Nag-iisa Ngunit Hindi Pinabayaan Kailanman
AYON SA PAGLALAHAD NI ADA LEWIS
Mahilig akong mapag-isa. Ako rin ay lubhang determinado—kung minsan ang tawag ng iba rito ay katigasan ng ulo—sa lahat ng ginagawa ko. Alam ko rin kung gaano kadaling maging prangka, at ang katangiang ito ang nagdulot sa akin ng mga suliranin sa paglakad ng mga taon.
GAYUNPAMAN, nagpapasalamat ako na hindi ako tinanggihan ng Diyos na Jehova dahilan sa aking mga kapintasan. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, nagawa kong baguhin ang aking personalidad at sa gayo’y nakapaglingkod sa kapakanan ng kaniyang Kaharian sa loob ng mga 60 taon. Sapol ng pagkabata, mahilig na ako sa kabayo, at ang tulong ng Diyos sa pagsupil sa aking medyo katigasan ng ulo ay madalas magpaalaala sa akin kung papaanong ang renda ay magagamit upang supilin ang isang kabayo.
Isinilang ako noong 1908 malapit sa isang maganda at kulay-bughaw na look sa Mount Gambier na nasa Timog Australia. Ang aking mga magulang ay may bakahan, at ako ang pinakamatandang anak na babae sa walong magkakapatid. Namatay ang aming ama nang kaming lahat ay mga bata pa. Dahil dito’y naiwan sa akin ang malaking pananagutan ng pagpapatakbo ng aming bakahan, yamang ang aking dalawang nakatatandang kapatid na lalaki ay kinailangang magtrabaho sa malayo upang kumita para sa panggastos ng pamilya. Mahirap ang buhay sa bakahan dahil mabigat ang trabaho doon.
Unang Pagkaalam ng Katotohanan sa Bibliya
Ang aming pamilya ay dumadalo sa Presbyterian Church, at kami ay regular at masigasig na mga miyembro. Ako’y nagturo sa Sunday school at itinuring kong isang seryosong pananagutan na ituro sa mga bata ang pinaniniwalaan kong tama sa espirituwal at moral.
Namatay ang aking lolo noong 1931, at kabilang sa kaniyang mga ari-arian ay ang ilang aklat na isinulat ng presidente noon ng Samahang Watch Tower na si J. F. Rutherford. Sinimulan kong basahin ang The Harp of God at Creation, at habang marami akong nababasa, lalo akong nagtaka nang malaman kong marami sa mga bagay na pinaniniwalaan ko at itinuturo sa mga bata ay hindi sinusuhayan ng Bibliya.
Nagulat ako nang malaman kong ang kaluluwa ng tao ay hindi imortal, na karamihan sa mga tao ay hindi pupunta sa langit pagkamatay nila, at na walang apoy ng impiyerno na nagpapahirap nang walang-katapusan sa masasama. Nabigla rin ako nang malaman kong ang pangingilin ng lingguhang sabbath ay hindi kahilingan sa isang Kristiyano. Kaya napaharap ako sa isang maselang na pagpapasiya: ang manatiling sumusunod sa kinagisnang mga turo ng Sangkakristiyanuhan o magsimulang magturo ng katotohanan ng Bibliya. Hindi nagtagal bago ako nakapagpasiyang putulin ang lahat ng aking kaugnayan sa Presbyterian Church.
Talagang Nag-iisa na Ngayon
Hindi nagustuhan ng aking pamilya, mga kaibigan, at dating kakilala sa simbahan ang pagpapahayag ko ng aking intensiyon na iwan ang simbahan at huminto na ng pagtuturo sa Sunday school. At nang malaman nila na ako ay nasasangkot sa umano’y mga tauhan ni Judge Rutherford, lalong nadagdagan ng gatong ang matinding tsismis. Hindi naman ako aktuwal na nilayuan, ngunit kahit papaano, karamihan sa aking kapamilya at dating mga kaibigan ay naging malamig sa pakikitungo sa akin.
