Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 3/22 p. 24-28
  • Pagtatagumpay sa “Huling Bahagi ng mga Araw”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatagumpay sa “Huling Bahagi ng mga Araw”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Propeta ng Kapayapaan
  • Ang Pag-atake ni Gog
  • ‘Mga Lihim na Isiniwalat’
  • Isang Modernong-Panahong “Pagtutulakan”
  • “Kikilos Ako Laban sa Iyo, O Gog”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Gog
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Malapit Nang Mapuksa si Gog ng Magog
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2017
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 3/22 p. 24-28

Pagtatagumpay sa “Huling Bahagi ng mga Araw”

“May isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim, at kaniyang ipinaaninaw . . . ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.”​—DANIEL 2:28.

1. (a) Paanong ang mga hula ni Jeremias, Ezekiel, at Daniel ay totoong kapaki-pakinabang sa atin sa ngayon? (b) Bakit iningatan ang kinasihang mga kasulatang iyan?

JEREMIAS, EZEKIEL, DANIEL​—nagugunita natin ang kanilang kapana-panabik na mga hula! Halos may 2,600 taon na ngayon, ang tatlong matitibay-loob na mga lingkod na ito ng Soberanong Panginoong Jehova ay nangabuhay sa huling mga araw ng isang apostatang Jerusalem, bagaman sila’y nasa iba’t ibang lugar at nasa ilalim ng iba’t ibang mga kalagayan. Subalit bawat isa sa kanila ay nanghula tungkol sa mga pangyayari na aabot sa sukdulan sa “huling bahagi ng mga araw.” Ang kinasihang mga kasulatang iyan ay iningatan para sa ikatitibay-loob ng lahat ng umiibig sa Diyos at sa katuwiran, at nagnanais na makaligtas sa “malaking kapighatian” na napipinto na.​—Mateo 24:3-22; Roma 15:4.

2. Bakit kailangan ni Jeremias ang lakas buhat kay Jehova?

2 Si Jeremias ay nanghula sa Jerusalem. Samantalang napipinto ang kapahamakan, ang mga pinuno at mga mamamayan ay nahulog sa paggawa ng mga gawang katampalasanan at kalikuan. Kaya, pinalakas-loob ni Jehova ang kaniyang propeta na tulad ng “isang kutang tansong pader” upang makatayong matatag sa gitna ng kanilang kasamaan.​—Jeremias 15:11, 20; 23:13, 14.

Mga Propeta ng Kapayapaan

3. Anong mga kasinungalingan ang sinasabi ng mga propeta?

3 Tungkol sa masasamang mga pinunong relihiyoso ng Jerusalem, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias: “Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanghuhula sa inyo. Sila’y nagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan. Sila’y nagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso​—hindi yaong mula sa bibig ni Jehova. Kanilang sinasabing paulit-ulit sa kanila na walang galang sa akin, ‘Sinabi ni Jehova: “Kayong mga tao’y magkakaroon ng kapayapaan.”’” Ang mga bulaang propetang iyon ay nagsasabi, “May kapayapaan! May Kapayapaan!” gayong wala namang kapayapaan.​—Jeremias 23:16, 17; 6:14.

4. Sa anong pag-asa kumakapit ang maraming tao sa Sangkakristiyanuhan?

4 Gayundin naman, sa apostatang Sangkakristiyanuhan ngayon, may mga propeta ng kapayapaan. Marami sa mga ito ang kumakapit sa sinabi ni Papa Paul VI na “ang huling pag-asa ng pagkakasundo at kapayapaan,” ang United Nations. Hindi na magtatagal, ipahahayag ng kalipunang iyan na ang 1986 ang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Sa pagbibigay-alam ng kaniyang intensiyon na sumali sa aktibidad ng Taon, ang Santa Sede ay nagpahayag na kaniyang “pinagyayaman ang pag-asa na ang Taóng ito ay magbubunga ng hinahangad na mga resulta at magaganap ang isang mahalagang yugto sa katuparan ng mapayapang relasyon ng mga bayan at mga bansa.” Subalit totoo kayang maaasahan natin na ang mga bansa ay makapagtatatag ng tunay na kapayapaan?

