Mag-ingat Laban sa Maling Paggamit sa Kapangyarihan
“Ang pagkatakot kay Jehova ay pagkapoot sa masama. Ang pagdakila sa sarili at pagmamataas at ang masamang lakad at ang masamang bibig ay aking kinapopootan.”—KAWIKAAN 8:13.
1. Ano ang isang paraan na ang di-sakdal na puso ng tao ay nagpapakita na ito’y mapangdaya?
ANG mapag-imbot na maling paggamit sa kapangyarihan ay walang alinlangan isa sa masasamang lakad na kinapopootan ng Diyos na Jehova. Ang kaniyang Salita ay nagpapayo sa atin laban sa ganitong hilig ng di-sakdal na mga tao, sapagkat kaniyang nauunawaan ang puso ng tao. Ating mababasa: “Ang puso ay higit na mandaraya kaysa anopaman at higit na mapanganib. Sino ang makakaalam nito? Ako, si Jehova, ang sumasaliksik ng puso, sumisiyasat sa mga bato, upang ibigay sa bawat tao ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga gawain.”—Jeremias 17:9, 10.
2. Ano ang tendensiya ng kapangyarihan na gawin sa mga may taglay nito?
2 May mabuting dahilan ang Salita ng Diyos sa pagbibigay babala sa atin laban sa maling paggamit sa kapangyarihan. Mayroon ng gayong tendensiya na maling gamitin o pagmalabisan ang kapangyarihan kaya’t isang eskolar na Ingles ang nagsabi: “Ang kapangyarihan ay may tendensiya na magpasamâ, at ang lubos na kapangyarihan ay lubos na nagpapasamâ.” Sinabi rin niya ayon sa kaniyang naobserbahan: “Sa lahat ng mga dahilan na nagpapababa ng uri at ng moralidad ng tao, ang kapangyarihan ang walang pagbabago at ang pinakaaktibo.” Mangyari pa, ang kapangyarihan ay hindi naman laging nakahihila tungo sa masama, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, subalit mayroong panganib sa bagay na iyan.
3. Sa anong mga relasyon ng tao maaaring naaabuso ang kapangyarihan, at bakit maaari itong mangyari?
3 Sino ang kailangang maging mapagbantay laban sa maling paggamit sa kapangyarihan? Lahat halos! Sa halos bawat relasyon ng tao ay may mga sitwasyon na kung saan ang isang tao ay may kalamangan sa iba dahilan sa kayamanan, pinag-aralan, pisikal na lakas, puwesto, pisikal na kagandahan, at iba pa. Miyentras malaki ang kalamangan, lalong malaki ang tukso na gamitin ito nang may pag-iimbot. Bakit? Sapagkat “ang hilig ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang kabataan.” (Genesis 8:21) Oo, ang di-sakdal na puso ng tao ay “magdaraya,” mapanlinlang, o paliku-liko, at nakahilig sa masama.—Jeremias 17:9.
Mga Kristiyanong Hinirang na Matatanda
4. Anong mainam na payo ang ibinigay ni Jetro kay Moises, na nagpapakita ng pagiging palaisip tungkol sa mga tukso na kalakip ng pagtanggap ng kapangyarihan at autoridad?
4 Unang-una, isaalang-alang ang hinirang na matatanda, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano. Pagka ating pinag-iisipan ang kanilang mga kuwalipikasyon, ating maaalaala ang mga salita ni Jetro kay Moises tungkol sa pagpili ng mga lalaking ilalagay na tagapangasiwa sa lilibuhin, dadaanin, lilimampuin, at sasampuin: “Ikaw mismo ang pipili sa buong bayan ng may kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, napagtitiwalaang mga lalaki, na napopoot sa labis na pakinabang.” (Exodo 18:21) Ang gayong mga lalaki ay maaaring pagkatiwalaan ng pangangasiwa. Hindi nila aabusuhin ang mga bentaha na kalakip ng puwesto ng pangangasiwa, sapagkat ang pagkatakot sa Diyos ay ang pagkapoot sa masama. Ang gayong mga lalaki ay tunay na “napopoot sa labis na pakinabang” sa halip na maghangad nito o maging mahilig dito.
