Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 1/1 p. 15-26
  • Pagtatayo Ukol sa Walang-Hanggang Hinaharap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatayo Ukol sa Walang-Hanggang Hinaharap
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Espirituwal na Gawaing Pagtatayo
  • ‘Pagtatayo at Pagtatanim’
  • Pagtatayo Ukol sa Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan
  • Pagtatayo na May Layunin
  • Sama-samang Nagtatayo sa Buong Daigdig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Kagalakan sa Ating Dakilang Manlalalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pagpapatotoo Nagdadala ng Pagsulong sa Kaharian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Gawaing Pagtatayo na Nagpaparangal kay Jehova
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 1/1 p. 15-26

Pagtatayo Ukol sa Walang-Hanggang Hinaharap

“Bawat bahay ay may tagapagtayo, ang Tagapagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”​—HEBREO 3:4, Weymouth.

1, 2. (a) Sino ang nagdisenyo sa daóng o arka, at gaano kadetalyado ang mga tagubilin na ibinigay? (b) Bakit totoong mahalaga na tayo ay sumunod, gaya ng ginawa ni Noe?

MGA 4,400 mga taon na sapol noong iutos ni Jehova kay Noe na magtayo ng arka para sa ikaliligtas ng buhay. Subalit hindi ipinaubaya ng Diyos kay Noe na magtayo ng kung ano na lamang uri ng sasakyan na maaaring lumutang. Bagkus, nagbigay siya ng espisipikong mga tagubilin tungkol sa materyales, plano, haba, luwang, taas, bentilasyon, at mga maliliit na detalye sa loob at sa labas. “At ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Ganoong-ganoon niya ginawa.”​—Genesis 6:13-16, 22.

2 Anong inam na halimbawa para sa modernong-panahong mga saksi ni Jehova! Tulad ni Noe, tayo ay pinagkatiwalaan ng isang nagliligtas-buhay na gawain ngunit ngayon ay inaasahan natin ang pagkaligtas ng ‘angaw-angaw na nabubuhay ngayon na maaaring hindi na mamatay.’ Anong pagkahalaga nga na tayo’y maging masunurin, gaya ni Noe! Totoong kailangan na sundin natin ang halimbawa ng Isang lalong dakila kaysa kay Noe, si Jesu-Kristo, bilang ‘mga tagapangaral ng katuwiran’!​—2 Pedro 2:5.

Isang Espirituwal na Gawaing Pagtatayo

3. (a) Ano ang magiging resulta kung ang isa ay magtatayo sa ibabaw ng mga salita ni Jesus? (b) Bakit ang pangangaral ni Jesus ay nagpapatibay ng pananampalataya?

3 Ngayon ay 1,956 na mga taon na sapol nang manggilalas ang mga tagalalawigan ng Galilea sa pahayag na sinalita ni Jesus: “Magsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” Lahat ng nakinig sa kaniyang mga salita at nagtayo sa ibabaw ng mga iyon ay inihalintulad niya sa “isang matalinong tao, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bunton ng mga bato.” Ang pananampalataya ng taong iyon ay matibay, hindi natitinag, di makikilos. Iyon ay hindi guguho sa ilalim ng mga pabigat. Ang pangangaral ni Jesus ay nagtatayo ng pananampalataya. Iyon ay tumagos sa mga puso ng mga tao, sapagkat ibang-iba sa may pagbabanal-banalang mga pananalita ng mga pinunong relihiyosong Judio. Ang mga karaniwang tao ay nanggilalas sa paraan ni Jesus ng pagtuturo. Kahit na yaong mga kawal na pinapunta upang umaresto sa kaniya ay nangagbalik na hindi siya dala, at ang sabi: “Kailanma’y walang sinumang tao na nagsalita na gaya nito.”​—Mateo 4:17; 7:24, 25, 28; Juan 7:46.

4. (a) Paano nagtayo si Jesus para sa hinaharap? (b) Anong mahalagang pagtatayo ang naganap noong Pentecostes ng 33 C.E.?

