Ang Bibliya ay Salita ng Diyos
TOTOO nga ba na, sa pagitan nila ay napangyari ng siyensiya at ng higher criticism na maalis ang Bibliya sa sinaunang pagkakilala rito bilang ang Salita ng Diyos? Madaling maiisip ng sinuman na ganiyan nga. Kahit na ang mga pinunong relihiyoso ay handang sabihin sa mga lathalain na ang Bibliya ay di-ayon sa siyensiya, at ang higher criticism ay totoong respetable na anupa’t ito ay itinuturo sa mga seminaryo ng teolohiya. Subalit ano ba ang ipinakikita ng mga katibayan?
Ang Bibliya at ang “Higher Criticism”
Tungkol sa higher criticism, ang buong katotohanan ay, hanggang sa kasalukuyan, wala pang matibay na patotoo na nagpapatunay para sa mga ideya nito. Walang isa man sa ipinagpapalagay na pinagkunang materyales ng Pentateuch o ng aklat ni Isaias ang natuklasan. At may mga sinaunang bahagi ang aklat ng Daniel na natuklasan at nagpapahiwatig na ang aklat na iyan ay lubhang pinahahalagahan na ng kung mga ilang taon pagkatapos na ito’y maisulat ayon sa pag-aangkin ng mga nasabing kritiko!
Ang propesor ng teolohiya na si Wick Broomall ay nagsabi: “Hindi mapatutunayan sa anumang partikular na kaso na ang mga aklat ng Bibliya ay umiral sa di-tunay na paraan ayon sa pagkasabi ng mga higher critics. Isang bagay para sa grupong iyan na magsabi ng gayong bagay, at isa namang bagay para sa kanila na patunayan iyon.” (Wick Broomall sa Biblical Criticism) Isinusog ng isang arkeologo: “Hindi maaaring idiing gaano na halos walang ebidensiya sa sinaunang Dulong Silangan ukol sa panghuhuwad sa kasulatan o sa panitik nito.” (W. F. Albright sa From the Stone Age to Christianity) Totoo, ang higher criticism ay patuloy na lumalago. Subalit ito’y dahilan sa ito’y lubusang katugma ng kasalukuyang makasanlibutang kaisipan, hindi dahil sa ito’y napatunayan.
Ang Bibliya at ang Siyensiya
Kung gayon, sa anuman bang paraan ay napabulaanan ng siyensiya ang Bibliya? Bueno, kung minsan ay wari ngang gayon. Halimbawa, noong ika-18 siglo ang lumalaking pagkaunawa sa kayarian ng lupa ang nagpatunay na napakatanda na ang ating planeta. Nang panahong iyon, giniit ng maraming relihiyonista na, sang-ayon sa Bibliya, ang lupa ay 6,000 taon lamang ang edad. Waring ito noon ay isang malinaw na kaso na nagpapabulaan sa isang turo ng Bibliya. Gayunman, ang totoo ay na saanman sa Bibliya’y walang sinasabi kung gaano ang edad ng lupa. Ang sanhi pala ng problema ay ang maling pagkaunawa ng mga relihiyonistang iyon.
Ang mismong unang-unang pananalita ng Bibliya ay: “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Ang pangungusap na ito, na mayroon itong pasimula, ay kasuwato ng kasalukuyang mga natuklasan ng siyensiya. Pagkatapos, ayon sa Bibliya, may panahon noon na ang lupa ay “walang anyo at walang laman,” walang naninirahan at hindi maaaring panirahan. (Genesis 1:2) Ang mga heologo na nagsisikap na unawain ang sinaunang kasaysayan ng lupa ang nagsasabi na marahil noong minsan ay totoo nga iyan. Pagkatapos, inilalahad ng Bibliya kung paano nilikha ang mga dagat at mga lupain. Lumitaw na ang mga halaman, pagkatapos ay ang mga kinapal sa dagat, ang mga ibon, at, sa bandang huli, mga hayop sa lupa. Sa katapus-tapusan, saka nilalang ang tao. Kung gayon, ito ay hawig na hawig sa natuklasan ng mga siyentipiko sa pamamagitan ng paghuhukay sa dati nang sunud-sunod na sapin ng lupa, pati na rin sa pangkalahatang kaayusan ng paglitaw ng buhay.—Genesis 1:1-28.
Hindi ibig sabihin nito na ang Bibliya ay lubusang kasuwato ng nakasulat sa mga aklat-aralan ng siyensiya. Kundi na napakaraming mga puntong nagkakasuwato na anupa’t maitatanong natin: ‘Paano ngang ang mga sinaunang manunulat na iyon ng Bibliya ay nakaalam ng gayong kalaking kaalaman?’ Kung ibabatay sa bagay na wala pang gaanong kaalaman sa siyensiya noong sinaunang mga araw na iyon, walang ibang paliwanag kundi na mayroong isang nagsabi nito sa kanila—na matibay na umaalalay sa katotohanan na ang Bibliya’y talagang Salita ng Diyos. Kung sakaling mayroong di-pagkakasuwato ang mga teoriya ng mga siyentipiko at ang Bibliya, tayo ba’y manghihinuha na ang Bibliya ay mali at ang mga siyentipiko ay palaging tama? Maraming mga mapagbabatayan na nagpapakitang ang siyensiya ay maaaring magkamali manakanaka.
