Kagalakan sa Ating Dakilang Manlalalang
“Magalak nawa ang Israel sa kaniyang dakilang Manlilikha, ang mga anak ng Sion—magalak nawa sila sa kanilang Hari.”—AWIT 149:2.
1. Sa kabila ng sigaw na “kalayaan sa wakas,” ano ang talagang kalagayan ng sangkatauhan?
SA NGAYON ang daigdig ay sinasalot ng “mga kahirapan.” Iyan ang mga salitang ginamit ni Jesus sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” ang kapaha-pahamak na panahon na nagsimula sa unang digmaang pandaigdig noong 1914. (Mateo 24:3-8) Maraming pulitiko ang walang nakikita kundi kapanglawan sa hinaharap. Sa kabila ng mga sigaw ng “kalayaan sa wakas” sa Silangang Europa, isang dating pangulo sa lugar na iyon ang nagbigay ng kabuuan ng kalagayan nang kaniyang sabihin: “Ang nagpuputok na dami ng populasyon at ang epekto ng pag-init ng atmospera, ang mga butas sa ozone at ang AIDS, ang banta ng nuklear na pagsabog at ang mabilis na paglaki ng agwat sa pagitan ng mayamang hilaga at ng dukhang timog, ang panganib ng taggutom, ang pagkasaid ng biyospero at ng likas na mga kayamanan ng planeta, ang paglawak ng lipunan na naimpluwensiyahan ng telebisyon at ang lumalagong banta ng mga digmaan sa iba’t ibang rehiyon—lahat ng ito, kasali ang libu-libong iba pang salik, ay isang pangkalahatang banta sa sangkatauhan.” Walang lakas ng tao ang makapag-aalis sa bantang ito na may taning na ng kapahamakan.—Jeremias 10:23.
2. Sino ang may permanenteng lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan, at anong hakbang ang kaniya nang nagawa?
2 Gayunman, tayo’y maaaring magalak na taglay ng ating Dakilang Manlalalang ang permanenteng lunas. Sa hula ni Jesus “ang katapusan ng sistema ng mga bagay” ay kaugnay ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto.” (Mateo 24:3, 37-39) Upang malalang ang “mga bagong langit,” iniluklok ni Jehova si Jesus sa kaniyang trono bilang Mesiyanikong Hari, pinatutunayan ng hula na ang makasaysayang pangyayaring ito ay naganap sa langit noong taóng 1914.a (2 Pedro 3:13) Bilang tagapamahala na kasama ng Soberanong Panginoong Jehova, si Jesus ay inatasan na ngayon na humatol sa mga bansa at pagbukud-bukurin ang maaamo, tulad-tupang mga tao sa lupa buhat sa matitigas-ulong mga tulad-kambing. Ang balakyot na “mga kambing” ay may tanda para sa “walang-hanggang pagkalipol” at “ang mga tupa” ay para sa buhay na walang-hanggan sa makalupang sakop ng Kaharian.—Mateo 25:31-34, 46.
3. Anong dahilan mayroon ang tunay na mga Kristiyano para magalak?
3 Ang nalabi ng espirituwal na Israel sa lupa, na may kasama ngayon na isang malaking pulutong ng masunuring mga tupang ito, ay may lahat ng dahilan na magalak kay Jehova, ang Hari ng kawalang-hanggan, samantalang inilalapit niya sa kasukdulan ang kaniyang dakilang mga layunin sa pamamagitan ng Kaharian ng kaniyang Anak. Kanilang masasabi: “Walang pagkabisalang magsasaya ako kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos. Sapagkat binihisan niya ako ng damit ng kaligtasan . . . Kung papaano ang lupa ay nagsisibol ng pananim, at kung papaano ang halaman ay nagsisibol ng mga bagay na natanim doon, gayon pasisibulin ni Jehova ang katuwiran at kapurihan sa lahat ng bansa.” (Isaias 61:10, 11) Ang ‘pagsibol’ na ito ay napatutunayan sa milyun-milyon na tinitipon ngayon mula sa mga bansa upang umawit ng papuri kay Jehova.
