Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 9/15 p. 10-15
  • Paggawang Kasama ng Organisador ng Buong Sansinukob

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paggawang Kasama ng Organisador ng Buong Sansinukob
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Sinaunang Pagkakilala Tungkol sa Organisasyon
  • Ang Jerusalem na Nasa Pagkaalipin
  • Ang Malayang Jerusalem
  • Gumawa na Kasama ng Dakilang Organisador
  • Nagsaya ang Babaing Baog
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
  • “Isang Makasagisag na Drama” na Mahalaga sa Atin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Malayang Babae
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mas Malalaking Pagpapala sa Pamamagitan ng Bagong Tipan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 9/15 p. 10-15

Paggawang Kasama ng Organisador ng Buong Sansinukob

“Sapagkat tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos. Kayong mga tao ang bukid ng Diyos na nililinang, ang gusali ng Diyos.”​—1 CORINTO 3:9.

1. Anong pananalita na binigkas mahigit nang 60 taon na ang lumipas ang nagdulot ng malaking kagalakan sa mga nakarinig niyaon, at ano ang epekto sa masisikap na mga Bible Students nang panahong iyon?

“ORGANISASYON NG DIYOS.” Ang pananalitang iyan ay ginamit ng isang miyembro ng patnugutan ng Watch Tower Society minsan sa araw-araw na pagtalakay ng Bibliya sa silid-kainan sa Bethel mahigit na 60 taon na ngayon ang nakalipas. Anong laking kagalakan ang idinulot niyaon sa pamilyang nasa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York! Ang pambihirang pananalitang iyan, “organisasyon ng Diyos,” ay nagsilbing patnubay sa hinaharap tungkol sa kaisipan, pananalita, at pagsulat ng mga Bible Students na iyon. Pinalawak niyan ang espirituwal na pangitain kung tungkol sa lahat ng paglalang at nakaimpluensiya nang malaki sa kanilang saloobin sa kamangha-manghang Organisador ng sansinukob, si Jehovang Diyos.

2. Gaya ng ipinakikita ng pinagkunan nito sa Griego, ano ba ang kahulugan ng salitang “organisasyon”?

2 Sa ngayon, maaaring iyan ay waring kakatuwa, yamang ang salitang “organisasyon” ay palagiang ginagamit sa lipunan ng mga Saksi ni Jehova, na nagpapahalaga sa kanilang pribilehiyo na paggawang kasama ng Organisador ng sansinukob. (1 Corinto 3:5-9) Ang salitang “organisasyon” ay kuha sa salitang Griego na orʹga·non. Bukod sa iba pang mga bagay, ito’y nangangahulugan ng isang instrumento o kagamitan na sa pamamagitan nito ay natatapos ang isang gawain. Ito’y makikita sa Septuagint Version nang kung mga ilang beses at ginagamit upang tumukoy sa isang instrumento sa musika, tulad baga ng alpa ni David. Ang ugat ng salitang ito ay erʹgon, isang pangngalan na nangangahulugang “gawain.” Samakatuwid ang isang organisasyon ay isang kaayusan ng mga bagay na ginagamit upang maisagawa ang isang bagay o magawa iyon sa pinakamagaling na paraan na maaari sa pinakamaliit na nagagastang panahon at lakas.

Mga Sinaunang Pagkakilala Tungkol sa Organisasyon

3. Ano ang sinabi ng labas ng magasing ito noong Marso 1883 tungkol sa “ating organisasyon”?

3 Datapuwat, maraming taon na ngayon ang nakalipas ang mga Bible Students ay nagkaroon ng kaunting kahirapan sa pagkakapit ng salitang “organisasyon.” Halimbawa, sa labas ng Watch Tower ng Marso 1883, ganito ang sinabi:

“Subalit, bagamat imposible para sa likas na tao na makita ang ating organisasyon, dahilan sa hindi niya maunawaan ang mga bagay ng Espiritu ng Diyos, kami ay nagtitiwala na makikita mo ang tunay na Iglesiya na napakahusay ang pagkaorganisa, at ito’y nasa pinakamagaling na kaayusang posible. . . . Tayo’y may lubos na pananampalataya sa ating Kapitan; at ang sakdal na organisasyong ito, na di-nakikita ng sanlibutan ay sumusulong tungo sa tiyak na maningning na tagumpay.”