5. Ano ang sinalitang hula ni Jeremias, at paano iyon matutupad sa “huling bahagi ng mga araw”?

5 Ang Diyos na rin ang nagsasabi kung ano ang mangyayari: “Narito! Ang bagyo ni Jehova, ang kapusukan, ay lalabas nga, alalaong baga’y isang umaalimpuyong bagyo. Babagsak ito sa ulo ng mga balakyot. Ang galit ni Jehova ay hindi mapaparam hangga’t hindi niya nagagawa at hangga’t hindi niya naisasagawa ang mga panukala ng kaniyang puso. Sa huling bahagi ng mga araw ay inyo itong mauunawaan [o, “inyong lubos na mauunawaan,” The New English Bible].” (Jeremias 23:19, 20; tingnan din ang 30:23, 24.) Oo, mauunawaan ng mga lider ng huwad na relihiyon kung ano ang ibig sabihin para sa kanila ng “huling bahagi ng mga araw.” Subalit totoong huli na pag-isipan man nila ito!​—Ihambing ang Apocalipsis 18:10, 16; 19:11-16; Mateo 24:30.

6. Ano ang magiging maligayang resulta para sa marami?

6 Subalit, nakatutuwang malaman na marami na dating mga bihag sa huwad na relihiyon ang ‘umuunawa nito.’ Kanilang tinutugon ang panawagan: “Lumabas kayo sa kaniya [huwad na relihiyon], bayan ko,” sapagkat ayaw nilang maparamay sa kaniyang mga kasalanan o tumanggap ng bahagi ng hatol ng Diyos laban sa kaniya. Kung isa ka sa mga ito, harinawang magpatuloy kang tumalima sa sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa “huling bahagi ng mga araw” at sa maningning na panahon ng kapayapaan na kasunod nito.​—Apocalipsis 18:2, 4, 5; 21:3, 4.

Ang Pag-atake ni Gog

7. Ano ang mga kalagayan nang manghula si Ezekiel?

7 Ano ba ang kalagayan ng sariling bayan ng Diyos sa panahon ng “huling bahagi ng mga araw”? Sasabihin sa atin ni propeta Ezekiel. Nang siya’y kabataan pa, walang alinlangan na kilala niya si Jeremias, subalit noon si Ezekiel ay dinalang bihag sa Babilonya. Doon, sa dalampasigan ng ilog Chebar, siya’y sinugo noong 613 B.C.E. upang magsilbing propeta ni Jehova at bantay sa mga Judio na nasa pagkabihag, at ito naman ay kaniyang isinagawa sa loob ng mga 22 taon. Gayunman, ang kaniyang mga inihula ay hindi lamang noong kaniyang kapanahunan tinakdang maganap. Sa mga kabanata 38 at 39, kaniyang isinasaysay ang tungkol sa ‘Gog ng Magog.’

8, 9. (a) Ano ang pangunahing isyu na kailangang malutas, at kailan? (b) Sino si Gog, sino ang mga tagasunod niya, at ano ang patakaran niya? (c) Ano ang gagawin ni Jehova kay Gog?

8 Sino ba itong ‘Gog ng Magog’ na ito? Bueno, sino ba ang pusakal na kaaway ni Jehova na kasangkot sa pangunahing isyu ng “huling bahagi ng mga araw,” yaong tungkol sa pansansinukob na soberanya? Siya ay si Satanas na Diyablo, na mula sa langit ay ibinulusok dito sa gawing lupa ng Pastol-Hari, si Jesu-Kristo, pagkatapos ng Kaniyang pagkaluklok noong 1914. Ang galit na galit na si Gog ay narito na lamang sa limitadong dako ng mga espiritu, “ang lupain ng Magog,” malapit sa lupang ito. Ang resulta nito ay “kaabahan para sa lupa” sapagkat batid ni Gog na ang panahong iyan ay maikli na para sa pagsasagawa niya ng kaniyang patakarang ‘maghari o magpahamak.’​—Ezekiel 37:24-28; 38:1, 2; Apocalipsis 11:18; 12:9-17.

