Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kung ang isang Kristiyano ay hindi makadadalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, ano ang dapat niyang gawin?
Mahalaga na ang mga Kristiyano ay dumalo sa taunang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, sapagkat sinabi ni Jesus nang kaniyang itatag ito: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” (Lucas 22:19) At ganiyan nga ang ginawa ng sinaunang mga Kristiyano. Kaya naman si apostol Pablo ay nakasulat tungkol sa mga kapatid sa Corinto na sa taun-taon ay ‘nagpupulong bilang isang kongregasyon,’ o ‘nagsasama-sama,’ para sa selebrasyon ng Memoryal o alaala ng kamatayan ni Jesus. (1 Corinto 11:20, The New English Bible; NW) Ngunit ano kaya ang gagawin nila tungkol sa Memoryal kung sila ay nasa ilalim ng mahihirap na kalagayan? Halimbawa, ano kaya ang ginawa ni Pablo noong mga taon na siya’y nakabilanggo (na ginuguwardiyahan at marahil nakatanikala pa) sa Cesarea?—Gawa 23:35; 24:26, 27.
Dahilan sa malinaw na pag-uutos ni Jesus, kahit na kung si Pablo ay nag-iisa kung okasyon ng Hapunan ng Panginoon, tiyak na nirepaso niya ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagdiriwang na iyon. Yamang siya’y isang pinahirang Kristiyano, tiyak na gumawa siya ng lahat ng pagsisikap na makakuha ng pinakaangkop na mga bagay na magagamit niya bilang mga emblema. Ang alak noon ay karaniwang inumin, kayat sa kabila ng kaniyang pagiging isang preso marahil ay kumuha si Pablo ng kaunting alak at ng isang uri ng tinapay na magagamit niya. At malamang na ganoon din ang ginawa niya nang siya’y ipiit sa Roma, na kung saan pinayagan naman siya na magkaroon ng bisita. Marahil ang mga ibang kapatid buhat sa Roma ang nagsikap na “makipagtipon” na kasama niya sa isang munting grupo upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon.—Gawa 28:30.
Sa buong lupa ngayon, mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang nagtipon sa petsa na katumbas ng Nisan 14 para sa pagdiriwang sa Memoryal o pag-aalaala ng kamatayan ni Kristo. Subalit kung minsan mayroon mga pambihirang balakid. May mga pagkakataon na dahil sa mga bagyo o mga baha ang isang kongregasyon, o ang ilan sa mga miyembro, ay hindi nakakasama sa pagtitipon ayon sa isinaplano. Kung minsan naman, ang batas ng militar ang umiiral at hinahadlangan ng mga armadong sundalo ang mga mamamayan sa paglabas pagkalubog ng araw. Ang mga ibang Kristiyano ay hindi nakadadalo sa selebrasyon ng kongregasyon dahilan sa sila’y nasa ospital o may malubhang karamdaman. Ano ang maaaring gawin sa ganiyang mga pagkakataon?
Bagamat angkop para sa buong kongregasyon na magtipon para sa mahalagang pangyayaring ito, baka imposible iyon dahilan sa mga kalagayan na nabanggit na. Pagka dahilan sa masungit na lagay ng panahon, sa isang bagyo o lindol, o anupaman, kung kaya ang isang pamilya o ang iba sa kongregasyon ay hindi nakadalo sa pagdiriwang ng kongregasyon, ang mga apektadong miyembro ay maaaring magtipon at talakayin nila ang ulat niyaon sa Kasulatan gaya ng matatagpuan sa Lucas 22:7-23, 28-30 at 1 Corinto 11:20-31, at talakayin ang kahulugan ng okasyong iyon. Gayundin naman, kung ang curfew ang dahilan at imposible para sa isang kongregasyon na magtipon sa takdang gabi ng pagdaraos ng Memoryal, baka ang pinakamagaling ay ang pagtitipon sa Congregation Book Study bilang mga grupo o sa maliliit na grupo sa pamayanan, at ang kabuuan ng lahat ng nagsidalo ang iuulat bilang nagsidalo sa kongregasyong iyon. Isang maikling pahayag ang maaari rin namang ibigay kung isang nag-alay na kapatid na lalaki na may kakayahan ang nasa grupong iyon. Hindi dapat mag-alala na walang angkop na emblemang magagamit kung walang sinumang naroon na dati nang nakikibahagi sa emblemang tinapay at alak bilang isang pinahirang Kristiyano.
Ang kautusan ng Diyos sa Israel ay mayroong isang pantanging kaayusan para sa kaninuman na wala sa kalagayan na makibahagi sa regular na hapunan ng Paskua; ang taong tinutukoy ang maaaring gumawa niyaon pagka isang buwan (30 araw) ang nakalipas. (Bilang 9:10, 11; 2 Cronica 30:1-3, 15) Sa ganitong paraan, sa isang kalagayan na ang isang espirituwal na Israelita ay talagang hindi makadalo o hindi maaaring makabahagi sa mga emblema kung Nisan 14, siya ay maaaring makabahagi makalipas ang 30 araw. Ito’y kapit lamang sa kaso ng isang pinahirang Kristiyano na kailangang makibahagi sa alak at tinapay.—Galacia 6:16.
Noong Abril 4, 1985, pagkalubog ng araw, ang mga kongregasyon ng mga tunay na Kristiyano sa buong lupa ay nagtipun-tipon bilang pagsunod sa utos ni Jesus: “Gawin ninyo ito bilang alaala sa akin.” Sa mga hinaharap na pagdiriwang ay inaanyayahan namin kayo na makipagtipon kasama nila.—1 Corinto 11:25, NE.