Sabihin pa, ang teoriya ng ebolusyon ay naghaharap ng isang pangunahing punto na hindi kasuwato ng Bibliya. Ang kapuna-puna sa teoriyang ito ay ang mabilis na pagkatanyag nito sa mga siyentipiko pagkatapos na ilathala ang aklat ni Darwin na The Origin of Species. Ito’y tinanggap na matagal pa bago nagkaroon man lamang ng panahon na subukin ang mga kuru-kurong nasa aklat o mapatunayan ang mga ito sa fossil record. Bakit? Ganito ang inamin ng ebolusyunistang si Hoimar v. Ditfurth: “Ang siyensiya, ayon sa depinisyon, ay yaong pagtatangka na alamin kung hanggang saan maipaliliwanag ang tao at ang kalikasan nang hindi bumabaling sa mga himala.” (The Origins of Life, ni H. v. Ditfurth) Kung gayon, kataka-taka ba na sunggaban ng mga siyentipiko ang teoriya ng ebolusyon, at gumugol sila ng malaking panahon at pagod sa pagsisikap na patunayan ito at ng napakaliit na panahon naman sa pagsisikap na alamin kung ito’y mapabubulaanan? Ang tanging maihahalili rito, ang paglalang, ay magiging isang himala—na hindi nila maubos maisip.
Totoo, para sa kaninuman na walang anuman laban sa mga himala, ang paglalang ay isang napakamakatuwirang paraan ng pag-unawa sa mga bagay na hindi naipaliwanag ng mga siyentipiko, tulad halimbawa iyong pinagmulan ng buhay, ng utak, ng talino, at ng moral na kalikasan ng tao.
Isang Makapangyarihang Aklat
Ang Bibliya mismo ay nagbababala na magkakaroon ng pagkakasalungatan ang tinanggap na karunungan ng sanlibutan at ang sariling mga turo ng Bibliya. (1 Corinto 1:22, 23; 3:19) Yamang ang kaalaman na nakasalig sa pananaliksik at pamimilosopya ng tao ay totoong mabuway, hindi tayo dapat magtaka sa pagkakasalungatang ito. At hindi tayo dapat mabahala kung may mga popular na teoriya na laban sa Bibliya. Ang Bibliya na rin ang umaakay sa atin na bumaling sa mga ibang direksiyon para sa patotoo ng pag-aangkin nito na talagang ito’y siyang Salita ng Diyos.
Halimbawa, ang Bibliya ay nagpapatunay na isang aklat ng hula. (2 Pedro 1:19-21) Sinasabi ng mga higher critics na ang mga hulang ito ay isinulat pagkatapos ng pangyayari, subalit sa maraming kaso ito ay maliwanag na imposible. Ang mga hula tungkol kay Jesus na isinulat daan-daang taon bago siya isinilang ay natupad hanggang sa kahuli-hulihang kudlit. (Halimbawa, tingnan ang Isaias 53:1-12; Daniel 9:24-27.) Ang sariling mga hula ni Jesus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem ay nagkaroon ng eksaktong katuparan. At ang mga hula na sinalita niya at ni apostol Pablo tungkol sa mga huling araw ay mababasa ang katuparan sa mga pahayagang pang-umaga. (Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21; 2 Timoteo 3:1-5) Yamang ang mga tao ay kaydali-daling magkamali pagka sila’y humuhula tungkol sa hinaharap, ang mga hula ng Bibliya ay matibay na nagpapatunay na ito’y galing sa isang nakatataas na Pinagmulan.
Ang isa pang matibay na ebidensiya ay makikita sa sariling pananalita nito: “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa.” (Hebreo 4:12) Ang pagkamabisang iyan ay napatunayan sa buong kasaysayan ng maraming mga tao na nagdusa at namatay alang-alang sa karapatan na basahin ang Bibliya o ibahagi sa iba ang nilalaman nito. Walang ibang aklat ang nagkaroon ng ganiyang epekto ukol sa ikabubuti ng mga tao na bumabasa nito na taglay ang kababaang-loob at pagkamakatuwiran. Binabago nito ang mga taong mahilig sa digmaan upang maging mga taong mapayapa at lubusang nababago rin nito ang personalidad ng isang tao. (Mikas 4:3, 4; Efeso 4:24) Bilang halimbawa, pag-isipan ang ginawa ng Bibliya para kay Luiz.