4 Si Jesus noon ay nagtatayo para sa hinaharap. Siya’y nagtipon ng mga kamanggagawa, tulad baga ni Pedro, na tinatawag din na Cephas, na ang ibig sabihin ay “isang bato.” Sa alagad na ito, sinabi ni Jesus: “Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong-bundok na ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon.” Nang sumapit ang panahon si Pedro ay naging isa sa maraming “mga batong buháy” na nakatayo sa ibabaw ni Jesus, ang “pundasyong batong pansulok” ng kongregasyon. Ang kongregasyong iyon ay itinatag noong Pentecostes ng 33 C.E. nang ang binuhay-muling si Jesus, na nasa kanang kamay na noon ng Diyos sa langit, ay magbuhos ng banal na espiritu sa naghihintay na mga alagad.​—Mateo 16:18; 1 Pedro 2:4-6; Gawa 2:2-4, 32, 33.

5. Anong modernong-panahong mga pangyayari ang lubhang kinasasangkutan ng kongregasyon Kristiyano?

5 Sa ngayon, ang kongregasyong Kristiyano ay lubhang kasangkot sa katuparan ng mga layunin ni Jehova. Ito ang panahon ng “apocalipsis,” o “pagsisiwalat,” na “ang mga bagay na kailangang mangyari sa lalong madaling panahon” ay isinisiwalat sa “mga alipin” ng Diyos sa lupa. (Apocalipsis 1:1-3, talababa, Ref. Bi.) Ito ang panahon na ang mga aliping ito ay kailangang ‘mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa bilang patotoo,’ bago kaniyang parusahan ang balakyot na sistema ni Satanas. Ito ang panahon para sa Hari, si Jesu-Kristo, na nakaluklok ngayon sa langit, na pagbukdin-bukdin ang maaamo, na tulad-tupang mga tao buhat sa matitigas-ulo, uring kambing na mga tao na ayaw sa Kahariang iyon, at tipunin ang “mga tupa” na ito sa kaniyang kongregasyon ng espirituwal na “mga kapatid” bago sumapit ang “malaking kapighatian.”​—Mateo 24:14, 21; 25:31-40.

6. Ano sa ngayon ang “arka,” at papaano tayo maaaring maligtas?

6 Ano ba ang modernong-panahong arka ng kaligtasan? Ito ay yaong espirituwal na kalagayan na kinaroroonan ng mga Saksi ni Jehova sapol noong 1919, isang espirituwal na paraiso. Tulad ng mga membro ng pamilya ni Noe, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang mga kasamahan ay kinakailangang manatili sa loob nito, gumawang masunurin, buong-puso, upang matapos ang dakilang espirituwal na proyekto na nilayon ni Jehova. Ang proyektong ito ay “tipunin ang lahat ng bagay uli sa Kristo, ang mga bagay sa langit [pasimula noong 33 C.E. sa mga pinahiran na ukol sa langit] at ang mga bagay sa lupa [pasimula lalung-lalo na noong 1935 sa internasyonal na ‘malaking pulutong’ na nakatakdang magkamit ng buhay na walang-hanggan sa lupa].”​—Efeso 1:10; Apocalipsis 7:9, 14.

‘Pagtatayo at Pagtatanim’

7. Anong dalawang-bahaging gawain ang ngayon ay nagaganap, at paano tayo maaaring makibahagi diyan nang may kagalakan gaya ni Noe at ni Jeremias?

7 Sinugo ni Jehova ang natitira pang pinahirang mga Kristiyano sa lupa, gaya ng pagkasugo niya sa propetang si Jeremias, “upang magpuno sa mga bansa at sa mga kaharian, upang mag-alis at magbagsak at upang magsira at upang magbagsak, upang magtayo at magtanim.” Samakatuwid isang dalawahang-panig na gawain ang kasalukuyang nagaganap ngayon: (1) pagbabalita ng kahatulan ni Jehova laban sa balakyot na pansanlibutang sistema ni Satanas at (2) sa pagtatayo at pagtatatag ng isang lipunan ng sariling bayan ng Diyos para sa kaligtasan. (Jeremias 1:10; 24:6, 7; Isaias 26:20, 21) Anong laking kagalakan ng nalabi ng mga pinahiran at ng patuloy na dumaraming mga kasamahan nila samantalang sila’y nakikibahagi sa gawaing ito sa ngayon! Ito ang uri ng kaligayahan na kaypala’y naranasan ng masipag na si Noe at ng kaniyang sambahayan noong kanilang kaarawan.

