Lumakad na May Pagtitiwala sa Pangunguna ni Jehova
“Kayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas. Huwag kayong matakot ni mangilabot man sa kanila, sapagkat si Jehovang iyong Diyos ang kasama mong lumalakad. Hindi ka niya iiwanan ni pababayaan man na lubusan.”—DEUTERONOMIO 31:6.
1. Paano napatunayang si Jehova ay isang walang-katulad na lider o tagapanguna ng mga Israelita?
SI JEHOVA ay napatunayang isang walang-katulad na lider o tagapanguna nang ang mga Israelita ay ilabas niya sa pagkaalipin sa Ehipto. Hindi lamang kaniyang inakay sila sa ilang kundi kaniyang pinaglaanan sila ng pagkain at inumin at binigyan sila ng sakdal na turo. Kaya naman ang mga Levita noong kaarawan ni Nehemias ay makapagsasabi: “Ikaw, samakatuwid baga’y ikaw [Jehovang Diyos], sa iyong saganang kaawaan ay hindi mo pinabayaan sila sa ilang. Ang haliging ulap ay hindi humiwalay sa kanila sa araw upang patnubayan sila sa daan, ni ang haliging apoy man sa gabi upang tanglawan sila sa daan na dapat nilang lakaran. At iyong ibinigay ang iyong mabuting espiritu upang turuan sila, at ang iyong mana ay hindi mo ipinagkait sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw. At apatnapung taon na pinaglaanan mo sila ng pagkain sa ilang. Hindi sila nagkulang ng anuman. Ang kanilang mga damit na suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.”—Nehemias 9:19-21.
2. Bakit pinalakas-loob ni Moises ang mga Israelita na “magpakatibay-loob at magpakalakas”?
2 Sa pamamagitan ng disiplina na isinagawa na taglay ang kabaitan ng isang ama, tinuruan ng Banal na Guro ang mga Israelita kung ano baga ang ibig sabihin ng pagiging makatarungan at matuwid. Lahat ng kaniyang ginawa ay alang-alang sa kanilang pinakamagaling na kapakanan. Kahit na noong sila’y magbubulong at maghimagsik, siya pa rin ay matiisin at hindi niya pinabayaan sila. Lalo na nang ang mga hukbo ng maraming kaaway ay sumalakay sa kanila noon pinatunayan ni Jehova ang kaniyang napakahusay na pangunguna at sinalanta ang mga manlulusob. Totoo ang sinabi ni Moises nang kaniyang palakasin-loob ang mga Israelita sa pamamagitan ng pagsasabi: “Kayo’y magpakatibay-loob at magpakalakas. Huwag kayong matakot ni mangilabot man sa kanila, sapagkat si Jehovang iyong Diyos ang kasama mong lumalakad. Hindi ka niya iiwanan ni pababayaan man na lubusan.” (Deuteronomio 31:1, 6) Ang Diyos ay ‘lalakad’ na kasama nila kung sila’y sasampalataya. Anong inam na pangganyak sa atin na lumakad nang may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova!
Mga Babala Buhat sa Nakaraan
3. Pagkatapos palayain buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, paano nagpakita ang mga Israelita ng kawalang-utang-na-loob at pagtitiwala kay Jehova?
3 Gayunman, ang mga karanasan ng mga Israelita ay nagsisilbing babala para sa atin. Bagaman sila’y pinalaya sa pagkaalipin sa Ehipto nang hindi pa nagtatagal, sila’y paulit-ulit na nagkasala laban sa kanilang di-nakikitang Lider. Samantalang si Moises ay nasa Bundok Sinai at tinatanggap ang Kautusan, sila’y nagpakita ng kawalang-utang-na-loob sa kabila ng lahat na ginawa para sa kanila ng Diyos. Kanilang dinaig si Aaron upang gumawa ng isang gintong baka at sinamba nila iyon sa tinawag ni Aaron na “isang kapistahan kay Jehova.” (Exodo 32:1-6) Ang sampu sa 12 espiya o tiktik na sinugo upang magmasid sa paligid-ligid ng Canaan ay walang pananampalataya, tanging si Josue at si Caleb ang humimok sa mga tao na pumasok sa lupain at sakupin iyon. Subalit ang Israel ay hindi kumilos na may pananampalataya sa Diyos, kaya naman iniutos na lahat ng lalaki “mula sa dalawampung taóng gulang paitaas,” maliban sa tribo ni Levi at sa tapat na si Caleb at Josue, ay mamamatay sa loob ng 40-taóng yugto ng panahon sa ilang. (Bilang 13:1–14:38; Deuteronomio 1:19-40) Tunay, lahat na ito ay dapat magsilbing babala sa atin laban sa ganoon ding kawalang-utang-na-loob at kawalan ng pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova!
