Pagmamasid sa Daigdig
“Isang Laro ng Pagkukuwenta”
Tatlong taon na ang nakalipas sumabog ang krisis sa pangungutang ng Third World, na nag-udyok ng takot na ang pangglobong sistema ng kabuhayan ay maaaring bumagsak. Gayunman, sa ngayon “waring wala nang anumang kagyat na panganib sa mga suliranin sa pangungutang na nagpabagsak sa malalaking bangko na parang mga domino,” sulat ni Nicholas D. Kristof sa isang balitang nagsusuri para sa The New York Times. Bakit? Sapagkat ang baún sa utang na mga bansa sa Latin Amerika ay lumikha ng labis-labis na negosyo, na nagbukas ng daan sa higit pang pangungutang mula sa International Money Fund at iba pa. Subalit sinasabi ng mga kritiko na iniaantala lamang nito ang araw ng pagtutuos. “Sa isang paraan ito’y isang laro ng pagkukuwenta,” sabi ng isang senior vice-pressident ng isang malaking kompanya. “Iniaantala mo ang pagbabayad at magpautang ka ng bagong salapi upang ibayad sa interes.” Sabi pa ni Kristof: “Para sa lahat ng kailangang-kailangang gawang pagkukumpuni, ang kabuuang utang ng Latin Amerika sa katunayan ay tumaas, hindi bumaba, sa nakalipas na tatlong taon.”
Mga Babae at Panggigipit
Ang mga babae ay dumaranas ng higit na panggigipit mula sa kanilang mga papel sa pamilya kaysa sa mga suliranin sa trabaho ng mga lalaki, ulat ng The New York Times. “Kung ihahambing mo ang mga maybahay, lalo na yaong mga may anak na maliliit, sa mga asawang lalaki na nagtatrabaho at mga ama,” sabi ni Dr. Peggy Thoits ng Princeton University, “walang alinla-ngan na ang mga maybahay ay dumaranas ng higit na pagkabalisa at panlulumo.” Ang mga babae na lubhang nahihirapan ay yaong tinatawag na “mga bihag ng papel na ginagampanan nila”—mga babaing nag-aakalang sila’y nasilo ng isang nakababagot na trabaho o ng tahanan. Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang pinakamaliligayang mga maybahay ay may panlabas na mga interes at pinupunan ang maraming mga papel—gaya ng asawang babae, ina, part-time na manggagawa, estudyante, at aktibong membro ng isang relihiyoso o sosyal na organisasyon.
Babala sa Kidlat
“Ang kidlat ay higit na nakamamatay kaysa marahil ay inaakala mo,” sabi ng magasing Parents. Ang karamihan ng mga pinsala ay nangyayari sa mga tao sa mga gusali na hindi iniingatan laban sa kidlat. Kapag nagkaroon ng mga pagkidlat, ang mga taong nasa bahay ay pinapayuhan na lumayo sa bukas na mga pintuan at mga bintana, sa tsimenea, sa telepono, at sa mga bagay na yari sa metal. Yaong mga inabutan sa labas ay dapat na iwasan ang palanas na kabukiran, mga bangkang walang bubong, mga pader na kawad, mga punungkahoy, o ang pinakamataas na punungkahoy sa kahuyan. Kapag lumalangoy, umahon sa tubig. Ang pinakamabuti mong proteksiyon ay ang pinakamababang lugar. Subalit kung ikaw ay nasa kapatagan, ibinibigay ng magasin ang payong ito: “Lumuhod at yumuko nang hindi itinutukod ang iyong kamay sa iyong mga tuhod. Pahintulutan ang iyong mga tuhod at mga paa lamang ang dumaiti sa lupa, isang posisyon na nagbabawas-panganib na ikaw ay makoryente.”
Orasán ng Utak sa Buto
Ang mga mananaliksik na pinag-aaralan ang paggawa ng hemoglobin sa mga selula ng utak sa buto ay nag-uulat ng pag-iral ng isang “orasán sa paglaki” sa loob ng mga selulang ito. Sang-ayon sa The Guardian ng London, “ang foetal hemoglobin ay kemikal na naiiba roon sa nasusumpungan sa pulang selula ng dugo pagkasilang” at mas kusang kumukuha ng oksiheno sa dugo ng ina. Pagkasilang, gayunman, dahilan sa maraming tustos ng oksiheno sa bagà ng bagong silang, ang selula ay nagsisimulang gumawa ng isang kemikal na naiiba ang hemoglobin. Papaano nalalaman ng mga selula kung kailan gagawa nito? Ang pagsasaoras ay itinakda ng isang uri ng genetikong orasán sa loob ng mga selula. Sabi ng The Guardian: “Kung paano ngang ang mga selula ay ipinograma na patiuna at inoorasan ang kanilang sariling genetikong mga pangyayari ay nanatiling isang nakalilitong katanungan.”
