Malaganap na Maling Palagay Tungkol sa Bibliya
MAHIGIT na 8,000,000 pounds sterling! Anong pagkalaki-laking halaga na ibayad para sa isang aklat! Gayunman, sa subastang ginanap sa London noong Disyembre 1983, iyan ang halagang ibinayad ng bumili, na kinatawan ng Federal Republic of Germany. Ano bang aklat ang posibling magkahalaga nga ng ganiyan? Iyon ay ang isang bahagi ng Bibliya, isang aklat ng Mga Ebanghelyo noong ika-12 siglo.
Ano man ang dahilan para sa pagbabayad ng ganiyang kalaking halaga para sa manuskritong aklat na ito, interesado tayong malaman na kung bakit ibabayad ang ganiyang kalaking halaga para sa isang bahagi ng Bibliya. Nababanaag diyan ang paniwala ng maraming tao na ang Bibliya ay hindi matutumbasan ng ano mang halaga. Gayunman, ang iba’y naghihinala o napupuot pa nga sa Bibliya. Bakit?
Ang Malaganap na Maling Palagay
Maraming tao, lalo na sa mga bansang Protestante, ang nag-aangkin na ang Bibliya ay mistulang isang kudyapi na doo’y maaari mong tugtugin ang anomang tono. Kanilang inaakala na ang Bibliya’y magagamit upang patunayan ang maraming nagkakasalungatang mga aral. Ang sabi nila: ‘Depende lamang iyan sa kung paano mo binibigyan iyon ng kahulugan.’ Ito kaya’y tama?
Oo, ang Bibliya ay maaaring sipiin sa pagtatangkang suhayan ang nagkakaiba-ibang mga paniwala. Subalit kung ang mga pangungusap ay inalis sa konteksto, hindi baga ang isinulat ng sino mang autor ay maaaring magtingin na sumasalungat sa sarili? Tama kaya ito? Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang isang tamang pagbabasa ng Bibliya ay hindi nagpapahintulot ng nagkakasalungatang mga interpretasyon ng mga pangunahing doktrina.
Ang Bibliya mismo ay nagsasabi, “Sapagkat inyong nalalaman noong una, na walang hula ng Kasulatan na buhat sa sariling pagpapakahulugan.” (2 Pedro 1:20) Sa madali’t-sabi, ang puwersa na nagpakilos upang maisulat ang makahulang Kasulatan ay hindi lamang puwersa ng tao, kundi iyon ay ang banal na espiritu, o nagpapakilos na puwersa, ng Diyos. Siya ang una sa lahat ng mga propeta at Kumasi sa lahat ng mga tunay na hula ng Bibliya sa pamamagitan ng kaniyang di-nakikitang nagpapakilos na puwersa.
Ang isa pang malaganap na maling palagay ay, samantalang ang Diyos ng kinasihang Kasulatang Griegong Kristiyano ay mabait at mapagmahal, ang Diyos naman ng kinasihang Kasulatang Hebreo ay malupit at mapaghiganti. Ang Frances na manunulat-sanaysay na si Stendhal ay sumulat na ang Diyos “ay isang malupit, at, kung gayon, mapaghiganti; walang nilalaman ang kaniyang Bibliya kundi nakasisindak na pagpaparusa.” Hindi katakataka ang opinyon na ito, yamang galing ito sa isang tao na kilala bilang isang ateyista. Ganiyan din ang opinyon ng marami na naturingang mga Kristiyano, kasali na ang mga ibang klerigo.
