Determinasyon ang Tumulong sa Akin na Magtagumpay
Inilahad ni Joseph A. Oakley
ANONG laking kagalakan na noong 1950 ay isa ako sa 123,707 na dumalo sa pandaigdig na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York City sa Estados Unidos! Anong laking pribilehiyo pagkatapos ang makapag-aral bilang isa na kabilang sa ika-16 na klase ng paaralang misyonero ng Gilead sa New York!
Pagkatapos ng graduwasyon ako ay napadestino, kasama ang isang grupo ng mga kapuwa Australyano, na magmisyonero sa malayong Pakistan. Kami’y dumating doon noong tag-init ng 1951. Ang unang taon lalo na ang nagdala ng matitinding pagsubok.
Isa na rito ang tuyot, maalikabok na init, na ibang-iba sa kalamigan ng timugang Victoria at Tasmania sa Australia na kung saan ako naninirahan noon. At nariyan din ang tipus, jaundice, at iba pang nagtatagal na sakit na nagpapahirap sa karamihan sa amin na mga bagong dating doon. Isa sa aming kaklaseng kabataan ang namatay ng unang taon na iyon.
Ang isa pang pagsubok ay ang karalitaan at mahihirap na mga kalagayan ng pamumuhay. Hindi nagtagal pagkatapos na ako’y dumating doon, ako ay naatasan bilang isang naglalakbay na ministro, na kailangan ang matatagal at malulungkot na pagbibiyahe sa tren at kung minsan ay nangangailangang matulog sa mga istasyon ng tren.
Subalit ang isa pang pagsubok ay ang kalamigan ng pagtugon sa aming mensahe ng Kaharian doon sa lugar na karamihan ay mga Muslim. At isa pa ring tunay na pagsubok ang ipahayag mo ang mensaheng ito sa isang mahirap at bagong wika, ang wikang Urdu.
Madali nga sana ang umurong at umuwi. Para makalagi ka roon ay kailangan ang matibay na determinasyon. Natutuwa naman ako na ang aking mga karanasan noong una ang tumulong sa akin upang madaig ang mga pagsubok.
Mga Karanasan na Humubog ng Aking Buhay
Ako’y lumaki sa isang bukid na humigit-kumulang 11 milya (18 km) ang layo sa Geelong, isang siyudad sa baybaying-dagat ng estado ng Victoria sa Australia. Isang araw ng Abril noong 1935, samantalang dumadalaw sa bayan, isang Miss Hudson ang nakausap ko at inanyayahan akong dumalo sa isang pahayag sa Bibliya. Isang linggong nabalisa ako dahil sa napangakuan ko ang mahal, taimtim, at halatang nag-alay nang babaing ito na dadalo ako. Sa totoo’y hindi ko ibig na dumalo, ngunit hindi maatim ng kalooban ko na biguin siya.
Kaya naman nang sumapit ang panahon, may agam-agam na tinupad ko ang aking pangako at naparoon ako. Sa laki ng aking pagtataka, nasiyahan ako nang husto sa pagtitipong iyon kung kaya’t nagsimula akong dumalong palagian. Ang natutuhan ko ay nakakumbinsi sa akin na nasumpungan ko na ang katotohanan, at ako’y nabautismuhan sa isang asamblea na ginanap sa Geelong nang taon ding iyon.
Mga ilang buwan ang nakalipas, dalawang masisigasig na babaing payunir ang naglakad nang mahigit na isang milya (1.6 km) sa isang inararong sakahan upang makarating sa aming bukid. Ang hinangaan ko sa kanila ay ang kanilang pananampalataya at sigasig. Natatandaan ko pa na tinanong ko sa kanila kung saan sila tutuloy nang gabing iyon, sapagkat binanggit nila na sila’y patungo sa isang bagong teritoryo na iniatas sa kanila sa munting bayan ng Bacchus Marsh, mga 35 milya (56 km) ang layo.
“Hindi pa namin alam, pero makakasumpong kami ng lugar bago gumabi,” ang tugon nila. “Kung hindi man kami makasumpong, itatayo namin ang aming tolda.”
Noon ay pasado alas kuwatro, at ang mga araw ay maiikli at magiginaw. Naisip ko sa aking sarili: ‘Tunay na ito ay pagpapayunir!’ At naisip ko rin sa aking sarili: ‘Ano ba ang ginagawa ko rito sa bukid, milya-milya ang layo sa mga tao? Ano ba ang humahadlang sa akin upang ako’y maging isang ministrong payunir katulad ng mga dalagang ito? Ako’y bata pa at malusog din. Kung nagagawa nila ito, bakit hindi ko magagawa?’ Disidido ako sa mismong sandaling iyon na hindi ko na ipagpapaliban din ang pagiging isang payunir.
