Apocalipsis—Kailan?
ITO’Y halos gaya ng pagbabasa ng pinakabagong pahayagan—mga digmaan, lindol, salot, sakit, taggutom, krimen, at takot! Lahat ng mga pangyayaring ito at higit pa ay inihuhula ng Bibliya. Mismong tinutukoy nito ang panahon na kinabubuhayan natin bilang “ang mga huling araw.” Ito’y nangangahulugan na ito ang yugto ng panahon na hahantong sa napipinto at ipinangako na apocalipsis. Paano natin matitiyak ito?
Kayo ay nakakasaksi ng katuparan ng mga hula sa Bibliya ngayon. “Kailangang harapin ninyo ang katotohanan,” ang sabi ng Bibliya, “ang katapusang yugto ng panahon ng sanlibutang ito ay magiging isang panahon ng mga kabagabagan. Ang mga tao ay walang mamahalin kundi ang salapi at sarili; sila’y magiging hambug, mayayabang, at mapag-abuso; walang paggalang sa mga magulang, walang utang na loob, walang kabanalan, walang likas na pagmamahal; sila ay magiging . . . malayo sa lahat ng kabutihan, . . . labis na nagpapahalaga sa sarili. Sila’y magiging mga tao na kalayawan ang iniuuna sa Diyos, mga tao na nag-iingat na panlabas na anyo ng relihiyon, subalit tahasang nagtatatuwa ng katunayan nito.” (2 Timoteo 3:1-5, The New English Bible) Hindi baga nakikita ninyo ang mismong mga kalagayang ito na nasa lahat ng dako?
Maraming buháy sa ngayon, marahil kahit na ikaw, ang makakaalaala pa ng mga panahon na ang mga kalagayan ay hindi kasingsama na gaya ngayon. Ang mga tao ay makonsiderasyon sa isa’t isa. Ang mga bata ay magagalang sa kanilang mga magulang at mga nakatatandang tao. Ang mga lalaki, mga babae, at mga bata ay hindi natatakot na maglakad sa kalye, kahit na kung gabi. Subalit ang mga panahon ay mabilis na nagbabago. Kahit na kung ang iba sa mga kalagayang ito ay waring hindi umiiral sa inyong lugar, tunay na ang posibilidad ng isang nuklear na digmaan—dahilan sa kasakiman ng tao sa kapangyarihan—ay may epekto sa ating lahat.
Oo, kung paano ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ay buong linaw na humula tungkol sa “katapusang yugto ng panahon ng sanlibutang ito,” gayundin naman, siya’y naglaan sa atin ng impormasyon tungkol sa panahon ng apocalipsis, pagparito ni Jesus upang isagawa ang paghuhukom.
Mas Malapit Na Kaysa Inaakala ng Marami
“Mga bagong bagay ang ngayo’y patiunang inihula ko na,” ang sabi ng Diyos. “Bago ang mga ito’y dumating sinasabi ko na sa inyo ang mga ito.” (Isaias 42:9, The Jerusalem Bible) Oo, kaniyang binalangkas para sa atin sa Bibliya ang mahalagang mga pangyayari na magaganap sa loob ng maikling panahon bago mangyari ang apocalipsis.
Halimbawa, binanggit ni Jesus ang isang pabalita na ibibigay sa buong daigdig at iyon ay iniugnay sa apocalipsis. Sinabi niya: “Ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang “wakas” na iyan ay sumasaklaw sa apocalipsis. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng daan-daang milyong oras isang taon sa masigasig na pagbabalita ng Kaharian sa bahay-bahay at sa pamamagitan ng anomang posibleng paraan, sa mahigit na 200 bansa sa buong globo.
Pagkatapos na mailarawan ang kapuna-punang pagkakahawig alang-alang sa kaniyang mga tagasunod, ang panahon na hahantong sa apocalipsis ay inihambing ni Jesus sa panahon bago sumapit ang Baha ng kaarawan ni Noe. Noong panahon ni Noe ang mga tao ay haling na haling sa pagkain at pag-inom at sa kalayawan na anupat “hindi nila pinansin” ang pabalita ni Noe tungkol sa napipintong pagkapuksa. Sila’y nagwalang-bahala sa kaniyang mga babala.—Mateo 24:37-39.
