Kayo’y Maligayang Tinatanggap sa 1985 na Kombensiyon ng mga “Nag-iingat ng Katapatan”!
ANG mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala hindi lamang sa kanilang masigasig na ministeryo ng pagbabahay-bahay kundi pati rin sa kanilang malalaking kombensiyong Kristiyano. Sila’y nagkukombensiyon na sa loob ng mahigit na isang daang taon ngayon, mula pa noong 1879. Mayroong mainam na batayan sa Kasulatan ang mga kombensiyong ito.
Tatlong beses sa taun-taon ang mga Israelita ay kailangang magsama-sama sa pagtitipon para sa kanilang mga kapistahan. Itinuring ni Jehova na ang mga pagtitipong ito ay totoong mahalaga kung kaya paulit-ulit na pinangyari niyang idiin ni Moises ang mga ito sa Pentateuch. Tingnan ang Exodo 23:14-17; 34:22-24; Levitico 23:4-22; Bilang 28:16–29:12; Deuteronomio 16:1-16. Nababasa rin natin na ang mga magulang ni Jesus ay regular na nagpupunta sa Jerusalem para sa kapistahan ng Paskua.—Lucas 2:41, 42.
Sa loob ng 38 taon na ngayon, ang mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova ay sumusunod sa isang kaayusan na katulad niyaong sa sinaunang Israel. Dalawang beses sa taun-taon tayo’y nagagalak na magtipun-tipon para sa ating mga asambleang pansirkito, na ang kasali rito’y mula sa 8 hanggang 20 mga kongregasyon. Pagkatapos ay inaasam-asam naman natin na tayo’y magtitipun-tipon minsan sa isang taon para sa ating pandistrito, pambansa, o internasyonal na mga kombensiyon. Atin bang pinahahalagahan ang mga pagtitipong ito gaya ng dapat na gawin natin? Hindi lahat ng ating mga kapatid sa buong lupa ay mayroon ng pagpapalang ito. Sa gayon isang report kamakailan galing sa isang bansa sa Balkan na kung saan ang gawain ay matagal nang pinaghihigpitan ang nagbabalita na “ngayon lamang makapagdaraos kami ng isang pandistritong kombensiyon sa isang bulwagang pangmadla . . . Ang mga kapatid ay galak na galak tungkol dito.”
Sila’y may dahilan na maging maligaya, sapagkat wari nga na mientras marami ang mga Saksi na nagtitipun-tipon, lalo namang malaki ang kaligayahan. Isang bansa ang nag-ulat noong 1983 na “ang ‘Pagkakaisa ng Kaharian’ na kombensiyon noong Disyembre ang pinakamahalagang pangyayari ng taon,” at isa pa ang nagsabi na iyon ang “pinakamahalagang pangyayari sa santaon.” Hindi nga kataka-taka na karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay bumubuo ng mga plano, kadalasan ang kapalit ay malaking pagsasakripisyo, upang makadalo sa lahat ng tatlo at kalahating araw na mga kombensiyong pandistrito.
Noong nakaraang taon tayo ay nagkapribilehiyo na dumalo sa mga kombensiyon ng “Pagsulong ng Kaharian.” Ipinakita ng programa na angkop na angkop ang temang iyon dahilan sa malaking pagsulong sa dami ng mga mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig. Isa pa, idiniin ang mga obligasyon ng bawat Saksi may kaugnayan sa pagsulong na iyon. At anong pagkainam-inam na mga kagamitan ang tinanggap natin para sa ating ministeryo—ang Reference Edition ng New World Translation of the Holy Scriptures, ang aklat-aralan sa Bibliya na Survival Into a New Earth, at ang broshur na The Divine Name That Will Endure Forever! Sa taóng ito isa pang espesyal na pagpapala ang naghihintay! Tayo’y nagagalak na makipagtipon sa kombensiyon ng mga “Nag-iingat ng Katapatan.” Ang temang ito ay nagtatawag-pansin sa atin ng kahalagahan ng ating pakikibahagi sa pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat hanggang sa wakas ng sistema ni Satanas.
Anong pagkahala-halaga nga ng temang iyan! Kaugnay iyan ng pinakamahalagang isyu na nakaharap sa lahat ng intelihenteng mga kinapal, samakatuwid nga, ang pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova, na itinataguyod ng mga nilikha na nananatili sa kanilang katapatan sa kabila ng lahat ng maaaring gawin sa kanila ni Satanas na Diyablo. Hindi madali ang ikaw ay manatiling tapat sa iyong katapatan sa “mapanganib na mga panahong mahirap na pakitunguhan” na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Ito ang mismong kabaligtaran ng pagsunod sa daan na pinakamadaling lakaran. Ito’y nangangahulugan ng ‘paglakad sa makipot na pintuan at paglakad sa makitid na daan na patungo sa buhay.’—Mateo 7:13, 14.
