Malapit Na Ba ang Katapusan ng Mundo? Sinasabi Ba sa Bibliya na Magugunaw ang Mundo?
Pagkagunaw ng mundo. Pinag-uusapan ito ng mga tao kung minsan. Baka iniisip nilang isa itong trahedya na papatay sa lahat ng tao sa mundo. Naniniwala ang ilan na malapit nang mangyari iyan, lalo na kapag nakakabasa sila ng mga balitang gaya ng mga ito:
“Talagang posibleng magkaroon ng nuclear war. Ito man ay sinasadya, aksidente, o dahil lang sa di-pagkakaunawaan.”—Bulletin of the Atomic Scientists.
“Sa nakalipas na dekada, napakaraming bagyo, forest fire, tagtuyot, pamumuti ng korales, heat wave, at mga baha sa buong mundo.”—National Geographic.
“Napakatindi ng mga nangyayaring pagkuyog ng balang sa Africa ngayon kumpara sa nakalipas na mga dekada.”—The Associated Press.
Magkakaroon kaya ng isang trahedyang gugunaw sa buong mundo? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Magugunaw ba ang planetang lupa?
Hindi. Tinitiyak ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na ang lupa ay mananatili magpakailanman. (Eclesiastes 1:4) Hindi wawasakin ng Diyos ang lupang ginawa niya, kundi “[ipapahamak niya] ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Magwawakas ba ang mundo?
Ayon sa Bibliya, ang “mundo,” o sanlibutan, na magwawakas ay ang mga taong ayaw sumunod sa Diyos at ginagawa lang kung ano ang gusto nila. Gaya ng ginawa ng Diyos noong panahon ni Noe, wawakasan Niya ang “isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 2:5; 3:7.
Sinasabi sa 1 Juan 2:17: “Ang sanlibutan ay lumilipas, pati ang pagnanasa nito.” Ipinapakita ng tekstong ito na hindi ang planetang lupa ang wawakasan ng Diyos, kundi ang mga taong patuloy na gumagawa ng masama.
Kailan darating ang wakas?
Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan eksaktong darating ang wakas. (Mateo 24:36) Pero ipinapakita nito na malapit na ang wakas. Inihula ng Bibliya:
Magkakaroon ng mga digmaan, taggutom, epidemya, at malalakas na lindol “sa iba’t ibang lugar.”—Mateo 24:3, 7, 14; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:1-8.
Marami ang magiging makasarili. Halimbawa, sila ay magiging “maibigin sa pera,” “walang utang na loob,” at “walang pagpipigil sa sarili.”—2 Timoteo 3:1-5.
Marami ang sumasang-ayon na mula noong 1914, ang mga pangyayari sa mundo ay kagaya ng mga inihula sa Bibliya at na malapit na ang wakas. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang mga artikulong “Ano ang Ipinakikita ng Kronolohiya ng Bibliya Tungkol sa Taóng 1914?” at “Ano ang Tanda ng ‘mga Huling Araw,’ o ‘Katapusan ng Panahon’?”
Inihula ba ng huling aklat ng Bibliya na magwawakas ang mundo?
Ang huling aklat ng Bibliya ay tungkol sa panahon na “isisiwalat ang Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:6, 7) Mangyayari ito kapag dumating na si Jesus para alisin ang lahat ng masasama dito sa lupa at gantimpalaan ang mga sumasamba sa Diyos.—1 Pedro 1:7, 13.
Kaya sinasabi sa huling aklat ng Bibliya ang mga mangyayari sa hinaharap. (Apocalipsis 1:1) Naglalaman ito ng mabuting balita at ng pag-asa. (Apocalipsis 1:3) Ipinapakita dito na aalisin ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan at gagawing paraiso ang buong mundo. Sa panahong iyon, hindi na masasaktan, magdurusa, o mamamatay ang mga tao.—Apocalipsis 21:3, 4.
Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol sa magagandang pangakong iyan ng Bibliya? Nag-aalok ang mga Saksi ni Jehova ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Puwede mo silang kontakin.