Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 11/15 p. 22-25
  • Mga Taong May Kapansanan na may Kakayahang Mangaral

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Taong May Kapansanan na may Kakayahang Mangaral
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Lumpo na Nakapamumuhay Nang Ganap
  • Siya’y Naghahanap ng Isang Makikinig
  • Tatlong Magkakapatid na Lalaki na Nakikibahagi
  • May Kapansanan Ngunit Determinado
  • Ang mga Pagpapala sa Ministeryong Pagpapayunir
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Paglilingkurang Payunir—Ito ba’y Para sa Inyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Ang mga Payunir ay Nagkakaloob at Tumatanggap ng mga Pagpapala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Paglilingkuran Bilang Payunir—Ito Ba’y Para sa Iyo?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 11/15 p. 22-25

Mga Taong May Kapansanan na May Kakayahang Mangaral

ANG guwapong binata na may saklay ang mga paa ay isang lumpo. Ang babaing ito na may nakangiting mga mata ay isang piping-bingi. Ang tatlong nakangiting mga lalaki ay mga biktima ng dystrophy ng kalamnan. Ano ba ang mayroon silang lahat? Kapansanan? Marahil. May mga abilidad? Tiyak iyan! Silang lahat ay may kakayahang mangaral​—mga buong-panahong ministrong payunir.

Sinasabi ng mga indibiduwal na ito na utang nila ang kanilang tagumpay bilang mga ministrong payunir sa tatlong bagay: (1) positibong patnubay ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang maibiging organisasyon; (2) walang lubay na pagtulong sa kanila ng kanilang pami-pamilya at mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano; at (3) isang taus-pusong pagnanasa na mapalawak ang kanilang mga pribilehiyo sa paglilingkod. Tingnan natin kung bakit at kung paano ang mga may kapansanang ito ay napatunayan na may kakayahang mangaral.

Isang Lumpo na Nakapamumuhay Nang Ganap

Kahit na hindi ginagamit ang kaniyang mga binti, ang 35-anyos na si Masashi Tokitsu ay naging isang regular na payunir nang may limang taon. Siya’y lumaki na ang pangarap ay maging isang gymnastics teacher. Subalit ang mga pangarap na iyan ay nasira sa edad na 15 anyos dahilan sa isang pagkahulog buhat sa pahigang mga baras. Sa pagkakaroon ng gayong masaklap na karanasan, ang pakiwari niya’y tuluyan nang napundi ang pinaka-ilaw ng kaniyang buhay. Subalit nanariwa ang kaniyang pag-asa nang siya’y mag-aral ng Bibliya. Kaya lamang, mga ilaw ng katotohanan ang nanumbalik sa kaniya. (Ihambing ang Juan 1:5.) Hindi lumipas ang sampung buwan, si Masashi ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Makinig kayo habang inilalahad niya sa atin kung bakit at paano siya naging isang payunir.

“Halos buhat sa pasimula, nadama ko na ang layunin ng aking pag-aaral ng Bibliya ay ang mangaral sa iba. Kaya’t sinunggaban ko ang pagkakataon na makipag-usap sa balana na bumibisita sa aming bahay. Sa akin, ang mga payunir ang totoong kainggit-inggit na mga tao. Anong laki ng pagnanasa kong lumabas at mangaral sa mga tao araw-araw! Ang lumpo ay madaling tablan ng decubitus, o mga pasâ-pasâ dahil sa kahihiga, mayroon na nga ako nito sa aking balakang na nagnanaknak at nilalabasan ng nana, tubig-tubig, at dugo. Ang paglalanggas lamang at pag-aasikaso rito ng maraming beses maghapon ay nakakakunsumo ng malaking panahon! Sa pag-aakala ko na hindi ako maaaring maging isang payunir sa sistemang ito ng mga bagay, ako’y napaluha nang mabasa ko sa mga publikasyon ng Watch Tower ang may kabaitan at nakapagpapasiglang mga salita na pahatid sa mga walang kaya na magpayunir.

