Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 6/15 p. 29-31
  • Siya’y Tumalima sa Diyos Bilang Pinuno Bago sa mga Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Siya’y Tumalima sa Diyos Bilang Pinuno Bago sa mga Tao
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pinagmulan ng Turo ni Hus sa Bibliya
  • Patotoo sa Harap ng Konsilyo ng Constance
  • Kung Ano ang Matagumpay na Naisagawa ni Hus
  • Kung Paano Nakarating sa Atin ang Bibliya—Ikalawang Bahagi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • The Bible—A Book of Fact and Prophecy
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2009
  • Bahagi 16—ika-9–ika-16 na siglo C.E.—Isang Relihiyon na Lubhang Nangangailangan ng Pagbabago
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 6/15 p. 29-31

Siya’y Tumalima sa Diyos Bilang Pinuno Bago sa mga Tao

“Kailangang magsitalima kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”

HALOS 2,000 mga taon na ang nakalipas, ang mga salitang ito ng kagitingan ay narinig sa bulwagan ng Sanhedrin sa Jerusalem. Isang grupo ng mga Kristiyano noong unang siglo ang tinatanong noon ng mataas na saserdoteng Judiyo. Sila’y dinakip sa templo habang sila’y nagtuturo sa isang pangkat ng mga tao. Ang anghel ni Jehova ang nag-utos sa kanila na pumaroon doon at mangaral ng Salita ng Diyos. Mga saserdote naman ang pumigil sa kanila. Sino ang iyong susundin sa ganiyang kalagayan? Ang mga Kristiyano ay walang alinlangan. Sila’y sa Diyos tatalima bilang pinuno bago sa tao.​—Gawa 5:17-32.

Sa maraming siglo na lumipas sapol nang panahong iyon, may mga tumulad sa kanilang kagitingan nang ang mga pinunong relihiyoso, katulad ng mga saserdoteng Judiyong iyon noong unang siglo, ay tumangging makinig sa katotohanan at hinadlangan pa ang iba sa pakikinig. (Mateo 23:13) Nang pasimula ng ika-15 siglo, iyan ding mga salitang iyan ang binigkas ni John Husa (1371-1415) nang pinahihinto siyang mangaral sa kaniyang bayang Bohemia (isang bahagi ng modernong Czechoslovakia). Kaniyang kinilala ang kataas-taasang awtoridad ng Diyos at ng Kaniyang Salita nang panahon na ang papa at ang simbahan ay itinuturing na pinakamataas ng halos sinoman. Paano nga siya nagkaroon ng ganitong paninindigan?

Ang Pinagmulan ng Turo ni Hus sa Bibliya

Ang nagpalaki kay John Hus ay ang kaniyang maralitang nabiyudang ina; kaya’t kinailangang magpunyagi siya para matuto. Kadalasa’y umaawit siya sa mga simbahan upang kumita. Bagaman hindi naman siya gaanong talisik, siya’y nakapag-aral din sa Pamantasan ng Prague at sa wakas ay naging rektor ng pamantasang iyan.

Noon, sa pamantasan ay malimit na may alitan ang mga Aleman at ang mga Czechs. Si Hus ay naging kampeon ng kapakanang Czech, at ang kaniyang impluwensiya ay lumaganap habang siya’y nagiging isang lalong mahusay na predikador. Nagkaroon doon ng mga kaligaligan at diskusyon dahilan sa maraming abuso na kinasasangkutan ng Iglesia Katolika Romana, at ito’y lalong tumindi dahilan sa paglaganap ng mga sinulat ng repormistang Ingles na si John Wycliffe. Ang kilusang Bohemian ay hindi doon nagsimula sa mga pangyayari sa Inglaterra; bagkus, ito’y kasabay. Si John Hus ay naakit sa mga sinulat ni Wycliffe, lalo na sa kathang On Truth of Holy Scripture, na kaniyang nakuha noong 1407.