Sa piitan sa Brazil na pinagkulungan sa kaniya, si Luiz ay kilala na isang taong totoong mapanganib. Minsan, isa sa mga Saksi ni Jehova, samantalang nagpapatotoo sa ilan sa mga kasamahang preso ni Luiz, ang nagkaroon ng pagkakataon na kausapin si Luiz. Ang mga salita ng Bibliya ay nagkaepekto nang husto kay Luiz kung kaya’t hindi nagtagal at siya ay naging isang taong naiiba. (Colosas 3:9, 10) Dati, walang sinumang nangangahas na sumalungat sa kaniya, ngunit ngayon lahat ay tinatrato niya nang may kabaitan at iginagalang pa niya ang mga maykapangyarihan sa piitan. Limang taon pagkatapos na simulan ng Bibliya ang pagbabago ng personalidad ni Luiz, ang kaniyang natutuhan ay kaniyang ibinahagi na sa mga ibang preso, at pinayagan pa man din siya na mangaral sa labas ng piitan.
Nariyan din si Wayne. Si Wayne ay namumuhay noon sa kalayawan sa Estados Unidos, nakalubalob sa imoralidad at sa mga droga. Nang siya’y mag-asawa, dahilan sa gayong masamang pamumuhay ay naakay din sa imoralidad ang kaniyang asawa. Terible ang kanilang naging buhay pampamilya. Nang sila’y maghihiwalay na sana, isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagkaroon ng pagkakataon na ipakita kay Wayne na ang Bibliya ay may sinasabi tungkol sa responsabilidad at pag-ibig ng magkakasambahay. (Efeso 4:22-24; 5:22-28) Siya’y tinulungan upang maunawaan niya kung saan nanggagaling ang kaniyang mga problema. (Tingnan ang 1 Corinto 15:33.) At, sa wakas, kaniyang nabago ang kaniyang kaisipan. Tumulong din ito sa kaniyang asawa na magbago. Ngayon ang kanilang pamilya ay isang huwaran ng kaligayahan—salamat na lamang sa Bibliya.
Nariyan din ang halimbawa ni Elena. Siya’y isang kabataang babae sa Argentina na maysakit na panlulumo. Nang siya’y kumunsulta sa saykayatris, pinayuhan siya nito na kailangan siyang maging aktibo sa seksuwal na pagtatalik para malutas ang kaniyang mga problema. Siya’y nahulog sa imoralidad, sa espiritismo, at sa matinding paggamit ng tabako. Makalawang siya’y nalaglagan ng anak. Ngunit naging interesado kay Elena ang mga Saksi ni Jehova at natulungan siya na ikapit ang Bibliya sa kaniyang buhay. Unti-unti, dahil sa pagsunod sa payo ng Bibliya ay kaniyang naihinto ang masasamang bisyo at nakilala niya ang Maylikha, si Jehovang Diyos, at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ngayon, tungkol sa dalawang ito, ganito ang sabi ni Elena: “Ako’y hindi karapat-dapat sa mabubuting bagay na tinatanggap ko sa kanila, kaya naman ibig kong magsalita ng higit at higit pa tungkol sa kanilang awa at pag-ibig sa akin.”
Gaya ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, ang Bibliya ay maaaring magsilbing isang malakas na puwersa na pakikinabangan natin sa ating buhay. Si Luiz, Wayne, at Elena ay nangatulungan nang ipakilala sa kanila ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya at ipakita sa kanila kung paano ikakapit ang sinasabi nito. Sa daigdig ngayon ay mayroong mahigit na tatlong milyon ng mga Saksing ito, marami sa kanila ang nagkaroon ng nahahawig na mga karanasan noong nakalipas at lahat sila ay pumayag na baguhin ng Bibliya ang kanilang mga buhay. Ang resulta?
Ang tatlong milyong mga Kristiyanong ito ay isang komunidad na kung saan ang mga pangunahing problema na ngayo’y nagbabanta sa kinabukasan ng tao ay nalutas na. Sila’y hindi na baha-bahagi dahilan sa kani-kanilang bansa o kani-kanilang tribo. Bagkus, sa tulong ng Bibliya sila ay nagsisikap na mabuti na daigin ang mga hadlang na likha ng pagkakaiba-iba ng lahi at ng kabuhayan. At sila’y natutong mamuhay na sama-sama sa kapayapaan, na isang patiunang katuparan ng isa sa lalong mahalagang mga hula ng Bibliya.—Isaias 11:6-9.
Ang pag-iral ng ganiyang grupo ay isang mabisang patotoo na ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos. Kayo’y inaanyayahan namin na makipagkilala sa mga Kristiyanong ito at patunayan ang patotoong ito para sa inyong sarili. Ang mga Saksi ni Jehova ay totoong nagagalak na tulungan kayo.
[Blurb sa pahina 5]
Walang anumang matibay na patotoo ang mga pag-aangkin ng higher criticism
[Blurb sa pahina 6]
Ang Bibliya ay hindi umaasa sa modernong siyensiya o mga pilosopya upang patunayan na ito ang Salita ng Diyos
[Larawan sa pahina 7]
Binabago ng Bibliya ang mga tao