Mga Kaugalian o mga Prinsipyo sa Bibliya—Alin ang Umuugit sa Iyong Buhay?
ANG lalaking Haponés na dumadalaw sa isang bansa sa Asia ay nabigla sa kaniyang nakita at hindi makapaniwala. Ginamit ng maybahay na nag-anyaya sa kaniya, ang sariling mga pansipit niya sa pagkain sa pagkuha sa karne sa silbihang bandehado, kaniyang pinili ang pinakamahusay na piraso, at inilagay iyon sa mangkok ng kanin ng bisita! Kung ang pag-uusapan ay sa Hapón, ito’y ituturing na kagaspangang asal. Walang sinuman doon na gagamit sa kaniyang sariling mga pansipit upang kumuha ng pagkain buhat sa silbihang plato maliban sa kung ang mga pansipit ay binaligtad muna upang ang gamitin ay yaong dulo na hindi pa isinusubo sa bibig. Ngunit ang hangarin pala roon ng maybahay ay parangalan siya bilang kaniyang panauhin, hindi ang tisurin siya. Ang hindi maiisip sa Hapón ay isang gawang paggalang sa lupaing ito!
Ang mga kaugalian ay tunay na nagkakaiba-iba! Walang kaugnayan sa isa’t isa ang maraming mga kaugalian! At sino ang makapagsasabi kung alin baga sa mga iyan ang pinakamagagaling? Gayunman, ang ibang mga kaugalian ay nakasalig sa mga pamahiin o mga turong di-totoo. Para sa mga taong ang mga budhi’y sinanay sa Bibliya, ang gayong mga kaugalian ay maliwanag na dapat iwasan. Ano ang makatutulong sa isang tao na naghahangad makalugod sa Diyos sa pagpapasiya kung anong mga kaugalian ang maaaring sundin at hanggang saan dapat sundin? Ang pagsunod sa mga prinsipyo ng Bibliya ang makagagawa nito, sapagkat tinatanggap ng isang Kristiyano ang Bibliya bilang kaniyang pamantayan saanman siya nakatira.
Pagkakapit ng mga Prinsipyo ng Bibliya
Ang Salita ng Diyos ay mabisa na baguhin ang puso ng isang taong mapagpakumbaba at ang kaniyang buhay ay higit at higit na iayon sa daan ng Diyos at ito’y saganang napatunayan na. Sang-ayon kay apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay tumanggap sa Salita ng Diyos “gaya ng kung ano nga ito, gaya ng salita ng Diyos, na sa inyo’y gumagawa rin bilang mga mananampalataya.” (1 Tesalonica 2:13) Ganiyan na lang kabisa ang Salitang iyan, gaya ng tinutukoy sa 1 Corinto 6:9-11, at pinapangyari nito na marami sa sinaunang Corinto, napatanyag sa kalibugan, na iwanan ang kanilang dating pamumuhay bilang mga magnanakaw, mapakiapid, lasenggo, at homoseksuwal. Ang Salita ba ng Diyos ay gumagawa rin sa iyo ng pagbabago? Ang mga prinsipyo ba nito ang umuugit sa iyong buhay hanggang sa pinakasukdulan, kung kaya’t nalalaman mo kung ano ang gagawin pagka ikaw ay napaharap sa mga kaugalian sa isang lugar?
Kung minsan ay maliwanag na ang isang kaugalian ay tuwirang kasalungat ng mga prinsipyo ng Bibliya. Kung gayon ang isang nakakaalam ng mga pamantayan ni Jehova at naghahangad na makalugod sa kaniya ay iiwas sa gayong mga kaugalian. Halimbawa, baka ang kaugalian ay ang pagsusunog ng insenso sa isang libing upang payapain ang yumao o ang kaniyang “yumaong kaluluwa” o upang bigyan siya ng isang mabuting pamamaalam at paligayahin ang kaniyang “kaluluwa.” O baka mga modelo ng bahay, TV set, kotse, at iba pa, ay sinusunog upang bigyan siya ng ikaliligaya pagdating niya sa dako ng mga espiritu. Datapuwat, ang isang Kristiyano na naniniwala sa sinasabi ng Bibliya na ang mga patay “ay wala nang nalalamang ano pa man” ay nakababatid na ang gayong mga gawain ay nakasalig sa mga paniwalang di-totoo at sa gayo’y iiwasan niya ang mga ito.—Eclesiastes 9:5, 10; Awit 146:4.
Subalit, kapag ang isang kaugalian ay hindi naman tuwirang lumalabag sa mga prinsipyo ng Bibliya kundi pinahihirap lamang niyaon ang paglilingkod nang lubusan sa Diyos na Jehova, mas mahirap na magpasiya kung saan ka tatayo at ipakita na ang mga prinsipyo ng Bibliya ang umuugit sa iyong buhay. Ang mataas na pagpapahalaga sa edukasyon at kayamanan, ang habang-buhay na pagpapasakop sa mga magulang, at ang pagpili ng mga magulang ng mapapangasawa ng kanilang mga anak ang ilan sa mga malaganap na kaugalian na maaaring makaapekto sa relasyon ng isa kay Jehova. Paanong ang mga prinsipyo ng Bibliya ay maikakapit sa mga situwasyon na katulad nito?
[Larawan sa pahina 3]
Pagsusunog ng mga modelo sa isang libing