Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 9/15 p. 21-23
  • Gaano Kalawak ang Inyong Pag-ibig?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano Kalawak ang Inyong Pag-ibig?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Saan ba Nanggagaling ang Ganitong Pag-ibig?
  • Tularan ang Pag-ibig ng Diyos
  • “Palakihin” ang Pag-ibig sa Pamilya
  • Ang Pinalawak na Pag-ibig sa Kongregasyon
  • Pag-ibig sa mga Taong Hindi Natin Nakikilala
  • Maaari Mo bang Ibigin Yaong mga Napopoot sa Iyo?
  • Pag-ibig
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Ang Pinakadakila sa mga Ito ay ang Pag-ibig”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • “Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Mapatibay Ka Nawa ng Pag-ibig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 9/15 p. 21-23

Gaano Kalawak ang Inyong Pag-ibig?

ANG taliptip ay isang maliit na kinapal na namumuhay sa tubig. Kakaunting mga tao ang nagbibigay-pansin dito. Datapuwat, ang taliptip ay may isang kapuna-punang abilidad: Maalam ito na dumikit sa mga bagay-bagay. Ang lihim? Gumagawa ito ng isang kola na napakadikit na kahit ang bahagya lamang nito na 3/10,000 ng isang pulgada (0.00762 mm) ang kapal ay may “loob na lakas” na 7,000 libras por pulgada kuwadrado (493 kg/sq. cm)! Sinuman na susubok na tutuklap ng taliptip buhat sa kinakapitan nito ay magpapatunay sa lakas nito na dumikit.

Ang mga Kristiyano ay may kabatiran sa isang bagay na nahahawig diyan. Ang organisasyon ni Jehova sa lupa ay binubuo ng mga tao buhat sa lahat ng bansa, wika, rasa, at mga grupong panlipunan. Ito ay matibay ang pagkakaisa-isa. Ang lihim? Ito ay mayroon ding mahigpit na pagkakadikit-dikit, na lalong matibay kaysa pandikit ng di-pinapansing taliptip. Si apostol Pablo ay nagsabi sa atin kung ano ang nagpapadikit na iyon nang kaniyang isulat: “Magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na buklod ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

Kung sa bagay, hindi lahat ng tinatawag na pag-ibig ay nagsisilbing isang tagapagkaisa. Maraming digmaan ang ipinaglaban sa ngalan ng “pag-ibig sa bayan.” Ang mapag-imbot na pag-ibig ay maaaring humantong sa paninibugho. “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:10) Ang mapanganib na panahong ito ay, sa isang bahagi, likha ng bagay na maraming mga tao ang “maibigin sa kanilang sarili.”​—2 Timoteo 3:1, 2.

Anong uri ng pag-ibig, kung gayon, ang tagapagkaisa sa mga Kristiyano? Isang walang-pag-iimbot at malawak na pag-ibig.

Saan ba Nanggagaling ang Ganitong Pag-ibig?

Ang tanong na ito ay sinasagot sa apat na maiikling salita na isinulat ni apostol Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang pag-ibig ni Jehova ay ipinakikita sa pamamagitan ng kaniyang kagandahang-loob sa atin. Lahat ng bagay na mabuti na taglay natin ay sa kaniya nanggagaling. “Bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay galing sa itaas.” (Santiago 1:17) Totoo sa pisikal na daigdig na kinabubuhayan natin nang maligaya, at lalo na sa espirituwal na mga pagpapala na ibinibigay sa atin nang sagana bilang mapagpahalagang mga Kristiyano.

Itinawag-pansin sa atin ni Jesu-Kristo ang isa pang katunayan ng pag-ibig ni Jehova: “Pinasisikat niya [ni Jehova] ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabuti at pinauulanan ang mga taong matuwid at di-matuwid.” (Mateo 5:45) At ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ay higit pang pinatutunayan sa materyal na mga pagpapala, sapagkat ipinaliwanag ni Jesus: “Iniibig ng Diyos ang sanlibutan kung kayat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang lahat ng sumasampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Mayroon pa bang higit na malawak na pag-ibig kaysa riyan?

Sa pamamagitan ng pagpapakita ng gayong pag-ibig sa sangkatauhan, si Jehova ay nagpapahayag ng isang pag-ibig na nag-uugat nang matibay sa simulain. Sa wikang Griego, ang pag-ibig na iyon ay tinatawag na a·gaʹpe. Ipinakikita rin naman ni Jehova sa mga Kristiyano ang pag-ibig na ito. Datapuwat, ang kaniyang pag-ibig sa kanila ay higit pa. Pagka ang isang tao’y tumugon sa pag-ibig ng Diyos, ipinahahayag ni Jehova ang phi·liʹa, isang salitang Griego na nangangahulugang “pakikipagkaibigan” o “pagmamahal.” Tinitiyak ni Jesus, “Ang Ama ay may pagmamahal sa inyo, sapagkat kayo’y may pagmamahal sa akin.”​—Juan 16:27.