Habang pinag-aaralan at sinusuri ko ang mga kasulatan na nakatala sa mga aklat na binabasa ko, lalo kong nakita ang pangangailangan na mangaral sa madla. Nalaman ko na ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabahay-bahay bilang bahagi ng kanilang pangmadlang ministeryo. Ngunit nang panahong iyon ay wala pang mga Saksi sa aming distrito. Kaya naman, walang nagpatibay-loob sa akin o nagpakita sa akin kung papaano ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Damang-dama ko ang pag-iisa.
Gayunpaman, malalim na naikintal sa akin ang utos ng Bibliya na mangaral sa iba, at ako’y nagpasiya na kailangang simulan ko nang mangaral sa papaano man. Pagkatapos ng mahabang pananalangin, ipinasiya kong dalawin ang tahanan ng mga kapitbahay upang sabihin lamang sa kanila kung ano ang natutuhan ko sa aking mga pag-aaral at sikaping ipakita ang mga bagay na ito sa kanilang sariling Bibliya. Ang unang bahay na dinalaw ko ay yaong sa superintendente ng aking dating Sunday school. Ang kaniyang malamig na tugon at negatibong komento tungkol sa pag-alis ko sa simbahan ay talaga namang hindi isang nakapagpapatibay na pasimula. Pero nakadama ako ng init ng damdamin at kakaibang lakas ng loob habang nililisan ko ang kaniyang tahanan at ipinagpapatuloy ang pagdalaw sa ibang tahanan.
Wala namang tuwirang pananalansang, ngunit nagtaka ako sa pangkalahatang pagwawalang-bahala ng aking dating mga kasama sa simbahan nang ako’y dumalaw sa kanila. Sa aking pagkagulat at pagkasiphayo, naranasan ko ang pinakamahigpit na pagsalansang buhat sa aking pinakamatandang kapatid na lalaki, anupat nagunita ko ang mga salita ni Jesus: “Ibibigay kayo maging ng mga magulang at mga kapatid at mga kamag-anak at mga kaibigan, . . . at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahilan sa aking pangalan.”—Lucas 21:16, 17.
Ako’y mahusay na mangangabayo kahit nang nasa kabataan pa, kaya naisip kong ang pinakamadaling paraan upang marating ang tahanan ng mga tao ay ang pagsakay sa kabayo. Dahil dito ay nakarating ako sa mas malalayong lugar sa karatig na teritoryo sa kabukiran. Subalit, isang hapon ay nabuwal at nahulog ang aking kabayo sa isang madulas na daan, at nagkaroon ng lamat ang bao ng aking ulo. Sa isang panahon, may mga pangamba na baka ako’y mamatay. Pagkatapos ng pagkahulog na iyon, kapag ang mga daan ay basa o madulas, naglalakbay ako sakay ng tiburin sa halip ng kabayo lamang.a
Pakikipag-ugnayan sa Organisasyon
Di pa natatagalan pagkatapos ng aking aksidente, isang grupo ng buong-panahong mga mangangaral, na ngayo’y tinatawag na mga payunir, ang dumalaw sa distrito ng Mount Gambier. Kaya sa kauna-unahang pagkakataon, nakausap ko nang harapan ang mga kapananampalataya. Bago sila umalis, pinasigla nila ako na sumulat sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower at magtanong kung papaano ako maaaring makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla sa isang mas organisadong paraan.
Pagkatapos sumulat sa Samahan, nakatanggap ako ng mga aklat, buklet, at inilimbag na testimony card para magamit upang ipakilala ang aking sarili sa mga maybahay. Nadama ko na medyo napalapit ako sa aking espirituwal na mga kapatid dahil sa mga sulat mula sa tanggapang pansangay. Subalit nang umalis na ang grupo ng mga payunir at lumipat na sa susunod na bayan, lalo kong nadama ang lungkot ng pag-iisa.
Bunga ng aking regular na paglilibot upang mangaral bawat araw—karaniwan nang sakay ng kabayo at tiburin—nakilala akong mabuti sa distrito. Kasabay nito, naasikaso ko ang aking mga gawain sa bakahan. Noon ay hindi na tutol ang aking pamilya sa rutina kong ito at hindi na sila humahadlang. Sa ganitong paraan ako ay naglingkod sa loob ng apat na taon bilang isang nabubukod, di-bautisadong tagapaghayag ng mabuting balita.
