Ang Papa at ang Apocalipsis
AVERTING ARMAGEDDON ang titulo na ibinigay ng dalawang reporter sa kanilang 1984 na aklat tungkol sa kamakailang pamumulitika ng papa. Sina Gordon Thomas at Max Morgan-Witts ay nagrireport na tungkol sa mga papa sa loob ng mahigit na 17 taon. Anong kaunawaan ang makakamit natin buhat sa kanila kung tungkol sa pagkabahala sa apocalipsis ng mga pangunahing pinuno ng Iglesya Katolika?
Sang-ayon sa mga reporter na ito, si Monsinyor Emery Kabongo, personal na kalihim ni John Paul II ay nagsabi: “Ang Papa ay gaya ng isang espirituwal na Hercules na nagsisikap na paghiwalayin ang mga superpower, nagsisikap siya na hadlangan ang nuklear na Armagedon.”
Lumalabas na ang mga lider ng simbahan ang lalo nang nababahala tungkol sa isang pangglobong kapahamakan sa pamamagitan ng mga kagagawan ng tao imbis na dahil sa pakikialam na ng Diyos sa mga pamamalakad ng tao—ang apocalipsis na inihula ng Bibliya. Sa gayon, sinasabi ng Averting Armageddon: “Sa mga kasama ni Kabongo, hindi makikita ang panlabas na tanda ng kaigtingan sa pagsisikap na mahadlangan ang apocalipsis na kanilang nararamdamang darating. . . . Subalit sa likod ng rutinang ito ay mayroong isang kaigtingan na tuwirang nanggaling buhat sa ginanap na internasyonal na Kapulungan ng mga Obispo. Natapos ang pagpupulong na taglay ang pagkadama na malapit na ang kapahamakan, at malungkot na binanggit ang ‘pagkaagresibo sa digmaan, ang karahasan at terorismo, ang pagpapatibay ng mga arsenal na kapuwa dati nang mga armas at lalo na mga armas nuklear, at ang iskandalosong pangangalakal ng lahat ng armas sa digmaan.’” Maging ang papa man ay kasangkot. Si Thomas at si Morgan-Witts ay nag-ulat na sa mga istante ng aklat sa kaniyang silid-aralan ay may mga lathalain na tulad baga ng International Defense Review, The Problems of Military Readiness, at Surprise Attack: Lessons for Defense Planning. Isinusog nila:
“Nakalagay na malapit sa mga encyclical ay mga aklat tungkol sa isang paksa na ngayo’y dito nakapako ang pansin ng Papa: eschatology, ang pag-aaral ng mga turo ng Bibliya na nagpapaliwanag na magpapasinaya ang Diyos ng Kaniyang Kaharian sa lupa sa pamamagitan ng sunud-sunod na ‘mga pangyayari’ upang tapusin ang isang yugto ng panahon. Mapusok na naniniwala si John Paul . . . na, posible bago magtapos ang siglo, isang bagay na ‘tiyak’ ang maaaring maganap sa daigdig. Iyon kaya ay salot, isang pangalawang Black Death? O dili kaya’y tagtuyot o taggutom na walang kaparis? O digmaang nuklear? Malimit na ngayo’y kinatatakutan niya ang binanggit na huli; marahil, inaakala na siya’y nagbubulaybulay, siya’y inilagay sa papel ng pagkaulo ng Simbahan sa panahon ng katapusang dekada ng daigdig bago ito tuluyang wasakin ng isang digmaang nuklear.”
Itinatawag-pansin din ng Averting Armageddon ang simbolikong “doomsday clock” na palagiang itinatampok sa Bulletin of the Atomic Scientists. Nang ang ‘orasan’ na ito ay unang ilathala noong Disyembre 1947, mababasa roon na ang oras ay pitong minuto bago maghating-gabi upang ipakita kung “gaano kalapit ang daigdig sa isang nuklear na Armagedon.” Pagkatapos ng kasunduan sa limitasyon ng mga armas noong 1972 (o SALT), ang mga panturo ng orasan ay pinaatras sa 12 minuto bago maghating-gabi. Noong 1984 sina Thomas at Morgan-Witts ay sumulat: “Sa orasan ngayon ay makikita na mayroon na lamang tatlong minuto bago maghating-gabi. Ito ang pinakamalapit sa doomsday sa lumipas na tatlumpong taon.”
Sa kabila ng anumang pagsisikap ng papa na “maiwasan ang nuklear na Armagedon,” sa [Nobyembre] 1985, ipinakita pa rin ng mga panturo na ngayo’y tatlong minuto na lamang ang hihintayin. Subalit, sa ganang atin, huwag nating tulutang mailihis tayo ng pagkabahala sa kung lilipulin ng mga bansa ang sangkatauhan. Sa halip na sikaping iwasan ang apocalipsis, magiging matalino tayo na hanapin ang paraan ng Diyos ng kaligtasan buhat sa apocalipsis, sapagkat ito ay tiyak na “darating sa buong tinatahanang lupa.”—Apocalipsis 3:10.