Disidido na Manatili sa Aking Desisyon
Salungat na salungat ang aking ama sa pag-alis ko sa aming tahanan at pagpasok sa buong-panahong gawaing pangangaral kasama ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y naging isang superintendente ng isang Sunday school sa loob ng mga 30 taon at may maling akala tungkol sa mga Saksi. Datapuwat, ako’y 21 anyos na, at ang aking ina ay hindi naman talagang tumututol nang ilahad ko sa kaniya ang aking mga plano. Kaya, sa wakas, ang petsang Hunyo 30, 1936, ang itinakda bilang araw ng aking pag-alis sa tahanan.
Hiniling ng aking ama sa ilang prominenteng negosyante na kausapin ako upang umatras sa “kasindak-sindak na negosyong” ito gaya ng tawag niya rito. Pinagsumikapan ng mga taong ito na hikayatin ako na manatili na sa tahanan, at gumamit sila ng lahat ng paraan ng argumento, tulad halimbawa: ‘Magdadala ka ng kahihiyan sa relihiyon ng inyong pamilya.’ ‘Ikaw ay nakikisama sa isang di-kilala at totoong di-popular na grupo.’ At, ‘Anong garantiya mayroon ka na susuportahan ka sa gastos?’
Ang pagtatangkang panghihikayat na ito—marahil ay may mabuti namang layunin—ay nagpatuloy sa loob ng mga ilang linggo. Subalit, kataka-taka man, mientras pinagsisikapan nila na hikayatin akong huwag nang umalis, lalo namang determinado akong maging payunir.
Sumapit ang Hunyo 30, maginaw at malakas ang hangin! Ikinarga ko ang lahat ng ari-arian ko sa aking motorsiklo at nagbiyahe patungo sa Melbourne, mga 40 milya (64 km) ang layo. Doon ay inanyayahan ako na gumawang kasama ng isang grupo ng mga payunir. Isang lubusang bago at may layuning buhay ang ngayo’y nagsimula para sa akin, subalit maraming pagsubok.
Determinadong Humarap sa Pananalansang
Noong mga araw na iyon ang isang pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian ay sa pamamagitan ng paggamit ng sound cars o mga sasakyang may laud ispiker upang magbrodkas ng isinaplakang mga pahayag sa Bibliya ng presidente ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford. Mayroon mga limang taon na ako ang opereytor ng isa sa mga “cars” na ito, isang sinangkapan ng mga gamit na panel van na kilala sa lahat ng dako bilang ang “Red Terror.”
Ang buo at matinding boses ni Brother Rutherford na lumalabas sa trompa ang “matamis” kung para sa mga ilang humahanap ng katotohanan, subalit sa mga mananalansang sa katotohanan ay tulad iyon ng lason. (Ihambing ang 2 Corinto 2:14-16.) Manaka-naka, ako’y pinatatamaan ng tubig na nanggagaling sa isang pandilig na goma sa halaman, o dili kaya’y binabato ang aming sasakyan.
Ang mga pahayag ni Brother Rutherford na nagbibilad sa mga kabulaanan ng relihiyon, sa kabilang dako, ay tunay na nakaakit sa iba. Isang nakaririwasang maginoo, halimbawa, ang humiling ng isang kopya ng bawat isa sa mga isinaplakang pahayag ni Rutherford at bawat aklat na kaniyang isinulat. Nang aming dalawin ang kaniyang malaking tahanan, halos hindi ko madala ang lahat ng mga plakang iyon at mga aklat. Tuwang-tuwa ang taong iyon na makuha ang mga iyon, at lumagda siya sa isang tseke na ang halaga’y £15 ($70 noon) sa mismong sandaling iyon. Iyon ang pinakamalaking halaga ng literatura na aking naipasakamay kailanman!
Noong 1938 si Brother Rutherford ay nakatakdang dumalaw sa Australia at magbigay ng isang pahayag sa Bibliya sa Sydney, New South Wales, Town Hall. Isa ako sa mga lumibot sa mga kalye ng Sydney sa pamamagitan ng isang sound car, na iniaanunsiyo sa iba’t ibang lugar ang napipintong pagdalaw. Ang “Red Terror” ay pantanging inilaan dito para sa programa sa anim na linggo at isang malaking anunsiyo ang ikinabit sa magkabilang panig ng sasakyan. Ang “blitzkrieg” na ito ng gawain ay nagbangon ng maraming pananalansang.