Kombensiyon at, sa Wakas, Bautismo
Noong Abril 1938, dinalaw ni Brother Rutherford ang Australia. Ang matinding pagsalansang ng klero ay naging sanhi ng pagkansela sa kontrata para sa Sydney Town Hall. Subalit, sa huling sandali, nakakuha ng permiso para magamit ang Sports Grounds. Ang sapilitang pagbabago ng plano ay sa aktuwal napatunayang nakabuti, yamang libu-libo pa ang magkakasya sa mas malaking Sports Grounds. Humigit-kumulang 12,000 ang dumating, na ang interes ng karamihan ay waring napukaw dahil sa udyok-ng-klerong pagsalansang sa ating pagpupulong.
May kaugnayan sa pagdalaw ni Brother Rutherford, ginanap din nang ilang araw ang isang kombensiyon sa karatig na lugar sa labas ng Sydney. Doon sa wakas ay sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Maguguniguni mo kaya ang aking kagalakan nang sa wakas ay makipagtipon ako sa daan-daang kapatid sa buong malawak na kontinente ng Australia?
Pagbabalik sa Mount Gambier
Sa pagbabalik ko, lalo kong nadama ang lungkot ng pag-iisa, subalit ako’y determinado higit kailanman na gawin ang makakaya ko sa gawaing pang-Kaharian. Di-nagtagal ay nakilala ko ang pamilyang Agnew—si Hugh, ang kaniyang maybahay, at ang kanilang apat na anak. Nakatira sila sa bayan ng Millicent, 50 kilometro lamang ang layo mula sa Mount Gambier, at naglalakbay ako ng 50 kilometro bawa’t biyahe sakay ng kabayo at tiburin upang magdaos ng regular na pag-aaral ng Bibliya sa kanila. Nang yakapin nila ang katotohanan, nabawasan ang aking kalungkutan.
Di-nagtagal, kami’y binuo sa isang maliit na grupo para sa organisadong pagpapatotoo. Pagkatapos, nakatutuwa naman sapagkat ang aking ina ay nagsimulang maging interesado at sumama sa akin sa 100-kilometrong paglalakbay upang makipag-aral sa bagong tatag na grupong ito. Mula noon, si Inay ay palaging nakapagpapatibay at matulungin, bagaman ilang taon pa ang lumipas bago siya nabautismuhan. Hindi na ako malungkot ngayon!
Sa aming munting grupo nanggaling ang apat na payunir, ako at ang tatlong dalagang Agnew—sina Crystal, Estelle, at Betty. Pagkaraan, noong maagang mga taon ng 1950, ang tatlong magkakapatid ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead. Sila ay naatasang maging mga misyonero sa India at Sri Lanka, kung saan sila ay naglilingkod pa rin nang may-katapatan.
Noong Enero 1941 ay ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Australia, kaya agad kaming kumilos. Inilagay namin ang lahat ng ginagamit namin sa ministeryo—literatura, bitbiting ponograpo, isinaplakang mga pahayag sa Bibliya, at iba pa—sa isang malaking baul na yari sa lata. Pagkatapos ay inilagay namin ang baul sa isang kamalig at tinakpan iyon ng kari-karitong dayami.
Sa kabila ng pagbabawal, nagpatuloy kami sa aming pangangaral sa bahay-bahay, ngunit may pag-iingat, na ginagamit lamang ang Bibliya kapag nakikipag-usap sa mga maybahay. Itinatago ko ang mga magasin at buklet sa ilalim ng siya ng aking kabayo at ilalabas ko lamang ang mga ito kapag nakasumpong ng tunay na interes sa mensahe ng Kaharian. Sa wakas, noong Hunyo 1943, inalis ang pagbabawal, at kami ay muling nakapag-alok ng mga literatura nang hayagan.