4. Ano ang pagkakilala tungkol sa pagbuo ng isang organisasyon na tinalakay sa Disyembre 1, 1894, na labas ng magasing ito?

4 Gayunman, ang labas ng Watch Tower ng Disyembre 1, 1894, ay nagsabi:

“Subalit kung paano ang gawain ng pag-oorganisa ng iglesiya ng bagong pamamalakad ng Ebanghelyo ay hindi bahagi ng gawaing pag-aani ng matandang pamamalakad Judio, gayundin na ang kasalukuyang gawaing pag-aani o paggapas sa ibinunga ng pamamalakad ng Ebanghelyo ay hiwalay at bukod sa gawain ng bagong pamamalakad sa Milenyo na ngayo’y malapit na. . . . Maliwanag na ang pagbuo ng isang nakikitang organisasyon ng gayong mga taong tinipon ay hindi kasuwato ng espiritu ng kinasihang plano; at kung ito’y gagawin waring ipinakikita na ang iglesiya ay naghahangad na umayon sa ngayo’y nauusong ideya ng organisasyon o pagkakampi-kampi. (Tingnan ang Isa. 8:12) Ang gawain ngayon ay hindi organisasyon, kundi pagkakabaha-bahagi, tulad ng umiral noon sa pag-aani noong panahong Judio. (Mat. 10:34-36) . . .

“Samakatuwid, bagamat hindi namin itinuturing na ang isang nakikitang organisasyon ng mga tinipon ay bahagi ng plano ng Panginoon sa gawaing pag-aani, na para bagang inaasahan namin ang isang organisasyon na mananatili ito para sa isa pang yugto ng panahon, inaasahan namin na kaniyang kalooban na yaong nagsisiibig sa Panginoon ay magsalitang madalas at mag-usapan tungkol sa kanilang iisang pag-asa at kagalakan, o mga pagsubok at mga suliranin, na nag-uusapan tungkol sa mahalagang mga bagay ng kaniyang Salita.”

5. Tungkol sa organisasyon, ano ang sinabi sa aklat na The New Creation?

5 Samakatuwid ang kongregasyong Kristiyano ay hindi itinuturing noon na isang organisasyon. Subalit naisip noon na mabuting isaayos ang kongregasyon, o ecclesia. Halimbawa, ang Study V ng aklat na The New Creation, lathala noong 1904, ay pinamagatang “The Organization of the New Creation” at ganito ang pambungad na sabi: “Yamang ang Bagong Paglalang ay hindi sasapit sa kaniyang kasakdalan o pagkakompleto kundi sa Unang Pagkabuhay-muli, sa panahon lamang na iyan makukompleto ang organisasyon nito. Ang paglalarawan sa templo ang nagpapatunay nito: tayo’y tinawag bilang mga batong buháy ngayon, o inanyayahan upang malagay sa mga dako sa maluwalhating templo.”

6. Paano ipinakilala ng aklat na Thy Kingdom Come ang “ina” ng mga bumubuo ng “bagong paglalang”?

6 Kapuna-puna, ang aklat na Thy Kingdom Come, lathala noong 1891, ay nagsabi ng ganito tungkol sa mga pinahiran na kabilang sa “bagong paglalang”: “Kung tungkol sa Isaias 54:1-8, dito’y pinasikat ni Apostol Pablo ang liwanag ng karunungan na nakahihigit kaysa karunungan ng tao, at ikinapit iyon sa espirituwal na Sion, ang ating ina o tipan, na isinasagisag ni Sara. Ang makalamang binhi ni Abraham ay itinakuwil na sa pagiging tagapagmana ng pangako, at ang tunay na binhi, si Kristo (inilarawan ni Isaac at ni Rebeca), ang tinanggap bilang ang tanging binhing ipinangako.​—Gal. 4:22, 24, 26-31.”