5. Bakit ang payo sa 1 Pedro 5:2, 3 ay totoong nababagay, at paano ito maikakapit?
5 Si apostol Pedro ay may kabatiran sa panganib ng maling paggamit sa kapangyarihan ng mga matatanda, kaya’t makikita natin na siya’y nagpapayo sa mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi sa paraang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; hindi dahil man sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; ni gaya ng kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Ang pagpapastol sa kawan ng Diyos para tamuhin ang malaking pakinabang ay isang maling paggamit ng kapangyarihan. Gayundin naman, ang pag-aastang panginoon sa kawan ay mapag-imbot na pagsasamantala sa kapangyarihan. Halimbawa, marahil ang isang matanda ay may tiyakang mga opinyon tungkol sa kung paano dapat manamit ang kaniyang pamilya. Subalit siya’y kailangang magpakaingat at huwag niyang sikapin na ipatupad sa kawan ang gayong personal na mga kuru-kuro; ang paggawa ng gayon ay pag-aastang panginoon sa kanila.
6. Ano ang nepotismo, at paano ang mga hinirang na matatanda ay maaaring magkasala nito?
6 Kung hindi mag-iingat ang matatanda, baka sila ay magkasala nang nepotismo; na isa ring pagmamalabis sa kapangyarihan. Nepotismo? Oo, ito’y isang salita na galing sa Latin, na ang ibig sabihin ay “nephews” o mga pamangkin. Ito’y isang salitang nabuo dahilan sa napatanyag na kaugalian ng mga papa at iba pang mga opisyales ng simbahan na bigyan ng pabor na relihiyoso at materyal ang kanilang mga kamag-anak at lalung-lalo na yaong mga anak ng kanilang mga kapatid. Si Papa Nicolas III ay nakilala pa bilang “ang patriarka ng nepotismo ng mga papa.” Kung ang hinirang na matatandang Kristiyano ay hindi magpapakaingat, baka sila ay maimpluwensiyahan ng di-nararapat na pagpapahalaga sa mga relasyong pampamilya sa halip na sumunod sa mga prinsipyong espirituwal. Isang matanda ang desidido sa kaniyang hangarin na ang kaniyang anak na lalaki ay mairekomenda bilang isang tagapangasiwa bagamat hindi sang-ayon doon ang iba sa mga matatanda. Kaya ang ama ay lumipat sa ibang kongregasyon. Mga ilan taon ang nakalipas at ang anak na iyon ay hindi pa rin hinihirang na isang matanda. Maliwanag na ang ama ay napadala sa impluwensiya ng relasyong pangmagkakamag-anak.
7, 8. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang nepotismo ay maaaring maging isang tunay na panganib sa hinirang na matatanda?
7 Ang isa pang pag-aabuso ng kapangyarihan dahil sa nepotismo ay pagka ang mga matatanda ay hindi kumilos pagka nagkasala ang kanilang mga kamag-anak. (Ihambing ang 1 Samuel 2:22-25, 30-35.) Mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, mayroong isang nakagigitlang sitwasyon ng gaang pagkakasala sa mga ilang kongregasyon sa gitnang Estados Unidos. Hindi pa rin natatagalan na ito’y nangyari rin sa mga ilang kongregasyon sa Europa. Maraming mga kabataan ang napasangkot sa pakikiapid, abuso sa droga, at iba pa, hindi kakaunti sa mga ito ang mga anak ng hinirang na matatanda, na ang ilan sa kanila’y nagwalam-bahala sa ginawang pagkakakasala ng kanilang mga supling. Nang mahayag ang buong katotohanan, marami sa matatandang ito ang inalis dahilan sa kanilang pag-aabuso sa kanilang mga pribilehiyo bilang matatanda o sa lalong tiyakang pananalita, dahilan sa hindi tamang paggamit sa kanilang kapangyarihan.