Dahilan sa matinding relihiyosong panggigipit, ang reserbasyon sa Sydney Town Hall ay kinansela. Inatasan ako ngayon na gamitin ang sound car para tumipon ng mga pirma ng pagpoprotesta. Dinalaw namin ang malalaking grupo ng mga manggagawa pagkatapos na sila’y makapananghalian at, sa kabila ng pananalansang sa maraming lugar, nakatipon kami ng daan-daang mga pirma ng mga taong katig sa kalayaan ng pagsasalita. Lahat-lahat ay nakatipon kami ng libu-libong mga pirma sa buong bansa. Subalit bagaman iniharap namin sa mga konsehal ng Sydney ang malawakang petisyong ito, kami’y pinagkaitan pa rin ng paggamit sa Town Hall.
Gayunman, gaya ng malimit mangyari, ito’y nagdulot ng bentaha sa bayan ni Jehova. Sapagkat ang Sydney Sports Ground ang naarkila, at dahilan sa malaking publisidad na likha ng nangyaring pananalansang, lalong dumami at umabot sa 12,000 ang nakinig sa pahayag ni Brother Rutherford, ayon sa taya ng pulisya. Yamang sa Town Hall ay mga 5,000 katao lamang ang makauupo, dahil sa pananalansang ay mahigit na doble ang dami ng mga taong nakinig sa pahayag!
Determinasyon sa Panahon ng Pagbabawal
Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, lalong lumaki ang pananalansang. At nang magkagayon, noong Enero 1941, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal sa buong Australia. Ako noon ay nagpapayunir sa Melbourne at doon nakatira sa bodega ng literatura ng Samahan.
Isang araw anim na matitipunong mga pulis ng Commonwealth ang dumating doon at nakipagkomprontasyon sa lingkod ng bodega na si Jack Jones at sa akin. Singko minutos lamang ang ibinigay sa akin upang makaalis sa aking kuwarto sa itaas. Nasubukan mo na ba na sa loob ng limang minuto ay mag-impake ng lahat ng mga gamit mo? Halos hindi pa ako malay matapos ay sa-susulpot na sa kuwarto ang mga pulis at marahas na inihagis sa labas ng bintana ang lahat ng aking natitirang damit at mga gamit.
Gayunman, hindi napahinto ng pagbabawal na iyon ang aming gawain. Ang ginagamit ay Bibliya lamang, kami’y patuloy na nangaral sa bahay-bahay at nagdaos ng regular na mga pulong sa Melbourne. Noong 1942, na ikalawang taon ng pagbabawal, ako’y muling tinawag sa Sydney, upang tumulong sa pag-oorganisa ng gawain sa pitong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon.
Ang tahanang Bethel sa Sydney ay okupado noong panahong iyon ng mga opisyales ng gobyernong Commonwealth. Sa isang malaking tahanan na may dalawang palapag mga ilang bloke lamang ang layo, dito namin isinaplano ang lahat ng gawain ng organisasyon. Ako’y inatasan na dumalaw sa bawat isa sa mga kongregasyon sa Sydney at, sa tulong ng isang motorsiklo at sidecar, aking inihatid ang mga balangkas para sa mga pulong at ang iba pang mga bagay na kinakailangan para mapanatiling organisado at umaandar nang pasulong ang mga kongregasyon.
Paglilingkod sa Tasmania
Nang ang pagbabawal ay alisin noong Hunyo 1943, ako’y inatasan na tumulong sa muling pagtatayo ng bodega ng literatura sa Melbourne. Pagkatapos, noong 1946, ako’y hinirang na maglingkod bilang isang naglalakbay na servant to the brethren (ngayon, tagapangasiwa ng sirkito) sa islang estado ng Tasmania sa Australia. Kung sa likas na mga kayamanan, ang Tasmania ay isang magandang isla na maraming burol na ang tuktok ay nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng santaon.
Nang ako’y maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, mayroon lamang pitong kongregasyon at mga ilang grupong nakabukod sa buong isla. Sa pagitan ng mga pagdalaw sa mga kongregasyon, ako’y nagpayunir sa isang munting bayan na tinatawag na Mole Creek. Marahas na pananalansang sa mga Saksi ang sumiklab doon noong panahon ng digmaan. Subalit ngayon ay napawi na iyon, at ang ilang mga tao na nakakuha sa akin ng literatura ay naging nag-alay na mga Saksi sa katagalan.
Samantalang ako’y nasa Tasmania, noong 1950, tumanggap ako ng isang imbitasyon na mag-aral bilang bahagi ng ika-16 na klase ng Gilead. Pagkatapos ng graduwasyon, gaya ng binanggit ko na, ako’y idinestino sa Pakistan.