“Dahilan sa mga pasâ-pasâ ngang ito sa magkabilang balakang ko, ako’y sinisinat. Katakataka, ang sinat ay nawawala pagka ako’y dumadalo sa mga pulong Kristiyano. Sa mungkahi ng isang kapatid na isang manggagamot, ako’y napaopera sa mga pasâ-pasâng ito. Ang pangalawang operasyon ay isang lubusang tagumpay, kaya pagkaraan ng limang buwan ng pagpapagaling, ako’y nagsimulang nag-auxiliary payunir. Subalit, nang panahong iyon napag-isip ko na upang hustong mapangalagaan ko ang aking responsibilidad bilang isang matanda sa kongregasyon, baka totoong mabigat para sa akin ang magregular payunir. Kabubuo lamang ng kongregasyon, at ako ang nag-iisang hinirang na matanda.

“Noon, interesado akong pakasalan ang isang sister, subalit hanggang doon lamang iyon. Pagkatapos na damdamin ko iyon nang husto, naisip ko na ito marahil ang kalooban ni Jehova, at walang dahilan na bigyan-daan ang emosyon gayong napakaraming dapat gawin para sa kongregasyon. Naisip ko na ang pinakamagaling na gamot para sa akin ay maging lalong abala sa gawaing teokratiko. Nakalipas ang dalawang buwan, ako’y nagregular payunir. Upang makapagpayunir bilang isang lumpo, ang pagbabagay doon ng personalidad ay lalong higit na mahalaga kaysa pisikal na mga pagbabago. Kailangan mo ng malaking tulong buhat sa iba upang maisagawa ang ibig mong gawin, kaya’t mahalaga na matuto ng isang kaaya-ayang paraan upang matamo ang kooperasyon na iyon. Yamang ako’y nakapagmamaneho ng kotse patungo sa paglilingkod sa larangan, kailanma’t maaari ay doon ako humihinto sa pintuan ng mga tahanan. Sa tuwina’y gumagawa ako kasama ng isa pang mamamahayag ng Kaharian na umuupo sa upuan ng pasahero. Ang tumutulong sa akin ang may dala ng aking portfolio at tinatandaan niya kung ano ang kailangan ko na dapat kunin doon, at kung ano ang pagkakasunud-sunod.

“Yamang kami’y nagbibiyahe sa makitid na mga daan, kung minsan ay tatayo lamang ako sa may tarangkahan at tumatawag ako sa intrada sa malakas na tinig upang kunin ang atensiyon ng maybahay. Kung mayroong hagdan, ang tumutulong sa akin ang nagpupunta sa pintuan upang ipakita ang Bibliya sa maybahay samantalang ako’y nasa ibaba at siyang nakikipag-usap. Kung mayroong sunud-sunod na mga bahay na madaling pasukin, o mayroong okupadong intresuwelo sa isang apartment, ako na ang pinagagawa rito ng mga kaibigan ko. Sa pamamahagi ng magasin, ang dala-dala ko’y isang portfolio lamang na may laman na mga magasin at brochure upang huwag gaanong mabigatan ang aking katulong.

“Bilang tagapangasiwa sa paglilingkod, magustuhin akong sumama at magmasid sa pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Kaya’t ang mga pag-aaral na ito ay ginaganap namin sa isang madaling mapuntahang tahanan ng mamamahayag ng Kaharian, o ang mga inaaralan ay nagpupunta sa amin. Kaya’t makikita ninyo na kailangan ko ang tulong ng mga kapatid. Importante hindi lamang ang pagkaalam ng mga kapatid kung paano tutulungan ako kundi pati na rin ang pagkaalam ko kung paano may pasasalamat na tatanggapin ang kanilang tulong.

“Nang unang magpasimula akong magpayunir, maraming pagpapatotoo ang ginawa ko sa pamamagitan ng pagsulat ng liham. Yamang ngayon ay nakapagsusuot na ako ng suporta sa aking binti maghapunan nang hindi nasasaktan, gayunman, halos lahat ng aking pangangaral ay ginagawa ko kasama ng mga ibang payunir at mga mamamahayag. Ang isang pakinabang sa maghapunang paglilingkod ay ang mahimbing na tulog sa gabi. Ang paggamit sa Bibliya araw-araw ay nagpapatibay ng aking sariling kombiksiyon na taglay ko ang katotohanan. Ang pakikibahaging tuwiran sa araw-araw na drama ng buhay at sa pagkakita kung gaano kailangan ng mga tao ang katotohanan ay nagpapatindi ng aking pag-ibig sa kanila. Ang sa tuwina’y paggawang kasama ng isa ay nagbibigay din ng mga pagkakataon para sa gawaing pagpapastol at natutulungan ako na higit pang makilala ang kawan.