4. Sang-ayon sa kasaysayan ng Israel, paano masasabing karapat-dapat lamang ang kapahamakan na sumapit sa Juda, Jerusalem, at templo noong 607 B.C.E.?
4 Bagaman ang mga Israelita ay gumala-gala sa ilang ng may 40 taon, sila’y hindi itinakwil ni Jehova. Siya’y nagpatuloy na ipaglaban ang kanilang mga digmaan. Pagkamatay ni Moises at ni Josue, ang Diyos ay nagbangon ng mga hukom upang iligtas ang kaniyang bayan buhat sa mapang-aping mga kaaway. Subalit nang panahong iyon ang mga Israelita ay sumunod sa kung ano ang tama sa kanilang sariling mga paningin, at ang walang patumanggang karahasan, imoralidad, at idolatriya ay sumagana. (Hukom 17:6–19:30) Nang malaunan, nang ibig nila ng isang haring tao upang makatulad sila ng nakapalibot na mga bansa, ibinigay ni Jehova sa kanila ang kanilang kahilingan subalit binigyang-babala sila ng kahihinatnan nito. (1 Samuel 8:10-18) Gayunman, maging ang paghahari ng angkan ni David ay hindi nakasiya sa mga tao, at sampung tribo ang naghimagsik noong mga kaarawan ni Rehoboam. (1 Hari 11:26–12:19) Higit at higit, ang mismong kaisipan na ang Diyos ang nangunguna sa kanila ay napawi sa isip ng karamihan. Ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo pati na ang pagbagsak na kaharian ng Juda sa kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. ay tunay na karapat-dapat na kahatulan sa isang bayan na hindi lumakad nang may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova. Anong inam na babala para sa atin!
Ang Pangunguna ni Jehova sa Isang Bagong Bansa
5. Ano ang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus, at ano ang gagawin ni Jesus?
5 Tulad ng mga Israelita noong una, ang mga lingkod ni Jehova noong malaunan ay lumakad sa gitna ng pabagu-bagong mga kalagayan, subalit kaniya pa ring inakay sila. Nang si Jesus ng Nazaret ay pabautismo sa tubig noong 29 C.E., ang Diyos ay naglaan ng isang Propeta at Lider na lalong dakila kaysa kay Moises. Bilang ang Mesiyas, kaniyang pangungunahan ang mga tao at ilalabas sa balakyot na sanlibutang ito na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas. (Mateo 3:13-17; Daniel 9:25; Deuteronomio 18:18, 19; Gawa 3:19-23; 1 Juan 5:19) Subalit sinong mga tao? Aba, yaong mga Judio at iba pa na sasampalataya sa Mesiyas na inilaan ng dakilang makalangit na Lider, si Jehovang Diyos!
6. (a) Bakit ang mga tagasunod ni Jesus ay nakapangaral at nakapangalaga sa isang lumalagong organisasyon? (b) Bakit nang dakong huli ay waring namatay ang ilaw ng katotohanan ng Bibliya?
