Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 12/1 p. 22-24
  • Mga Misyonero ng Gilead—Nakatalaga sa Iisang Layunin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Misyonero ng Gilead—Nakatalaga sa Iisang Layunin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaparehong Materyal
  • Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Nagtapos na mga Estudyante ng Salita ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Bagong Tahanan Para sa Paaralang Misyonero ng Gilead
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Mga Nagtapos sa Gilead—“Tunay na mga Misyonero!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 12/1 p. 22-24

Mga Misyonero ng Gilead​—Nakatalaga sa Iisang Layunin

“NOONG nakaraang linggo kayo ay mga estudyante, sa susunod na linggo kayo ay magiging mga misyonero!” Ang mga salitang iyon ang nagbabadya ng damdamin ng 23 mga estudyante sa graduwasyon ng ika-81 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Para sa kanila, at sa 4,262 mga iba pang nagsidalo, ang pagtatapos na iyon na ginanap sa Jersey City Assemby Hall of Jehovah’s Witnesses, Setyembre 7, 1986, ay isang araw na hindi malilimot.

Si Martin Poetzinger ang nanguna sa pambungad na panalangin at pagkatapos si Carey Barber, tagapamanihala ng palatuntunang iyon, ang nagsimula ng programa sa pagbanggit na sa nakalipas na mga taon libu-libong mga ebanghelisador ang tumanggap na ng pagsasanay sa Gilead na nakatalaga sa iisang layunin: ang sila’y idestino sa kadulu-duluhan ng lupa bilang mga tunay na misyonero na nangangaral ng pag-asa ng Kaharian. Anong laki ng ating kagalakan na ang mga bagong misyonerong ito, taglay ang espiritu ng pangalang “Gilead,” ay magiging bahagi ng isang ‘bunton ng pagpapatotoo’!

Sa pagpapatuloy ng programa, binanggit ni Milton Henschel na ang mga nagtapos na ito, tulad ng mga apostol noong kaarawan ni Jesus, ay inihanda para sa isang dakilang gawain. Ang misyonerong si Pablo ay nagpahayag ng kaniyang damdamin tungkol sa gawaing ito nang kaniyang sabihin: “Sapagkat, bagaman ako’y malaya sa lahat ng mga tao, ako’y napaalipin sa lahat, upang ako’y makahikayat ng pinakamarami.”​—1 Corinto 9:19.

Ano ba ang ipinakikita ng mga salitang ito ni Pablo? Na ang mga bagong misyonerong ito ay kailangang maging interesado sa mga tao. Kailangang hangarin nila na tulungan ang lahat ng uri ng tao upang maunawaan ang nagliligtas-buhay na mensahe ng katotohanan​—kahit na yaong mga may mahigpit na kaugnayan sa ibang organisasyong relihiyoso.

Ang susunod na tagapagsalita, si Theodore Jaracz, ay nagpagunita sa mga bagong misyonero na, di-tulad ng mga turista na nagpupunta sa ibang lugar upang magliwaliw, sila’y idinidestino sa maraming iba’t ibang siyudad ng daigdig upang mangaral ng mabuting balita. Kaniyang hinimok sila na alalahanin ang halimbawa ni Jesus at ng mga sinaunang alagad at pati na ng modernong-panahong mga misyonero, na marami sa kanila ang nagpapatuloy na maglingkod nang may katapatan hanggang ngayon sa mga lugar na pinag-atasan sa kanila. “Magkaroon ng iisang kaisipan,” ang sabi niya. “Huwag ninyong hayaang ang materyalismo ang makagambala sa inyo. Kung kayo’y may isang ‘simpleng’ mata, kayo ay may iisang kaisipan.” (Lucas 11:34) “Bilang mga misyonero ng Gilead,” sabi pa niya, “kayo ay nakatalaga sa iisang layunin​—ang hanapin ang mga taong karapat-dapat at ipangaral ang mabuting balita.”

Napapanahong payo ang ibinigay ni Max Larson ng Factory Committee tungkol sa mga hakbang na dapat gawin pagka may bumangong mga problema sa pagmimisyonero. “Huwag susuko at hihinto,” ang sabi niya. “Lutasin ang inyong mga problema.” Paano? “Alamin ang pag-iisip ng Diyos sa bagay na iyon.” (1 Corinto 2:11-16) Idiniin ni Larson ang kahalagahan ng pananalangin kay Jehova sa paghingi ng tulong at idiniin na kailangan ng mga misyonero na palagiang suriin ang kanilang relasyon sa Diyos.