Ang ating kaarawan ay may mga kalagayan na hawig na hawig sa mga kalagayan bago sumapit ang Baha! Ang mga tao ay abalang-abala sa kanilang pang-araw-araw na rutina sa buhay na anupat hindi nsila nakinig sa mga babala at katibayan ng napipintong apocalipsis.
Gayunman, ang apocalipsis ay mas malapit kaysa inaakaala ng marami. Tungkol sa tanda ng mga huling araw, sinabi ni Jesus na “ang salinlahing ito sa anomang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Alin bang salinlahi ang tinutukoy ni Jesus?
Ang Salinlahi ng 1914
Tungkol sa “mapayapa at maunlad na yugto ng panahong Victorian ng Gran Britanya,” ang dating Pangulo Ministro Harold Macmillan ay nagsabi na kaniyang itinuturing ‘ang daigdig na kaniyang sinilangan noon’ bilang yaong “bumubuti nang bumubuti.” Subalit “biglang-bigla, di-inaasahan, isang umaga noong 1914 ang lahat ng bagay na ito ay nagwakas.” Binanggit niya na ito ang katapusan ng “100 taon ng kapayapaan at kaunlaran,” at nagunita pa ni Macmillan kung paanong ang Digmaang Pandaigdig I ang palatandaan ng “katapusan ng isang yugto ng panahon” at “pasimula ng kaguluhan na umiiral pa.” Maraming mga iba pa, lalung-lalo na yaong nakalampas sa 1914 at buháy pa hanggang ngayon, ang nakababatid na ito ay totoo.
Oo, gaya ng itinawag-pansin ng magasing ito sa kaniyang mga mambabasa sa lumipas na maraming mga taon, ang ebidensiya ay nakaturo sa 1914 salinlahi ng mga tao bilang siyang tinukoy ni Jesus.a Samakatuwid, “ang salinlahing ito sa anomang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito [kasali na ang apocalipsis].”
Bagamat mahigit na 70 taon ang lumipas na sapol noong 1914, mayroon pa ring mga tao na nabubuhay mula pa ng yugtong iyan ng panahon. Sang-ayon sa The American Legion Magazine para sa Disyembre 1984, sa Estados Unidos mga 272,000 mga beteranos ng Digmaang Pandaigdig I ang buháy pa, at ganiyan din kung tungkol sa mga ibang lupain. Subalit, ang bilang ay mabilis na umuunti. Kayat gaanong katagal hanggang sa ang huling beteranos ng Digmaang Pandaigdig I ay maging bahagi na lamang ng nakalipas na kasaysayan?
Samantalang ang estadistikang ito ay maaaring tumawag-pansin sa atin sa pangkatapusang mga oras ng salinlahi ng 1914, gaano kayang katiyak masasabi natin ang eksaktong panahon ng apocalipsis?
“Isang Magnanakaw sa Gabi”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng babala: “Ngayon kung tungkol sa mga panahon at sa mga bahagi ng panahon, . . . kayo na rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:1, 2) Ang isa bang magnanakaw ay maaasahan ninyo na magpapadala ng isang telegrama na nagbibigay-alam kung kailan siya nagpaplanong magnakaw sa inyong tahanan?
Angkop, kung gayon, si Jesus ay nagpapayo sa atin tungkol sa eksaktong oras: “Patuloy na tumingin, patuloy na manatiling gising, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang itinakdang panahon.” (Marcos 13:32-37) Magkagayon man, napansin natin na naglahad si Jesus ng tungkol sa sarisaring pangyayari na tahasang tumuturo sa salinlahi ng 1914. At ang Bibliya ay naglalahad din ng mga pangyayari na magaganap sa hinaharap na magiging hudyat ng napipintong apocalipsis. Ano ang maaari nating asahan?