7, 8. Sino ang asawa ng “ina” ng kongregasyong Kristiyano, at ano ang sinasabi ng Isaias 54:1-8 tungkol dito?

7 Ang pangungusap na ito ay walang kinalaman sa Zionist World Organization, na ang pundador ay si Theodor Herzl noong 1897. Ang organisasyong iyan ay nakitungo sa Jerusalem sa ibaba, na narito sa lupa, hindi sa “Jerusalem sa itaas,” ang “ina” ng kongregasyong Kristiyano. (Galacia 4:26) Hindi ipinagpatuloy ng aklat na Thy Kingdom Come ang pagtalakay sa bagay na ang asawang may-ari sa “ina” ng kongregasyong Kristiyano ay ang Diyos, na inilarawan ni Abraham. Si Jehova ay asawa, hindi ng tipang Abrahamiko o ng bagong tipan, kundi ng “Jerusalem sa itaas,” na inilarawan ng ina ni Isaac na si Sara. Tulad niya, bilang isang “ina,” ang “Jerusalem sa itaas” ay buháy at may personalidad.

8 Kung gayon, sino ang “Jerusalem sa itaas”? Upang maalaman natin ito, isaalang-alang muna natin ang Isaias 54:1-8, na ganito ang sinasabi ng isang bahagi:

“‘Umawit ka nang may kagalakan, ikaw na babaing baog na hindi nanganak! Magalak ka kasabay ng masayang pag-awit at itaas mo ang iyong tinig, ikaw na hindi nagdamdam sa panganganak, sapagkat ang mga anak ng pinabayaang babae ay mas marami kaysa mga anak ng babaing may nagmamay-aring asawa,’ sabi ni Jehova. . . . ‘Sapagkat ang Dakilang Maylalang sa iyo ay iyong asawang may-ari sa iyo, si Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan; at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos. Ang Diyos ng buong lupa ang itatawag sa kaniya. Sapagkat tinawag ka ni Jehova na para bagang isang asawang lubusang pinabayaan at namamanglaw ang kalooban, at parang asawa sa panahon ng kabataan na itinakuwil noon,’ sabi ng iyong Diyos. ‘Sa maikling saglit ay pinabayaan kitang lubusan, ngunit taglay ang malaking kahabagan ay pipisanin kitang sama-sama. Sa kapusukan ng pagkapoot ay ikinubli ko sa iyo ang aking mukha, ngunit may kagandahang-loob hanggang sa panahong walang takda na kaaawaan kita,’ sabi ni Jehova, na iyong Manunubos.”

9. (a) Sa Isaias 54:1-8, sino o ano ang kinakausap at inaaliw ni Jehova? (b) Ayon sa Galacia 4:25, 26, sino ang makasagisag na “babae” na kinakausap sa antitipikong katuparan?

9 Unang-una, si Jehova ay hindi nakikipag-usap sa isang tipan. Kaniyang kinakausap ang isang bansa, ang kaniyang piniling bayan na may pakikipagtipan sa kaniya sa Kautusang Mosaiko. Sa pangmalas ng Diyos, ang bansang iyon ay isang makasagisag na “babae” na maraming miyembro at pinaka-asawa niya. Sang-ayon sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Galacia, ang makasagisag na “babae” na iyan ay isang tipo, subalit hindi niya sinasabi na ito ay isang tipan, o kasunduan. Ang isang tipan ay hindi maaaring aliwin, tulungan upang maaliw. Bagkus, ipinakikita ni Pablo na ang antitipikong “babae” ay isang bagay na buháy, tulad ng isang “ina,” gaya kung paano ang “asawang may-ari,” si Jehova, ay buháy bilang isang Persona na may talino at kakayahan na magbigay ng kaaliwan. Tungkol sa mga babae noong sinaunang panahon, ang apostol ay sumulat: “Ngayon na ang Hagar na ito [ang alilang babae na pinayagan ng kaniyang panginoong si Sara na maging ina ni Ismael na anak ni Abraham] ay nangangahulugan na Sinai, isang bundok sa Arabia, at siya [si Hagar] ay katumbas ng Jerusalem ngayon [nang narito sa lupa si Pablo], sapagkat siya’y nasa pagkaalipin [sa tipan ng Mosaikong Kautusan] kasama ng kaniyang mga anak. Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya at siyang ina natin.”​—Galacia 4:25, 26.