8 Kung minsan ay waring may tendensiya sa bagay na ito pagka ang isang matanda o ang isang ministeryal na lingkod ay nangunguna sa mga pulong. At ang bahagi niya’y humihingi na makibahagi ang mga tagapakinig. Siya’y kailangang mag-ingat na iwasan ang pagtatangi. Ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ay maaaring makipagtulungan tungkol dito sa pamamagitan ng pagiging alerto na magkomento pagka ang iba ay hindi tumutugon at huwag naman silang maging labis na nananabik magkomento pagka marami ang mga iba pa na nagboboluntaryo magkomento.
Mga Naglalakbay na Kinatawan
9. Ano ang pag-aabuso ng kapangyarihan na tinatawag na simonia (simony), at bakit ganiyan ang pangalan niyan?
9 Ang mga Kristiyanong nasa responsableng mga puwesto, lalung-lalo na ang naglalakbay na mga kinatawan ng Watch Tower Society ay kailangang pakaingat na sila ay huwag magkakasala, na alam man nila o hindi, ng tinatawag na simonia (simony). Ang terminong ito ay galing sa Simon na binabanggit sa Gawa 8:9-24, isang tao na nag-alok sa mga apostol ng salapi para bigyan siya ng kaloob ng ipagkakaloob naman ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng kaniyang mga kamay. Ganito ang iniuulat ni Lucas: “Sinabi sa kaniya ni Pedro: ‘Ang iyong salapi ay mapahamak na kasama mo, sapagkat inisip mong sa pamamagitan ng salapi ay tatamuhin mo ang walang bayad na kaloob ng Diyos. Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo’y hindi matuwid sa harap ng Diyos. Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka kay Jehova upang, kung maaari, ipatawad sa iyo ang pag-iisip ng iyong puso.’” Ito ay isang napatanyag na kaugalian din naman sa mga opisyales ng Iglesia Katolika Romana noong nakalipas na mga taon. Iniulat ng isang encyclopedia na “ang krimeng ito ay naging palasak sa Simbahan noong ika-11 at ika-12 na mga siglo.”
10, 11. Paanong ang matatanda ay maaaring maging biktima ng silo ng simonia?
10 Paanong ang mga lingkod ni Jehova ay maaaring baka magkasala nito? Kung sila ay hindi magpapakaingat, baka sila’y makapagrekomenda ng isang matanda para magkaroon ng bahagi sa programa sa isang pangsirkitong asamblea o sa pandistritong kombensiyon dahilan sa ipinakita nito sa kaniya na pagmamagandang-loob na pagpapatuloy sa kaniya o saganang pagreregalo sa kaniya. Sa katunayan, nagkaroon na ng pambihirang mga kaso na kung saan ang isang matanda ay saganang nagregalo at kasabay nito’y binanggit niya na kung maaari’y bigyan siya ng ilang natatanging pribilehiyo. Maliwanag na ang gayong mga tao ay hindi kontento na magsilbing ‘mga nakabababa,’ hindi nila hinahayaan na ang banal na espiritu ang magpakilos sa mga nasa responsableng mga posisyon upang gumawa ng teokratikong mga paghirang. (Lucas 9:48) Sa gayong mga pagkakataon ang ganoong mga regalo ay tinanggihan, at nagbigay ng mainam na halimbawa ng hindi pag-aabuso sa ipinagkaloob na kapangyarihan. Lahat ng ganiyang halimbawa ay nagpapakita kung paanong ang prominenteng matatanda ay kailangang mag-ingat upang maiwasan na sila’y mabahiran ng simonia!
11 Gayundin, mana-naka ay baka kailanganin na ang isang naglalakbay na ministro ay magbigay ng isang mahigpit na payo sa isang matanda. Subalit kung ang naglalakbay na ministro ay ulit at ulit na tumatanggap ng mga regalo sa matanda na iyon o kaya’y pinatutuloy siya sa kaniyang tahanan, baka ang naglalakbay na tagapangasiwa ay mag-atubili na bigyan ito ng tuwirang payo. Dahilan kaya sa mapag-imbot na mga konsiderasyon ay mahahadlangan siya ng pagganap ng kaniyang mga tungkulin na magbigay ng kinakailangang payo? Ang espirituwal na kapakanan ba ng kaniyang mga kapatid ang kaniyang uunahin sa halip na ang kaniyang sariling materyal na mapapakinabang? Oo, kaniya bang hahangarin na palugdan ang Diyos o ang mga tao?—Galacia 1:10.