6 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ng kahanga-hangang katotohanan ng Diyos at binigyan sila ng kinakailangang mga tagubilin para sa ministeryo. (Lucas 10:1-16) Kaya nang matapos ni Kristo ang kaniyang ministeryo at iharap ang kaniyang sarili bilang isang hain alang-alang sa makasalanang sangkatauhan, ang naiwanan niya ay mga tagasunod na sinanay upang magpatuloy ng gawaing pangangaral at pangasiwaan ang pamamalakad ng lumalagong organisasyon ng mga sumasampalataya sa kaniya. Sa panahon ng mga apostol, nagkaroon ng mahigpit na pag-uusig. Subalit ang kamay ni Jehova ay sumasa-kaniyang bayan, at ang kanilang mga kahirapan ay may katimbang na kamangha-manghang mga pagdami ng mga sumasampalataya. (Gawa 5:41, 42; 8:4-8; 11:19-21) Pagkatapos na ang mga apostol ni Jesus at ang kanilang kasunod na mga manggagawa ay nangamatay na, ang nag-aangking mga tagasunod ni Kristo ay sumailalim ng pamiminuno ng malulupit at mapagmataas na mga klerigo at mga hari. (Gawa 20:28-30) Yamang ang kalagayang ito ay nagpatuloy ng humigit-kumulang 15 siglo, noon ay para ngang namatay na ang ilaw ng katotohanan ng Bibliya.
7. Kailan at paano muling ipinadama ni Jehova ang kaniyang pangunguna, at ano ang kaniyang isiniwalat sa kaniyang mga lingkod sa modernong-panahon?
7 Subalit, nang magkagayon, tulad ng ‘isang tinig na humihiyaw sa ilang,’ ay narinig ang pabalita: ‘Ang Kaharian ay malapit na!’ (Ihambing ang Isaias 40:3-5; Lucas 3:3-6; Mateo 10:7.) Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, muling ipinadama ni Jehova ang kaniyang pangunguna at ang kaniyang mga tunay na mananamba ay sinimulan niya na tawagin at ilabas sa balakyot na sanlibutang ito at sa maka-Babilonyang mga pamamalakad nito ng relihiyon. (Apocalipsis 18:1-5) Sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at ng banal na espiritu, isiniwalat ng Diyos sa kaniyang mga lingkod sa modernong-panahon na ang taóng 1914 ang wakas ng walang-hadlang na pamamahala ng mga bansang Gentil at gayundin ang pagluluklok sa langit ng niluwalhating si Jesu-Kristo, ang pinili ng Diyos na Hari sa buong sangkatauhan.—Lucas 21:24; tingnan ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 34-37.
8. (a) Pagkatapos, ano ang inorganisa? (b) Sa pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay napasama sino, at paano nakikita na sila’y pinangungunahan ng Diyos at ni Kristo?
8 Pagkatapos, isang bagong bansa na binubuo ng nalabi ng espirituwal na Israel ang inorganisa, binigyan ng higit pang liwanag tungkol sa mga layunin ng Diyos at lubusang sinanay para sa ministeryo. Sumunod, sa pinahirang mga tagasunod na ito ng Kristo ay napasama ang isang maramihang pulutong ng mga sumasampalataya na may makalupang pag-asa. Ngayon, sama-sama, lahat ng mga saksing ito ni Jehova ay may kagalakan na nagbabalita ng kaniyang pangalan at Kaharian sa kadulu-duluhan ng lupa. (Isaias 66:7, 8; Galacia 6:16; Apocalipsis 7:4, 9, 10) Sa organisadong pagkilos ng mga Saksi, ang pangunguna ni Jehova at ng kaniyang makaharing Anak ay kitang-kita, lalung-lalo na sa pagtugon ng milyun-milyon na tapat-pusong mga tao na naging masugid na mga tagapagbalita ng pamamahala ng Kaharian. Kayo ba ay bahagi ng maligayang pulutong na ito na lumalakad na may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova?—Mikas 4:1, 2, 5.
9. Anong pandaigdig na samahan ang umiiral ngayon, at ano ang kanilang saloobin sa pangunguna ng Diyos at sa pamahalaang teokratiko?
