Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 12/15 p. 5-7
  • Paano Gagawing Mabisa ang Pagbabasa Mo ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Gagawing Mabisa ang Pagbabasa Mo ng Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Wastong Saloobin
  • Pagbabasa na May Pananampalataya
  • Ang Pangangailangan ng Tulong
  • Ang Pagbabasa na Nagbubunga
  • Makinabang sa Araw-araw na Pagbabasa ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Manghawakang Mahigpit sa Salita ng Diyos
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Paano Ka Mas Makikinabang sa Pagbabasa ng Bibliya?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 12/15 p. 5-7

Paano Gagawing Mabisa ang Pagbabasa Mo ng Bibliya

“MAPALAD ang mga dukha sa espiritu.” Ganiyan ang pambungad na mga salita ng bantog na Sermon sa Bundok ni Jesus, sang-ayon sa mga ilang salin Ingles (na isina-Tagalog) ng Bibliya. (Mateo 5:3, Revised Standard Version, mga edisyong Protestante at Katoliko) Nauunawaan mo ba kung ano ang talagang ibig sabihin ni Jesus ng “dukha sa espiritu”? Ang tinutukoy ba niya ay yaong mga nasisiraan ng loob? O yaong mga kulang-kulang ang isip? Baka naman hindi iyan, subalit tiyak na kailangan na malaman natin.

Ang mga Saksi ni Jehova, na kinikilala kahit na ng kanilang mga kritiko bilang mahuhusay na mga estudyante ng Bibliya, ay nagpapatunay na ang New World Translation of the Holy Scriptures ay nakatutugon sa kahilingan ng pagiging maliwanag at wasto. Ganito ang pagkasalin ng talatang iyan buhat sa Sermon sa Bundok: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”

Ang mga ibang komentaryo ng Bibliya ay sumasang-ayon na ito nga ang ibig sabihin ng “dukha sa espiritu.” Kung gayon, bakit nga maraming kasalukuyang mga bersiyon, tulad baga ng Katolikong Jerusalem Bible at ng New International Version, ang nagpupumilit pa ring gamitin ang pananalitang “dukha sa espiritu”?

Ipinakikita ng halimbawang ito na upang maging mabisa ang pagbabasa ng Bibliya, kailangan na pumili ka ng isang salin na wasto, malinaw, at nauunawaan.

Ang Wastong Saloobin

Para sa mabisang pagbabasa ng Bibliya ay kailangan din ang wastong saloobin sa bahagi ng bumabasa. Ang mga salitang iyan din ng Sermon sa Bundok ang bumubuo ng kung ano ang dapat na maging saloobin natin, samakatuwid nga: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Ang buhay mo ba ay kulang ng tunay na espirituwalidad? Alam mo ba na kailangan mo na ang iyong isip at ang iyong puso ay pasukan mo ng espirituwal na pagkain? Ang Bibliya ay makatutulong sa iyo sa bagay na iyan.

Subalit, sa Bibliya ay hindi ka makakasumpong ng pagkain para sa isip at puso kung ito’y babasahin mo na gaya ng anomang babasahin. Kailangang basahin mo ito “hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Ang iyong mababasa rito ay, hindi pilosopiya ng tao o makabansang kasaysayan, kundi mga kaisipan ng Diyos at ang kasaysayan ng kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Narito rin ang kamangha-manghang mga hula, na ang iba ay natupad na, samantalang ang iba ay natutupad ngayon at nasasaksihan natin o nakatakdang matupad pa sa hinaharap ukol sa ikabubuti ng sangkatauhan.

Yamang ang Bibliya ay Salita ng Diyos, para mabasa ito ng mabisa kailangang humingi ang isa ng tulong sa Kaniya. Kung gayon, angkop na manalangin muna sa Diyos bago magbasa ng Bibliya. Sa simpleng pananalita, na bukal sa iyong puso, hilingin sa kaniya na tulungan ka na maunawaan ang iyong binabasa at kung paano ikakapit ito sa iyong buhay. Kung minsan ay wala tayong kaya na gamitin ang kaalaman na ating natamo, at ang gayong kakayahan ay karunungan. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Kung kulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay sa lahat at di nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ngunit siya’y patuloy na huminging may pananampalataya, na walang anomang pag-aalinlangan.”​—Santiago 1:5, 6.