“Mangyari pa, inaasam-asam ko ang bagong sistema ng mga bagay at ang paglilingkod kay Jehova taglay ang malusog na pangangatawan. Subalit hindi naman kailangan na hintayin ko pa iyon. Ang paglilingkod sa kaniya ngayon, may hangganan man o wala, ang pinakamagaling na oportunidad para sa kabataan at gayundin sa mga may edad.”

Siya’y Naghahanap ng Isang Makikinig

“Nang mga taon na ako’y lumalaki ay malimit na lumuluha ako,” ang sabi ni Katsuko Yamamoto. Pagkatapos ng isang matinding lagnat na may kasamang tigdas, si Katsuko ay nabingi sa edad na dalawang taon. Nagugunita niya ang kahirapan ng pagpasok sa paaralan sa gayong kalagayan at pagtitiis sa malupit na panunukso ng mga ibang bata. Siya ngayon ay natutuwa na maging isang payunir sapol noong 1981, kaya ibinibida sa atin ni Katsuko kung paano niya ginagawa iyon.

“Dahilan sa hindi naman ako maaaring makipag-usap sa normal na paraan, sa ministeryo sa larangan ay gumagamit ako ng mga nota at ipinakikita ko sa maybahay. Malimit na nakikiusap ako sa isang sister na may pakinig na samahan ako upang masiguro ko na ayos ang aking paglapit. Kung minsan sa unang pagdalaw-muli ay nagsosolo lamang ako at pagkatapos ay ipakikiusap ko sa isang sister na may pakinig na samahan ako sa ikalawang pagdalaw. Sa ganiyang paraan ay nakapagsimula ako ng mga pag-aaral sa Bibliya. Galak na galak ako na pahalagahan ang kagandahang-loob ni Jehova sa ganitong paraan.”

Ang “mga araw ng pag-iyak” ni Katsuko ay tapos na ngayon. Sa ngayon, ang kaibig-ibig na babaing Kristiyanong ito ay tunay na nagagalak sa kaniyang magawaing buhay bilang isang ministrong payunir.

Tatlong Magkakapatid na Lalaki na Nakikibahagi

Ang tatlong Tanizono brothers ay mga edad 40 anyos pataas at may sakit na dystrophy ng kalamnan. Bago sila nakaalam ng katotohanan, ang kanilang buhay ay pulos paghahanapbuhay, sa pag-asa nila na makakalimutan nila ang patuloy na paglala ng kanilang sakit at ang di-napapanahong kamatayan na ibinubunga ng sakit na ito. Bawa’t isa sa kanila ay nagsimula ng isang bukod na pag-aaral ng Bibliya at nakaalam ng katotohanan. Upang ipakita ang kanilang pagpapahalaga kay Jehova, ano kaya ang maaari nilang gawin upang mapalawak ang kanilang paglilingkod? Ang nakababatang kapatid, si Toshimi, ay nagbibida:

“Hangga noong 1979 ako’y namumuhay na kasama ng aking kuya, si Akimi, at ng kaniyang maybahay. Yamang hindi ko na kayang asikasuhin ang aking sarili, nakisama na ako sa aking kapatid na si Yoshito sa isang institusyon. Doon ay nagsimula akong mag-auxiliary payunir at noong sumunod na limang taon ay inaralan ko ng Bibliya ang humigit-kumulang 12 mga bata sa ampunang iyon. Isa sa mga batang iyon ay napilitang huminto ng pakikipag-aral nang siya’y salansangin ng kaniyang mga magulang, subalit sila’y pumayag naman nang hilingin ng bata na payagan siyang muling makipag-aral. Ang batang ito ay namatay sa edad na 16 anyos at tiyak ang kaniyang pag-asang bubuhaying-muli siya. Makalipas ang mga isang taon, ako’y tinawagan sa telepono ng dating salansang na mga magulang. Sila’y may problema sa kanilang nakababatang anak na babae at naisip nila na baka matulungan ito ng isang pag-aaral.