9 Sa wakas, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagiging mga saksi niya “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8; Marcos 13:10) Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ngayon ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa, at yaong “mga may hilig sa buhay na walang hanggan” ay tumatanggap sa katotohanan nang may kagalakan. Sila’y nagiging bahagi ng isang pandaigdig na samahan ng espirituwal na magkakapatid na may kagalakang tumanggap sa pangunguna ng Diyos at nagpasakop sa pamamahalang teokratiko. (Gawa 13:48; 1 Pedro 2:17) Tulad nila, ikaw ba ay mayroon ding lubusang pagtitiwala na si Jehovang Diyos at ang kaniyang Haring-Anak, si Jesu-Kristo, ang nagdidirekta sa organisasyong ito ng mga tagapagbalita ng Kaharian?
Mag-ingat Laban sa Pagkawala ng Pagtitiwala
10. Anong babala ang dapat magpakilos sa bawat Kristiyano na suriing maingat na maingat ang kaniyang sarili?
10 Ang mga nagsitanggap ba ng lahat ng pagpapala na bunga ng pangunguna ni Jehova ay maaaring mahulog sa silo ng kawalan ng pananampalataya at pagtitiwala sa kaniya? Oo, sapagkat sa atin ay ibinabala: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka ang sinuman sa inyo’y tubuan ng isang masamang puso na kulang ng pananampalataya, na maghihiwalay sa inyo sa Diyos na buháy; ngunit laging magpaalalahanan sa isa’t-isa araw-araw, samantalang sinasabing ‘Ngayon,’ sapagkat baka sinuman sa inyo’y pagmatigasin ng daya ng kasalanan.” (Hebreo 3:12, 13) Kung gayon, bawat Kristiyano ay dapat na maingat na maingat na magsuri sa kaniyang sarili.
11. (a) Sa anu-anong paraan maaaring maging manhid ang budhi ng isang tao? (b) Ano ang nangyari sa iba noong unang siglo C.E.?
11 Ang budhi ng isang tao ay maaaring maging manhid na anupa’t hindi niya nakikita ang kamalian ng isang hakbangin ng pagkilos na hindi kasuwato ng espiritu ng pagka-Kristiyano at nagpapakita ng kawalan ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Halimbawa, ang ilan ay maaaring mahulog sa silo ng pag-iisip na ang materyalismo at makalamang mga kalayawan ay dapat na maging kasinghalaga na rin o mas mahalaga pa nga sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Ang iba ay baka naging imoral o sila’y nagsasalita ng laban sa responsableng mga lalaki sa kongregasyon. Noong unang siglo C.E., “mga taong masasama” na nakasingit sa kongregasyon ang “nagpaparungis sa laman at kanilang niwawalang kabuluhan ang pagkapanginoon at nilalait ang mga maluwalhati” na may mga pananagutan sa kongregasyon. (Judas 4-8, 16) Ang huwad na mga Kristiyanong iyon ay nawalan ng tunay na pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang pangunguna. Huwag nawang mangyari sa atin iyan!
12. (a) Sa ano nagwawalang-bahala ang isang taong makasarili at mapaghimagsik? (b) Ano ang pagkakaiba ni Kore at ni David?
12 Malimit kasama ng ‘pagwawalang-kabuluhan sa pagkapanginoon’ ang isang makasarili at mapaghimagsik na kalooban na nagwawalang-bahala sa bagay na si Jehova ang nagdidirekta sa kaniyang organisasyon. Ang ganitong espiritu ang nagpahamak kay Kore at sa mga iba pa na sumalungat sa bigay-Diyos na awtoridad ni Moises at ni Aaron. (Bilang 16:1-35) Subalit anong laking pagkakaiba ni David! Dahil sa kontento siya na maghintay sa Diyos upang ituwid ang mga pagkakamali, hindi pinaslang ni David ang kaniyang balakyot na kaaway na si Haring Saul sapagkat ito “ang pinahiran ni Jehova.” (1 Samuel 24:2-7) Oo, hinirang ni Jehova si Moises, si Aaron, Saul, David, Jesu-Kristo, at mga iba pa. Gayundin naman, sa organisasyon ng Diyos ngayon nag-aatas ng mga maglilingkod kasuwato ng mga kahilingan ng Kasulatan at sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ni Jehova.—1 Timoteo 3:1-13; Tito 1:5-9; Gawa 20:28.
