Isang Bagong Tahanan Para sa Paaralang Misyonero ng Gilead
NOONG Pebrero 1, 1943, si Nathan H. Knorr, dating presidente ng Watchtower Bible and Tract Society, ay nagbigay ng pambungad na pahayag sa unang klase ng isang bagong paaralan. Kaniyang ipinaliwanag sa isandaang estudyanteng iyon na “hindi layunin ng [paaralang] ito na kayo’y sangkapan na maging ordinadong mga ministro. Kayo ay mga ministrong aktibo na sa ministeryo nang kung ilang mga taon. . . . Ang kurso sa pag-aaral . . . ay ukol sa pantanging layunin na ihanda kayo upang maging lalong higit na mahuhusay na ministro.” Hanggang sa araw na ito ang Watchtower Bible School of Gilead ay patuloy na nagsasanay ng mga ministro para sa pagmimisyonero sa mga ibang bansa.
Noong 1943, ang Paaralang Gilead ay nasa rehiyon ng Finger Lakes ng New York State. Ang Gilead ay lumagi roon nang may 17 taon. At, noong 1961, ito’y inilipat sa Brooklyn. Sa anong layunin? Sa mula’t mula ang kurso sa Gilead ay dinisenyo upang matugunan ang mga pangangailangan ng organisasyon. Dahil sa kailangang mapaunlad at lalong mapahusay ang pag-oorganisa ng mga pasilidad ng sangay sa buong lupa kailangan din ang lalong malawak na pagtuturo sa mga estudyante ng mga nasa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Brooklyn. Kaya’t sa loob ng kung ilang mga taon, ang higit na idiniin ay ang pagsasanay sa mga nasa sangay. Pagkatapos niyan, ang pansin ay itinutok muli sa pagmimisyonero.
Sa sumunod na 27 taon, noong 1961 hanggang 1988, tinamasa ng mga estudyante ng paaralang Gilead ang pribilehiyong mamuhay at matuto sa gitna mismo ng mga nasa punong-tanggapan sa Brooklyn. Kaya’t nakinabang ang mga estudyante sa matalik na pakikihalubilo sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at sa iba pang mga ministrong may karanasan na. Mayroon bang huhusay pang paraan upang matutuhan kung papaano umaandar ang isang sangay ng Watch Tower Society? Ang mga estudyante ay nakinabang hindi lamang buhat sa pagsasanay sa klase kundi pati sa pagmamasid sa paggawa sa araw-araw ng mga naroon sa punong-tanggapan.
Ano ba ang epekto ng Paaralang Gilead sa pandaigdig na pangangaral? Sa 93 mga coordinator ng branch committee na naglilingkod upang mapanatiling organisado ang gawain sa buong daigdig, 74 ang mga nagtapos sa Paaralang Gilead. Ipinakikita nito ang napakahusay na pagkapagsanay sa mga lalaking ito na bumalikat ng mabigat na pananagutan ng pagpapastol sa bayan ng Diyos ngayon. Di-mabilang na mga tagapangasiwang naglalakbay ngayon na naglilingkod sa pangangailangan ng organisasyon ay mga nagtapos din sa Paaralang Gilead. Oo, ang programa sa pagsasanay ng Paaralang Gilead ay umalinsabay sa pangangailangan ng organisasyon.
Ang Gilead ay Lumabas sa Brooklyn
Gayunman, minsan pang ipinasiya na ilipat ang Paaralang Gilead. Kaya’t nang taglagas ng 1988, apat na trak na punô ng muwebles at kagamitan sa opisina ang dumating sa ikatlong tahanan ng Gilead—Watchtower Farms, na naroon sa Wallkill, New York. Hindi natapos ang dalawang buwan, ang mga tauhan na nasa maintenance sa Watchtower Farms ay naghanda ng maiinam na silid-aralan, aklatan, at mga opisina para sa paaralan. Ang iba’y gumawa araw at gabi upang ihanda ang mga pasilidad ng paaralan para sa panahon ng pagsisimula ng susunod na klase sa kanilang pag-aaral.
Noong Oktubre 17, 1988, ang ika-86 na klase ng Gilead ay nagsimula. Walang anumang pagkukulang, ang paaralan ay nagpatuloy sa layuning ‘magsanay ng mga lalaki at mga babae upang maging lalong mahuhusay na ministro.’ Sa kaniyang magandang bagong kapaligiran sa Watchtower Farms, ang ilan sa mga katangian ng unang paaralan sa rehiyon ng Finger Lakes ay isinauli.