9 Sinisipi ni Ezekiel ang Soberanong Panginoong Jehova na nagsasabi: “Narito, ako’y laban sa iyo, Oh Gog, na pangulong puno [tagapamahala ng sanlibutan] . . . At aking ipipihit ka sa palibot at kakawitan ko ng mga pambingwit ang iyong mga panga at ilalabas kita kasama ang lahat ng iyong hukbong panlaban, . . . maraming bayan na kasama mo.” (Ezekiel 38:3-6; Juan 12:31) Oo, si Gog ay maraming mga bayang alipores niya, sapagkat “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Gayunman, malalagyan ni Jehova ng makasagisag na mga pambingwit ang mga panga ni Gog upang siya’y maneobrahin. Subalit bakit, at papaano?

10. (a) Di-tulad ng mga bansa, saan nagtitiwala ang mga Saksi ni Jehova? (b) Bakit nag-aalab ang poot ni Gog at ng kaniyang mga alipores? (c) Ano ang kailangang gawin natin upang makaligtas?

10 Sa pag-uudyok ni Gog, ang mga superpower ngayon ay nangangatuwiran na depende raw ang kapayapaan ng daigdig sa kanilang higit at higit pang pagpaparami ng kanilang mga armas nuklear. At sila naman ay tinatangkilik ng mga ibang bansa. Datapuwat, ang bayan ng Diyos na “tinipong sama-sama galing sa mga bansa” ay nagtakwil na ng mga armas ng karahasan. Ang mga Saksi ni Jehova ang tangi lamang “bansa” sa lupa na may katotohanang makapagsasabi, “Sa Diyos kami nagtitiwala.” (Isaias 2:4; 31:1; Kawikaan 3:5) Ang mapayapang mga saksing ito ni Jehova ay “nagsisitahang tiwasay, silang lahat ay nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang bayan man.” Sila’y “nagsisitahan sa gitna ng lupa,” sapagkat sa lahat ng bansa, at sila’y naroon sa gawing gitna bilang ang kaisa-isang bayan na hindi nadadaig ni Gog. (Ezekiel 38:11, 12) Sa gayon, ang nag-aalab ang poot na si Gog ng Magog ay tumitipon sa kaniyang buong organisasyon ng mga demonyo upang dalhin sa larangan ng labanan. Tulad ng leong umuungal, ang ibinulusok na si Satanas ay naghanda para sa isang lubus-lubusang pag-atake. Para tayo’y makaligtas, tayong lahat ay kailangang ‘manindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.’​—1 Pedro 5:8, 9.

11. Paano ‘dinadala [ni Jehova] si Gog laban sa Kaniyang lupain,’ at sa anong layunin?

11 Iniutos ni Jehova kay Ezekiel: “Kaya’t manghula ka, Oh anak ng tao, at sabihin mo kay Gog, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa araw na ang aking bayang [espirituwal] Israel ay tumatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman ito?”’” Si Gog at ang kaniyang mga alipores ay naiinggit sa katiwasayan at kasaganaan na nakikita nila sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Nag-aalab ang kanilang poot dahilan sa ang mga ito ay “hindi bahagi ng sanlibutan [ni Satanas].” Ganiyan tinutuya ni Jehova si Gog, at pinupukaw siya na sumalakay sa walang depensang mga Saksi. Sinasabi ni Jehova kay Gog: “Ikaw ay sasampa laban sa aking bayang Israel, na parang ulap na tatakip sa lupain. Sa huling bahagi ng mga araw mangyayari ito, at dadalhin nga kita laban sa aking lupain, sa layunin na makilala ako ng mga bansa pagka inaring-banal ko ang aking sarili sa harap ng kanilang mga mata, Oh Gog.”​—Ezekiel 38:14, 16; Juan 17:14, 16.

