nagawa ng mga relihiyon?
15 Ang hindi dapat kaligtaan ay ang papel ng relihiyon sa mga digmaan at mga pagpapatayang ito. Sa kalakhang bahagi ang tigmak-sa-dugong kasaysayan ng tao ay maaaring isisi sa maling impluwensiya ng huwad na relihiyon. Ganito ang isinulat ng Katolikong teologo na si Hans Küng: “Hindi maipagkakaila na sa negatibo at nakapipinsalang paraan [ang mga relihiyon] ay nagkaroon at patuloy na nagkakaroon ng malaking bahagi. Sila ang dapat managot sa napakaraming pagtutunggalian, madudugong pagbabaka, pati na nga sa ‘mga relihiyosong digmaan’; . . . at kasali rin dito ang dalawang digmaang pandaigdig.”
16 Ano ang nadarama ng Diyos na Jehova hinggil sa papel ng huwad na relihiyon sa mga pagpapatayan at digmaan? Ganito ang sinasabi ng Apocalipsis 18:5 hinggil sa akusasyon ng Diyos sa huwad na relihiyon: “Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawa ng kawalang-katarungan.” Ang pakikipagsabuwatan ng huwad na relihiyon sa mga pulitikal na tagapamahala ng sanlibutan ay nagbunga ng gayong pagkakasala sa dugo, ng gayong patung-patong na kasalanan, anupat hindi na ito maaaring palampasin pa ng Diyos. Malapit na niyang alisin nang lubusan ang katitisurang ito sa daan ng tunay na kapayapaan.—Apocalipsis 18:21.
Ang Daan Tungo sa Kapayapaan
17, 18. (a) Bakit hindi isang di-makatotohanang pangarap lamang ang maniwala na posible ang walang-hanggang kapayapaan? (b) Ano ang nagawa na ni Jehova upang tiyakin na darating ang kapayapaan?
17 Kung ang mga tao, sa pamamagitan ng mga ahensiya tulad ng Nagkakaisang mga Bansa ay hindi makapagdadala ng tunay at namamalaging kapayapaan, saan magmumula ang tunay na kapayapaan, at paano? Isa bang di-makatotohanang pangarap lamang ang maniwalang posible ang walang-hanggang kapayapaan? Hindi, kung babaling tayo sa tamang pinagmumulan ng kapayapaan. At sino iyon? Sumasagot ang Awit 46:9 sa pagsasabi sa atin na “pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Binabali niya ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya sa apoy ang mga bagon.” At sinimulan na ni Jehova ang proseso upang wakasan ang mga digmaan at itatag ang tunay na kapayapaan. Paano? Sa pamamagitan ng pagluluklok kay Kristo Jesus sa kaniyang matuwid na trono sa Kaharian noong 1914 at sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pinakadakilang kampanya ng edukasyong pangkapayapaan sa kasaysayan ng sangkatauhan. Tinitiyak sa atin ng makahulang mga salita sa Isaias 54:13: “Lahat ng iyong mga anak ang magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay magiging sagana.”
18 Inilalarawan ng hulang ito ang simulain ng sanhi at epekto—alalaong baga, na ang bawat epekto ay may sanhi. Sa kasong ito, ang pagtuturo ni Jehova—na siyang sanhi—ang nagpapabago sa mga taong paladigma upang maging mga taong palaibig sa kapayapaan na may pakikipagpayapaan sa Diyos. Ang epekto ay ang pagbabago ng puso na nagpapangyaring ang mga tao ay maging maibigin sa kapayapaan. Ngayon pa lamang ay lumalaganap na sa buong daigdig ang pagtuturong ito na nagpapabago sa puso at isip ng mga tao habang milyun-milyon ang sumusunod sa halimbawa ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo.—Isaias 9:6.
19. Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa tunay na kapayapaan?