Ang pananatiling tapat bilang mga ministro ng Diyos na Jehova ay humihingi ng dalawang pangunahing bagay. Sa isang panig ay nariyan ang pangangailangan na magsibol ng bunga ng espiritu upang ating “pagandahin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.” (Tito 2:10) Sa kabilang panig ay binigyan tayo ng gawain na mangaral at gumawa ng mga alagad, samantalang nakikibahagi tayo sa pagtupad sa hula ng Bibliya.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Upang makasunod tayo sa dalawang kahilingang ito, kailangang patuloy na hanapin muna natin ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos. Kailangang labanan natin ang lahat ng mga pakana ni Satanas na Diyablo, lahat ng tukso na inihahalang ng matandang sanlibutang ito sa ating daan sa anyo ng materyalismo at paghahanap ng kalayawan, at kailangang gawin natin ang gaya ng ginawa ni Pablo, ‘hinahampas ang ating mga katawan at sinusupil na gaya ng alipin.’ (1 Corinto 9:27; 1 Pedro 5:8; 1 Juan 2:15-17) Hindi madali ang pagtagumpayan ang mga hadlang sa ating pananatiling tapat.
Kung ating lubusang pinahahalagahan ang hamon na pananatiling tapat, tayo’y dadalo sa kombensiyon na ‘palaisip sa ating espirituwal na pangangailangan.’ (Mateo 5:3) Tayo’y matamang magbibigay ng pansin sa napapakinggan natin buhat sa plataporma, susulat ng mga nota, masiglang makikibahagi sa pag-awit, at makikiisa tayo sa espiritu ng mga panalangin na inihahandog doon. Gayundin, tayo’y makikinig nang buong ingat sa payo na ibinibigay tungkol sa pananatili sa ating katapatan sa Diyos na Jehova, sa ating mga asa-asawa, at sa ating mga kapuwa Kristiyano. At sa pamamagitan ng mga pahayag, mga pakikipagpanayam, mga pagtatanghal, at mga drama tayo ay mapatitibay-loob at masasangkapan upang higit na maging disidido kaysa kailan pa man na manatiling tapat hanggang sa katapusan ng balakyot na lumang sistemang ito ng mga bagay.
Hindi rin natin dapat kaligtaan na ang ating malalaking mga pagtitipon ay nagsisilbing patotoo sa sanlibutan. Noong nakalipas na Enero ang “Pagsulong ng Kaharian” na kombensiyon ay ginanap sa River Plate Stadium, Buenos Aires, Argentina, sa loob ng apat na araw. At totoong napabalita iyon! Ang lokal na peryodikong Ahora ay naglathala ng may mga larawang report ng kombensiyon, na ang paulo ay, “Faith Fills Stadiums.”
Sa ilalim ng isang paulong, “A Kingdom That Is Growing—That of Jehovah’s Witnesses,” ganito ang sabi ng isang bahagi ng isang artikulo na nasa dalawang pahina: “Tunay na di kapani-paniwala. Maniniwala ka kung makita mo. Ang pananampalataya ang nagpapalipat sa mga bundok. At pananampalataya nga ang gumanyak at nagpakilos sa humigit-kumulang 42,000 katao upang magtipun-tipon nang tahimik at may kahanga-hangang kaayusan sa River Plate Stadium ng football sa loob ng apat na araw ng tag-init na ito. At pananampalataya rin naman ang nag-udyok na magtipon ang humigit-kumulang 46,000 mga may pananampalataya anuman ang kanilang sekso, edad, kultura, lahi, o nasyonalidad noong huling araw ng pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. . . . Naniniwala man tayo o hindi sa kanilang mga kuru-kuro at mga turo, ang buong karamihang ito ng mga tao ay karapat-dapat sa pinakamalaking paggalang natin. Kanilang ipinakikita na sila’y mapagpakumbaba, at hiwalay sa walang kabuluhang mga bagay ng araw-araw na pamumuhay at ng modernong daigdig na kinaroroonan natin; sila’y sumusunod sa tuntunin ng kapayapaan at pag-iibigan sa gitna ng mga magkakapatid.”
Nagpatuloy pa ang artikulo: “Kumusta naman ang kanilang organisasyon? Lahat ay maayos. Ang mga pulis na idinestino roon ay nakaranas ng pagkainip sapagkat wala silang magawang anuman . . . wala kahit bahagyang gulo, pag-aaway, o di pagkakaunawaan na nasaksihan sa loob ng apat na araw na iyon. . . . Sa atin ay naiiwan ang isang di-masayod na kapayapaan na sa malas ay taglay ng mga Saksi . . . Sa mali man sila o hindi, sumasa-kanila ang ating paggalang. Ano ba ang nagpapakilos sa kanila? Ang pananampalatayang iyon. Ang pananampalataya na nagpapangyaring lumipat ang mga bundok.”
Walang alinlangan na, sa ating pamumuhay bilang mga ministrong Kristiyano ng Diyos na Jehova, tayo ay makapagbibigay ng mainam na patotoo sa mga tagalabas. Oo, hindi nga madali ang maging isang Kristiyano. Sinabi ni Jesus na ito’y nangangahulugan ng pagpasan ng isang haliging pahirapan. Ang pagdalo sa ating kombensiyon ng mga “Nag-iingat ng Katapatan” ay tutulong sa atin na maging maiinam na mga tagasunod ni Jesu-Kristo.—Mateo 16:24.