Gayunman, siya’y sinalungat ng Arsobispo Zbynek ng Prague, na hindi nalugod sa pangangaral ni Hus at sinunog niya sa publiko ang marami sa sinulat ni Wycliffe noong 1410. Sinundan ito ni Zbynek ng pagpapahintulot ng pangangaral doon lamang sa kinikilalang mga simbahan, at ipinuwera rito ang Bethlehem Chapel na kung saan nangangaral si Hus. Si Hus ay hindi tumalima sa utos ng arsobispo, at sinabi niya na kaniyang “susundin ang Diyos bago ang mga tao sa mga bagay na kinakailangan para sa kaligtasan.” Siya’y dumulog sa papa, kaya siya’y itiniwalag ng arsobispo. Subalit si Hus ay hindi umurong, yamang natuklasan niya na dahilan sa kaniyang lalong malaking unawa ay lalong tumalas ang kaniyang budhi at naging lalong sensitibo sa mga turo ng Bibliya. Maliwanag na sinabi niya: “Ang tao ay maaari pang magsinungaling, ngunit ang Diyos ay hindi nagsisinungaling,” bilang pag-ulit sa mga sinalita ni apostol Pablo sa mga taga-Roma. (Roma 3:4) Ipinagtanggol ni Haring Wenceslas ang kilusang repormista ni Hus, at sa wakas si Zbynek ay tumakas sa bansa, at hindi nagtagal ay namatay.

Minsan pang bumangon ang pagsalungat kay Hus nang masamain niya ang isang krusada laban sa hari ng Naples at ibinilad niya ang pagbibili ng mga indulhensiya tungkol doon, kaya’t nasira ang panukala ng mga pari sa paglikom ng pondo. Sa pamamagitan ng mga indulhensiya ang isang tao ay patatawarin sa kaniyang kasalanan kapalit ng salaping ibinayad. Upang maiwasan na magkaroon ng mga suliranin sa siyudad, nilisan ni Hus ang Prague upang manahang pansamantala sa lalawigan. Doon, noong 1413, isinulat niya ang kathang On Simony, na nagbilad ng pag-ibig ng klero sa salapi at ng suporta sa kaniya ng mga sekular na maykapangyarihan. Muli na naman, ang Salita ng Diyos ang ginawang awtoridad ni Hus, na ang sabi: “Bawat tapat na Kristiyano ay dapat magkaroon ng kaisipan na huwag lumabag sa anopaman sa Banal na Kasulatan.”

Si Hus ay sumulat din ng isang pahayag na pinamagatang De Ecclesia (Tungkol sa Iglesia). Tinalakay niya rito ang mga ilang proposisyon na ang isa’y nagsasabi: “Na si Pedro kailanman ay hindi naging ulo, at hindi ngayon ulo, ng Iglesia.” Natuklasan niya na ang mismong mga talata ng Mateo 16:15-18 ay maliwanag na nagpapatotoo na si Jesu-Kristo ang pundasyon at ulo ng iglesia, na siyang buong kalipunan ng tinawag na mga sumasampalataya. Kaya’t ang kautusan ni Kristo na nakasalig sa Salita ng Diyos ang kataas-taasan at hindi yaong sa papa. Bagkus, ang papado ay kumuha ng kaniyang kapangyarihan sa imperyo ng Roma.

Patotoo sa Harap ng Konsilyo ng Constance

Hindi na matiis ng Iglesia Katolika ang mga ginawa ni Hus na pagbibilad kaya ipinatawag siya upang panagutan ang kaniyang mga kuru-kuro sa harap ng Konsilyo ng Constance, na ginanap mula 1414 hanggang 1418 malapit sa Lake Constance.b Siya’y iningganyo na dumalo ng kapatid ng hari, si Imperador Sigismund, dahil sa pinangakuan siya na hindi siya maaano, ngunit hindi natupad ang pangakong ito. Kararating pa lamang niya ay agad siyang dinakip, ngunit patuloy na nilabanan niya ang awtoridad ng papa at ng konsilyo.

Nang hilingin ng konsilyo kay Hus na bawiin ang kaniyang mga ideya at mga turo, tumugon siya na malugod niyang gagawin iyon kung sa pamamagitan ng Kasulatan ay napatunayan na siya’y nagkakamali, sang-ayon sa 2 Timoteo 3:14-16. Inakala ni Hus na siya’y susurutin lagi ng kaniyang budhi kung siya’y gagawa ng pag-urong na ginawa sa malabong pananalita. Sinabi niya: “Sa tuwina’y hangarin ko na patunayan sa akin buhat sa Kasulatan ang lalong magaling na doktrina, at kung magkagayon ay handang-handa ako na umurong.” Sa kabila ng kaniyang hamon na ipakita sa kaniya ng pinakamababang miyembro ng konsilyo ang pagkakamali niya buhat sa Salita ng Diyos, siya’y hinatulan bilang isang matigas na erehes at ipinabalik sa piitan bagaman walang anomang pinag-usapan buhat sa Bibliya.