“Kami ng aking kapatid na si Yoshito ay nagnanais na maging mga regular payunir. Subalit maabot kaya namin ang taunang kahilingan na 1,000 oras? Totoo, kailangan lang naming dagdagan ang aming oras sa ministeryo ng 30 oras pa buwan-buwan. Subalit makaya kaya iyon ng aming mga katawan? Naisip namin, ‘Kung hindi namin gagawin iyon ngayon, darating ang panahon na hindi na namin magagawa iyon.’ Ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 9:16 ay paulit-ulit na nabanggit namin sa aming mga diskusyon. ‘Oo, sa aba ko kung hindi ko ipangangaral ang mabuting balita!’ Tiyak iyan, kami’y obligado na mangaral ng mabuting balita mabuti man ang aming kalusugan o hindi. Kaya’t ibinigay namin ang aming mga aplikasyon at nagsimula kami sa regular na pagpapayunir noong Setyembre 1, 1984.”

Isinusog ni Yoshito: “Nang subukin ko ang ‘temporary’ pioneering noong Enero 1976, napinsala ang aking kalusugan at kinailangan na ako’y mapahiga ng may dalawang buwan. Ang pinakamalaking pangamba ko ay baka dahilan sa regular na pagpapayunir ay magkasakit ako at hindi ako makadalo sa mga pulong. Nakatutuwa naman, nang sumapit ang Agosto 1985 ay nakuha ko na ang aking tunguhing oras para sa buong isang taon, at hindi naman ako nakapalya sa kahit isang pulong dahilan sa aking pagpapayunir!”

Ganito ang komento ni Toshimi: “Ang pangunahing paraan namin ng pagsasagawa ng aming ministeryo ay ang pagsulat ng mga liham. Sinusulatan namin ang mga bahay na hindi namin nakausap ang mga tao, ang mga kaibigan, mga kamag-anak, mga di-kapananampalatayng miyembro ng mga pamilya ng mga kakongregasyon namin, at mga taong tagaroon sa isang teritoryo sa kabundukan na sa pagbabahay-bahay ay nakukubrehan ng makalawang beses lamang isang taon. Kami’y nangangaral sa impormal na paraan sa mga doktor, nurses, mga estudyanteng manggagawa, at iba pang mga pasyente. Anim na mga pasyente na ang nakaalam ng katotohanan. Tatlo sa kanila ang naging mga mamamahayag ng Kaharian at naghihintay na pabautismo nang sila’y mamatay. Tinatamasa namin ang pisikal na mga pakinabang sa pananatiling magawain, ang kasiyahan ng pag-iisip sa pagkaalam na ginagawa namin ang gawaing pangangaral, at taus-pusong kagalakan sa pagpapalakas-loob sa iba.”

Isinusog ni Yoshito: “Bilang mga matatanda sa kongregasyon, kaming dalawa ay nakapagsasalita buhat sa karanasan sa mga naghahangad na magpayunir. Nang kami’y magbigay ng aming aplikasyon sa pagpapayunir, dalawang nakatatandang mga sister sa kongregasyon ang nahikayat din na magpayunir. Nalulugod akong sabihin na ayon sa espiritu ng Awit 119:71, ang aking dating negatibong pag-iisip ay nabago upang mapaayon sa paraan ni Jehova. Oo, ‘Mabuti pa nga na ako ay napighati, upang aking matutuhan ang mga palatuntunan ng Diyos.’”