‘Pagpapabilis Nito’
4, 5. (a) Papaano inihula ang pagtitipon sa bayan ng Diyos? (b) Anong mahalagang pagsulong ang nasaksihan noong 1992 na taon ng paglilingkod?
4 Ang pagtitipon ay bumibilis samantalang ang katapusan ng sistema ni Satanas ay lumalapit. Ang ating Dakilang Manlalalang ay nagpapahayag: “At ang iyong mamamayan, lahat sila ay magiging matuwid . . . , siyang supling na aking itinanim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako’y luwalhatiin. Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa mismong kapanahunan.” (Isaias 60:21, 22) Ang pagbilis na ito ay kahanga-hangang ipinakikita ng 1992 Ulat sa Taon ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig, lathala sa mga pahina 12 hanggang 15 ng magasing ito.
5 Mahalaga sa ulat na ito ang bagong peak na 4,472,787 na mga tagapagbalita ng Kaharian, isang pagsulong na 193,967—4.5 porsiyento higit kaysa noong nakaraang taon. Ang peak na 301,002 na nabautismuhan noong 1992 ay nagpapakita rin ng bagay na marami ang tumatanggap sa katotohanan ng Bibliya. Anong laki ng ating kagalakan na sa ganitong “araw ng kadiliman at kapanglawan, . . . may isang bayan na napakarami at makapangyarihan,” na, tulad ng kuyog ng mga balang, nagpapalawak sa patotoo ng Kaharian “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa”! (Joel 2:2, 25; Gawa 1:8) Mula sa mayelong Alaska—na kung saan ang eroplano ng Watch Tower Society ay nakagawa ng 50 pagdalaw sa mga teritoryo na nalalatagan ng yelo—hanggang sa tigang na mga disyerto ng Mali at Burkina Faso at sa kalat-kalat na mga isla ng Micronesia, ang mga lingkod ni Jehova ay sumisikat na tulad ng “isang ilaw ng mga bansa, upang ang [kaniyang] kaligtasan ay makarating hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Isaias 49:6.
6, 7. Anong di-inaasahang pagbabago ng mga pangyayari ang nasaksihan noong nakalipas na mga taon, at papaano naapektuhan nito ang mga lingkod ni Jehova?
6 Si Jehova ay mistulang isang kuta at isang matibay na moog sa pagliligtas at pag-alalay sa kaniyang bayan. Sa maraming panig ng lupa, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang magtiis sa loob ng maraming taon ng malupit na paniniil at pag-uusig. (Awit 37:39, 40; 61:3, 4) Subalit kamakailan, waring isang himala, ang mga paghihigpit at hadlang ay inalis sa mga 21 lupain, kung kaya ngayon ang bayan ng Diyos ay malayang nakapagbabalita na si Kristo ay inilagay ng ating Dakilang Manlalalang bilang Hari sa buong lupa.—Awit 2:6-12.
7 Ginagamit bang mabuti ng bayan ni Jehova ang bagong katutuklas na kalayaan? Pansinin sa tsart ang pagsulong mula sa Bulgaria, Romania, at dating Unyong Sobyet sa Silangang Europa at sa Angola, Benin, at Mozambique sa Aprika. Maging sa Zaire, ang paglawak ay kapansin-pansin. Taglay ang kagalakan sa kanilang mga puso, ang ating pinalayang mga kapatid ay tumutugon sa panawagan: “Oh magpasalamat kayo kay Jehova, kayo bayan, sapagkat siya ay mabuti . . . , sa Kaniya na gumagawang mag-isa ng mga dakilang kababalaghan: sapagkat ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” (Awit 136:1, 4) Ang mga pasasalamat na ito ay ipinahahayag sa pamamagitan ng masigasig na paglilingkod sa pagtitipon sa iba pang tulad-tupang mga tao sa panig ng Kaharian.