Mga Baril o mga Sanggol?
Habang dumarami ang pagkakagastos sa militar, dumarami rin ang bilang ng namamatay na mga sanggol, sang-ayon sa mga mananaliksik sa Harvard at Boston University pagkaraang pag-aralan ang mga datus mula sa 141 mga bansa. Inaakala ng mga mananaliksik na ang kanilang konklusyon ay makabuluhan sapagkat ang pagkakagastos sa militar ay nag-aalis ng salapi sa sosyal na mga programa na maaaring magbawas sa dami ng mga namamatay na sanggol. Bilang halimbawa, ang Hapón ay gumugugol ng wala pang 1 porsiyento ng kabuuang produkto ng bansa sa mga layuning militar at mayroong 6 na mga sanggol na isang taon o wala pang isang taon na namamatay sa bawat 1,000 ipinanganganak na buháy. Sa kabaligtaran, ang Estados Unidos ay may mas mataas na pagkakagastos militar—6 porsiyento—at mas mataas din na kamatayan ng mga sanggol—11 sa bawat 1,000. “Ang malaking pagkakaiba ay maaaring dahilan sa pagkakagastos sa militar,” sabi ng isa sa mga mananaliksik.
Madaling Kitain, Madaling Waldasin
Nang si Jim Cohoon ay manalo ng kalahating milyong dolyar sa loteryang panlalawigan sa Canada, siya ay nagbitiw sa kaniyang trabaho. Pagkaraan ng labing-isang linggo wala na siyang pera. Ano ang ginawa ng 53-taóng-gulang na marino sa pera? Basta ipinamigay niya ito—sa mga kaibigan o sa mga estranghero, minsan ay ipinamudmod pa nga ang $50,000 sa mga lasenggo, patutot, at iba pa sa lansangan. Bumili rin siya ng isang bahay at mga kotse at ipinamigay itong lahat. Gayunman, walang napunta sa kaniyang pamilya kahit na pambayad sa tawag sa telepono na ginawa niya nang sabihan sila tungkol sa kaniyang pagkapanalo, himutok ng kaniyang kapatid na si Bob. Ngayon si Jim ay namumuhay sa seguro na nakukuha dahilan sa kawalan ng trabaho at nakikitira sa mga kaibigan.
Pinakaligtas na Upuan?
Aling upuan sa eroplano ang pinakaligtas? Pinipili ngayon ng ilang pasahero ang upuan sa likuran, dahilan sa dalawang mga sakuna sa eroplano kamakailan kung saan ang lahat ng mga nakaligtas ay nakaupo sa likuran. Subalit ipinakikita ng mga dalubhasa na walang paraan upang matiyak kung aling bahagi ng eroplano ang unang tatama sa isang pagbagsak o magkakaroon ng pinakamalaking pinsala. “Ipinakikita ng mga rekord ng Safety Board sa 16 na pinakamalubhang mga pagbagsak ng eroplano mula noong 1970 na ang mga nakaligtas sa karamihan ng mga pagbagsak ay nakaupo sa likuran ng eroplano,” sabi ng isang report ng Daily News ng New York. “Sa siyam na mga pagbagsak, ang mga nakaligtas ay nakaupo sa likuran; sa apat, sa lahat ng dako ng eroplano. Sa tatlong mga pagbagsak, karamihan ng mga namatay ay nakaupo sa gawing likuran.” Yamang ang pangunahing panganib sa mga nakaligtas ay karaniwan nang ang apoy, ang pinakaligtas sa mga upuan ay maaaring yaong pinakamalapit sa mga emergency exit o labasan na pinakamalayo sa apoy. Nasumpungan na ang karamihan ng mga biktima ay namatay dahilan sa ang kanilang pagtakas ay naantala o nahadlangan ng mga labi ng cabin, hindi dahilan sa salpok ng pagbagsak.
Hindi Nagkikipagsapalaran
Nang ang bangkay ng isang biktima ng bulutong na namatay noong 1845 ay matuklasan ng mga arkeologo sa ilalim ng lupa ng simbahan sa Silangang London, ang mga awtoridad ay hindi nakipagsapalaran. Bagaman pinaniniwalaan na ang virus ng bulutong ay hindi na aktibo pagkaraan ng 140 mga taon, ang trabaho ay ipinatigil samantalang ang mga sampol ng kalamnan ay ipinadala sa Estados Unidos para suriin. At gayundin, ang mga arkeologo ay binakunahan laban sa sakit. “Walang bakas ng buháy na virus ang nasumpungan,” ulat ng The Sunday Telegraph. Dalawang taon na ang nakalipas ipinahayag ng World Health Organization na nalipol na ang bulutong.