Ang Pamilya
12. Sa anong dahilan kailangang maging mapagbantay ang mga asawang lalaki na gamitin sa matuwid na paraan ang kapangyarihan?
12 Sa loob ng pamilya ay kailangan din naman na ang bawat miyembro ay maging mapagbantay sapagkat baka kanilang mapagmalabisan ang mga bentaha o kapangyarihan. Ang isang asawang lalaki, dahilan sa siya ang ulo, o dahilan sa kaniyang nakahihigit na pisikal na lakas, o dahilan sa siya ang naghahanapbuhay, ay baka kumilos sa isang paraan na walang pakundangan, mapag-imbot, walang pakiramdam, hindi madamayin. Ipinakakadiin ni Pablo na ang mga asawang babae ay dapat pasakop sa kani-kanilang asawa. Kasabay nito ay sinasabi naman niya sa mga asawang lalaki na ibigin ang kani-kanilang asawa gaya ng pag-ibig nila sa kanilang sariling katawan at sila’y maging handa na mamatay alang-alang sa mga ito, gaya kung paano si Kristo ay namatay alang-alang sa kongregasyong Kristiyano. (Efeso 5:25-33) Ang gayong payo ay dapat magsilbing isang hadlang sa pagmamalabis ng asawang lalaki sa kaniyang kapangyarihan o mga bentaha. Si apostol Pedro, pagkatapos na magpayo sa mga asawang babae na pasakop sa kani-kanilang asawa, ay nagpapayo naman sa mga asawang lalaki: “Kayong mga lalaki, patuloy na makipamahay kayong kasama nila ayon sa pagkakilala, na pakundanganan sila na gaya ng marupok na sisidlan, ang babae, yamang kayo rin naman ay mga tagapagmanang kasama nila ng di-sana nararapat na biyaya ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” Oo, ang mga asawang lalaki ay kailangang pakaingat na gamitin sa matuwid na paraan ang kanilang kapangyarihan kung ibig nilang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos na Jehova.—1 Pedro 3:7.
13. (a) Anong ugali ng babae ang kung minsan sinasamantala ng mga asawang lalaki? (b) Papaanong ang mapag-imbot na mga asawang babae ay nagpapakita ng pag-aabuso ng kapangyarihan, na paglabag na anong payo ng Kasulatan?
13 Ayon sa obserbasyon ang asawa na laging matimyas magmahal ay nasa kapangyarihan ng isa na di-gaanong matimyas magmahal. Waring may kaunting katotohanan ang bagay na iyan. Ang mga asawang babae, karamihan sa kanila, ay lalong matimyas magmahal kaysa kani-kanilang asawa—ang pag-ibig ay lalong mahalaga sa kanila—at maraming asawang lalaki ang nagsasamantala naman dito sa mapag-imbot na paraan. Sa kabilang dako, ang mga babae ay nag-aatubiling magbigay sa kani-kanilang asawa ng nauukol sa mga ito bilang asawa pagka hindi ibinigay ang kanilang kagustuhan. Sa katunayan, may mga asawang babae na lubusang tumangging magbigay ng kaukulan sa kani-kanilang asawang lalaki. Nakalulungkot sabihin, kung minsan ang resulta nito ay ang pangangalunya ng asawang lalaki. Lahat ng ganiyang hindi pagsunod sa ipinayo ni Pablo sa 1 Corinto 7:3-5 ay isa rin namang pagmamalabis sa kapangyarihan.
14. Anong ebidensiya ang nagpapakita na may mga magulang na nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan sa kanilang mga anak?