Ang Jerusalem na Nasa Pagkaalipin

10, 11. (a) Anong mahalagang pangyayari tungkol sa mga Israelita ang naganap sa Bundok ng Sinai? (b) Tungkol sa tipang Kautusan, ano ang nangyari noong 33 C.E.?

10 Si Hagar ay hindi lumalarawan, o kumakatawan, sa tipan ng Mosaikong Kautusan. Ang tipan na iyan na may Sampung Utos ay hindi rin naman inilalarawan ng Bundok Sinai, na ang katumbas ay si Hagar. Mangyari pa, ang Diyos ay hindi gumawa ng ano mang tipan sa Bundok Sinai. Kundi doon niya pinapangyari na ang mga Israelita, na kaniyang pinalaya sa pagkaalipin sa Ehipto, ay makapasok sa isang pakikipagtipan sa kaniya, at kaniyang pinakitunguhan sila bilang isang malayang bansa. Ito’y nangyari makalipas ang mga daan-daang taon pagkatapos na ang Diyos ay gumawa naman ng pakikipagtipan kay Abraham, at pinangakuan siya ng isang binhing lalaki.

11 Nang si Moises, na tagapamagitan ng tipang Kautusan, ay bumaba sa Bundok Sinai, ang kaniyang mukha ay lubos na nagniningning nang ganiyan na lamang kung kayat kinailangan noon na magtalukbong siya upang makatingin sa kaniya ang mga Israelita. (2 Corinto 3:12-16) Subalit doon sa itaas ng Bundok Sinai, hindi naman tuwirang nakipag-usap si Moises kay Jehova, sapagkat ginamit ni Jehova ang isang anghel nang gumawa siya ng pakikipagtipan sa mga Israelita. (Gawa 7:37, 38; Hebreo 2:2) Sa ganiyang paraan ang bansang Israel ay napasa-ilalim ng tipang Kautusan. Nang makalipas ang daan-daang taon, ang tipan na iyon ay inalis na, ipinako sa pahirapang tulos na pinagbitinan kay Jesus noong 33 C.E.​—Colosas 2:13, 14.

12. (a) Ang makalupang Jerusalem ay “ina” nino? (b) Ang Jerusalem sa lupa ay nasa pagkaalipin sa ano 19 na siglo na ang nakalipas, at bakit siya’y hindi nakalaya kailanman?

12 Sa sulat ni Pablo ay sinabi niya na ang Bundok Sinai ay katumbas ng Jerusalem sa lupa noong kaniyang kaarawan. Mangyari pa, ang Jerusalem ay hindi isang tipan; ito’y isang pinagmimithiang lunsod na okupado ng mga naninirahang Judio. Bilang ang kabiserang lunsod, ito’y kumakatawan sa bansa at makasagisag na “ina” ng “mga anak,” samakatuwid baga, ng lahat ng mga taong bahagi ng bansang Judio, o Israelita. (Mateo 23:37) Doon sa Jerusalem nakatayo ang templo ni Jehova, ang Diyos na pinakipagtipanan ng mga Israelita. Ngunit ang mga Judio noon ay walang sariling kaharian na pinaghaharian ng isang inapo ni Haring David. Kung gayon, sila’y hindi malaya kundi sila’y mga alipin sa ilalim ng kapangyarihan ng mga bansang Hentil. At mangyari pa, sila’y nasa pagkaalipin sa relihiyon nila. Tanging ang ipinangakong Mesiyas, si Jesu-Kristo, ang makapagpapalaya sa kanila buhat diyan, pati na sa pagkaalipin sa kasalanan. Subalit ang Jerusalem na iyon ay nagtakuwil kay Jesus bilang Mesiyas at Hari at kailanma’y hindi napalaya. Sa halip, siya’y napahamak sa kamay ng mga Romano noong 70 C.E., pati ang kaniyang “mga anak.”