Nagtapos ang Ika-86 na Klase
Noong Marso 5, 1989, ang lahat ng mga nasa punong-tanggapan ng Watchtower sa Brooklyn at mga nasa Watchtower Farms ay nagtipon sa Jersey City Assembly Hall upang sumaksi sa pagtatapos ng ika-86 na klase. Si Daniel Sydlik, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng panalangin. Si Karl Klein ng Lupong Tagapamahala ang chairman. Sa kaniyang pambungad, ipinakita niya ang pagkakaiba ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan at ng mga Saksi ni Jehova. Anong laki ng tagumpay ng mga misyonero ng Gilead sa pagtuturo ng katotohanan ng Salita ng Diyos sa mga bansang tulad ng Hapon, na kung saan mayroon ngayong mahigit na 131,000 Saksi na aktibong nakikibahagi sa ministeryo sa larangan!
Sa temang “Ang Mabubuting Gawa ang Hayaang Maging Tatak Ninyo,” inilarawan ni Donald Krebs ang mahalagang bahaging ginagampanan ng mga misyonero ng Gilead sa pandaigdig na pagsulong ng organisasyon ni Jehova. “Ang inyong mabubuting gawa sa pagmimisyonero bilang mga tagapagturo ng Salita ng Diyos ang inyong . . . mahalagang katangian. Kayo’y hinihimok naming gumawang puspusan. Saganang pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagpapagal.”
Si George Gangas, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nagpahayag nang buong sigla sa temang “Ang Bibliya ang Pinakamabuting Aklat sa Silong ng Araw.” Pinayuhan niya ang mga nagtapos: “Huwag ninyong kalilimutang pag-aralan ang Bibliya, Ang Bibliya ay punô ng espirituwal na mga hiyas . . . na kumikinang at kumikislap. Ang sinumang nagpapahalaga ay nagnanais na basahin ito nang paulit-ulit at masiyahan sa kaningningan nito.”
Ang tema ni Richard Eldred ay “Kayo’y Napapaiba.” Habang naaapektuhan ng mga bagong misyonero ang buhay ng mga iba, makikita sa kanila ang tiyakang pagkakaiba. Sinaunang mga lalaki at mga babae na gaya ni David, Nehemias, Debora, at Abigail ay nagkaroon ng tiyakang impluwensiya sa iba sa kanilang matinding pagmamalasakit, pananatiling may matatag na pananampalataya, at pagpapakita ng maamong, saloobing espirituwal.
“Bilangin ang Inyong mga Pagpapala” ang pananalita ni Lyman Swingle, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa mga nagtapos. Pagkatapos ilahad ang ilan sa mga pagpapalang tinanggap ng klase, tulad baga ng paggugol ng limang buwan sa puspusang pag-aaral ng Bibliya, kaniyang hinimok sila: “Habang papalapit ang wakas, marahil ay lalong bibilis ang lakad ninyo, baka lalong baku-bako ang daan, lalong matarik ang landas. Ngunit tiyakin ninyo na kayo’y hindi nanghihimagod, upang kayo’y huwag huminto, nang kayo’y huwag maging isang humihinto.”
Isa sa mga instruktor, si Jack Redford, ang bumuo ng temang “Huwag Hayaang Maging Kahinaan ang Inyong Lakas.” Salig sa payo ni Solomon, “Huwag lumabis ang iyong pagkamatuwid,” ang payo niya laban sa labis na pagdepende sa personal na mga kakayahan imbis na sumandig kay Jehova. (Eclesiastes 7:16, 17) “Ang mabubuting katangian na pinasosobrahan ay maaaring maging isang silo.” Halimbawa, ang isa na nasa batas at kaayusan ang lakas ay baka magmalabis ng katangiang iyan sa pamamagitan ng pagiging nasosobrahan sa kahigpitan. Sa gayon, ganitong payo ang ibinigay sa klase: “Lahat tayo ay dapat maging palaisip sa ating mga kahinaan, ngunit dapat din tayong maging palaisip sa ating lakas. Kayo’y maging matuwid ngunit hindi matuwid sa sarili. Sumandig kayo kay Jehova. Si Jehova ang gawin ninyong inyong lakas.”