12. Ayon sa Ezekiel 38:18-23, ano ang resulta ng pag-atake ni Gog?

12 Ang nag-aalab ang galit na si Gog ay kumikilos na upang lusubin ang masaganang “lupain” ng bayan ni Jehova. Gayunman, si Gog lamang kaya ang nag-aalab ang poot? Kumusta naman ang poot ng Soberanong Panginoong Jehova laban kay Gog at sa kaniyang mga alipores? Sa Ezekiel 38:18-23 isinasaysay ni Jehova kung paano kaniyang ‘inaaring-banal ang kaniyang sarili sa paningin ng mga bansa’ sa pamamagitan ng pagliligpit kay Gog at pagliligtas sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa pagtatapos ng ulat ng kaniyang tagumpay laban kay Gog at sa kaniyang mga alipores, sinasabi ng Soberanong Panginoon: “Kanilang makikilala na ako’y si Jehova.” Ang kaniyang maningning na pangalan ay ipinagbabangong-puri!

‘Mga Lihim na Isiniwalat’

13. Paano nagpakita si Daniel ng mainam na halimbawa para sa mga kabataang Saksi?

13 Samantalang si Ezekiel ay nanghuhula sa gitna ng bihag na mga Judio malapit sa Babilonya, ang may kabataang si Daniel, na galing sa isang maharlikang angkang Judio, ay tinuturuan naman sa palasyo ni Nabukodonosor. Doon, bilang isang nag-iingat ng katapatan, siya’y nagpakita ng mainam na halimbawa para sa lahat ng mga kabataang lingkod ni Jehova sa ngayon.​—Daniel 1:8, 9.

14. Sa anong bagay ibinigay ng batang si Daniel ang lahat ng kapurihan sa Diyos?

14 Nang ikalawang taon pagkatapos na bumagsak ang Jerusalem, si Nabukodonosor ay binagabag ng isang panaginip. Pagka gising niya, hindi man lamang niya maalaala ang panaginip na iyon. Subalit ang panaginip ay ipinaalam sa hari ng may takot sa Diyos na si Daniel. Sa paggawa ng gayon, lahat ng kapurihan ay sa Diyos niya iniukol, at ang sabi niya sa hari: “May isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim, at kaniyang ipinaaaninaw kay Haring Nabukodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” (Daniel 2:28) Ano ang mapapag-alaman natin buhat sa panaginip na ito at sa katuparan nito sa “huling bahagi ng mga araw”?

15, 16. Ano ang paliwanag tungkol sa panaginip ni Nabukodonosor?

15 Dito ay makikita natin ang isang pagkalaki-laking larawan o imahen, na ang malaking bahagi’y binubuo ng iba’t ibang metal ayon sa pagkakasunud-sunod. Ipinaliwanag ni Daniel na ang mga ito ay kumakatawan sa sunud-sunod na mga kaharian at sinasabi niya kay Nabukodonosor, “Ikaw mismo ang ulong ginto,” maliwanag na ang tinutukoy ay ang mga hari sa Babilonya. At may kasunod ito na mga ibang kapangyarihan sa daigdig, ang pilak na mga dibdib at bisig ay kumakatawan sa Medo-Persiya, ang tansong tiyan at mga hita ay sa Gresya, ang bakal na mga binti o paa ay sa Roma at, nang bandang huli, sa pandaigdig na kapangyarihan ng Britaniya at Amerika. (Daniel 2:31-40) Magpahanggang sa pagsapit ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa,” mula noong 607 B.C.E. hanggang 1914 C.E., ang mga kapangyarihang ito ay namahala sa kaharian ng ‘diyos ng sanlibutang ito.’​—Lucas 21:24; 4:5, 6; 2 Corinto 4:4.

