Iginagalang Mo ba ang Regalo ng Diyos na Pag-aanak?
“SAMANTALANG nakahiga ako sa isang matigas na hapag sa silid-paanakan,” ang nagunita pa ni Joanna, “ang tinitiis kong hapdi ay umabot sa sukdulan.” Ang doktor ay naghuhugas noon ng kaniyang kamay ngunit medyo mabagal. ‘Doktor,’ ang bulalas ng nars, ‘lumabas na po ang sanggol.’ Nagmamadaling lumapit siya sa hapag, at ang sabi: ‘Sige, isa pa.’ Halos di matitiis ang kirot! At pagkatapos?
“‘Maligayang bati,’ anang doktor, ‘ang anak mo’y isang magandang munting nene.’ Ang kirot na dinaranas ko mga ilang saglit lamang ang nakalipas ay halos hindi ko na naramdaman nang ang mainit at malambot na katawan ng munting neneng iyon ay mapalapit na sa aking dibdib. Samantalang kami ng aking asawa’y magkakapit ng kamay, pinagmasdan namin ang kaakit-akit na munting himalang ito na bunga ng pag-iibigan ng dalawang kinapal.”
Ang pag-aanak ay isang regalo ng Diyos na kagila-gilalas. Pagkaraan ng maraming taon ng panggagamot, si Dr. Joseph Krimsky ay sumulat: “Ang paglilihi at ang panganganak ay mga himala na hindi maubos-maisip ng ating unawa . . . Ang mismong emosyon ng pag-ibig at walang kahulilip na kaligayahan na nagpapangyari na magsama ang mga selula ng binhing nanggagaling sa lalake at sa babae ay isang misteryo . . . na hindi maipaliwanag ng siyensiya.”—The Doctor’s Soliloquy.
Ang Paliwanag ng Bibliya
‘Ang emosyon ng pag-ibig at walang kahulilip na kaligayahan’ na nararanasan ay isang regalo ng Diyos. Sa mga lalaking may asawa, sinasabi ng Bibliya: “Maligayahan ka sa asawa ng iyong kabataan . . . sa kaniyang pag-ibig ay magkaroon ka sanang palagi ng walang kahulilip na kaligayahan.” (Kawikaan 5:18, 19) Maliwanag, nilayon ng Diyos na sa pamamagitan ng pagtatalik ng isang lalaki at ng kaniyang asawa ay magkaroon sila ng mainit at namamalaging pag-iibigan. Ang mga anak na bunga ng gayong pagsasama ay mayroong mainam na pagpapasimula sa buhay. Kaya naman ang layunin ng Diyos na ang lupa’y mapuno ng mga tao ay matutupad sa isang napakainam na paraan.—Genesis 1:27, 28.
Ngunit marami ang hindi nagkakaroon ng isang mabuting pagpapasimula ng buhay. Ang iba ay lumaki sa isang kapaligiran na may masamang moral at ang mga iba naman ay nanggaling sa baha-bahaging sambahayan. Ano ba ang sanhi nito? Sang-ayon sa Bibliya ang unang mag-asawa ay naghimagsik sa Diyos at sumuway sa kaniyang utos. Ang kanilang mga anak ay ipinaglihi pagkatapos na magkasala na ang mag-asawang iyan. (Genesis 3:1–4:1) Kaya naaan ang kanilang mga supling ay nagmana ng di-kasakdalan at ng hilig na magkasala. (Roma 5:12) Dahilan dito, ang regalo ng Diyos na pag-aanak ay inabuso.
Ang Turo ba ng Bibliya ay Itinataguyod ng mga Klerigo?
Sa ngayon, ang pag-aabuso sa sekso ay umabot na sa sukdulan. Bakit ba ganito? Noong nakalipas na siglo, angaw-angaw ang sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan umasa ng moral na patnubay. Ginamit ba ng klero ang kanilang impluwensiya upang maitaguyod ang paggalang sa pag-aanak?
“Ang mga relihiyong Protestante—ang Luterano, Reformed, Anglicano, Kongregasyonal, Metodista, at maraming mga sambayanang Baptist—ay madaling nakibagay . . . sa ideya ng ebolusyon,” ang paliwanag ng The New Encyclopædia Britannica. Subalit pag-isipan ito: Ang ebolusyon ba ay isang bagay na maaaring ‘pakibagayan’ ng mga nag-aangking kumakatawan sa Bibliya? Hindi, sapagkat ang ebolusyon ay isang teorya na walang alam na anoman tungkol sa moralidad. Itinatatuwa nito kapuwa ang Diyos bilang Maylikya at ang pangangailangan ng tao ng kaligtasan buhat sa kasalanan at kamatayan.—Genesis 2:7, 18, 19; 1 Corinto 15:21, 22.