Idiniin naman ni Lon Schilling ng Watchtower Farms Committee ang kahalagahan ng pagpapaunlad at pag-iingat ng tamang saloobin ng isip. “Paano aandar ang inyong mga isip pagka kayo’y nakaharap sa isang hamon o kalagayan na nangangailangan ng pagbagay ninyo roon?” ang tanong niya. “Bilang mga taong may kalayaang magpasiya, tayo’y may indibiduwal na responsabilidad sa magiging resulta ng ating pasiya.” Binanggit niya na ‘hindi tayo sinusupil ng Diyos sa pamamagitan ng anumang sistema ng pagkontrol buhat sa malayong kalangitan.’ Kung gayon, ang mga misyonero ay hindi dapat umasa sa Diyos ng higit kaysa makatuwirang asahan. Silang mga kusang napaaakay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon ay makapananatiling may tamang saloobin ng pag-iisip.

“Gaano bang katalas ang inyong pang-unawa?” Ang tanong na iyan ay iniharap ni Ulysses Glass, isa sa mga instruktor sa Paaralang Gilead. Sa tulong ng sunud-sunod na mga paghahalimbawa, ipinakita ng malaon nang instruktor na ito ang “isang timbang, matalas, matatag na pang-unawa ay sa tuwina magpapangyari [sa mga misyonero] na laging nakapokos ang pansin sa mga intereses ng Kaharian.” Kumuha siya ng isang selyo sa koreo upang makita ng lahat, at sinabi niya na, bagama’t maliit ang halaga, malaki ang naitutulong ng selyo sa sulat dahil sa dumidikit ito sa sulat hanggang sa makarating sa patutunguhan. “Kayo’y maging gaya ng selyong iyan ng sulat,” aniya, “at manatili kayong nakadikit sa iisang bagay​—ang inyong atas na mangaral​—hanggang sa makarating na nga kayo sa inyong patutunguhan, ang kabilang panig ng malaking kapighatian.”

Si Jack Redford, instruktor ng Paaralang Gilead at isa ring dating misyonero, ay tumalakay sa kaniyang pangkatapusang pahayag ng ilan sa mga hamon na mapapaharap sa mga bagong misyonero. Kaniyang idiniin na sa pagkakaroon ng lubos na pagtitiwala kay Jehova kanilang madadaig ang anumang balakid, maging iyon man ay ang pagkatuto ng isang bagong wika, paninibago sa isang banyagang lupain, pamumuhay na kasama ng mga ibang tao, pakikibagay sa isang naiibang kultura, o mga suliranin dahil sa naiibang personalidad. Ang punto niya ay: “Huwag gawin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng iyong sariling lakas. Ang 1 Corinto 3:9 ay nagsasabi, ‘Tayo’y mga kamanggagawa ng Diyos.’” Sinabi niya: “Gawin ninyo ang dapat ninyong gawin at matitiyak ninyo na gagawin naman ni Jehova ang kaniyang dapat gawin.”

“Ang Watchtower Bible School of Gilead ay isang regalo ng Diyos!” Ganiyan ang pambungad na mga salita ni Frederick W. Franz, ang presidente ng Samahan, sa katapusang pahayag sa umaga. Ang Paaralang Gilead, aniya, “ay itinatag upang ang mga taong magsisilbing mga saksi, ay maging buháy na patotoo ng bagay na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo ay umaandar na ngayon.” Pagkatapos ay ipinaalaala niya sa ika-81 klase na ang kanilang pagkatalaga sa kaisa-isang layuning ito ay nag-aatang sa kanila ng isang malaking responsabilidad “sapagkat kayo ay tumutungo sa larangan ng pagpapatotoo sa pinakasukdulang panahon sa kasaysayan ng sangkatauhan. Kaya iniatang sa inyo ni Jehova ang pananagutan na ipangaral ang mabuting balita ng Kahariang iyan at itawag-pansin sa lahat ng tao sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ang paraan ng Diyos ng kaligtasan.”