Si Ulysses Glass, instruktor at rehistrador ng paaralan, ang nagpaliwanag ng mga salita ni Jesus, “Pasanin ninyo ang aking pamatok.” (Mateo 11:29, 30) Dito inaanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ‘sumailalim ng kaniyang pamatok’ kasama niya. Hindi niya ibig na sila’y pabigatan. Ang pangangailangan ng iba ang pangunahin sa kaniyang isip. Siya’y mapagpakumbaba. Hindi niya pinamukhaan ang kaniyang mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Matuto kayo buhat sa akin.” Ang isang misyonero ay dapat na may kaisipan ni Kristo. Pinapurihan ng tagapagpahayag na ito ang klase dahilan sa taglay nilang espiritu ng pagbibigay at hinimok sila ng pagpapatuloy sa ganoon ding espiritu pagka sila’y nagmimisyonero na sa ibang bansa.
Habang nagtatapos na ang sesyon sa umaga, ang miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Carey Barber ay masiglang nagpahayag sa paksang “Ang Pag-aani ang Katapusan ng Sistema ng mga Bagay.” Kaniyang itinawag-pansin ang modernong-panahong katuparan ng ilustrasyon ni Jesus ng trigo at ng pansirang damo. (Mateo, kabanata 13) Una, ang pinahirang tagasunod ni Kristo ay tinitipon. Pagkatapos, lalo na sapol noong taóng 1935, ang mga ibang tupa ay nakasali sa mga ’inaani.’ Ang Paaralang Gilead ay nagkaroon ng kahanga-hangang bahagi sa pagtulong sa pag-aani ng mga alagad ni Kristo.
Pagkatapos na mabigyan ng kani-kanilang diploma ang mga nagtapos, isa sa kanila ang bumasa ng isang masiglang liham na nagpapahayag ng kanilang damdamin tungkol sa pagsasanay na ibinigay sa kanila ng mga instruktor at ng pamilyang Bethel. Isang bahagi ng liham ang nagsasabi: “Ang inyong interes sa amin hindi lamang bilang isang klase ng Gilead kundi bilang isahan ang gumising ng aming paghanga at karapatdapat na tularan. Magkahalong damdamin ang taglay namin sa ating paghihiwa-hiwalay—kalungkutan na lumisan dahilan sa tayo’y magkakahiwa-hiwalay na ngunit maligaya naman at nananabik tungkol sa aming bagong atas.”
Para sa programa sa hapon, ang mga nagtapos ay nakibahagi sa isang Pag-aaral ng Watchtower na pinangunahan ni Ralph Walls. Pagkatapos ay isinadula ng klase ang mga ilang tampok ng mga karanasan nila sa ministeryo sa larangan samantalang sila’y nasa Watchtower Farms. Ang Komite sa Pagtuturo ng Lupong Tagapamahala ay nagtanghal ng isang programa ng mga maiikling dulang katatawanan na pinamagatang “Ang Paggalang sa Autoridad ay Nagbubunga ng Pagkakaisa” at ng isang slide presentation na kung saan makikita ang kagalakan ng mga misyonero sa maraming bansa ng lumipas na mga taon. Natapos ang programa sa isang taos-pusong panalangin ni Frederick Franz, 95-anyos na presidente ng Watchtower Bible School of Gilead.
Sa kanilang masiglang pagtugon sa programa, ang mga nagsidalo ay nagpakita ng kanilang pagsuporta sa mga magmimisyonero at sa pagpapahalaga sa programa. Tiyak na ang 24 na mga nagtapos sa ika-86 na klase ng Gilead ay disidido na si Jehova ang gawing kanilang lakas samantalang sila’y patungo sa kanilang pribilehiyo na paglilingkuran bilang mga misyonero.
[Kahon sa pahina 21]
TUNGKOL SA MGA ESTUDYANTE
Bilang ng mag-asawa: 12
Bilang ng estudyante: 24
Bilang ng mga bansang pinagmulan ng mga estudyante: 6
Bilang ng mga bansang iniatas: 12
Katamtamang edad: 32.3
Katamtamang taon sa katotohanan: 14.1
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 9.1
[Larawan sa pahina 23]
Ika-86 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talâ sa ibaba, ang numero ng mga hilera ay mula sa harap patungo sa likod, at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hilera.
(1) Parrott, R.; Imig, E.; Benig, G.; Bengtsson, E.; Baart, W.; Ihander, K. (2) Lewis, J.; Hilario, L.; Lindmark, A.; Antoncich, C.; Agurs, C. (3) Bengtsson, R.; Parrott, J.; Benig, J.; Imig, J.; Baart, A.; Rissell, S. (4) Rissell, M.; Lewis, L.; Antoncich, M.; Hilario, R.; Agurs, H.; Lindmark, L.; Ihander, J.