Pag-aasawa at Pagpapamilya
Nang ako’y anim na taon na sa Pakistan, ako’y napakasal kay Edna Marsh na noo’y naglilingkod bilang isang misyonera sa Hapón. Doon sa aking teritoryo sumama sa akin si Edna, at nagbukas kami ng isang bagong tahanang misyonero sa Quetta, naroon sa matataas na rehiyon ng Pakistan. Kami’y lumagi ng dalawang taon sa Quetta, subalit nang ipinagbubuntis na ang aming panganay ipinasiya namin na bumalik sa Australia. Ano kaya ang naghihintay sa amin ngayon?
Walang bahagya mang alinlangan kung saan kami maninirahan at magpapamilya. Naipangako ko na kung sakaling ako’y babalik galing sa paglilingkod sa ibang bansa, doon ako sa Tasmania maninirahan. Datapuwat, halos wala kami kahit isang kusing, at bihirang-bihira ang trabahong mapapasukan para sa isang 45-anyos. Gayunman aming ipinasiya na ang hanapbuhay ay huwag tulutang hadlangan kami sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at sa paglilingkod sa larangan.
Sa mabait na tulong ng espirituwal na mga kapatid, ako’y nakapagtayo ng aking sariling hanapbuhay na paglilinis ng mga bintana. Sa mahigit na 20 taon, hindi ako nakapalya minsan man sa mga pulong o sa paglilingkod sa larangan dahilan sa pagiging abala sa hanapbuhay, bagaman kung minsan ay kailangan ang determinasyon upang matanggihan ang mga alok na trabaho at ang ekstrang salapi na maaari mong kitain. Kaya naman napalaki namin ang aming dalawang anak ayon sa daan ng katotohanan at kami’y palagiang nakakabahagi sa lahat ng mga gawain na pang-Kaharian.
Ang aming mga anak ay malalaki na ngayon at hindi na dumidepende sa amin. Sila kapuwa ay matatag sa katotohanan, at ang aming anak na babae ay maraming mga taon din na nagpayunir bago nag-asawa. Ang aming anak na lalaki at ang kaniyang maybahay ay patungo na ngayon sa paglilingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan sa mga payunir.
Isang Kasiya-siyang Buhay
Kamakailan ay dinalaw kami ng isang dating kaibigan na unang-unang nanindigan sa panig ng katotohanan sa bayan ng Quetta sa Pakistan. Pagkatapos ng isang pulong sa aming Launceston Congregation dito sa Tasmania, kaniyang ibinida sa kongregasyon kung paano makalawang iniutos niya sa kaniyang katulong na sabihin sa akin na siya ay wala roon sa tahanan pagka dumalaw ako roon. Subalit, nang bandang huli na makasalubong ko siya sa halamanan at siya’y wala nang paraan na makatakas, siya’y nagsimula na ng pagtatanong, at sa wakas ay tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya. At binanggit ng babaing ito kung gaano kalaki ang kaniyang pasasalamat dahil sa ipinakita kong determinasyon sa pagtitiyaga sa mahirap na atas na ito sa Pakistan.
Mga ilang taon ang aga, sa isang kombensiyon sa Sydney, isang babaing nasa kabataan ang tumatakbong lumapit sa akin at niyakap ako nang mahigpit. Nagtaka ako, kaya sinabi kong baka siya nagkakamali. “Hindi,” ang tugon niya, “hindi ba kayo si Joe Oakley? Kayo at si Alex Miller ang nakipag-aral sa aming pamilya sa Lahore, Pakistan, at ngayon ang aking ina at kapatid na babae at ako ay nasa katotohanan na at naninirahan sa Sydney.”
Ang mga karanasang katulad nito ay tunay na bahagi ng kasiyahan ng pagkakaroon ng isang ganap na bahagi sa pagbabalita ng Kaharian. Anong laking kagalakang makita ang pagpapala ng Diyos sa gawain! Nang unang maglingkod ako rito sa Tasmania noong 1946, mayroong siyam na mga mamamahayag ng Kaharian sa buong siyudad ng Launceston. Ngayon ay mayroong tatlong kongregasyon, bawat isa’y may mahigit na 90 mamamahayag!
Oo, buhat sa kasiya-siyang mga karanasan ng aking mahigit na 50 taon ng paglilingkuran bilang Kristiyano, masasabi ko nang walang anong pag-aatubili na determinasyon ang tumulong sa akin na magtagumpay.
[Larawan sa pahina 24]
Sound car na ginamit upang ianunsiyo ang mensahe ng Kaharian sa Sydney
[Larawan sa pahina 25]
Si Joe Oakley kapiling ng munting kongregasyon sa Quetta, Pakistan, nang isang bagong Kingdom Hall ay buksan noong Disyembre 15, 1955