Kung Bakit Tiyak na Matatapos ang Pag-aabuso sa Kapangyarihan
ANG sinaunang Haring Solomon ay ganito ang puna tungkol sa pag-aabuso ng kapangyarihan noong kaniyang kaarawan: “Umikot ako, at aking nakita ang lahat ng pang-aapi [pag-aabuso sa kapangyarihan] na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha ng mga inaapi, ngunit wala silang pag-aari; at sa siping ng mga umaapi sa kanila ay may kapangyarihan.”—Eclesiastes 4:1.
Marahil ay itatanong mo, ‘Yamang ang pag-aabuso sa kapangyarihan ay matagal nang umiiral, ito ba ay mananatili sa atin?’ Hindi, ito’y hindi mananatili. Sapagkat, gaya ng isinulat ni Solomon noong siya’y kasihan, mayroong Isa na nagmamasid sa lahat ng ito: “Kung iyong nakikita ang pang-aapi sa dukha at ang pag-aalis ng katarungan at katuwiran sa isang lalawigan huwag mong ipagtaka ito, sapagkat ang lalong mataas kaysa pinakamataas ay nagmamasid, oo, ang Kataas-taasan ay lalong mataas kaysa kanila.”—Eclesiastes 5:8, Rotherham.
Ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, ay nagpapakita na si Jehova, ang Kataas-taasan, ay walang hanggan ang kapangyarihan at karunungan, at siya’y sakdal sa katarungan at kumakatawan sa pag-ibig. Dahilan sa siya’y isang Diyos na gayon, hindi niya papayagan na ang ganitong masasamang kalagayan ay umiral nang walang hanggan. Ang salmistang si David ay sumulat: “Huwag kang mabalisa na maghahatid lamang sa iyo sa paggawa ng masama. Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit silang umaasa kay Jehova ang mag-aari ng lupain.”—Awit 37:8, 9.
Mayroon pang isang kasiguruhan na ibinibigay ang mga salita ni propeta Isaias: “Tunay na dadalhin ko . . . sa mga balakyot ang kanilang sariling kasamaan. At pangyayarihin ko na mahinto ang pagmamataas ng mga pangahas, at aking patitigilin ang kahambugan ng mga palalo [mga mapag-abuso sa kapangyarihan].”—Isaias 13:11.
Subalit daan-daang mga taon na ang lumipas sapol nang isulat ang mga salitang iyan, kaya paano natin masisiguro na tutuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako na wakasan ang lahat ng pag-aabuso ng kapangyarihan? Sapagkat noong mga panahong lumipas ay ipinakita niya ang kaniyang determinasyon na gawin nga iyan. Bago nangyari ang Baha noong kaarawan ni Noe, laganap ang pag-aabuso sa kapangyarihan. Mababasa natin na “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:5, 11) At ano ba ang karahasan kundi pag-aabuso ng kapangyarihan? Ganiyan din ang nangyari sa balakyot na mga lunsod ng Sodoma at Gomora noong kaarawan ni Lot. (Genesis 18:20, 21; 19:4-29) Sa kapuwa kasong ito winaksan ni Jehova ang pag-aabuso. Kaya’t makikita natin na ang Diyos na Jehova ay hindi konsintidor sa pag-aabuso sa kapangyarihan.
Bilang karagdagang saligan na matitiyak natin na si Jehova’y kikilos ay yaong bagay na siya’y mapanibughuin alang-alang sa kaniyang pangalan, at lahat na pag-aabuso sa kapangyarihan ay isang insulto sa kaniyang pangalan. Pansinin ang kaugnayan nito sa mga tekstong ito: “Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya.” “Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya.”—Kawikaan 14:31; 17:5.
Natitiyak natin, kung gayon, na ang Kataas-taasan ay hindi papayag na siya’y lapastanganin nang habang panahon. Kaya isa pang tanong ang natitira: Kailan matatapos ang pag-aabuso sa kapangyarihan?
Kailan ba Ito Matatapos?
Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na “bawat bagay ay may takdang panahon, at panahon sa bawat panukala sa silong ng langit.” (Eclesiastes 3:1) Baka ang iba ay naiinip na dahil sa talaorasan ng Diyos. Subalit sa atin ay sinasabi: “Si Jehova ay hindi mabagal tungkol sa kaniyang pangako, . . . kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinoman ay mapuksa.”—2 Pedro 3:9.
Ang katuparan ng hula sa Bibliya ay nagpapakita na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw ng balakyot na sanlibutang ito, o sistema ng mga bagay. Nakita ng salinglahing ito ang katuparan ng dakilang hula ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay: mga digmaan, lindol, taggutom, salot, paglago ng katampalasanan, at ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:1-35; Lucas 21:10, 11) Tiyakang ipinakikita niyan na ang panahong ito ang mga huling araw ng balakyot na sanlibutang ito.
Dahil sa ito ang mga huling araw, makaaasa tayo na makikita sa pinakamadaling panahon ang katuparan ng Zefanias 3:8: “‘Kaya’t hintayin ninyo ako,’ sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw na ako’y bumangon sa panghuhuli, sapagkat ang aking pasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng aking mabangis na galit; sapagkat ang buong lupa ay sasakmalin ng silakbo ng aking panibugho.’”
Tiyak na ang mga salitang iyan ay kasiguruhan na wawakasan ng Diyos na Jehova ang pag-aabuso ng kapangyarihan.