14 Yamang ang mga anak ay kailangang sumunod sa kanilang mga magulang na kaisa ng Panginoon sila’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng kani-kanilang mga magulang, lalo na ng kanilang ama. Paano nga nila gagamitin ang kapangyarihang ito? Sa paraan bang hindi pinag-iisipan, walang pakiramdam, walang empatiya? Maraming makasanlibutang mga ama, at mga ina, ang ganiyang-ganiyan ang ginagawa, anopat ang resulta’y ang pagkauso ng “hurt child syndrome” (o mga sintomas ng batang pinaglupitan). Sang-ayon sa World Health, Enero/Pebrero 1984, “mayroong pinagmamalupitang mga bata sa bawat lipunan,” at “wari ngang sa ngayon karaniwan na ang mga bata na minamaltrato, pinagsasamantalahan, binubugbog o abandonado, at walang panig ng daigdig ang nalilibre dito.” Isa pang report nag nagsasabi na sa Estados Unidos ang dami ng pag-aabuso sa bata ay mahigit na nadoble noong nakaraang sampung taon. Tiyak na lahat na iyan ay isang pag-aabuso ng kapangyarihan. Kahit na ang isang magulang na Kristiyano na hindi makakaisip ng malupit na pagtrato sa kaniyang anak ay baka nagkakasala ng isang uri ng pag-aabuso sa anak. Makikita mo iyan buhat sa payo ni Pablo: “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang iyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang kanilang kalooban.”—Efeso 6:4; Colosas 3:21.
15, 16. Paanong ang mga anak ang maaaring nagkakasala ng pag-aabuso ng kapangyarihan, kaya’t ano ang kailangang gawin ng mga magulang?
15 Bagaman waring kakatuwa sa primero, ang mga anak mismo ay maaaring magkasala ng pagmamalabis sa kapangyarihan. Paano nga magkakagayon? Maaaring pangyarihin ng mga anak na ang kanilang mga magulang ay kumilos laban sa kanilang sariling mahusay na kahatulan dahilan sa pagmamahal sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isang bata, na nakakaalam na siya’y dapat paluin, ay baka mag-iiyak nang malakas upang magtinging kaawa-awa at sa ganoo’y hindi maatim ng nanay na paluin pa siya. Ipinagmamalaki ng isang matagumpay na komersiyanteng babae ang kaniyang abilidad na akitin sa gusto niya ang kaniyang mga parukyano, at ang sabi: “Ang mga babae ay may taglay na nito sa pagsilang nila. Dapat ninyong makita ang aking anak na babae sa kaniyang pag-akit sa kaniyang ama sa anomang gusto ng aking anak.”
16 Ayon sa isang report ng pahayagan, “nakababahala ang pagdami ng ‘mga anak na lasing sa kapangyarihan’ sa Norte Amerika na dumudumina at siyang mga nagpapatakbo sa buhay ng kanilang mga magulang.” Subalit, ang remedyo ay wala sa pagpapayo sa mga anak, kundi nasa pagpapayo sa mga magulang. Ang mga magulang ay kailangang nagkakaisa sa pakikitungo sa kanilang mga anak. Ang kanilang mga anak ay kaagad nakakapuna ng di-pagkakaisa at pinaglalaban ang dalawang magulang upang makamit lamang ang gusto nila. Ang mga magulang ay kailangan ding maging estrikto sa kung ano ang matuwid, at laging ipadama nila sa mga anak ang kanilang pag-ibig. Gaya ni Jehova, ang mga magulang na Kristiyano ay kailangang gumamit ng disiplina dahilan sa pag-ibig.—Hebreo 12:5, 6.
Sa mga Ibang Relasyon
17. Paanong maaaring magkaroon ng pag-aabuso ng kapangyarihan sa relasyon ng amo at empleyado?
17 Ang amo-empleyadong relasyon ay naghaharap din ng tukso na magamit sa maling paraan ang kapangyarihan. Taglay ito sa kaisipan, si Pablo ay nagpayo sa mga nag-aari ng alipin, na medyo kahawig ng modernong mga amo, mga tagapangasiwa, mga boss, “Kayong mga panginoon, patuloy na ganiyan din ang gawin ninyo . . . na pinalalampas ang pagbabanta, sapagkat alam ninyo na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit at siya’y walang itinatangi.” (Efeso 6:9; Colosas 4:1) Ang mga Kristiyano na nangangasiwa sa sekular na mga bagay ay dapat na huwag mag-abuso sa kapangyarihan. Si Boas noong sinaunang panahon ay isa sa mayroong mainam na kaugnayan sa kaniyang mga manggagawa.—Ruth 2:4.