8. Papaano “nagliliparang gaya ng alapaap” ang bagong mga tagapuri ni Jehova sa Silangang Europa? sa Aprika?
8 Noong nakaraang tag-araw sa Europa, ang mga kombensiyon ng bayan ni Jehova na ginanap sa dating mga lupaing Komunista ay nagkaroon ng kagila-gilalas na dami ng nagsidalo. Lalong nakapanggigilalas ang dami ng nabautismuhan sa mga lupaing iyon. Gayundin, sa Togo, Aprika, ang pagbabawal ay inalis noong Disyembre 10, 1991. Nang sumunod na buwan, nagdaos ng isang pambansang kombensiyon. Kung ihahambing sa buwanang aberids na 6,443 na mga mamamahayag sa larangan, ang bilang ng nagsidalo sa kombensiyong ito ay umabot sa 25,467, at ang nabautismuhan ay 556—8.6 porsiyento ng bilang ng mamamahayag. Gaya ng inilalarawan ng Isaias 60:8, ang bagong mga tagapuri kay Jehova ay “nagliliparang gaya ng alapaap, at gaya ng mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati” sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova.
9. Anong mga paglalaan ang ginawa upang ang mga Kristiyano sa pinalayang mga bansa kamakailan ay ‘makakain at mabusog’?
9 Ang pagkagutom sa espirituwal na pagkain sa Silangang Europa at Aprika ay napapawi na rin. Ang mga pabrika ng Watch Tower Society sa Alemanya, Italya, at Timog Aprika ay nagpadala sa bansang nagugutom sa espirituwal ng sunud-sunod na mga trak na punô ng literatura sa maraming wika. Dati, marami sa mga Saksi ang nagpapasa-pasa lamang ng mga magasing lukot na sa kagagamit, ngunit ngayon sila’y tumatanggap ng saganang espirituwal na pagkain. Kanilang ikinagagalak na makibahagi sa katuparan ng hula: “Kayo ay magsisikain nang sagana, at mangabubusog, at inyong pupurihin ang pangalan ni Jehova ninyong Diyos, na gumawa ng kababalaghan sa inyo.”—Joel 2:26.
Pag-aasikaso sa Higit Pang Paglawak
10. Dahilan sa mataas na bilang ng mga dumalo sa Memoryal, ano ang paanyaya sa lahat ng interesado?
10 Nakapanggigilalas nga ang bilang ng nagsidalo sa buong daigdig sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus, 11,431,171, isang pagsulong na 781,013, o 7.3 porsiyento higit kaysa nakaraang taon. Maligayang tinatanggap kayo, lahat ng mga baguhan! Kahanga-hanga kung lahat ng gayong mga interesado ay makikinabang sa isang pantahanang pakikipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova! (Tingnan ang Isaias 48:17.) Ang Ulat sa Taon ng Paglilingkod ay nagpapakita na may 4,278,127 ng mga pag-aaral na ito ang idinaraos bawat buwan, isang mahusay na 8.4-porsiyentong pagsulong. Gayunman, marami pa ang maaaring makinabang sa paglilingkurang ito. Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na palagiang dumalaw sa mga interesado upang magdaos ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya sa tahanan, sa gayo’y tinutulungan ang mga ito na buong-tatag na itapak ang kanilang mga paa sa daan na patungo sa buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16, 36) Bakit hindi humiling ng gayong pag-aaral? At alalahanin, isang mainit na pagtanggap ang laging naghihintay sa inyo sa Kingdom Hall!—Awit 122:1; Roma 15:7.
11, 12. (a) Anong mga suliranin ang napapaharap sa ilang bansa? (b) Sa papaano may “pagkakapantay-pantay” sa pagitan ng nakaririwasa at ng maralitang mga bansa?
11 Ang mga kongregasyon na may maiinam na Kingdom Hall ay saganang pinagpapala. Ang kalagayan ay naiiba sa mga bansa na kung saan maraming taon na nagtiis ang tapat na mga Saksi sa ilalim ng pagbabawal, lihim na nagtitipon sa maliliit na grupo. Sa karamihan ng gayong mga lugar, sila ngayon ay malaya na ngunit may kakaunting mga Kingdom Hall. Sa isang bansa sa Aprika, halimbawa, may tatatlo lamang na mga Kingdom Hall sa 93 mga kongregasyon. Kaya ang mga pulong ay karaniwan nang ginaganap sa malalaking bakanteng lote. Ang isang kongregasyon na binubuo ng 150 ay posibleng may 450 regular na dumadalo sa mga pulong na ito.
