Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 4/1 p. 3-4
  • Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ito ba’y Mahalaga?
  • Ano ang Nangyari sa Paniniwala?
  • Ang Bibliya ay Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Gaano Katapat ang “Matandang Tipan”?
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Kailan Isinulat ang Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Bakit Babasahin ang Bibliya?
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 4/1 p. 3-4

Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?

IBINUWIS ni William Tyndale ang kaniyang buhay sa pagsisikap na ito’y mabasa ng lahat. Pinagsumikapan ni Martin Luther na isalin ito sa wikang Aleman. Para sa mga tagasunod ni John Calvin, ito “ang tuntunin at panukat ng lahat ng katotohanan.” Oo, noong minsan ay kakaunting mga tao ang may alinlangan sa katotohanan na ang Bibliya ang siyang Salita ng Diyos. Ito’y isa rin namang aral ng Iglesya Katolika Romana.

Ngunit ang mga bagay ay nagbago na ngayon. Ang Bibliya, ang pinakamabiling aklat sa buong kasaysayan, ay binabasa ng kakaunti na lamang na mga tao at sinusunod ng lalong kakaunti. Ang awtor na si James Barr, na nagpapahiwatig ng damdamin ng marami, ay nagsabi: “Ang aking paglalahad ng pagkabuo ng Biblikal na tradisyon ay isang paglalahad ng isang gawang tao. Ito ay kapahayagan ng tao ng kaniyang mga paniniwala . . . Ang tumpak na dapat na maging tawag sa Bibliya ay Salita ng Israel, Salita ng mga ilang pangunahing sinaunang Kristiyano.”​—The Bible in the Modern World, ni James Barr.

Bakit may ganiyang pagbabago? Ang Bibliya ba ay Salita ng Diyos o salita ng mga ilang tao? Ito ba’y mahalaga sa makasanlibutang ika-20 siglong ito?

Ito ba’y Mahalaga?

Unahin muna natin ang huling tanong, oo, ito’y mahalaga. Bakit? Bueno, ang Bibliya ay tinutukoy na ‘isang tanglaw sa ating paa, at isang ilawan sa ating daan.’ (Awit 119:105) Sa ngayon, tunay na kailangan natin ang ganiyang tanglaw. Ang ating magandang planeta ay sinisira. Milyung-milyong mga tao ang nagugutom. Kakaunti ang nagtitiwala tungkol sa hinaharap, at ang mismong buhay ng tao ay nasa panganib. Ang Bibliya ay nag-aalok sa atin na aakayin tayo sa mapanganib na mga panahong ito tungo sa isang matiwasay at maligayang kinabukasan. Kung ito nga ang Salita ng Diyos, itong-ito ang kailangan natin.

Kaya’t bakit maraming mga tao ang may alinlangan dito? Ang sagot sa tanong na ito ay tutulong sa atin upang tiyakin kung ito nga ay talagang siyang Salita ng Diyos.

Ano ang Nangyari sa Paniniwala?

Noong ika-17 at ika-18 mga siglo, ang halos pansansinukob na paniniwala sa Bibliya ay naging biktima ng nagbabagong malaganap na opinyon. Bumangon sa Europa ang espiritu ng di-paniniwala at sekularisasyon. Ang mga sistema ng gobyerno, ang ekonomiya, ang kalikasan, ang relihiyon​—lahat na ay inilagay sa pag-aalinlangan. At hindi nakaligtas diyan ang Bibliya.

Mga duda tungkol sa aklat na iyan ang tahasang ipinahayag noong ika-17 siglo ng dating Katolikong si Pierre Bayle, na nagbangon ng pag-aalinlangan tungkol sa kasaysayan at kronolohiya na nasa Bibliya. Ang mga iba ay sumunod sa kaniyang kaisipan, at noong ika-19 na siglo, ang di-paniniwala ay lubusang namukadkad sa paaralan ng higher criticism o mga pamimintas. Ang mga higher critics o mga mamimintas ay nagpumilit na ang Bibliya ay hindi raw gaya ng inaangkin nito. Sang-ayon sa kanila, hindi si Moises ang sumulat ng Pentateuch. Sa halip, ito raw ay tinipon noong dakong huli na sa kasaysayang Judio buhat sa maraming mga pinagkunan na nasulat daan-daang taon na pagkamatay ni Moises. Anumang hula na natupad ay isinulat daw pagkatapos ng katuparan. Sa gayon, ang Isaias ay isinulat ng kung ilang mga tao sa loob ng daan-daang mga taon. At ang Daniel daw ay isinulat noong mga 165 B.C.E.

Ang epekto ng higher criticism ay makikita sa kaso ng Alemang iskolar ng Bibliya na si David Friedrich Strauss: “Tayo baga ay mga Kristiyano pa? Hindi na, ang sabi ni Strauss, humigit-kumulang hindi na para sa mga iba sa atin na napapaniwala sa Higher Criticism, sapagkat hindi na natin tinatanggap ang Bibliya bilang ang Salita ng Diyos.”​—Religion and the Rise of Scepticism, ni Franklin L. Baumer.

Ang bagong panahon ng sekularismo ay naglabas din naman ng mga bagong tuklas sa siyensiya. Ang iba nito’y sumuporta sa Bibliya, ngunit ang iba’y waring laban dito. Sa gayon, marami ang naakay na maniwala na ang Bibliya ay lipas na sa panahon. Ang ganitong paniwala ay lalong tumibay noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo nang maging popular ang teoriya ng ebolusyon​—isang teoriya na tahasang sumasalungat sa ulat ng Genesis tungkol sa paglalang. Ang teoriyang ito ay may kasabikang sinunggaban ng karamihan ng mga siyentipiko at ng matataas na kritiko. Sa ngayon ay tinatanggap ito ng maraming klerigo at itinuturo bilang katotohanan sa mga paaralan.

Lahat ba nito ay nangangahulugan na ang siyensiya sa paano man ay nagpapabulaan sa Bibliya? O naipakita ba ng higher criticism na ang Bibliya ay hindi siyang Salita ng Diyos?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share