Ngayon, ang nakatatandang kapatid ang nagsalita. Sabi ni Akimi: “Dahil sa kabaitan ng mga kapatid at ng aking mapagmahal na maybahay na umaalalay sa akin kung kaya nagagawa ko ang ginagawa ko sa teokratikong paraan. Hindi ako makalakad kahit na isang hakbang. Sa loob ng 14 na taon ngayon, walang sawang tinulungan ako ng mga kapatid upang makadalo sa bawa’t pulong at asamblea. Sapol noong magsimula ako ng pag-aaral, ang mga karanasan ng payunir ang pinakasentro ng usap-usapan pagka nagkakasama-sama ang mga kabataan. Gaya ng iminumungkahi sa Ating Ministeryo ng Kaharian, ipinasiya ko na subukan ang pagpapayunir ng isang taon. Bagaman may agam-agam ako dahil sa aking kapansanan, ako’y nangako kay Jehova sa panalangin, at sinasariwa ko ang pangakong iyan taun-taon sa loob ng limang taon. Sa paglilingkod sa larangan, gumagamit ako ng tatlong-gulong na bisikleta para sa mga may kapansanan. Sa pamamagitan nito ay nakapupunta ako sa mismong pintuan ng maraming bahay. Kadalasa’y doon ako nauupo sa mga lugar na maraming dumaraan. Kung sakaling kakaunti lamang ang dumaraan, nananalangin ako doon mismo para mayroong dumaan na makakausap ko, at dumaraan nga ang isang tao na nakikinig naman. Ang mga estudyante sa Bibliya ay nagpupunta pa sa aking tahanan upang makipag-aral, at natulungan ko ang walo katao upang sumulong tungo sa bautismo.

“Bilang punong tagapangasiwa at tagapangasiwa ng Theocratic Ministry School, ako’y dumarating nang maaga sa mga pulong upang mabati ko ang mga kapatid. Dahilan sa limitado ang aking panahon sa pagdalaw sa kanila, totoong mahalaga ang mabisang paggamit ng panahon bago magpulong at pagkatapos ng pulong. Malimit din na ginagamit ko ang telepono para sa gawaing pagpapastol.

“Noong nakalipas na apat o limang taon, patuloy na humihina ang lakas ng aking kalamnan. Pagdating ng gabi, talaga namang hindi ko maigalaw ang isang kalamnan, at ang tensiyon ay umabot na sa sukdulan na anupa’t nararamdaman kong para bagang may isang mabigat na dumadagan sa akin sa aking higaan. Marahang tinutulungan ako ng aking maybahay upang makabaling sa kabila ng aking mga bisig para ako medyo maginhawahan. Sa mga sandaling katulad nito tumutulong sa akin ang masigla at mapagmahal na mga salita ng mga kapatid upang ako’y mapangiti at mabanaag sa akin ang pag-asa na nagpapaaninaw ng kalagayan ng aking puso at hindi ng aking katawan.”

Hindi na mapigil ngayon ang paglubha ng sakit na ito. Subalit inaakala ng magkakapatid na Tanizono na ang kanilang pananatiling magawain sa paglilingkod sa larangan, pagiging palaisip tungkol sa maybahay at sa kaniyang mga pangangailangan, paggawang kasama ng mga kapananampalataya, at pagkadama na nagawa nila ang buong kaya sa paglilingkod sa Diyos bilang mga payunir ang nakatulong sa kanila upang mapigil nang kaunti ang mabilis na paglubha ng sakit. Anong laki ng pasasalamat nila kay Jehova!

May Kapansanan Ngunit Determinado

Ang pisikal na mga kapansanan ay hindi nagpalamig sa pag-ibig at sigasig ng mga may kakayahang mangangarál na ito sa buong-panahong ministeryo. Ang kanilang determinasyon ay katulad niyaong kay apostol Pablo, na sumulat: “Hindi kami sumusuko, bagaman ang aming pagkataong labas ay pahina, tiyak naman na ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw.”​—2 Corinto 4:16.

Kung sa bagay, hindi lahat ng may kapansanang mga mangangarál ng Kaharian ay maaaring maging buong-panahong tagapangaral. Ang mga kalagayan ng bawa’t tao ay iba-iba. Subalit ano man ang magagawa ng ganiyang mga tao upang purihin ang Kataas-taasan at tulungan ang iba sa espirituwal na paraan ay magdadala ng malaking kagalakan, personal na kasiyahan, at ng pagpapala ng ating maibiging Diyos, si Jehova.

[Mga larawan sa pahina 23]

Masashi Tokitsu

Katsuko Yamamoto

Akimi Tanizono

Toshimi Tanizono

Yoshito Tanizono

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share