12 Sa Silangang Europa ay kadalasan mahirap bumili ng pag-aari o magtayo, subalit may pagsulong din na nagagawa. Ang pag-aalay ng isang mainam na bagong pasilidad ng sangay ay itinakda para sa Nobyembre 28, 1992, sa Polandiya. Bukas-palad na mga abuloy sa pandaigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova ang ginagamit upang tumulong sa pagtatayo ng mga bulwagan at iba pang pasilidad. Sa gayon, nagkakaroon ng “pagkakapantay-pantay” dahil sa ang pagkabukas-palad ng mga kapatid na nag-abuloy buhat sa kanilang materyal na “labis” ay tumutulong sa pagtatakip ng espirituwal na pangangailangan ng mga kongregasyon sa mga bansang maralita.—2 Corinto 8:13, 14.
Isang Bilyon na mga Oras!
13. Ilang oras ang ginugol sa pangangaral at pagtuturo noong 1992, at kaninong mga pagsisikap ang ipinakikita ng bilang na ito?
13 Ano ang gagawin mo sa isang bilyon na mga oras? Lahat ng magkakamit ng buhay na walang-hanggan ay makagugugol ng ganiyang karaming mga oras, at higit pa, sa mabunga, nakasisiyang paglilingkod kay Jehova. Subalit gunigunihin na ang ganiyang karaming mga oras ay sinisiksik upang magkahusto sa isang taon! Iyan ang nagawa ng bayan ni Jehova noong 1992. Kung pagsasama-samahin ang indibiduwal na pag-uulat ng lahat ng mamamahayag ng Kaharian, makikita natin ang isang bagong peak na 1,024,910,434 na oras na ginugol sa pinakamagaling na paraan—pagpuri sa ating Dakilang Manlalalang, “pagtuturo . . . sa madla at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Sa katamtaman, 4,289,737 na mga Saksi ang nag-uulat bawat buwan. Sila’y galing sa lahat ng kalagayan sa lipunan. Ang iba ay limitado ang maibibigay sa gawaing pang-Kaharian. Kasali na rito ang mga ulo ng pamilya, na kailangang maghanapbuhay para sa sambahayan; mga matatanda na; at marami na may suliranin sa kalusugan; gayundin ang mga batang nag-aaral pa. Gayunman, ang ulat ng bawat isa ay isang mahalagang patotoo ng pag-ibig kay Jehova.—Ihambing ang Lucas 21:2-4.
14. Papaano ‘inaalaala [ng mga kabataan] ang kanilang Dakilang Manlalalang’?
14 Dumarami ang lahi ng kabataan na naglilingkod kay Jehova, at nakatutuwa naman na karamihan sa mga ito ay nagkakapit ng mga salita ni Solomon sa Eclesiastes 12:1: “Alalahanin ninyo ang inyong Dakilang Manlalalang sa kaarawan ng iyong kabataan.” Pinagbubuti nila ang kanilang gawain sa paaralan, habang sinasanay ng tapat na mga magulang sa espirituwal na mga bagay. Isang kagalakan na makitang tumayo ang maraming kabataang tin-edyer sa nakaraang mga kombensiyon, na naghandog ng kanilang sarili para sa bautismo. Isang kagalakan din na maalaman na marami, sa pagkatuto ng ilang gawain o kadalubhasaan, ay gumagawa ng praktikal na paghahanda para sa pagpapayunir pagka sila ay natapos na sa paaralan. Sa gayon, kanilang masusuportahan ang kanilang sarili, gaya ni apostol Pablo noon na paminsan-minsan ay gumagawa ng tolda.—Gawa 18:1-4.