Pagbabasa na May Pananampalataya

Baka sabihin mo: ‘Paano ako makapananalangin na may pananampalataya at makapagbabasa na may pananampalataya kung kulang ako ng pananampalataya?’ Bueno, kung magbabasa ka ng Bibliya na ‘palaisip sa iyong espirituwal na pangangailangan,’ ang iyong pananampalataya ay patuloy na lálakí samantalang nagkakaroon ka ng kaalaman kay Jehovang Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang mga layunin na nakasentro sa Kristo. Ang tunay na pananampalataya ay hindi dapat ipagkamali sa bulag na paniniwala. Ang Bibliya mismo ay nagbibigay ng kahulugan sa pananampalataya bilang “ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.”​—Hebreo 11:1.

Ang tunay na pananampalataya ay kailangang nakasalig sa kaalaman, at dahil sa gayong kaalaman ang mga bagay na ipinangako ng Diyos ay nagiging tunay na tunay na para bagang ang mga ito ay nakikita na. Samakatuwid, ang pananampalataya ay isang bagay na maaaring kamtin. Resulta ito ng pagbabasa at pakikinig ng mga bagay tungkol sa Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang layunin para sa tao. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo, “ang pananampalataya ay nanggagaling sa bagay na napakinggan. Ang bagay na napakinggan naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol sa Kristo.”​—Roma 10:17.a

Habang ang iyong pananampalataya ay lumalaki, ang iyong pagbabasa ng Bibliya ay magiging lalong mabisa. Bakit? Sapagkat ang iyong “pag-asa sa mga bagay na hinihintay” ay magiging lalong “tiyak.” Ito’y maipaghahalimbawa sa isang bagong pagkakaibigan na namagitan sa iyo at sa isa pang tao. Habang lumalakad ang panahon at patuloy na nakikilala mo ang taong iyon, lalo namang lumalaki ang iyong pagtitiwala sa kaniya. Sa wakas, pagkatapos na dumaan sa maraming mga kalagayan na kung saan hindi ka binigo ng iyong kaibigan, ikaw naman ay nagtitiwala nang lubos sa taong iyon. Kung siya ay susulat sa iyo, nakukuha mo ang diwa ng kaniyang ibig sabihin. Kahit na kung ang isang pangungusap ay hindi gaanong malinaw, kilalang-kilala mo ang taong iyon na anupat wala kang hirap sa pag-unawa ng ibig niyang sabihin. Iyong binabasa ang liham ng kaibigang iyon nang may pagtitiwala, hindi nang may paghihinala.

Gayundin, mientras nakikilala mo ang Bibliya at ang Autor nito, si Jehovang Diyos, lalo ka namang magtitiwala sa Diyos at sa kaniyang Salita. Kahit na ang mga ilang episodo sa kasaysayan ng Bibliya na waring mahirap na unawain ay hindi mag-aalis sa iyo ng pagtitiwalang iyan. Halimbawa, kahit na kung ang dahilan para sa mabilis na pagkilos ng Diyos laban sa isang tao o bansa ay hindi mo agad-agad nauunawaan, magtitiwala ka na iyon ay kinakailangan. Ganiyang-ganiyan ang magiging saloobin mo at baka sabihin mo tungkol sa isang pinagtitiwalaang kaibigan. ‘Bueno, kung ginawa niya iyan, tiyak na mayroong mabuting dahilan.’

Kung sabagay, ang pananampalataya mo sa Diyos ay lalong titibay kung makakatagpo ka ng dahilan kung bakit kumilos siya sa ganoong paraan o kung bakit kung minsan para bang mabagal siya ng pagkilos laban sa mga balakyot. Subalit baka kailanganin mo ang tulong. Kaya napapaharap sa atin ang isa pang mahalagang bahagi ng mabisang pagbabasa sa Bibliya.

Ang Pangangailangan ng Tulong

Napakainam na mabasa mo ang buong Bibliya. Sa bilis na isang kabanata isang araw, kailangan ang mahigit na tatlong taon para mabasa ang kapuwa Kasulatang Hebreo at Griego. Kung tatlo o apat na kabanata ang mababasa mo sa isang araw, gugugol iyan ng humigit-kumulang isang taon. Subalit, upang magkaroon ka ng pangkalahatang ideya ng nilalaman ng Bibliya, maaari kang magsimula sa Mga Awit at Mga Kawikaan. Pagkatapos ay bumalik ka sa Genesis, Exodo, at Unang Samuel bago ka lumipat sa panahong Kristiyano, sa Mateo, Mga Gawa, at ilan sa mga liham na isinulat sa mga sinaunang Kristiyano gaya sa mga taga-Filipos, kay Santiago, at ang Una o Ikalawang Pedro.