Iwasan din ang Yelo
Batid ng mga matalinong naglalakbay na, upang maiwasan ang mga karamdamang intestinal o sa bituka, hindi sila dapat uminom ng lokal na tubig sa ilang dako. Subalit hindi ito sapat, babala ng isang report sa Journal of the American Medical Association. Iwasan din ang paggamit ng yelo. Sang-ayon sa pag-aaral, ang baktirya na nagiging sanhi ng sakit ay maaaring makaligtas sa yelo—ang ilan pa nga ay pagkaraan ng mga ilang linggo ng pagyeyelo. Depende sa pinanggalingan, ang yelo sa eroplano ay maaaring hindi rin ligtas, kahit na sa mga inuming may alkohol. “Ikaw ay nanganganib kapag inilagay mo ang yelo sa isang inumin,” sabi ni Dr. Herbert L. DuPont, isa sa mga medikal na mananaliksik na nagtrabaho sa report. “Hindi ko ito ginagawa.”
Walang Lubay na Virus
Ang mga taong nahawaan ng virus ng AIDS ay maaaring mayroon nito nang hindi kinakikitaan ng mga sintomas sa mahigit na apat na taon, sang-ayon sa isang report kamakailan sa The New England Journal of Medicine, at ilipat pa rin ito sa iba sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Mahigit na 200 katao ang iniulat na nagkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo o sa paggamit ng mga sustansiya ng dugo. Kumpirmado ng isang hiwalay na pag-aaral na isinagawa ng Centers for Disease Control sa Atlanta na ang virus ay maaaring magpatuloy nang walang sintomas sa loob ng mahigit limang taon. Hanggang noong kalagitnaang Agosto, mayroon nang mahigit 12,000 kumpirmadong mga kaso ng AIDS sa Estados Unidos—tumataas sa bilis na 160 bagong mga kaso sa bawat linggo—at mahigit na 5,000 sa kanila ang namatay. Ang unang kaso ay iniulat noong 1981.
Binabaka ng mga Sobyet ang Alkoholismo
Kasunod ng isang malawakang kampaniya sa publisidad, ang pamahalaang Sobyet ay naglunsad ng isang malawakang kampaniya laban sa alkoholismo, isang pangunahing suliraning pambansa. Kabilang sa mga bagong hakbang na ipinatupad ay ang pagtataas ng edad sa pag-inom sa 21, pagtataas ng mga multa sa pagkalasing sa publiko o sa trabaho, pagtatakda sa pagsisilbi ng alak sa mga restauran hanggang alas 2 n.h. lamang, at pagpapahintulot sa mga tindahan ng alak na magbukas lamang ng limang oras kung mga araw ng trabaho. Mga halang sa daan ay itinayo sa ibayo ng lupain upang hulihin ang mga lasing na mga tsuper, at ang mga eksena ng pag-inom ay inalis sa mga pelikulang ipinalalabas sa telebisyon. Subalit ang ibang mga Sobyet ay nagdududa kung baga mababago pa ang bisyong pag-inom. “Ang mga tao ay hahanap at hahanap ng paraan upang uminom,” sabi ng isa. “Ito’y nasa ugat na nating mga Ruso.”
Lalong Gusto ng Terorista
Ang pinakamaraming akto ng internasyonal na terorismo noong nakaraang taon ay nangyari sa Kanlurang Europa, sang-ayon sa isang pag-aaral na isinagawa na Jaffee Center for Strategic Studies sa Israel. Sa 412 na mga insidente ng terorismo na kinasasangkutan ng kapakanan ng dalawa o higit pang mga bansa, 40.5 porsiyento ang naganap sa Kanlurang Europa at nagbunga ng 349 na mga kamatayan. Gayumpaman, di mumunting bilang ng mga ito ang nagsangkot ng mga hindi Europeo. Ang Gitnang Silangan ay sumunod na may 20.6 porsiyento, at ang Lebanon ay 9.7 porsiyento ng kabuuan—hindi pa kasali ang mga pagsalakay ng mga Israeli roon. Sumunod ang Espanya na may 8.3 porsiyento at ang Pransiya na 8 porsiyento. Dalawang ikapu lamang ng 1 porsiyento ng internasyonal na mga pagkilos ng terorista ang nangyari sa Silangang Europa. “Iniulat ng report ang lumalagong bilang ng mga insidenteng tuwiran o di-tuwirang tinatangkilik ng mga pamahalaan,” sabi ng The New York Times.