15, 16. Papaano nakatulong ang mga payunir at iba pang buong-panahong mga lingkod sa pag-unlad ng gawaing pang-Kaharian, at anong pagpapala ang tinamasa ng ilan sa kanila?
15 Anong laki ng nagagawa ng mga payunir at ng iba pang buong-panahong mga lingkod sa pag-unlad ng gawaing pang-Kaharian! Ang ranggo ng mga payunir ay sumulong sa peak na 931,521 nitong nakaraang taon. Samantalang ang mga ito ay nangangaral araw-araw sa bahay-bahay at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mga tao, sila’y nagiging lubhang epektibo sa pagpapahayag ng kanilang sarili tungkol sa Kasulatan. Bukod pa riyan, marami ang naging kuwalipikado na dumalo sa dalawang linggong Pioneer Service School, na tumutulong sa kanila na linangin ang lalong malaking kakayahan at kagalakan sa paggawa ng gawain ng Diyos.
16 Bawat isa sa tapat na mga payunir na ito ay makasasang-ayon sa mga salita sa Isaias 50:4: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang aking malaman kung papaano aaliwin ng salita ang nanlulupaypay.” May mga tao sa ngayon na nanlulupaypay sa balakyot na sanlibutang nakapalibot sa kanila ngunit nakasusumpong ng kaaliwan sa pamamagitan ng salita ng ating tapat na mga payunir.—Ihambing ang Kawikaan 15:23; Ezekiel 9:4.
Isang Malawak na Proyekto sa Pagtatayo
17. Bukod sa espirituwal na pagtatayo, anong materyal na pagtatayo ang nasaksihan sa nakalipas na mga taon?
17 Ang pandaigdig na espirituwal na kaunlaran ng mga Saksi ni Jehova ay nangangailangan din ng materyal na paglago. Ang pagpapalawak ng mga pasilidad, mga opisina, at mga tahanang Bethel at pagtatayo ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall ay kinakailangan. Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay kinakailangang maging mga tagapagtayo sa pisikal na paraan. Nahahawig ng pagtatayo ang naganap noong kaarawan ni Haring Solomon. Itinayo ni Solomon ang templo para sa pagsamba kay Jehova ayon sa “plano ng kayarian . . . na ibinigay sa kaniya sa pamamagitan ng inspirasyon,” yamang si Jehova ang nagbigay nito sa kaniyang ama, si Haring David. (1 Cronica 28:11, 12) Sa gayon, hindi lamang pinatibay ni Solomon ang kaniyang mga tagapakinig sa walang kasinghalagang mga salita ng karunungan kundi namuno rin sa materyal na pagtatayo na taglay ang kahusayan na kailanman ay hindi nakita sa sekular na sanlibutan.—1 Hari 6:1; 9:15, 17-19.
18, 19. (a) Anong mabilis na nayayaring mga proyekto sa pagtatayo ang isinasagawa ng organisasyon ni Jehova? (b) Papaano nahahayag ang espiritu ni Jehova sa materyal at gayundin sa espirituwal na pagtatayo?
18 Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagtatayo sa pamamagitan ng kinasihang mga plano ng kayarian, subalit taglay nila ang espiritu ng Diyos. Tulad noong mga kaarawan ng Israel, ito’y nagbibigay sa kanila ng motibong magtayo sa paraan na nanggigilalas ang mga tao ng sanlibutan. (Zacarias 4:6) Ang panahon ay maikli. Ang mga Kingdom Hall at ang iba pang mga gusali ay kailangan na walang pagkabalam. Sa ilang bansa ang mabilis na itinatayong mga Kingdom Hall ang usung-uso. Halimbawa, sa nakalipas na 10 taon, ang Canada ay nag-uulat ng pagtatayo ng 306 na mga bulwagan, bawat isa ay sa loob ng wala pang dalawang araw. Dahil sa mabilis na paglawak ng gawain ni Jehova sa buong daigdig, may kabuuang 43 na bagong mga gusali ng sangay o ekstensiyon ng mga sangay ang kasalukuyang itinatayo o isinasaplano. Bukod dito, isang 30-palapag na gusaling tirahan, na may tuluyan para sa mga isang libong boluntaryo sa Bethel, ang malapit nang matapos sa Brooklyn. Gayundin sa Estado ng New York, sa Patterson, ang pagtatayo ng sentro sa pagtuturo ng Bibliya, ang pinakamalaking proyekto kailanman ng Watch Tower Society, ay mabilis na nagaganap na lubhang nauuna sa iskedyul.