Ang Malayang Jerusalem

13. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa malayang Jerusalem, at buhat sa paglaya sa ano dapat manindigang matatag ang kaniyang “mga anak”?

13 Ipinakita ni Pablo ang malaking pagkakaiba ng makalupang Jerusalem at ng “Jerusalem sa itaas,” na “malaya.” Siya’y sumipi sa Isaias 54:1-8, at ganito ang sinasabi:

“Ngunit ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siyang ina natin. Sapagkat nasusulat: ‘Magsaya ka, Oh baog na hindi nanganganak; magbiglang umawit ka at humiyaw ka, ikaw na babaing hindi nagdaramdam sa panganganak; sapagkat higit pa ang mga anak ng babaing pinabayaan kaysa anak ng babaing may asawa.’ Ngayon tayo, mga kapatid, ay mga anak sa pangako sa gaya ni Isaac. Subalit kung paano noon na iyong ipinanganak ayon sa laman ay nagsimulang nang-usig sa isang ipinanganak ayon sa espiritu, gayundin naman ngayon. Gayunman, ano ang sinasabi ng Kasulatan? ‘Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak, sapagkat ang anak ng babaing alipin ay hindi maaaring maging tagapagmana kasama ng anak ng babaing malaya.’ Kaya nga, mga kapatid, tayo’y mga anak, hindi ng babaing alipin kundi ng babaing malaya. Para sa gayong kalayaan kaya tayo pinalaya ni Kristo. Manindigan nga kayong matatag, at huwag na kayong pasakop uli sa pamatok ng pagkaalipin.”​—Galacia 4:26–5:1.

14. Bakit ang pagkapanganak kay Isaac ay “ayon sa espiritu”?

14 Ang mga Kristiyano sa Galacia na sinulatan ng ganiyan ay “mga anak ng Diyos na naging gayon dahil sa kaniyang pangako.” (Galacia 4:28, Today’s English Version) Upang ilarawan ito, si Isaac ay naging anak ng isang-daan-taóng si Abraham at ng kaniyang 90-taóng gulang na asawang si Sara bilang katuparan ng ipinangako ni Jehova sa tapat na patriarkang iyan. Oo, ang pagkapanganak kay Isaac bilang binhi ni Abraham ay kahima-himala, talagang hindi “ayon sa laman.” (Genesis 18:11-15) Samakatuwid ay kailangan na iyon ay “ayon sa espiritu.” Oo, ang espiritu ng Lalong-dakilang Abraham, si Jehovang Diyos, ang tiyak na kinailangan upang buhayin uli ang kapangyarihang mag-anak ng malayang babaing si Sara, pati na rin yaong kay Abraham. (Roma 4:19) Mapupuna na ang “pangako” mismo ay hindi pa gaanong nagtatagal nang si Isaac ay isilang noong 1918 B.C.E., sapagkat iyon ay nakalipas lamang ang 25 taon pagkatapos na si Abraham ay pumasok sa ipinangakong lupain ng Canaan noong 1943 B.C.E., nang magkabisa ang “pangako.”