Ang kagalakan at pasasalamat dahil sa pribilehiyo na makapag-aral sa Paaralang Gilead ay mahahalata sa pagtanggap ng mga magtatapos na estudyante ng kani-kanilang diploma. Ngayong malinaw na sa kanila ang layunin sa kanila bilang mga misyonero, ang ika-81 klase ng Gilead, sa isang liham sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel, ay nagpasiya na maglingkod na may katapatan sa mga kapakanan ng Diyos na Jehova at ‘umawit sa kaniyang pangalan’ sa gitna ng mga bansa. (2 Samuel 22:50) Noong hapon, pagkatapos ng presentasyon ng mga tanawin sa pagpapatotoo sa nakalipas na mga atas, sa New York at sa larangang misyonero, at ng isang nakapupukaw na drama sa modernong panahon, ang programa sa Gilead ay tinapos sa pamamagitan ng panalangin ni Lyman Swingle.

Ang 23 nagtapos na mga estudyante ay sabik na sabik sa kagalakan ng paglilingkod bilang mga misyonero. Bakit? Gaya ng sabi ng isang nagtapos:

“Sinabi ni Jesus, ‘Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian, pumarito kayo at maging tagasunod ko . . . at ipangaral ninyo nang malaganap ang kaharian ng Diyos.’ [Mateo 19:21; Lucas 9:60] Ang tunguhing pagmimisyonero ay bunga ng aming hangarin na makatulong sa pinakamaraming matutulungan namin sa espirituwal, saanman kami kinakailangan at magagamit sa pinakamalawak na paraan.”​—Fredrick Steiner, idinestino sa Guatemala.

Mapalalawak mo ba ang iyong paglilingkod sa Diyos at mapagiging lalong mabunga? Kung gayon, italaga mo ang iyong sarili, gaya ng ginawa ng mga magtatapos na estudyanteng ito upang ikaw ay maging kuwalipikado para sa larangang misyonero. Ang kanilang pinakamalaking kagalakan, at ng iyo rin naman, ay ang masumpungang lubusang nag-alay ng iyong buhay sa paglilingkod kay Jehova.​—Malakias 3:10.

[Kahon sa pahina 22]

“Ang pahayag ni Brother Larson ay tunay na nagtimo sa akin ng pangangailangan na maging handa na makibagay. Upang magampanan ko ang aking pagkamisyonero, kailangang iwasan ko ang isang ‘makalaman na kaisipan’ at hanapin, sa halip, ang kaisipan ni Jehova at niyaong sa kaniyang Anak, si Jesus.”​—Alain Saint-Jean, idinestino sa New Caledonia.

[Kahon sa pahina 23]

“Ang pahayag ni Brother Glass ay tumulong sa akin upang makita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang pang-unawa. Huwag tulutang tayo’y mailihis ng walang kabuluhang mga bagay. Tayo’y kailangang timbang.”​—Humphrey Hermanus, idinestino sa Suriname.

[Kahon sa pahina 24]

“Sa pakikinig kay Brother Redford, aking nadama ang kasiguruhan sa pagkaalam na ang mga suliranin na mapapaharap sa amin ay hindi naman mga bago. Ang mga iba ay nagtagumpay ng pananaig sa mga iyon, at kami’y magtatagumpay rin kung kami’y aasa sa lakas ni Jehova at hindi sa aming sariling lakas.”​—Veronica Lipham, idinestino sa Papua New Guinea.

[Kahon sa pahina 24]

ESTADISTIKA NG KLASE:

Bilang ng mga bansa na pinagmulan ng mga estudyante: 7

Bilang ng mga bansa na pinagdestinuhan sa kanila: 12

Katamtamang edad: 30.3

Katamtamang taon sa katotohanan: 13.4

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 9.3

[Mga larawan sa pahina 23]

COSTA, Alan at Betty Estados Unidos

GANSLMEIER, Anton at Rita Alemanya

GONZALES, John at Cynthia Estados Unidos

GRAULICH, Uwe at Katherine Alemanya

HERMANUS, Humphrey at Ludmila Netherlands Antilles

JOHANSEN, Bard at Ester Norway

KLOOSTERMAN, Otto at Yvonne Netherlands

LARSON, Gary at Annette Canada

LIPHAM, Mark at G. Veronica Estados Unidos

SAINT-JEAN, Alain Pransiya

STEINER, Fredrick at Helen Estados Unidos

SZYMANSKI, Cynthia Estados Unidos

WILKE, David Estados Unidos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share