19 Ang mga proyektong ito ay sumusulong nang may kahusayan at isang kaurian ng trabaho na gumugulat sa mahuhusay na mga kompaniya sa pagtatayo sa daigdig. Bakit? Dahilan sa napakalaking tulong na ginawa ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang espiritu ang nagpapakilos sa kanila hindi lamang upang magbigay ng materyal na suporta kundi buong-pusong gamitin din naman ang kanilang panahon at lakas. Sa mga lugar ng konstruksiyon ay makikita ang napakaraming nakatalagang mga manggagawa na mainam ang pagkasanay. Doon ay walang mga welga ng mga obrero, at walang naglalakwatsa sa trabaho. Ang espiritu ni Jehova ang nagpapasigla, na siyang nagpasigla rin sa mga tagapagtayo ng tabernakulo noong panahon ni Moises at sa mga nagtayo ng templo noong kaarawan ni Solomon. Ang espirituwalidad ang pinakamahalagang katangian na kahilingan sa mga manggagawang ito.—Ihambing ang Exodo 35:30-35; 36:1-3; 39:42, 43; 1 Hari 6:11-14.
20. (a) Gaano pa ang ilalawak ng pangangaral ng mabuting balita? (b) Anong pinagpalang pag-asa ang naghihintay sa bayan ni Jehova?
20 Ipinagpatuloy ni Solomon ang kanilang proyekto sa pagtatayo pagkatapos na mayari ang templo. (2 Cronica 8:1-6) Kung gaano pa ang ilalawak ng modernong-panahong pagpapatotoo—kasama na ang kaugnay na pangangailangan na magtayo ng mga bulwagan at iba pang mga pasilidad—iyan ay hindi natin alam. Gayunman, alam natin na pagka ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay naipangaral na sa lawak na itinakda ni Jehova, ang wakas, ang “malaking kapighatian,” ay darating. (Mateo 24:14, 21) Sa isang lupa na hindi na ipinahahamak ng sakim na mga tao, ang kaayusan ni Jehova ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay magdadala ng napakaraming pagpapala sa sangkatauhan. Harinawang tayo kung gayon ay ‘magsaya at magalak magpakailanman sa nilalalang ng Diyos,’ na ibinibigay ang lahat ng papuri sa ating Dakilang Manlalalang!—Isaias 65:17-19, 21, 25.
[Talababa]
a Tingnan ang “Let Your Kingdom Come,” inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 105-16, 186-9.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Anong mga dahilan mayroon tayo upang magalak sa ating Dakilang Manlalalang?
◻ Anong mga pagsulong ang iniulat noong 1992 na taon ng paglilingkod?
◻ Sa mga bansa na kung saan dati ay bawal ang pagpapatotoo, anong mayayamang pagpapala ang iniulat?
◻ Papaano ang mga kabataan at mga payunir ay nagkaroon ng bahagi sa pagsulong sa organisasyon ni Jehova?
◻ Papaano ang bayan ni Jehova ay naging magawain sa materyal at sa espirituwal na pagtatayo?
[Kahon sa pahina 17]
Noong nakaraang taon mahigit na isang bilyong oras ang ginugol sa pangangaral at pagtuturo
[Chart sa pahina 12-15]
1992 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Larawan sa pahina 10]
Ang daan-daang libong kandidato sa bautismo noong nakaraang taon ay nagpapakita ng pagpapala ni Jehova sa gawaing pangangaral at pagtuturo
[Larawan sa pahina 16]
Maraming kabataan ang ‘umaalaala sa kanilang Dakilang Manlalalang’