Tularan ang Pag-ibig ng Diyos

Ang pag-ibig na nagsisilbing isang buklod na tagapagkaisa sa mga Kristiyano ay sumusunod sa sariling magandang halimbawa ni Jehova. Gaya ng sinabi ni apostol Juan: “Tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Ang gayong pag-ibig ay tanda ng isang tunay na Kristiyano at isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos.​—Juan 13:34, 35; Galacia 5:22.

Ang pag-ibig ng isang Kristiyano ay kailangan nakaukol unang-una sa kaniyang makalangit na Ama. Pagkatapos, kailangan magpakita siya ng pag-ibig sa kaniyang mga kapuwa tao. (Mateo 22:37-39) Yamang ang pag-ibig ng Diyos ay pagkalawak-lawak, ang ating pag-ibig sa ating mga kapananampalataya ay kailangan ding maging malawak, ating ‘palawakin.’ Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na taga-Corinto: “Ang aming bibig ay bukás para sa inyo, Oh mga taga-Corinto, ang aming mga puso ay lumaki. . . . Kayo man ay magsilaki rin.”​—2 Corinto 6:11-13.

Paano natin matutularan ang lawak ng pag-ibig ni Jehova? Pag-usapan natin ang mga ilang halimbawa.

“Palakihin” ang Pag-ibig sa Pamilya

Si Pablo ay nagbabala na sa “mga huling araw” ay magkakaroon ng kakapusan ng “katutubong pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-3) Gayunpaman, sa pamilyang Kristiyano, kailangan sumagana ang pag-ibig, kapuwa ang pag-ibig na nakaugat sa simulain (a·gaʹpe) at ang makakaibigan at mapagmahal na uri ng pag-ibig (phi·liʹa).​—Mateo 10:37; Efeso 5:28; Tito 2:4.

Ang pagpapakita ng pag-ibig ay hindi laging madali. Ang mga problema tungkol sa salapi ay malimit na nagiging sanhi ng samaan ng loob sa pamilya. Isang asawa ang maaaring nagdaramdam dahil sa di-gaanong pag-uukol sa kaniya ng panahon ng kaniyang asawa. Baka ang isang asawang babae ay nag-iisip na siya’y pinababayaan o ipinagwawalang-bahala lamang. Maraming mga teenager ang nagsasabi na ang kanilang mga magulang ay walang pagkaunawa sa kanila. Paano malulunasan ang ganitong mga problema at ang nakakatulad din ng mga ito?

Unang-una, ang lunas ay nasa bagay na lahat ng kinauukulan ay dapat na tumulad sa halimbawa ng Diyos at ‘palakihin’ ang kanilang pag-ibig. “Kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, gaya ng nararapat sa mga nasa Panginoon,” ang payo ni Pablo. “Kayong mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong mga asawa at huwag kayong magalit nang may kapaitan sa kanila. Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito’y nakalulugod sa Panginoon. Kayong mga ama, huwag ninyong mungkahiin sa galit ang inyong mga anak, upang huwag silang masiraan ng loob.”​—Colosas 3:18-21.

Ang panalangin na tulungan kang magpakita ng pag-ibig ay tiyak na mabisa pagka bumangon ang mga problema. Gayundin ang mabuting komunikasyon sa pamilya at ang regular na pag-uusap tungkol sa Bibliya. (Deuteronomio 6:4-9) Kaya naman, maraming pamilya ang natulungan na gamitin ang artikulong “Buháy ang Salita ng Diyos” sa Ang Bantayan at yaon pa ring pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” sa magasing Gumising!

Ang Pinalawak na Pag-ibig sa Kongregasyon

Nakalulungkot sabihin pagka ang mga magulang at mga anak ay hindi nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t-isa. Gayundin, pagka ang mga Kristiyano ay hindi nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t-isa. Sinabi ni apostol Juan: “Siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.”​—1 Juan 4:20.

Ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na umasa ng pinakamagaling ukol sa ating espirituwal na mga kapatid. (1 Corinto 13:4, 7) Baka nakikita natin ang ating kapatid na nakikipagpunyagi dahil sa mga problema​—marahil kaniyang inaani ang kaniyang inihasik dahilan sa kaniyang mga nagawang hindi mabuti noong nakaraan. (Galacia 6:7) Ang pag-ibig ang tutulong sa atin na magkaroon ng positibong saloobin sa kaniya. Iiwasan natin ang mga kaisipan na gaya halimbawa ng, ‘talaga naman sa tuwina’y nagdududa ako sa kaniya.’ Kahit na baka mahina sa pananampalataya ang kapatid, maaaring bulay-bulayin natin ang pagkamatiisin ni Jehova sa mga taong mahihina at sikaping tularan Siya sa kaniyang pag-ibig at kaawaan.​—2 Pedro 3:9.