8. (a) Anong pagsulong ng mga mamamahayag noong nakalipas na 22 taon ang mapapansin? (b) Tunghayan ang mga pahina 20-3, ano bang mga bansa ang nagkaroon ng malaking pagsulong noong 1985?

8 Angaw-angaw nga kaya ang makaliligtas sa araw ng galit ni Jehova? May magandang maaasahan sa bagay na iyan, gaya ng ipinakikita ng 1985 Taunang Ulat ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova. Ang detalye ng ulat na ito ay makikita dito sa mga pahina 20-3. Totoong nakagagalak na bigyan-pansin ang napakainam na pagsulong sa dami ng mga manggagawa sa larangan. Ito ay umabot na ngayon sa kabuuang bilang na 3,024,131 na mga mangangaral ng Kaharian. Ang bilang nila’y umabot sa 1,000,000 noong 1963, 2,000,000 noong 1974, at ngayo’y mahigit silang 3,000,000 sa 1985. Sa loob ng 22 taon na iyon, nagkaroon ng 200-porsiyentong pagsulong. Anong laki ng pasasalamat natin kay Jehova na, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, siyang nagpapalago ng mga bagay!​—Zacarias 4:6; 1 Corinto 3:6.

9. (a) Bakit lalong kapuna-puna ang pagsulong ng mga payunir? (b) Ano ang inirirekomenda sa lahat na maaaring magpayunir, at bakit?

9 Ang lalo pang kapuna-puna noong mga taóng iyon ay ang pagsulong sa dami ng mga pambuong-panahong tagapagbalita ng Kaharian. Sa kabila ng lumulubhang mga kahirapan sa pamumuhay sa buong daigdig, ang bilang ng magiting na grupong ito ng “mga payunir” ay biglang sumulong buhat sa buwanang aberids na 38,573 noong 1963 hanggang sa 322,821 noong 1985​—737-porsiyentong pagsulong! Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nito na isang kamangha-manghang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ang umiiral sa gitna ng mga lingkod ng Diyos, kasuwato ng mga salita ni Jesus sa Lucas 9:23. Karaniwan na, ang maingat na pagpaplano at pagkakait sa sarili ang kinakailangan upang magtagumpay ang isa sa pagpapayunir. Subalit ang mga kagantihan ay totoong malaki.​—Roma 12:1, 2; Malakias 3:10.

10. (a) Ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay nararapat na bigyan ng komendasyon dahil sa ano? (b) Anong tatlong mga bagong pinakamataas ang ulat na gawain ang mapapansin dito, at ano ang ipinakikita nito?

10 Ang angaw-angaw na mga mamamahayag ng kongregasyon ay kailangan din na makipagbaka laban sa mga kagipitan na pinasasapit sa kanila ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. Subalit sila man ay naghahandog sa Diyos ng kanilang “hain ng papuri.” (Hebreo 13:15; Roma 10:9, 10) Ang mga oras na iyon, marami man o kakaunti, na inyong iniuulat na mga tapat na mamamahayag buwan-buwan ay naging bahagi ng bagong pinakamataas na 590,540,205 oras sa paglilingkod sa larangan para sa 1985. Ito ay 16.8-porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa 1984! Mga bagong pinakamataas na 224,725,918 mga pagdalaw-muli at 2,379,146 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga interesadong tao ang nagpapakilala na ang mga tagapagbalita ng Kaharian sa lahat ng dako ay nagsisikap na maging mabubuting tagapagturo at gayundin masisigasig na mga tagapangaral.​—Mateo 28:19, 20.

Pagtatayo Ukol sa Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan

11. Paanong ang tunay na pag-asa ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay iniaanunsiyo, at sa gaanong kalawak?