16 Gayunman, “sa huling bahagi ng mga araw” bumabangon “ang supling ng mga tao,” ang karaniwang tao. Sa maraming bansa ang mga hari, kaiser, at mga czar ay hinahalinhan ng rebolusyunaryo at demokratikong mga tagapamahala. Ang masamang pamamahala ng mga tao sa lupa ay nagiging isang masalimuot na kaguluhan ng malulupit na mga diktadura at ng sunud-sunurang demokratikong mga uri ng pamahalaan. Gaya ng bakal at putik, ang mga ito ay hindi naghahalo. Kahit na sa United Nations sila ay hindi nagkakasama-sama kundi okupado sila ng nag-aaway-away na mga pagtatalu-talo at pagbabanta. Totoo naman, ‘ang kaharian ay baha-bahagi.’​—Daniel 2:41-43.

17. Paanong ang hula ay natutupad sa “huling bahagi ng mga araw”?

17 Sa gayon, sa “huling bahagi ng mga araw,” ang isyu ng pananakop sa daigdig ay sumasapit sa sukdulan. At ano ang solusyon? Narito! Kumikilos na sapol noong 1914 ang Mesianikong Kaharian ng Diyos. Ito ang “bato” na tinibag sa “bundok” ng pansansinukob na soberanya ni Jehova. Walang anumang bahagi riyan ang sinumang pulitiko! Narito na iyan, tamang-tama sa panahon, sa itinakdang panahon. Sa takdang panahon ng Diyos, ipinatatamaan nito ang paa ng imahen at pinagdudurug-durog ang buong larawang iyan. Tulad ng mga ipa na tinatangay ng hangin, ang gawang-taong pamamahala ay tinatangay din, at walang naiiwang anumang bakas. Subalit ang “bato”​—ang Kaharian ng dakilang Diyos at ng kaniyang Kristo​—ay nagiging isang malaking bundok at napupuno niyaon ang buong lupa. Ang kahariang iyan ay ‘hindi magigiba kailanman at hindi ibibigay sa kaninumang ibang bayan.’ Iyan ay tatayo magpakailanman. Anong laki ng pasasalamat natin kay Jehova sa kaniyang patiunang ‘pagsisiwalat’ ng ganiyang mga lihim!​—Daniel 2:29, 44, 45.

Isang Modernong-Panahong “Pagtutulakan”

18. (a) Anong pangitain nang magtagal ang ibinigay kay Daniel? (b) Ano ang kapuna-puna tungkol sa pangitaing ito?

18 Datapuwat, mayroon pang sasabihin si Daniel tungkol sa mga pamahalaan ng tao at sa “huling bahagi ng mga araw.” Mga 70 taon pagkatapos na maipaalam kay Nabukodonosor ang kaniyang panaginip, ang matanda nang si Daniel ay naroon pa rin sa Babilonya subalit naglilingkod sa ilalim ni Ciro, ang hari ng Persiya. Samantalang siya’y nasa dalampasigan ng ilog Hidekel, isang anghel ang napakita sa kaniya, na ang sabi: “Naparito ako upang ipatalastas sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa huling bahagi ng mga araw, sapagkat ito’y isang pangitain na ukol sa mga araw na darating.” (Daniel 10:14) Detalyadong inilarawan ng anghel ang tungkol sa mga tagapamahala at mga pangyayari sa kasaysayan ng Persiano, Griego, Ehipsiyo, Romano, Alemanya, Anglo-Amerikano, at sosyalistikong anyo ng pamamahala. Kagila-gilalas nga na lahat ng kasaysayang ito, na sumasaklaw ng mahigit na 2,500 taon, ay mapapasulat nang patiuna! Ito’y nagbibigay sa atin ng malaking pagtitiwala sa kinasihang makahulang Salita ng Diyos na Jehova!a