18. Anong pag-iingat ang kailangang gawin ng mga kapatid na binata o dalaga, upang sila’y huwag magkasala ng pag-aabuso ng kapangyarihan?
18 Banggitin natin ang isa pang pitak na kung saan ang mga Kristiyano ay kailangang mag-ingat laban sa pag-aabuso sa kapangyarihan, at iyan ay may kinalaman sa atraksiyon ng sekso. Dahil sa mismong kalikasan ng mga kabataang sister marami sa kanila ang ibig na magsipag-asawa at magsipag-anak. Kaya naman, ang mga brother ay kung minsan nakakaisip na paglaruan lamang ang mga sister kung tungkol sa pag-ibig. Tunay na ito’y isang pag-aabuso ng kapangyarihan. Si Pablo ay nagpayo kay Timoteo: ‘Pakitunguhan mo ang nakatatandang mga babae na gaya ng pakikitungo sa iyong ina, ang nakababatang mga babae na gaya ng pakikitungo mo sa iyong mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.’ Ang mga babaing Kristiyano ay pinapayuhan na “gumayak ng pananamit na maayos, may kahinhinan at katinuan ng isip.” May asawa o wala man, sila’y magpakita ng “may kalinisang paggawi.”—1 Timoteo 2:9; 5:2; 1 Pedro 3:2.
19. Bukod sa pagpapakita ng karunungan, katarungan, at pag-ibig, ang paggamit ng ano pang ibang atributo ang kailangang pag-isipan natin?
19 Marami ang sinasabi ng ating mga babasahin sa Bibliya tungkol sa mga Kristiyano na inaakay ng maka-Diyos na karunungan, tungkol sa pagiging makatarungan sa lahat ng kanilang pakikitungo, at tungkol sa motibo na udyok ng may prinsipyong pag-ibig, a·gaʹpe. Ang mga paksang tinalakay ay nagpapakita na lahat ng mga lingkod ni Jehova ay kailangan ding maging palaisip tungkol sa kuwalidad, katangian, o paghahawak ng kapangyarihan. Kailanman ay huwag nilang aabusuhin ito, kundi laging gamitin ito sa matuwid na paraan. Tunay na mababanaag sa Salita ng Diyos ang banal na karunungan sa payong ibinibigay nito tungkol sa mga bagay na ito. Sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa gayong payo, tayo’y magdadala ng karangalan sa pangalan ni Jehova, magiging isang pagpapala sa iba, at magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos.
Anong Payo ang Natatandaan Mo?
◻ Paanong masasabi na tayo’y may likas na hilig na mag-abuso ng kapangyarihan?
◻ Bakit ang mga hinirang na matatanda ay dapat magpakaingat na hindi nila inaabuso ang kanilang kapangyarihan?
◻ Sa anu-anong paraan dapat na ang mga asawang lalaki at mga asawang babae ay huwag mag-aabuso ng kanilang kapangyarihan sa kanilang relasyon sa isa’t-isa?
◻ Kapuwa ang mga magulang at ang mga anak ay dapat na umiwas sa ano tungkol sa pag-aabuso sa kapangyarihan sa kanilang relasyon sa isa’t-isa?
[Larawan sa pahina 15]
Sinubok ni Simon na gamitin ang kaniyang kayamanan upang maimpluwensiyahan si Pedro. Anong mga aral ang maaari nating matutuhan buhat sa ulat na ito?
[Larawan sa pahina 17]
Ang inyo bang anak ay nag-aabuso ng kapangyarihan upang akitin ka sa gusto niya?