11 Nang matatapos na ang 1985, ang United Nations ay nagpahayag ng proklamasyon na ang 1986 ay Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Noong nakalilipas na mga panahon kamakailan, marami na ang nasasabi ng UN tungkol sa kapayapaan at katiwasayan. Subalit isang lalong mahalagang proklamasyon, yaong maka-Kasulatang pag-asa ukol sa kapayapaan at katiwasayan, ang nagkaroon ng ibayong kasiglahan noong 1985 nang ang mga Saksi ni Jehova ay mamahagi sa larangan ng daigdig ng 38,805,561 na mga Bibliya, mga aklat, at mga pulyeto, gayundin ng 300,545,609 na mga magasin, at sila’y nakakuha ng 1,719,930 mga suskripsiyon sa The Watchtower at Awake! Sa pamamagitan ng mga limbag na babasahin at ng bibigang pagsasalita, ang itinatag na Kaharian sa langit ng tunay na “Prinsipe ng Kapayapaan” ay binigyan ng pinakamalawak na pagpapatotoo na naibigay kailanman. Oo, “ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”​—Isaias 9:6, 7, King James Version.

12. Anong malaking pangangailangan ang naging resulta ng paglawak, at paanong ang mga lingkod ni Jehova ay nagkakaisa sa pagsisikap na masapatan ang pangangailangang iyan?

12 Dahilan sa napakalaking pagsulong sa larangan kailangan ding palawakin ang pagsuporta sa organisasyon. Noong 1985 ang bilang ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay sumulong mula sa 47,869 hanggang 49,716. Kaya’t dahil dito ay kinailangan ang daan-daang mga bagong dakong pinagtitipunan. Anong inam na banggitin na, sa maraming bansa, ang mga Saksi ay pinagpala sa kanilang pagsisikap na tustusan ng salapi ang mga Kingdom Hall! Kung saan may pangangailangan, ang mga indibiduwal at mga kongregasyon ay bukas-palad na sumuporta sa mga proyekto ng pagtatayo, kung kaya’t nagkaroon ng “patas” na kalagayan sa gitna ng pambuong daigdig na kapatiran.​—2 Corinto 8:14, 15.

13. Paanong maaaring makatulong ang mga indibiduwal sa proyekto ng pagtatayo ng mga Kingdon Hall?

13 Sa mga bansa na kung saan ang mga kalagayan ay kaaya-aya, ang mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society ay sumuporta rin sa mga proyekto ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Sa Estados Unidos at sa Canada, maraming mga indibiduwal ang nag-aabuloy sa isang natatanging Kingdom Hall Fund, at dito’y maaaring umutang para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang mga iba ay nag-abuloy ng kanilang lakas at dalubhasang mga kakayahan, kung kaya’t ang mabilis ang pagkatayong mga Kingdom Hall ay naitayo sa loob lamang ng isang dulo-ng-sanlinggo. Sa gayong mga proyekto na sila’y gumagawa nang “buong-kaluluwa na gaya kay Jehova ginagawa iyon,” nagagawa ng kaniyang mga Saksi ang itinuturing na imposible ng mga taong makasanlibutan.​—Colosas 3:23.

14. Paano sinapatan ang mga pangangailangan ng mga Assembly Hall?

14 Sa ibang mga bansa, isang pangunahing problema ang kakulangan ng mga pasilidad na mapagdarausan ng makalawa-santaon na mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Muli na naman, may kagalakang hinarap ng mga Saksi ang hamong iyan sa pamamagitan ng mga proyekto ng pagtatayo, taglay ang ganoon ding espiritu na gaya niyaong sa mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon. Halimbawa, nang kailanganin na humanap ng mga materyales para sa pagtatayo sa tabernakulo, ang kapisanan ng Israel ay nagkakaisang tumugon sa utos ng Diyos: “Kayu-kayo ay mag-abuluyan para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat taong may kusang-loob bilang abuloy kay Jehova.” Ang kapisanang iyon ay nagbigay nang higit kaysa kinakailangan noon, at ang trabaho ay natapos nang madali.​—Exodo 35:5-19; 36:7.