Ang Iglesia Katolika ay napadala rin sa teorya ng ebolusyon. Noong 1950, si Papa Pio XII ay nanghikayat na gumawa ng pananaliksik sa ebolusyon sa kaniyang encyclical na Humani generis. Noong 1982, 11 siyentipiko ang inanyayahan sa Vatican City para pag-usapan ang ebolusyon sa ilalim ng pamumuno ng pangulo ng Pontifical Academy of Sciences. Pagkatapos, ang pinakamataas na lupong siyentipiko ng Iglesia Katolika ay naglathala ng isang aklat na nag-aangkin na “ang talaangkanan na humahantong sa tao, chimpanzee at gorilla ay waring may paglihis buhat sa kanilang iisang ninuno . . . 5 hanggang 7 milyong taon na ang lumipas.”
Ang teorya ng ebolusyon ay isang pagtatakwil sa Bibliya, na nagsasabing ang tao at ang mga hayop ay nilikha nang bukod ‘ayon sa kani-kanilang uri.’ (Genesis 1:20-27) At kapuna-puna ang inihula ng Bibliya: “Dahilan sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig.” (Mateo 24:3, 11, 12, 33) May bahagi ba ang ebolusyon sa “paglago ng katampalasanan”?
Pinalago ba ng Ebolusyon ang Katampalasanan sa Moral?
Dahilan sa pagtataguyod sa teorya ng ebolusyon, sinira ng maraming klerigo ang pagtitiwala sa Bibliya. ‘Kung ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ay hindi totoo, kumusta naman ang mga iba pang bahagi ng Bibliya?’ ang tanong ng mga tao. At hinahamon kahit na ng mga klerigo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikiapid at sa homoseksuwalidad, pati na rin ang turo ng Bibliya tungkol sa buhay ng di pa isinisilang na mga anak.—Exodo 20:13, 14; 21:22, 23; Levitico 18:22; 1 Corinto 6:9, 10.
May isa pang paraan na ang teorya ng ebolusyon ay may bahagi sa katampalasanan. Kamakailan, sa oras na pinakamarami ang nanonood ng telebisyon, angaw-angaw na tao sa isang bansang “Kristiyano” ang nagsipanood ng isang palabas tungkol sa ama na humahalay sa kaniyang anak na babae. Sang-ayon sa lathalaing Science 85, may palagay na “walang tao ang lubusang masisisi sa kaniyang iginawi pagka tumindi ang silakbo ng pita ng laman.” Angaw-angaw na mga tao, ang sabi ng magasin, ang handang umayon sa palagay na ito. Bakit? Sapagkat sila’y naniniwala na “ang mga tao ay may malaking kaugnayan sa mga hayop.” Ang mga tao, inamin pa ng lathalaing ito sa siyensiya, “ay totoong naniniwala sa turo ni Darwin na ‘taglay pa rin ng tao sa kaniyang katawan ang di-mabuburang tatak ng kaniyang napakababang pinagmulan.’”
Ang kaisipang ebolusyonista ang may matinding epekto sa pagkakilala ng mga tao sa Bibliya. Ito ba’y nagdulot ng mga pagpapala? Hindi, ang pagtanggi sa matataas na pamantayan ng Bibliya sa moralidad ay nagbunga ng nakababahalang pagdami ng mga aborsiyon at ng mga sakit na dala ng seksuwal na pagtatalik. At, parami nang paraming mga bata ang mga anak sa labas, at hindi nila nalalasap ang pagpapala ng magandang buhay sa loob ng isang pamilya.
Paano Ka Matutulungan ng Bibliya?