15. Gaanong katagal baog ang “Jerusalem sa itaas,” at kailan nagsimulang dumami ang kaniyang mga anak?

15 Ang “Jerusalem sa itaas” ay “pinabayaan,” baog, ayon sa kasabihan nga, na ng mas matagal kaysa pagkabaog ni Sara. Sa katunayan, ang “Jerusalem sa itaas” ay nasa ganoong kalagayan noong 1943 B.C.E. nang magkabisa ang pangako kay Abraham, hanggang sa si Jesus ay bautismuhan noong 29 C.E. Noon inianak si Jesus ng espiritu ng Lalong-dakilang Abraham, si Jehova, at siya’y pinahiran ng Kaniyang espiritu upang maging ang Kristo o Pinahiran, ang Mesiyas. Subalit ang “Jerusalem sa itaas” ay magkakaroon ng higit kaysa isang espirituwal na anak. Kayat noong Pentecostes ng 33 C.E., pagkatapos na mabuhay-muli si Jesus at makaakyat sa langit, mga 120 ng kaniyang tapat na mga alagad ang inianak sa espiritu ng Lalong-dakilang Abraham. At pagkatapos ay pinahiran sila ng espiritung iyan upang maging espirituwal na mga kapatid ng Lalong-dakilang Isaac, si Jesu-Kristo. Sa may dulo ng araw ding iyon mga 3,000 higit pang mga Judio ang nabautismuhan bilang mga alagad ni Jesus at sila’y pinahiran ng banal na espiritu. (Gawa 2:1-42) Samakatuwid nang araw na iyan ang “Jerusalem sa itaas” ay naging “ina” ng maraming mga anak.

16. Ano ba ang “Jerusalem sa itaas”?

16 Isiniwalat ni apostol Pablo na ang babaing kinakausap sa Isaias 54:1-8 ay “ang Jerusalem sa itaas.” Ang Diyos na Jehova ang kaniyang “asawang may-ari” sa kaniya at ito rin ang kaniyang Dakilang Maylalang sa kaniya. Sa talinghagang pangungusap, ito ang kaniyang “babae,” ang kaniyang “asawa,” o tulad-asawang organisasyon sa langit. Tulad ng isang asawang lalaki, Siya ang nagpapaging mabunga rito upang maisilang ang tunay na “binhi” na ipinangako noong kaarawan ni Abraham.​—Galacia 3:16, 26-29.

17. Paanong ang “Jerusalem sa itaas” ay naging “ina” ng pangunahing “binhi” ng Lalong-dakilang Abraham?

17 Upang maging ang pangunahing “binhi” ng Lalong-dakilang Abraham, ang bugtong na Anak ng Diyos ay nanggaling sa tulad-asawang organisasyon ni Jehova sa langit. Sa ganoon ito ay naging tulad ng isang “ina” ng Anak ng Diyos. Si Jesu-Kristo ay hindi siyang makasagisag na anak ng makalupang Jerusalem noong kaniyang mga kaarawan dito sa lupa, sapagkat ang lunsod na iyan noon ay nasa pagkabusabos, o pagkaalipin, pati kaniyang “mga anak,” at kailanma’y hindi naging isang busabos si Jesus. (Galacia 4:25) Ang makalupang Jerusalem ang “ina” ng likas na mga Judio na nagtakuwil kay Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong “binhi” hindi lamang ng patriarkang si Abraham kundi rin naman ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova.​—Mateo 23:37-39.

Gumawa na Kasama ng Dakilang Organisador

18. Bakit ang makalupang Jerusalem ay tanyag noong mga kaarawan ni Haring Solomon?

18 Si Jesu-Kristo, na ang makalangit na organisasyon ng Diyos ang kaniyang “ina,” ay lalong dakila at lalong marunong kaysa kay Haring Solomon, ang tanyag na anak ni David at naging hari ng sinaunang makalupang Jerusalem. Ang kaluwalhatian at karunungan ni Solomon ay napabalita at nakaakit sa mga bansang di-Israelita, gaya ng pinatunayan ni Jesus na ang sabi: “Magbabangon sa paghuhukom ang reyna ng timugan kasama ng salin-ng-lahing ito at ito’y hahatulan; sapagkat siya’y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit, narito! isang lalong dakila kaysa kay Solomon ang narito.” (Mateo 12:42; Lucas 11:31) Sa maliit na paraan, si Solomon ay nagpakita ng gayong pambihirang karunungan sa paraan ng kaniyang pamamahala. Ang napakahusay na pagkaorganisa niya ng mga bagay-bagay ay totoong kamangha-mangha.