15. (a) Anong pagpapalawak ang nagaganap sa mga sangay ng Watch Tower Society? (b) Papaano natatapos ang gawain?

15 Habang ang pangangailangan ng mga Bibliya at ng mga publikasyon na salig sa Bibliya ay lumalaki, marami sa 94 na mga sangay ng Watch Tower sa buong daigdig ang kinailangang magpalawak ng kanilang mga pasilidad. Ang paglilimbag sa Brooklyn at Watchtower Farms ang siya pa ring pinakamalawak hanggang sa ngayon, subalit 36 na mga sangay ng Samahan ang gumagawa ng kanilang sariling pag-iimprenta ng mga magasin, at 6 na mga sangay ang nasasangkapan din na lumimbag at magbuo ng mga aklat. Sa mga ito, ang Alemanya, Italya, at Hapón ang gumagawa ng mga Bibliya. Ang bagong pabrika sa Selters, Alemanya, ay gumagawa ng sukdulang pinakamalaki. Sa Ebina, Hapón, sa kasalukuyan ay nagtatayo ng isa pang pabrikang anim na palapag at isang walong palapag na Bethel Home annex para matirahan ng isa pa uling 280 mga manggagawa. Gaya ng bayan ni Jehova na sumuporta sa pagtatayo ng templo ni Solomon “taglay ang sakdal na puso,” gayundin naman sa ngayon ang mga lingkod ng Diyos sa iba’t ibang bansa ay “kusang naghahandog kay Jehova,” at kaniya namang pinagpapala iyon kung kaya’t ang gawain ay natatapos.​—1 Cronica 22:14, 15; 29:7, 9, tingnan ang Ref. Bi., mga talababa.

16. Bakit kailangan ang ganitong karagdagang pagtatayo at pag-oorganisa?

16 Lahat ba ng pagtatayo at pag-oorganisang ito ay talagang kinakailangan? Oo, kung “ang tapat at maingat na alipin” ay magpapatuloy ng paglalaan ng espirituwal na “pagkain sa angkop na panahon.” Ang gayong pagkain ay totoong kailangan para sa paglaki ng “sambahayan ng Diyos” at para sa pangglobong pangangaral sa mahigit na 200 mga wika. (Mateo 24:45; Efeso 2:19; 4:15, 16) Ang mga lingkod ni Jehova mismo ay nag-abuloy ng kanilang kakayahan upang makabuo ng isang maraming-wikang electronic phototypesetting system (MEPS), na ngayo’y mayroon ang 26 mga sangay ng Watch Tower. Kaya naging posible ang isang nagkakaisang pangglobong pagpapaandar ng palimbagang-offset at ito’y tumulong para sa paglalathala na sabay-sabay sa pabalita ng Kaharian sa maraming panig ng lupa.​—Ihambing ang Isaias 52:7-9.

17. Anong pangangailangan mayroon sa punong-tanggapan sa Brooklyn, at paano ito sinasapatan?

17 Waring wala nang katapusan ang modernong-panahong paglawak ng organisasyon ni Jehova. Kahit na ngayon, ang pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York, punong-tanggapan ng Samahan ay lumaki na anupa’t punô na ang lahat ng maaaring maukupahan na mga tuluyan. Kung magiging kalooban iyon ni Jehova, isang mataas na gusali na maaaring okupahan ng isang libong karagdagan pang mga manggagawa sa Bethel ang marahil ay itatayo sa pag-aari ng Samahan sa Columbia Heights. Ngunit sakaling hindi ito mangyari, aasahan natin na si Jehova ang magbibigay ng higit pang pamamatnubay sa bagay na ito. Ang mga panalangin at taus-pusong pagsuporta ng pambuong daigdig na kapatiran may kaugnayan sa lahat ng pagpapalawak na ito ay tunay na pinahahalagahan.​—Ihambing ang Gawa 21:14; 2 Tesalonica 3:1.