13. (a) Bakit tayo dapat magpasalamat sa pangunguna ni Jehova? (b) Tulad nino dapat tayong lumakad, at taglay ang anong saloobin?
13 Yamang ‘hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang hakbang,’ tayo’y dapat magpasalamat sa pangunguna ni Jehova. (Jeremias 10:23) Si Abraham at ang kaniyang tapat na asawang si Sara ay sumunod sa Diyos at kumilos nang may pananampalataya. Si Boaz at si Ruth ay sumunod sa banal na mga kaayusan. Oo, at marami pang ibang tapat na mga lalaki at mga babae ang malugod na sumunod sa patnubay ni Jehova. (Hebreo 11:4-38; Ruth 3:1–4:17) Tulad ng mga naunang lingkod ng Diyos, kung gayon, dapat nating iwasan ang isang malasariling kalooban, at may kagalakang makipagtulungan sa teokratikong organisasyon ng Diyos, at lumakad nang may lubos na pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova.
May Pagtitiwalang “Ilagak Mo kay Jehova ang Iyong Pasan”
14. Ano ang tutulong sa atin na mag-ingat laban sa kaisipan ng paghihimagsik?
14 Bilang tapat na mga saksi ni Jehova, ano ang tutulong sa atin upang mag-ingat laban sa isang kaisipan ng paghihimagsik? Bueno, una’y kailangang kilalanin natin na masama ang maging mapaghimagsik at may kapangahasan na ipagwalang-bahala ang patnubay ng Diyos. (Nehemias 9:16, 28-31; Kawikaan 11:2) Tayo’y makapananalangin sa ating makalangit na Ama gaya ni David, na sumamo: “Sa mga gawang kapalaluan ay pigilin mo ang iyong lingkod; ang mga yao’y huwag mong pagtaglayin ng kapangyarihan sa akin. Kaya naman ako’y magiging sakdal, at magiging malinis ako sa malaking pagsalansang.” (Awit 19:13) Makatutulong din ang pagsasagunita ng malaking pag-ibig na ipinakita ni Jehova alang-alang sa atin. Ito’y dapat na magpayabong ng ating pag-ibig sa kaniya at gumanyak sa atin na tanggapin ang kaniyang pangunguna sa tuwina.—Juan 3:16; Lucas 10:27.
15. Ano ang ipinapayo kung ang isang kapatid ay hindi nahirang na isang ministeryal na lingkod o isang tagapangasiwa dahil sa inaakala niyang may isang bagay na laban sa kaniya ang matatanda?
15 Huwag nating kalilimutan ang bagay na si Jehova ang nangunguna sa kaniyang organisasyon, bagaman kung minsan ay baka hindi madali ang lumakad nang may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova. Bilang halimbawa: Ipagpalagay natin na isang kapatid na lalaki ang nag-aakala na siya’y hindi nahirang bilang isang ministeryal na lingkod o isang tagapangasiwa dahil sa inaakala niyang may isang bagay na laban sa kaniya ang matatanda. Sa halip na kumilos sa isang paraan na sisira sa katahimikan ng kongregasyon, alalahanin niya na si Jehova ang nangunguna sa organisasyong teokratiko. Sa gayon, ang kapatid na ito ay maaaring humingi ng paliwanag niyaon sa paraan na mapagpakumbaba at mapayapa. (Hebreo 12:14) At anong inam din para sa kaniya na kilalanin ang anumang kahinaan na itinawag-pansin sa kaniya at may kalakip na panalangin na pagtagumpayan iyon! Pagkatapos, maaari niyang ipabahala sa Diyos ang mga bagay-bagay, bilang pagsunod sa payo na: “Ilagak mo kay Jehova ang iyong pasan.” (Awit 55:22) Pagdating ng panahon at pagka tayo’y kuwalipikado na, tiyak na tayo’y bibigyan ni Jehova ng maraming gawain sa paglilingkod sa kaniya.—Ihambing ang 1 Corinto 15:58.