Samantalang ginagawa mo ito, natatalos mo na upang makinabang ka sa Bibliya, mabuting alamin mo kung ano ang sinasabi nito tungkol sa isang paksa. Ang mga talata na may kinalaman sa isang paksa ay maaaring hiwa-hiwalay. Kailangan mo ang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya upang maalaman mo kung ano ang sinasabi ng Kasulatan, topiko-por-topiko. At, yamang ang mga aklat ng Bibliya ay hindi sunud-sunod ang pagkaayos ayon sa kronolohiya, ang gayong mga tulong ay tutulong sa iyo upang maunawaan ang pagkakasunud-sunod nito ayon sa panahon. Ang ulat tungkol sa mga lugar at sa kasaysayan ay makatutulong din ng malaki sa pag-unawa sa Kasulatan.

Saan matatagpuan ang ganiyang mga tulong sa pag-aaral ng Bibliya? Noong nakalipas na mga taon ang mga autor na Katoliko ay naglathala ng maraming aklat na kaipala’y tutulong sa mga Katoliko sa kanilang pagbabasa sa Bibliya. Subalit ang gayong mga autor ay napapalagay sa alanganin. Kung ang gayong mga autor ay tunay na tumutulong sa mga Katoliko upang maunawaan ang Bibliya, dagling matutuklasan nitong huli na ang gayong mga aral Katoliko ay wala doon. Sa kabilang dako, kung ipinagmamatuwid ng mga autor ang aral Katoliko, kanilang sinisira ang tiwala ng mangbabasa sa Bibliya sapagkat ang Kasulatan ay isinasailalim nila sa tradisyon ng simbahan.​—Ihambing ang Marcos 7:13.

Parami nang paraming mga taimtim na Katoliko ang tumatanggap ng tulong buhat sa mga Saksi ni Jehova. Sa maraming bansa, libu-libong mga Katoliko ang nagpupunyaging magbasa ng Bibliya upang maunawaan ito. Ngunit sila’y tumatanggap ng bahagyang tulong o tuluyang hindi tumatanggap ng tulong sa kani-kanilang mga pari. Sila’y katulad ng bating na Etiope na nagbabasa ng aklat ni Isaias. Nang tanungin siya ng ebanghelisador na si Felipe kung talagang nauunawaan niya ang kaniyang binabasa mapakumbabang tumugon ang Etiope: “Paano ko nga mauunawaan, maliban sa mayroong umakay sa akin?” (Gawa 8:31, RS, edisyong Katoliko) Siya’y tinulungan ni Felipe, at nang bandang huli ang taimtim na taong ito ay naging isang bautismadong Kristiyano. Gayundin naman, sa kanilang pagbabahay-bahay ang mga Saksi ni Jehova ay nakakatagpo ng mga Katoliko, at pagka sinabi ng mga ito sa sila’y may Bibliya sa kanilang tahanan, itinatanong ng mga Saksi kung ibig nilang sila’y tulungan upang maging mabisa ang kanilang pagbabasa ng Bibliya.

Ang Pagbabasa na Nagbubunga

Sa kanilang pagtuturo ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng maraming aklat-aralan sa Bibliya, tulad baga ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya (116 mga kuwento sa Bibliya na inilalahad sa simpleng pananalita at sunud-sunod ayon sa petsa), Tunay nga bang Salita ng Diyos ang Bibliya? (pinatutunayan nito na totoo ang Bibliya at naaayon sa siyensiya at kasaysayan), “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial” (isang sumaryo aklat-por-aklat ng nilalaman ng Bibliya, at may impormasyon tungkol sa mga lugar at kasaysayan), at Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa (tinipon nito ang kasulatan sa 30 mahalagang mga topiko, kasali na ang kahanga-hangang pag-asa na ibinibigay ng Salita ng Diyos sa taimtim na mga mambabasa ng Bibliya ngayon).

Ang mga aklat-aralang ito sa Bibliya, at ang ikinagagalak na walang bayad na pagtulong sa inyo ng mga Saksi ni Jehova, ay magpapangyari na ang inyong pagbabasa ng Bibliya ay maging kalugud-lugod at mabisa. Kayo’y makakatagpo ng giya para sa araw-araw na pamumuhay at ng isang kahanga-hangang pag-asa para sa buhay sa ipinangakong Bagong Kaayusan ng Diyos, kung saan, sa wakas, ang kalooban ng Diyos ay “gagawin sa lupa gaya ng sa langit.”​—Mateo 6:10, JB.

[Talababa]

a Tingnan ang talababa, Reference Edition of the New World Translation of the Holy Scriptures, 1984.

[Larawan sa pahina 7]

Nakilala ng Etiope kung ano ang kailangan upang maunawaan ang Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share