19 At ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa tunay na kapayapaan? Bumanggit siya hindi lamang ng kapayapaan sa pagitan ng mga bansa kundi ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao sa kanilang mga ugnayan sa isa’t isa at sa panloob na kapayapaan na nagmumula sa isang mabuting budhi. Sa Juan 14:27, mababasa natin ang mga salita ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi ko ito ibinibigay sa inyo sa paraan na ibinibigay ito ng sanlibutan. Huwag hayaang mabagabag ang inyong mga puso ni hayaang umurong man ang mga ito sa takot.” Paano naiiba ang kapayapaan ni Jesus sa kapayapaan ng sanlibutan?
20. Paano pangyayarihin ni Jesus ang tunay na kapayapaan?
20 Una, ang kapayapaan ni Jesus ay may malapit na kaugnayan sa mensahe ng kaniyang Kaharian. Batid niya na wawakasan ng matuwid na pamahalaan sa langit, na binubuo ni Jesus at ng 144,000 kasamang tagapamahala, ang digmaan at ang mga tagasulsol ng digmaan. (Apocalipsis 14:1, 3) Alam niya na magdudulot iyon ng mapayapang kalagayan sa paraiso na inialok niya sa manggagawa ng kasamaan na namatay sa kaniyang tabi. Hindi siya inalok ni Jesus ng isang dako sa makalangit na Kaharian, ngunit sinabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
21, 22. (a) Anong kamangha-mangha at nakapagpapatibay na pag-asa ang kalakip sa tunay na kapayapaan? (b) Ano ang dapat nating gawin upang masaksihan ang pagpapalang iyan?
21 Batid din ni Jesus na ang kaniyang Kaharian ay magdudulot ng kaaliwan sa lahat niyaong nagdadalamhating sumasampalataya sa kaniya. Kalakip sa kaniyang kapayapaan ang kamangha-mangha at nakapagpapatibay na pag-asa ng pagkabuhay-muli. Alalahanin ang kaniyang pampatibay-loob na mga salita sa Juan 5:28, 29: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”
22 Inaasam-asam mo ba ang panahong iyan? Namatayan ka ba ng mga mahal sa buhay? Nananabik ka bang makita silang muli? Kung gayo’y tanggapin ang kapayapaan na iniaalok ni Jesus. Magkaroon ng pananampalatayang kagaya niyaong kay Marta, ang kapatid ni Lazaro, na nagsabi kay Jesus: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Subalit pansinin ang nakapagpapasiglang sagot ni Jesus kay Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay; at bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay. Naniniwala ka ba rito?”—Juan 11:24-26.
23. Bakit mahalaga ang tumpak na kaalaman sa pagtatamo ng tunay na kapayapaan?
23 Ikaw man ay maaaring maniwala at makinabang sa pangakong iyan. Paano? Sa pamamagitan ng pagtatamo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Pansinin kung paano idiniin ni apostol Pablo ang kahalagahan ng tumpak na kaalaman: “Kami . . . ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghingi na kayo ay mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layunin na lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Colosas 1:9, 10) Makukumbinsi ka ng tumpak na kaalamang ito na ang Diyos na Jehova ang siyang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan. Sasabihin din nito sa iyo kung ano ang dapat mong gawin ngayon upang makisama sa salmista sa pagsasabing: “Ako’y payapang hihiga at matutulog, sapagkat ikaw lamang, O Jehova, ang gumagawang tumahan ako sa katiwasayan.”—Awit 4:8.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit palaging nabibigo ang pagsisikap ng tao ukol sa kapayapaan?
◻ Ano ang ugat na sanhi ng digmaan?
◻ Bakit hindi isang di-makatotohanang pangarap lamang ang namamalaging kapayapaan?
◻ Ano ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan?
[Larawan sa pahina 8]
Hindi isang pangarap ang tunay na kapayapaan. Pangako ito ng Diyos
[Larawan sa pahina 10]
Inalis ng makasagisag na sakay ng kabayong kulay-apoy ang kapayapaan sa lupa sapol noong 1914
[Larawan sa pahina 11]
Makapagdudulot kaya ng kapayapaan ang relihiyon at UN?
[Credit Line]
Kuha ng UN