Noong Hulyo 6, 1415, pormalang hinatulan si Hus sa katedral ng Constance. Siya’y hindi pinayagan na tumugon samantalang binabasa sa kaniya ang mga paratang. Pagkatapos ay hayagang binawian siya ng kaniyang pagkapari, at ang kaniyang mga sinulat ay pinagsusunog sa patyo ng simbahan. Siya’y dinala sa isang bukid sa arabal at doo’y sinunog sa tulos. Ang kaniyang abo ay tinipon at ipinaanod sa Ilog Rhine upang huwag gawing relikya ninoman ang martir na ito. Dahilan sa malapit na kaugnayan niya kay John Wycliffe, hinatulan din ng konsilyo ang repormistang iyan​—na patay na noon​—at iniutos na hukayin ang kaniyang bangkay at sunugin at ang kaniyang abo ay ipaanod sa ilog Swift sa Inglatera. Pagtatagal, ang pinakaprominenteng tagasunod ni Hus, si Jerome ng Prague, ay sinunog din naman sa tulos.

Kung Ano ang Matagumpay na Naisagawa ni Hus

Nang panahong iyon, si Hus ang isa sa kauna-unahan na nangahas sumalungat sa awtoridad ng papa at ng konsilyo at tanggapin sa halip ang kataas-taasang awtoridad ng Kasulatan. Sa ganoon ay pinasimulan niya ang kilusan na nagtataguyod ng mga karapatan ng tao, para sa kalayaan ng budhi at pagsasalita.

Mahigit na isang daang taon ang nakalipas, si Martin Luther sa Alemanya ay inakusahan na muling inuulit daw ang pagkakamali ni Wycliffe at Hus. Oo, ang paniwala ni Luther ay nahahawig sa kay Hus nang sabihin: “Maliban sa ako’y hatulan ng Kasulatan at ng katuwiran, hindi ko tinatanggap ang awtoridad ng mga papa at mga konsilyo, sapagkat sila’y nagkakasalungatan​—ang aking budhi ay bihag ng Salita ng Diyos.” Marahil iyan ang dahilan kung bakit sinabi niya: “Tayong lahat ay mga alagad ni Hus bagaman hindi natin alam iyan.”

Ang talagang ginawa nina Hus, Wycliffe, at Luther ay buhayin ang marami sa mga turo ng mga sinaunang Kristiyano. Kung sa bagay, hindi sila lubusang tumahak sa landas na iyon sapagkat hindi madali noong mga panahong iyon na pawiin ang kadiliman na umiral nang daan-daang taon. Subalit, lahat sila ay nagkakaisa sa isang mahalagang bagay: Ang Salita ng Diyos ang dapat mauna, anoman ang mga opinyon ng mga tao. Ang mga unang Kristiyano ay mayroon ding ganitong pangmalas sapagkat sila’y tinuruan ng Panginoon, si Jesu-Kristo.​—Juan 17:17; 18:37.

Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay kailangang manindigan din ng ganiyan. Marami ang ating bentaha kaysa kanila na mga nauna. Una, ang Bibliya ay malayang makukuha natin sa karamihan ng wika. Ikalawa, sa mga huling araw na ito ang banal na espiritu ay pumapatnubay sa mga tumutugon upang magkaroon ng lalong malawak na pagkaunawa sa Bibliya. Tinanggap mo ba ang unawang ito? Kung gayon, hindi ka mag-aatubili na sundin ang prinsipyo na puspusang itinaguyod ni John Hus. Sa ngayon, lalong maraming mga tao higit kaysa kailanman sa kasaysayan ang tumutupad ng mga salita ng mga apostol: “Kailangang magsitalima kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”​—Gawa 5:29.

[Mga talababa]

a Kung minsan ay binabaybay ng Huss.

b Ang konsilyo ay isang pulong ng mga obispo at iba pang mga lider ng Iglesia Katolika upang magsaalang-alang at gumawa ng mga desisyon tungkol sa mga doktrina, disiplina, at iba pang mga bagay. Nagkaroon ng maraming gayong mga konsilyo sa buong kasaysayan na kinikilala ng Iglesia Katolika Romana.

[Larawan sa pahina 29]

Si John Hus

[Larawan sa pahina 31]

Ang mga Bibliyang Czech, gaya baga ng edisyong 1579 na nakalarawan sa itaas, ay minamahalaga ng mga kolektor ngayon. Si John Hus ay sinunog sa tulos sapagkat kaniyang minahalaga ang sinasabi ng Bibliya higit kaysa salita ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share