19. Anong mga pangyayari sa modernong panahon ang isinasaysay ng hula?

19 Ang hulang ito ay nagsasaysay sa atin na, sa paglakad ng panahon, dalawang superpower ang lilitaw, “ang hari ng timog” at “ang hari ng hilaga.” At sa wakas, sinasabi ng anghel na, ang hari sa hilaga ay “magpapakataas nang higit kaysa bawat Diyos; at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos”​—hindi mabubuting bagay, sapagkat ‘sa diyos ng mga kuta nagbibigay siya ng kaluwalhatian.’ Laban sa hambog na “haring” ito bumabangon “ang hari ng timog,” na may makapangyarihan ding hukbo. Gaya ng inihula, ang dalawang haring ito “ay . . . magtutulakan.” Ito’y natutupad sa kasalukuyang cold war o pagtutunggalian ng mga superpower. Kung minsan sila ay ‘nagtutulakan’ nang may karahasan samantalang sila’y nagtatalo para sa pagkakaroon ng magkaparehong dami ng mga armas nuklear, bagama’t patuloy na gumagawa sila ng sukdulang paghahanda para sa digmaan.​—Daniel 11:36-45.

20. Ano ang nagpapasiya sa resulta, at paano nasasangkot dito si “Miguel”?

20 Bagama’t sinasabi ng hula na “ang hari ng hilaga” ay dadagsa na parang baha sa maraming lupain, hindi iyan ang nagpapasiya sa resulta. Ang nagpapasiya ay yaong sinasabi sa Daniel 12:1: “At sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo.” Ang Miguel na ito ay si Jesu-Kristo, na ‘tumayo’ sa kaniyang Kaharian noong 1914, agad-agad upang palayasin si Satanas sa langit. At itong “Hari ng mga hari” na ito ang kumikilos sa Armagedon upang puksain ang lahat ng “hari sa lupa,” kasali na yaong sa “hilaga” at “timog.”​—Apocalipsis 12:7-10; 19:11-19.

21. Ano, kung gayon, ang resulta ng “huling bahagi ng mga araw”?

21 Sa sukdulan ng “huling bahagi ng mga araw,” ang resulta ay makikita, ang pagtatagumpay ng Kaharian ng Diyos. Ganito ang pagkasaysay ng anghel tungkol doon: “At magkakaroon ng panahon ng kabagabagan na hindi mangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.”​—Daniel 12:1; ihambing ang Jeremias 25:31-33; Marcos 13:19.

22. Bilang bayan ng Diyos, paano tayo dapat maapektuhan ng mga hulang ito at taglay ang anong pag-asa?

22 Dapat ba tayong matakot sa panahong iyan ng kapighatian at kabagabagan? Hindi kung tayo ay nasa panig ni Jehova, sapagkat sinabi pa ng anghel: “Sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat.” (Daniel 12:1) Kung gayon, tayo’y puspusang mag-aral ng Bibliya at maglingkod kay Jehova. Sa gayon, sa “huling bahagi ng mga araw,” sana’y mapasulat ang ating pangalan sa “aklat ng alaala” ng Diyos na “nakasulat sa harap niya para sa lahat ng nangatatakot kay Jehova at sa mga nag-aalaala sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Sa gayon, tayo’y magkakapribilehiyo na makibahagi sa kaniyang tagumpay “sa huling bahagi ng mga araw.”

[Talababa]

a Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na “Your Will Be Done on Earth,” lathala noong 1958 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 220-323.

Tungkol sa “huling bahagi ng mga araw”​—

◻ Anong resulta ang inihula ni Jeremias tungkol sa pandaigdig na kapayapaan?

◻ Ang paglutas ng anong isyu ang resulta ng pag-atake ni Gog, at paano?

◻ Ang panaginip ni Nabukodonosor ay tumutukoy sa anong sukdulang pangyayari?

◻ Paano magwawakas ang labanan ng pagtutulakan ng dalawang “hari”?

[Larawan sa pahina 27]

Isinisiwalat ni Daniel ang magiging resulta ng “huling bahagi ng mga araw”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share