18. Bakit napakaraming mga proyekto sa pagtatayo sa ngayon, sa kabila ng pagkamalapit na ng Armagedon?

18 ‘Pero bakit,’ marahil ay may magtatanong, ‘mayroong napakaraming mga proyekto sa pagpapalawak gayong tayo’y nasa bingit na bingit na ng Armagedon?’ Ang sagot ay sapagkat ang organisasyon ni Jehova ay hindi ‘nagsasara’ ngayong malapit na ang Armagedon. Iyan ay ‘oras ng pagsasara’ para lamang sa organisasyon ni Satanas. Ang organisasyon ni Jehova ay nagtatayo para sa walang-hanggang hinaharap. Makatawid man o hindi sa Armagedon ang gawang-taong mga gusali, batid natin na ang organisasyon ng Diyos ay makakatawid bilang isang sumusulong na organisasyon at na gagamitin iyan ni Jehova at yaong mga tapat na mga tagatangkilik nito, sa pagtatayo ng walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan sa maningning na makalupang Paraiso na ipinangako ng Diyos.​—Apocalipsis 7:9, 14-17; 21:1, 4, 5.

Pagtatayo na May Layunin

19. Anong hamon ang makikita batay sa ulat ng Memoryal para sa 1985?

19 Si Noe ay nagtayo na taglay ang layunin, kaya’t tayo ay kailangang ganoon din. Ang isang bahagi ng 1985 Taunang Ulat ng Paglilingkod ay nagbibigay ng isang bagay na dapat pag-isipan. Iyan ay yaong totoong kahanga-hangang bilang ng mga dumalo na 7,792,109 sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong Abril 4, 1985​—isang pagsulong na 375,135 kung ihahambing sa kabuuan noong 1984. Tunay na kamangha-mangha nga! Subalit ang bilang na iyan ay naghaharap ng isang hamon. Sa pinakamataas na 3,024,131 na mga mamamahayag na nakikibahagi ng paglilingkod sa Kaharian, mayroong mga 4,000,000 na mga iba pang nakikisama sa atin, sa ano mang paraan, na kinakailangan pang magtayo para sa hinaharap sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Papaano natin sila matutulungan?

20. Anong apurahang pangangailangan mayroon upang matugon ang hamon, at paano natin mahaharap iyan sa isang praktikal na paraan?

20 Karamihan ng interesadong mga taong ito ay kilala natin sa personal. Sila’y maaaring mga membro ng ating pamilya, mga taong ating pinagdarausan ng mga pag-aaral sa Bibliya, mga suskritor sa ating mga magasin, o iba pa. Ang iba ay baka naging mga interesado sapol noong nakaraang Memoryal. Tayo kaya ngayon ay makagagawa ng pantanging pagsisikap upang tulungan ang mga ito, patibayin sila sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya, upang sila’y makasumpong ng kanlungan sa kaayusan ni Jehova “hanggang sa makalampas ang kasakunaan”? (Awit 57:1) Ang “malaking kapighatian” ay magiging isang gawang pagbabangong-puri ni Jehova, na lalong higit na makabuluhan at pangkatapusan kaysa Baha noong panahon ni Noe. Ibig nating patibayin ang mga taong interesadong ito sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay na mga katotohanan, upang sila’y “makatawag sa pangalan ni Jehova” at hindi malipol. (Mateo 24:21, 22, 39; Zefanias 2:3; 3:8, 9) Tayo’y makipag-aral sa kanila ng Salita ng Diyos, na ginagamit ang aklat-aralang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa o iba pang nagpapatatag ng pananampalatayang mga literatura sa Bibliya.