19. Nanggilalas na mabuti ang reyna ng Sheba dahil sa anong katangian ni Solomon?

19 Kaya, sa 1 Hari 10:4, 5 ay mababasa natin: “Nang makita ng reyna ng Sheba ang buong karunungan ni Solomon at ang bahay na kaniyang itinayo, at ang pagkain sa kaniyang mesa at ang kaayusan ng kaniyang mga alila at ang pagsisilbi sa mesa ng kaniyang mga tagapagsilbi at ang kanilang pananamit at ang kaniyang mga inumin at ang kaniyang mga haing sinusunog na kaniyang regular na inihahandog sa bahay ni Jehova, nang magkagayo’y nawalan siya ng diwa.” (NW; Rotherham; Young; Revised Standard; Septuagint. Tingnan din ang 2 Cronica 9:4.) Ang reyna ng Sheba ay may dahilan na humanga sa kaayusan ng pangangasiwa ni Solomon. At sa ganoong mahusay na pagkakaayos ng mga bagay-bagay at sa mabubuting pangangasiwa, siya’y kasuwato ng Diyos ng Kaayusan.​—1 Corinto 14:33.

20. (a) Bilang tugon sa panalangin ni Solomon, ano ang ibinigay sa kaniya ni Jehova? (b) Bilang “isang lalong dakila kaysa kay Solomon,” ano ang ginagawa ni Jesu-Kristo, at ano ang dapat ding gawin ng kaniyang mga tagasunod?

20 Sa pagtugon sa panalangin ng mapagpakumbabang si Solomon, siya’y binigyan ni Jehova ng “isang pusong matalino at maunawain.” (1 Hari 3:5-14) Ang Dakilang Organisador ng buong sansinukob ay nagbigay kay Solomon ng kakayahan na mag-organisa ng mga bagay-bagay alang-alang sa mabuting kaayusan at pangangasiwa. Sa gayon, naging obligasyon ng hari ng nakipagtipang bayan ni Jehova na gumawang kasama ng banal na Organisador ng buong sangnilalang sa langit at sa lupa. Kahambing nito, ganiyan din ang may karunungang ginagawa ng niluwalhating si Jesu-Kristo, na “isang lalong dakila kaysa kay Solomon.” Samakatuwid, dapat ding gawin ito ng kaniyang tapat na mga tagasunod sa lupa, at ginagawa nga nila ito.

Ano ba ang Sagot Mo?

◻ Ano ang kahulugan ng salitang “organisasyon”?

◻ Ang makalupang Jerusalem ay “ina” nino, at kailanma’y hindi siya nakalaya buhat sa pagkaalipin sa ano?

◻ Ano ang “Jerusalem sa itaas,” at sino ang kaniyang “mga anak”?

◻ Paano ginamit ni Solomon ang kaniyang bigay-Diyos na karunungan, at ano ang ginagawa ng Lalong-dakilang Solomon at ng Kaniyang mga tagasunod?

[Larawan sa pahina 12]

Paanong nasa pagkaalipin ang makalupang Jerusalem?

[Larawan sa pahina 14]

Ang reyna ng Sheba ay lubhang nanggilalas nang siya’y dumalaw kay Solomon. Ito’y gumagawang kasama ng Organisador ng sansinukob. Ikaw ba ay gumagawa rin kasama ng Diyos na Jehova?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share