Bagong mga Atas
Noong 1943, ako’y nagpayunir, at nang sumunod na taon ay nilisan ko ang Mount Gambier para sa isa pang atas. Una, inanyayahan ako na maglingkod nang sandaling panahon sa tanggapang pansangay ng Samahan sa Strathfield. Kasunod nito ay tumanggap naman ako ng mga atas sa maliliit na bayan sa timugang New South Wales at kanlurang Victoria. Subalit, isa sa pinakakasiya-siyang atas sa espirituwal na paraan para sa akin ay sa isang malaking kongregasyon sa lunsod ng Melbourne. Palibhasa’y galing sa isang maliit na bayan sa lalawigan, marami akong natutuhan sa paglilingkod doon.
Sa aking atas sa mababang distrito ng Gippsland sa Victoria, ako at ang aking kasamang payunir, si Helen Crawford, ay nagdaos ng maraming pag-aaral sa Bibliya at, sa maikling panahon, nasaksihan ang pagkatatag ng isang maliit na kongregasyon. Ang distritong iyan ay may malaking teritoryo sa kabukiran, at para sa paglalakbay kami ay may luma at di-maaasahang kotse. Kung minsan ay nakasakay kami, pero kadalasan ay itinutulak namin iyon. Gayon na lamang ang pagnanais kong magkaroon ng kabayo! Kung minsan, totohanang masasabi ko: “Ipagpapalit ko ang anuman (maliban sa Kaharian) para sa isang kabayo!” Sa karamihan ng mga bayan sa distritong iyan ngayon, may matitibay na kongregasyon at maiinam na Kingdom Hall.
Noong 1969, nakatanggap ako ng atas sa Canberra, ang kabisera ng Australia. Isang hamon ang magpatotoo sa lugar na ito dahil sa iba’t ibang kalagayan, yamang madalas naming makausap ang mga tauhan ng mga embahada ng ibang mga bansa. Naglilingkod pa rin ako rito, ngunit sa nakaraang mga taon ay nagtuon ako ng pansin sa pangangaral sa lugar ng mga industriya sa lunsod.
Noong 1973, nagkapribilehiyo ako na makadalo sa malalaking kombensiyon sa Estados Unidos. Isa pang tampok na bahagi sa aking buhay ay ang pagiging delegado sa kombensiyon noong 1979 at paglilibot sa Israel at Jordan. Talaga namang isang nakaaantig-damdaming karanasan ang aktuwal na mapuntahan ang mga lugar na binanggit sa Bibliya at bulaybulayin ang mga pangyayaring naganap doon! Naranasan ko kung papaano lumutang sa Patay na Dagat, na ang tubig ay totoong napakaalat, at sa aming pagdalaw sa Petra sa Jordan, nagkaroon ako ng pagkakataong muling makasakay sa kabayo. Ito’y nagpaalaala sa akin ng mga unang araw nang dahil sa mga kabayo ay marating ko ang magkakalayong mga lugar sa kabukiran taglay ang mensahe ng Kaharian.
Patuloy na Buong-Panahong Paglilingkuran
Ang aking hangaring makapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkuran sa kabila ng katandaan ay nanatiling buháy dahil sa mga pantanging paglalaan gaya ng Pioneer Service School at mga pulong ng mga payunir na ginaganap sa mga pansirkitong asamblea, gayundin sa patuloy na pagpapatibay-loob na tinatanggap ko mula sa mga naglalakbay na tagapangasiwa. Tunay na masasabi kong may kabaitang pinapangyari ni Jehova na lumipas ang panahon ng aking pag-iisa.
Ako ngayon ay 87 taóng gulang na, at pagkalipas ng humigit-kumulang 60 taon ng paglilingkod kay Jehova, may masasabi akong pampatibay-loob para sa iba na maaaring prangka at lubhang mapagsarili rin: Sa tuwina’y pasakop sa patnubay ni Jehova. Nawa’y tulungan tayo ni Jehova na supilin ang ating pagkaprangka, at nawa’y palagi niya tayong paalalahanan na bagaman madalas tayong makadama na tayo’y nag-iisa, hindi niya tayo kailanman pababayaan.
[Talababa]
a Ang tiburin ay isang magaang na sasakyang may dalawang gulong.