Ang katotohanan ay, na kapuwa sa bahaging isinulat ang orihinal sa Hebreo at ang bahaging isinulat ang orihinal sa Griego, tahasang sinasabi ng Kasulatan na mayroon lamang “iisang Diyos.” (1 Corinto 8:6; Deuteronomio 6:4) Ipinakikita ng dalawang bahaging ito na ang Diyos ay mahabagin, makatarungan, maibigin, at matatag. (Exodo 34:6, 7; Awit 103:6-8; 1 Juan 4:8; Hebreo 12:28, 29) Ang iba sa pinakamalumanay na mga talata ng Kasulatan ay nasa bahaging Hebreo ng Bibliya, tulad baga ng Mga Awit. Sa kabaligtaran naman, sa “Bagong Tipan” ay mababasa ang mga paglalahad ng hatol na pagpaparusa sa mga balakyot. (2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis, kabanata 18 at 19) Buhat sa pasimula hanggang sa katapusan ay mababasa sa Bibliya ang isang kahanga-hangang pag-asa na ibinibigay sa mga matuwid. (Genesis 22:17, 18; Awit 37:10, 11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Sa gayon, ang buong Bibliya ay nagkakatugma buhat sa pasimula hanggang katapusan.
Isang “Aklat ng Protestante” Ba?
Ang isang maling palagay ng daan-daang angaw na mga Katoliko sa daigdig ay na isang “aklat ng Protestante” ang Bibliya. Dito’y hindi dapat sisihin ang taimtim na mga Katoliko. Daang-daang taon na ibinawal ng Iglesia Katolika Romana ang pagbabasa ng Bibliya sa anomang wika maliban sa Latin. Kaya naman ang Kasulatan ay hindi mabasa ng karamihan ng mga miyembrong Katoliko. Totoo, sapol noong 1897 at lalong-lalo na sapol noong ikalawang Vatican Council (1962-1965), ang mga Katoliko ay binigyan ng karapatan na bumasa ng karaniwang-wikang mga Bibliya na aprobado ng Roma. Subalit mahirap mabuwag ang mga tradisyon. Kaya naman sa mga bansang saradong Katoliko, ang pagbabasa ang Bibliya ay iniuugnay sa Protestantismo.
Marami sa mga Katoliko na mayroon nang mga Bibliya ngayon ay may agam-agam pa rin tungkol sa pagbabasa niyan. Bakit? Sapagkat ang kanilang relihiyon ay nagtuturo pa rin na ang pagbabasa ng Bibliya ay maaaring magdulot ng panganib. Bakit? Sapagkat sinasabi ng Iglesia Katolika Romana na hindi nilalaman ng Bibliya ang kompletong katotohanan para sa mga Kristiyano; kailangan pa itong dagdagan ng “tradisyon” upang makompleto. Sa kaniyang aklat na La Parole de Dieu (Ang Salita ng Diyos), ganito ang isinulat ni Georges Auzou, Katolikong propesor ng Banal na Kasulatan: “Ang tradisyon ang nauuna, bumabalot, kalakip at higit pa sa Kasulatan. . . . [Ito] ang tumutulong sa atin na maunawaan kung bakit hindi iniutos ng Simbahan na ang pagbabasa ng Bibliya o pag-aaral ng Bibliya ay isang mahigpit na obligasyon o isang lubusang pangangailangan.”
Bakit Dapat Magbasa ng Bibliya?
Gayunman, maraming taimtim na mga Katoliko sa buong daigdig ang nagsisikap na magkaroon ng Bibliya at napatutulong upang maunawaan ito. Ganiyan din kung tungkol sa maraming mga Protestante at maging yaon mang naglagak na ng kanilang pag-asa sa komunismo, sosyalismo, o siyensiya.
Pagkatapos na suriin ang mga dahilan para sa panibagong interes sa espirituwal na mga bagay, ang kabalitaan sa relihiyon na si Alain Woodrow ay sumulat sa peryodikong Le Monde ng Paris: “Ito unang-una ay isang natural na reaksiyon sa kawalang tiwala ng resulta ng kabiguan ng dakilang mga sistema ng kaisipan, ideolohiya, politika, at siyensiya.” At ang higit pang dahilan na ibinigay niya ay “kabiguan ng institusyonal na mga relihiyon dahilan sa kanilang pakikipagkompromiso sa mga politiko at komersiyante ng sanlibutang ito,” at, bilang huling-huli, yaong tinatawag niya na “apocaliptikong pagkatakot.”
Baka isa ka sa mga taong nagsimula nang magbasa ng Bibliya. Kung gayon, kailangang malaman mo kung paano gagawing mabisa ang iyong pagbabasa ng Bibliya.