Isang Pagbabago ng mga Pangyayari
Sinabi ni apostol Pablo: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.” (1 Tesalonica 5:3) Samakatuwid habang tayo’y patungo sa katapusang bahagi ng “mga huling araw” na ito, maaasahan natin na bibigyan ng natatanging pansin ang “Kapayapaan at katiwasayan!” bilang katuparan ng mga salita ni Pablo. Pagkatapos ay ano?
Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na ang pandaigdig na relihiyon, na tinutukoy na “Babilonyang Dakila,” ay biglang aatakihin ng makalupang mga kapangyarihang pulitikal at sasapit sa mabilis na wakas! (Apocalipsis 17:5, 16; 18:10, 17) Ito ang pasimula ng isang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari sapol nang pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon.” (Mateo 24:21) Subalit paano ito makakaapekto sa mga ‘nanatiling gising’ at nagbabantay sa pagdating ng apocalipsis?
Ang mga tunay na Kristiyano ay makapagtitiwala na sila’y ililigtas ni Jehova. (2 Pedro 2:9) Oo, habang kanilang kinikilala si Jehovang Diyos at walang pag-iimbot na naglilingkod sa kaniya, sila’y hindi dapat na matakot pagka ang Diyos at si Kristo Jesus ay bumangon na upang ipaglaban ang digmaan ng Armagedon.—Apocalipsis 11:17, 18; 16:14, 16.
Pagkatapos, pangyayarihin ng apocalipsis na si Satanas na Diyablo at ang kaniyang di-nakikitang mga hukbo ay mapahiwalay sa sangkatauhan. (Apocalipsis 20:2, 3) Oo, ang mapusok na galit na darating ang lilipol dito sa lupa sa mga taong ayaw maglingkod sa Diyos. Maging ang balakyot na mga espiritu man na sa ngayo’y may impluwensiya sa daigdig na nasa palibot natin ay aalisin. (2 Tesalonica 1:6-9) Ito’y mangangahulugan ng walang hanggang pagpapala para sa makaliligtas sa apocalipsis.
Apocalipsis—Ito Muna Bago ang Paraiso
Tungkol sa mga nananahan sa lupa, ang aklat ng Apocalipsis (The Apocalypse, Douay) ay nagsasabi sa atin na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata. Hindi na magkakaroon ng kamatayan o pagdadalamhati man o pag-iyak man o ng kirot man, sapagkat ang dating kaayusan ng mga bagay [ay mangyayaring] lumipas na.” (Apocalipsis 21:4, New International Version) Sa halip na isang malungkot na resulta ng apocalipsis, isinisiwalat ng Bibliya na ang tao ay maaaring mabuhay na magpakailanman sa isang paraiso sa lupa.—Awit 37:9-11, 29.
Paraiso? Buhay na walang hanggan sa lupa? Gunigunihin lamang, sakdal ang kalusugan, na maligayang mga tao buhat sa lahat ng lahi na nagtatamasa ng buhay sa kalubusan! ‘Paano nga ito magiging resulta ng isang apocalipsis?’ marahil ay itatanong mo. Ang Diyos ay nagbigay ng kaniyang salita. Ito’y magiging tulad sa kaso noon na ang Diyos ay nakitungo sa Israel, na “walang isa mang pangako ang nagmintis sa lahat ng mabubuting pangako na sinalita ni Jehova . . .; lahat ay natupad.”—Josue 21:45.
Kung gayon, tungkol sa eksaktong araw at oras ng apocalipsis walang nakakaalam, subalit ang ebidensiya ay nagpapakita na tayo ay nabubuhay sa yugto ng panahon ng apocalipsis. Pagka sumapit na ito, harinawang tayo’y masumpungang gising at “nagbabantay.” Sapagkat “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pita nito, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—Marcos 13:33, 37; 1 Juan 2:17; Mateo 24:36.
[Talababa]
a Para sa higit pang detalye tungkol sa 1914, pakitingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., kabanata 14.