Ang pag-ibig na umiiral sa pagsasamahan ng mga lingkod ni Jehova ay tumutulong upang patatagin ang mga kabataang Kristiyano samantalang sila’y dumaraan sa mahihirap na mga taon ng pagka-teenager. Nang ang isang dalagitang taga-Aprika ay tanungin kung ano ang tumulong sa kaniya upang manatili sa tunay na pagsamba, ang sabi niya: “Sa palagay ko ay hindi lamang yaong natutuhan ko buhat sa Bibliya kundi ang pag-ibig na nakita ko nang ako’y dumalo sa mga pulong Kristiyano at kung paano nila ako tinanggap, iyan ang hinangaan kong mabuti.”

Oo, ang isang malawak na pag-ibig ay maaaring magsilbing tagapagbuklod nang mahigpit sa kongregasyon. Subalit tandaan, ang pag-ibig ni Jehova ay umaabot sa lahat ng tao. Paano natin siya matutularan sa bagay na ito?

Pag-ibig sa mga Taong Hindi Natin Nakikilala

Idiniin ni Jesus ang isang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig sa mga taong di natin nakikilala. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita ng pag-ibig sa iba pagka sila’y nangangaral ng mabuting balita sa mga hindi nila nakikilala.

Ang pag-ibig din sa sangkatauhan ang nag-uudyok sa mga Kristiyano na tulungan ang mga estranghero sa mga ibang paraan. Tulad ng Samaritano sa talinghaga ni Jesus, sila’y nagsisikap na maging mabubuting kapuwa, ‘gumagawa ng mabuti sa lahat,’ kalimitan ay ginaganti sila rito ng di nila inaasahan na mga pagpapala. (Galacia 6:10; Lucas 10:29-37) Isang dalagita sa Alaska na nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng ebanghelyo mga 160 milya (260 km) ang layo sa kaniyang tahanan ang may natagpuang pamilya na ang kotse ay nasira. Nang mabalitaan ng ama ng dalagitang ito, siya ay nagbiyahe ng 320 milya (520 km) upang tumulong sa nasabing pamilya. Kayat nagkaroon ng pagkakataon na ibalita sa pamilyang iyon ang tungkol sa mga layunin at Kaharian ni Jehova. Pagkatapos na mag-aral ng Bibliya, ang asawang lalaki at asawang babae ay nagpabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay ng sarili kay Jehova. Ngayon, sila man ay nakakaranas ng kagalakan ng pamamahagi ng mabuting balita sa iba.​—Gawa 20:35.

Maaari Mo bang Ibigin Yaong mga Napopoot sa Iyo?

Ang pag-ibig Kristiyano ay higit pa ang nararating kaysa pag-ibig lamang sa mga estranghero. Ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo’y mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang kaniyang pinasisikat ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa matuwid na mga tao at pati sa di-matuwid.”​—Mateo 5:44, 45.

Talaga nga kayang posible na ibigin natin yaong mga umuusig sa atin? Noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ng mga Nazi ay buong kalupitan na pinaggugulpi at sapilitang pinagtrabaho ng mabibigat na ang kapalit ay dahup na dahop na mga rasyon. Kung gayon, hindi sila makakadama ng malaking pagmamahal at pagkapalakaibigan (phi·liʹa) sa mga nagsiusig sa kanila. Gayunpaman, kanilang pinakitaan sila ng ganoon ding may simulaing pag-ibig (a·gaʹpe) na ipinakikita ni Jehova sa lahat ng tao. At sa gayon, kailanma’t posible, ipinamahagi ng mga Saksi sa mga mang-uusig ang nagbibigay-buhay na mensahe ng katotohanan. At ang iba sa mga kaaway na ito nang bandang huli ay naging mga Kristiyano.

Marami sa mga taong umuusig sa mga lingkod ng Diyos ang gumagawa niyaon nang dahil sa kawalang-malay, gaya ng ginawa noon ni Saul, na nang malaunan ay naging si apostol Pablo. (Galacia 1:13, 14) Kapag natalos natin na ang gayong mga mang-uusig ay biktima ng mga kasinungalingang propaganda ni Satanas, tayo’y natutulungan na magkaroon ng higit na maibiging saloobin sa kanila.​—2 Corinto 4:4.

Si Jehova, na Diyos na may mainit na damdamin, ay nalulugod sa pagbibigay ng gantimpala sa mga nagpapakita ng malawak na pag-ibig sa pamilya, sa kongregasyon, sa mga ibang taong hindi kilala, at maging sa mga kaaway man. Ang gayong pag-ibig ang nagbubuklod sa pamilya at sa kongregasyon nang buong higpit, kung paanong ang pandikit na taglay ng isang taliptip ay nagbibigay doon ng lakas na kumapit nang mahigpit sa isang bato. Isa pa, nang dahil sa pag-ibig ay nahihimok ang mga tagalabas na makiisa rin sa mga Kristiyano sa kanilang pagkakaisa. Hindi ba mayroon tayong dahilan, kung gayon, na tumugon nang may pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalawak nang higit pa sa ating pag-ibig? Oo, may dahilan tayong gawin iyan! Kaya tayo’y magpatuloy ng ‘paggawa niyan nang lalong puspusan.’​—1 Tesalonica 4:9, 10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share