Natatandaan Mo Ba?
Napatunayan mo ba na may praktikal na kahalagahan ang mga labas kamakailan ng Ang Bantayan? Kung gayon ay tingnan mo kung maaalaala mo ang mga sumusunod:
◻ Bakit masasabi na ang Bibliya ay isang aklat para sa lahat ng tao?
Sa mismong pasimula, ang Bibliya ay nagbibigay ng isang pandaigdig na pangmalas tungkol sa hinaharap ng sangkatauhan. (Genesis 1:28) Nangingibabaw ito sa lahat ng pagtatangi sa lahi, sa nasyonalismo, at iba pang mga tagapagbaha-bahagi sa sangkatauhan. Ito ay nagsasalita sa mga tao sa lahat ng bansa at tinutukoy nito ang lupa bilang isang malaking tahanan ng buong sangkatauhan. (Gawa 17:26)—4/15, pahina 5.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Kung ang inyong mata nga ay simple, ang inyong buong katawan ay magiging maliwanag”? (Mateo 6:22)
Ang salitang “simple” ay nanggaling sa isang salitang Griego na ang salin ng kahulugan ay nag-iisang kaisipan o debosyon sa isang layunin. Kung ang paggawa sa kalooban ng Diyos ang ating tunguhin sa buhay, sisikapin natin na sa bawat pitak ng ating buhay ay mabanaag ang maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kaharian.—5/1, pahina 12, 13.
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagiging omnipotente at omnisiyente ni Jehova?
Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Sa pagiging makapangyarihan-sa-lahat—omnipotente—magagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang mapagtagumpayan ang anomang hadlang sa katuparan ng kaniyang mga pangako at mga layunin. Si Jehova ay sakdal din sa kaalaman, sakdal dunong—omnisiyente. Kaya naman kaniyang nalalaman na nang patiuna kung ano ang ibig niyang malaman. Dahilan sa dalawang katangiang ito kung kaya’t hindi maaaring mabigo kailanman si Jehova. (Isaias 14:24)—5/15, pahina 4.
◻ Paano tayo makapagpapakita ng kapakumbabaan pagka nananalangin sa madla alang-alang sa iba?
Tayo’y makapagpapakita ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng tono ng ating boses—hindi bombastiko o parang umaakto sa teatro. Huwag nating iuutos na gawin ni Jehova ang ganoo’t-ganitong mga bagay. Bagkus, tayo’y manalangin kay Jehova na kasuwato ng kaniyang kalooban, at ang ating mga pananalita ay kailangang laging magalang at may dangal, na kinikilala ang ating pagkawalang-kabuluhan. (Mateo 6:5; Isaias 66:2)—5/15, pahina 21, 22.
◻ Paanong ang isang Kristiyano ay makapananatiling may positibong saloobin kung pinag-uusig?
Huwag niyang tulutan ang kaniyang kaisipan na pasukan ng negatibong mga bagay. Bagkus, kailangang bulay-bulayin niya ang mga ginawa ng ibang tapat na mga lingkod ni Jehova noong panahon na sila’y nasa pagsubok. Sila’y nagkaroon ng lubos na pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova, sa kaniyang kapangyarihan na sila’y buhayin-muli at gantimpalaan. (Apocalipsis 2:10) Gayundin naman, ang pinag-uusig na Kristiyano sa ngayon ay makapagpapako ng malinaw ng kaniyang isip sa kaniyang pag-asa sa matuwid na bagong sistema ni Jehova. (Ihambing ang Hebreo 12:2.)—6/1, pahina 30.
◻ Sa anong isang mahalagang bagay nagkaisa-isa sina Hus, Wycliffe, at Luther?
Silang lahat ay nagkaisa na ang Salita ng Diyos ang kailangang unahin, anoman ang mga opinyon ng mga tao. Ang mga unang Kristiyano ay mayroon din ng ganitong pagkakilala sapagkat sila’y tinuruan ni Jesu-Kristo mismo. (Gawa 5:29; Juan 17:17)—6/15, pahina 31.
◻ Ang itim na kulay ba ng balat ay resulta ng isang sumpang nanggaling sa Diyos na sinalita laban kay Canaan at sa kaniyang mga inapo?
Hindi. Ang lahing itim ay hindi kay Canaan nanggaling kundi kay Cush at posible na kay Put. Hindi isinumpa ang alinman sa dalawang apong ito ni Noe. (Genesis 9:24, 25; 10:1, 6)—7/1, pahina 4.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang tukuyin niya ang pagkapoot sa isa sa mga miyembro ng sariling pamilya at maging sa sarili man ng isang tao? (Lucas 14:26)
Ang ibig sabihin ni Jesus ay na kung tungkol sa paghahambing ng pag-ibig ng isang tao sa Diyos at ng debosyon kay Kristo, ang relasyon niya sa kaniyang mga kamag-anak ay maaaring para ngang pagkapoot. (Ihambing ang Mateo 12:46-50.)—7/1, pahina 27.
◻ Paano ngang si Jesus ang “Panginoon ng sabbath,” gaya ng sinasabi sa Mateo 12:8?
Ang tinutuukoy noon ni Jesus ay ang kaniyang mapayapang paghahari sa Kaharian sa loob ng isang libong taon. Ang paghaharing ito sa dakilang Sabbath ni Kristo ay magiging isang panahon ng kapahingahan buhat sa lahat ng paghihirap at pang-aapi.—7/15, pahina 9.
◻ Bakit hindi mabuti para sa isang bata na siya ang magtakda ng kaniyang sariling mga tunguhin sa buhay?
Ang karanasan ng mga bata ay lubhang limitado upang sila ang magtakda ng kanilang sariling mga tunguhin sa buhay. Kung sila’y hindi tutulungan ng mga magulang nila upang magtakda ng gayong mga tunguhin, iba ang tutulong sa kanila—baka yaong mga kamag-aral nila o yaong tagapayo sa paaralan. Ang Kristiyanong mga magulang ay makatutulong ng pagtatakda ng mga tunguhin na kasuwato ng kanilang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—8/1, pahina 28.