21. Paano tayo makapagtatayo ng pananampalataya na katulad ng kay Noe sa ating sarili at sa mga iba?

21 Ang Diyos na Jehova ang Maestrong Tagapagtayo at Dakilang Tagapaglaan para sa sangkatauhan. (Awit 127:1; 145:16; Eclesiastes 3:10-13) Siya ang nagdirekta kay Noe sa pagsunod sa disenyo at sa pagtatayo ng arka. Sa pamamagitan ng handang pakikipagtulungan ng Lalong-dakilang Noe, si Jesu-Kristo, siya’y nagsaayos na tubusin ang masunuring mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan ng kaniyang Anak siya ay nagtayo rin naman ng modernong-panahong “arka,” ang maunlad na espirituwal na paraiso na kung saan maaaring makasumpong ng kaligtasan ang may pananampalatayang mga lalaki at mga babae, na umaasang magkakamit ng buhay na walang-hanggan. (Mateo 20:26-28; Juan 3:16; 17:3) Harinawang matulungan natin ang marami pang mga iba upang magpatibay ng kanilang pananampalataya at magkaroon ng isang matibay at matalik na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak. Harinawang matulungan natin sila na umibig sa katuwiran at mapoot sa kabalakyutan. (Hebreo 1:9) Sa gayon, taglay ang pananampalataya na katulad ng kay Noe, tayo ay makapagpapatuloy ng pagtatayo sama-sama ukol sa walang-hanggang hinaharap.​—1 Timoteo 4:15, 16.

MGA ILANG TANONG BILANG REPASO​—

◻ Paano nagtayo si Jesus ukol sa hinaharap?

◻ Ano ang nasumpungan ninyong kapuna-puna sa 1985 report?

◻ Bakit kailangan ang teokratikong mga proyekto sa pagtatayo?

◻ Paano tayong lahat ay makapagtatayo na may layunin?

[Kahon sa pahina 24]

Isang kongregasyon sa isang bansa sa Aprika na kung saan bawal ang gawain ni Jehova ay may 95 mamamahayag, na lahat sila’y nakikibahagi sa paglilingkod buwan-buwan. May bilang na 130 ang katamtamang dumadalo sa kanilang mga pulong ngunit 160 ang dumadalo sa kanilang mga pahayag pangmadla. Sila’y may tatlong regular na mga payunir at kamakailan walong auxiliary payunir. Sa loob lamang ng anim na buwan, 21 mga bagong mamamahayag ang nagsimulang naglingkod sa larangan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]

PANGGLOBONG PAGTATAYO NG MGA SAKSI NI JEHOVA

Sa buong daigdig, 322,821 mga payunir ang nag-uulat sa bawat buwan (24.7 porsiyentong pagsulong)

Ang mga mamamahayag sa buong daigdig ay sumulong hanggang 3,024,131 (pagsulong na 6.4 porsiyento)

Mga pagdalaw-muli sa mga interesado ay may kabuuang 224,725,918 para sa taon (pagsulong na 14.8 porsiyento)

Pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan ay 2,379,146 (pagsulong na 16.2 porsiyento)

[Mga larawan]

Ang mga payunir ay patungo na sa pagbabahay-bahay, Brooklyn, New York

Labing-apat-wikang kombensiyon, Montreal, Quebec, Canada

Pagpapatotoo, Castle Comb, Wiltshire, Inglatera

Grupo sa pag-aaral sa Yap, Micronesia

Mga ilang gusali na ginagamit sa pagsuporta sa pangglobong espirituwal na gawaing pagtatayo.

Sa Brooklyn, nag-iimpake at nagpapadala ng mga Bibliya at literatura sa Bibliya buhat sa may 1,000,000-piye-kuwadradong gusaling ito sa 360 Furman Street

Ang Kingdom Hall (Downpatrick, Northern Ireland) na ito ay itinayo sa loob ng 31 oras

Ang Assembly Hall na ito sa Roma ay isa sa maraming gayong mga bulwagan sa palibot ng lupa

Ang dugtong na ito sa Tahanang Bethel sa Hapón ay kasalukuyang itinatayo

[Chart sa mga pahina 20-23]

ULAT SA 1985 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang bound volume)

[Chart sa pahina 25]

Walong bansa ang nag-ulat ng pinakamataas na bilang na mahigit na 100,000 mamamahayag noong 1985

E.U.A. 723,220

Brazil 177,904

Mexico 173,037

Italya 127,526

Nigeria 121,729

Alemanya 115,604

Britaniya 103,522

Hapón 103,117

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share