Isinisiwalat ng Bibliya na ang Maylikha sa sangkatauhan, si Jehova, ay isang Diyos ng kaawaan. (Awit 103:10-13) Hangarin niyang tulungan ang mga taong makasalanan upang makaabot sa kaniyang mga pamantayang-asal. (Isaias 1:18; 55:6-9) Halimbawa, pag-usapan natin ang sinaunang lunsod ng Colosas na kung saan karaniwan doon ang pakikiapid at pangangalunya. “Sa bagay ring iyon kayo man ay lumakad noong una nang kayo’y namumuhay sa mga iyan,” ang sabi ng isang liham sa Bibliya na ukol sa mga Kristiyano sa Colosas. (Colosas 3:5-7) Subalit, sa pamamagitan ng pampatibay-loob ng Salita ng Diyos at ng kapangyarihan ng kaniyang banal na espiritu, maraming mga taga-Colosas ang gumawa ng kapaki-pakinabang na mga pagbabago sa estilo ng kanilang pamumuhay. Sila’y naging mga tunay na Kristiyano.
Pag-isipan din ang mga tao sa sinaunang Corinto. Sila’y naroon sa isang imoral na lunsod na kung saan napakarami ang mga homoseksuwal at mga patutot. “Marami sa inyo ang ganiyan,” ang sabi ng isang liham sa Bibliya na para sa mga Kristiyanong naninirahan doon. “Ngunit kayo’y hinugasan nang malinis, ngunit kayo’y pinabanal na, ngunit kayo’y inaring-matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at may espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11; tingnan ang Lucas 11:13.
Ganiyan ba rin ang nangyayari sa ngayon? Oo, sapagkat pagkatapos na mabasa ang mga nakaraang labas ng magasing ito, libu-libo ang natulungan na baguhin ang kanilang buhay upang mapaayon sa Bibliya. Nariyan ang halimbawa ng isang tin-edyer sa Aprika na hinahalay nang siya’y isang bata. Nang magtagal, siya’y napasangkot sa lahat ng uri ng imoralidad, kasali na ang lesbianismo. “Marahil ay sandaling magtatamasa ka ng kaligayahan sa sanlibutan,” ang sabi niya, “pero ito’y nagiging parang isang droga na ang resulta’y isang lumilipas at walang saysay na damdamin.” Dahil sa kawalang pag-asa, tinangka niya na magpatiwakal, subalit sa maselang na sandaling ito ay may nangyari na bumago ng kaniyang buhay. Siya’y nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at kaniyang tinanggap ang payo na magbasa ng Bibliya sa araw-araw. Ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas na mapagtagumpayan ang imoralidad. “Mas mabuti ang pakiramdam ko ngayon,” ang sabi niya. “Kagila-gilalas ang nagagawa ni Jehova para sa isang tao.”
Ang mga bata na lumalaki sa isang mahusay na pamilyang Kristiyano ay may bentaha. Ang mga magulang na Kristiyano ay dapat na magsumikap nang husto kung paano maipaliliwanag sa kanilang mga anak ang mga kababalaghan ng pag-aanak. (Efeso 6:4) Ang gayong mga anak ay matutulungan na igalang ang kanilang sangkap sa pag-aanak at huwag gawing laruan lamang ang mga ito. Ang pag-aabuso sa sarili ang malimit na unang hakbang tungo sa lalong malulubhang anyo ng imoralidad.a
Sa ngayon, may apurahang pangangailangan na daigin ang mga gawang imoral. “Dahil sa mga bagay na iyon,” ang babala ng Bibliya, “ang galit ng Diyos ay dumarating.” (Colosas 3:5, 6) Oo, may hangganan ang awa ni Jehova. Siya’y isa rin namang Diyos ng katarungan. (Deuteronomio 32:4) Pagkatapos na banggitin sa hula ang makabagong-panahong ‘paglago ng katampalasanan,’ sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:11, 12, 21) Kaya sa pamamagitan ng ganitong pagkilos ng Diyos ay matatapos ang katampalasanan at papasok naman ang isang matuwid na bagong sistema.—Awit 37:9-11, 29.
[Talababa]
a Pakitingnan ang mga artikulong “A Mother Talks to Her Daughters” at “A Father Talks to His Son” sa Awake! ng Hulyo 8, 1965, at Disyembre 8, 1968. Tingnan din ang kabanata 5 sa aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 5]
Kailangan ng mga anak ang kaaya-ayang kapaligiran sa sambahayan upang magkaroon ng magandang pasimula sa buhay
[Larawan sa pahina 7]
Ang may-takot sa Diyos na mga magulang ay dapat tumulong sa kanilang mga anak upang magkaroon ng tamang pagkakilala sa pag-aanak