16. Kahit na kung tayo’y dumanas ng talagang masamang trato sa loob ng kongregasyon, ano ang hindi natin dapat gawin, at bakit?
16 Kahit na kung tayo’y dumanas ng talagang masamang trato buhat sa isang kapatid, sapat na dahilan na ba iyan upang huminto tayo ng pakikisama sa kongregasyon? Katuwiran na ba iyan upang huminto tayo ng banal na paglilingkuran kay Jehova? Hindi, sapagkat ang ganiyang hakbangin ay kawalang-pananampalataya sa Diyos at kawalang-utang-na-loob sa kabila ng kaniyang pangunguna. Ipinakikita rin niyan na hindi natin iniibig ang ating tapat na mga kapananampalataya sa buong lupa. (Mateo 22:36-40; 1 Juan 4:7, 8) Isa pa, kung sisirain natin ang ating katapatan kay Jehova, magbibigay iyan kay Satanas ng dahilan para kutyain ang Diyos—na tiyak naman na hindi nating gusto!—Kawikaan 27:11.
17. (a) Ano ang tutulong sa atin na manatiling nagtitiwala sa pangunguna ni Jehova sa kaniyang organisasyon? (b) Ano ang magiging karanasan niyaong magpapatuloy na lumakad na may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova?
17 Kung gayon, ating ‘purihin si Jehova at huwag kalimutan ang lahat ng mga gawa ng Isa na nagpuputong sa ating buhay ng kagandahang-loob at mga kaawaan.’ (Awit 103:2-4) Kung laging aalalahanin natin ang ating mapagmahal na Diyos at kikilos tayo na kasuwato ng kaniyang Salita, tayo’y mananatiling may matibay na pagtitiwala sa kaniyang di-nabibigong pangunguna. (Kawikaan 22:19) Ang pagtalikod kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, ang pagtatakwil sa pag-akay na ginagawa ng “tapat at maingat na alipin,” at ang basta lamang personal na pagbabasa ng Bibliya at pagpapakahulugan dito ay nakakatulad ng pagiging isang nagsosolong punungkahoy sa isang tuyung-tuyong lupain. Subalit kabaligtaran nito, ang isang taong may pagtitiwala sa ating Dakilang Lider, si Jehova, “ay magiging parang punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubigan, na nag-uugat sa tabi ng ilog; at hindi matatakot pagka dumating ang init, kundi ang kaniyang dahon ay tunay na mananariwa.” At, “sa panahon ng tagtuyot siya’y hindi mababalisa, ni hihinto man siya ng pamumunga” sa ikaluluwalhati ng Diyos. (Mateo 24:45-47; Jeremias 17:8) Iyan ang maaaring maging pinagpalang karanasan mo rin kung ikaw ay magpapatuloy na lumakad nang may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova.
Masasagot Mo Ba?
◻ Sa anu-anong paraan pinatunayan ni Jehova na siya’y isang walang-katulad na tagapanguna sa mga Israelita?
◻ Tungkol sa pangunguna ng Diyos, ang sinaunang Israel ay nagsisilbing anong babala?
◻ Sa kanino ba nangunguna si Jehova sa ngayon?
◻ Ano ang tutulong sa atin na mag-ingat laban sa pagkawala ng pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova?
◻ Kahit na kung tayo’y dumanas ng masamang trato sa loob ng kongregasyon, ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa pangunguna ni Jehova?
[Larawan sa pahina 17]
Noong 607 B.C.E. napahamak yaong mga hindi nagsilakad na may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova. Anong laking karunungan na makinig sa babalang iyan!
[Larawan sa pahina 19]
Sina Abraham, Sara, David, Jesus, at iba pa ay nagsilakad na may pagtitiwala sa pangunguna ni Jehova. Ikaw ba rin?