Mga Babaing Kristiyano—Pananatiling Tapat sa Lugar ng Trabaho
“Kung minsan ang tensiyon sa [trabaho] ay patung-patong na anupa’t maaari mong tagpasin ng kutsilyo.” Ganiyan ang sabi ng isang babaing nagtatrabaho.a Ang panggigipit para makagawa ng marami, kompetisyon na traiduran, mapaghanap na mga superbisor, pagkabagot—ito ay ilan lamang sa mga bagay na sanhi ng nakababagot na trabaho. Kakaunting mga trabaho ang makikitaan ng gayuma at makukunan ng kasiyahan na ipinapangako ng propaganda ng media. Subalit kung ikaw ay isang babaing nagtatrabaho, sikapin mong magtagumpay sa iyong trabaho.
Datapuwat, dito, ang tinutukoy natin ay hindi ang salaping kita. Ang lugar ng trabaho ay isang larangan na kung saan napapalagay sa pagsubok ang iyong katapatan bilang Kristiyano! Ang paraan ng pagganap mo ng iyong trabaho, pagbaka sa espiritu ng gilit-leeg na kompetisyon, at paglaban sa moral na panliligalig ay nagsisiwalat ng laki ng debosyon mo sa mga simulaing maka-Diyos. Upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova, ang babaing nagtatrabaho ay kailangang makapagsabi ng gaya ng sinabi ng salmista: “Ako sa ganang akin ay lumakad sa aking sariling pagtatapat.”—Awit 26:1.
Ang Bibliya ay tumutulong sa iyo na gawin iyan. Halimbawa, pagka hinimok ka na mga pamamaraang napakaimbi ang gamitin o kapag natukso ka na hayaang ang trabaho mo ang umagaw ng mga pananagutan mo sa iyong pamilya, sa pag-aaral ng Bibliya, sa mga pulong Kristiyano, at sa ministeryo, mainam na alalahanin mo ang mga pananalita ni Haring Solomon: “Nakita ko ang lahat ng pagpapagal at kahusayan sa paggawa, na ito’y pagpapaligsahan ng isa’t isa; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.” (Eclesiastes 4:4) Ang pangmalas sa sekular na trabaho sa ganitong paraan ay hadlang o nagpapalamig sa mapusok na ambisyon. Tinutulungan ka nito na magkaroon ng tamang pangmalas sa isang hanapbuhay, na itinuturing iyon na pangalawa lamang sa espirituwal na mga kapakanan.—Mateo 6:33.
Ngunit ibig bang sabihin nito na ikaw ay magiging mapagwalang-bahala sa iyong hanap-buhay? Hindi naman, sapagkat minamasama ng Bibliya ang katamaran. (Kawikaan 19:15) Binabanggit nito ang ‘pagkakita ng kabutihan dahilan sa iyong pagpapagal.’ (Ecclesiastes 2:24) Isa pa, ang paglalaan para sa pamilya mo ay isang bigay-Diyos na pananagutan. (1 Timoteo 5:8) Kaya kung ang pagganap sa obligasyong iyan ay nangangahulugan ng paggawa ng sekular na trabaho na di-kanais-nais, pag-isipan ang mga salita ng Bibliya sa Colosas 3:23: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa tao.” Ang pagkakilala ng isang tao na siya’y gumagawa “gaya ng kay Jehova ginagawa” ay isang pangganyak na humihikayat sa kaniya na gumawa ng pinakamalaking magagawa niya, higit kaysa katumbas ng pagtataas ng suweldo o promosyon.
“Mahirap Palugdan” na mga Amo
Isang babaing nagngangalang Sally ang nagsabi: “Ang pakiramdam ko ay para bagang [ang aking superbisor ay] parati na lamang nagmamatyag sa akin. Kailanman ay wala siyang sinabing mabuti kaninuman.” Ang pagtatrabaho sa ilalim ng isang amo na “mahirap palugdan” o barumbado ay nakapanghihina ng loob, lalo na kung ang isa ay bago sa lugar ng trabaho.—1 Pedro 2:18.
Subalit, ang pag-alis sa trabaho ay baka lalong mahirap dahil sa kailangan mo ang ikabubuhay. Kaya naman baka ang mabuti ay sundin mo ang payo ng Bibliya na ang mga manggagawa—lalaki at babae—ay “pasakop.” (1 Pedro 2:18) Imbis na palubhain mo ang isang alitan sa pamamagitan ng panunuya o kawalang-galang, sikapin na “palugdan na mainam [ang mga amo], huwag kang maging masagutin.” (Tito 2:9) Dahil sa gayong pagtitimpi ay maaari pa ngang maiwasan mo ang ikaw ay alisin sa iyong trabaho. Ang sabi ni Solomon: “Kung ang diwa ng pinuno [sinuman na may awtoridad] ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong sariling dako, sapagkat ang pagpapakalumanay ay nagpapalikat ng malalaking pagkakasala.”—Eclesiastes 10:4.
Ang isang malupit na panginoon ay baka pa nga mapahiya pagka ang kaniyang kawalang pasensiya ay sinasalubong ng kahinahunan, ang kaniyang di-makatuwirang mga kahilingan ay magiliw na pinakikitunguhan. (Kawikaan 15:1; Colosas 4:6) At habang pinatutunayan mo na ikaw ay isang manggagawang mahusay at maasahan, baka ang kaniyang pakikitungo sa iyo ay unti-unting humusay. Kung hindi naman, marahil ay wala kang ibang magagawa kundi ang “maging matiisin,” sa pagkaalam na ang Diyos ay nalulugod sa iyong asal Kristiyano.—Santiago 5:7, 8.
Pananatiling May Kalinisang-asal
Kasangkot din sa katapatan ang asal Kristiyano. Isang artikulo sa Ladies’ Home Journal ang nagbabala: “Ang opisina—na kung saan bawat isa ay inaasahang mananamit nang husto, gagawi nang nararapat, gugugol ng panahon nang sama-sama at magtataguyod ng nagkakaisang mga tunguhin—ay may kapaligiran na madaling mag-udyok sa mga seksuwal na gawain.” Palasak ang mga affairs sa opisina. Kaya matalino ang magpakaingat. Ang relasyon sa mga kasamahan mong lalaki sa trabaho ay huwag nang palalampasin pa sa hangganan ng mga dapat gawin hinggil sa iyong trabaho. Iwasan ang mga usapan na pupukaw ng mga damdaming romantiko. “Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, . . . na ikaw ay umiwas sa pakikiapid.”—1 Tesalonica 4:3, 4.
Kung minsan, ang mga babae ay mga biktima ng isang matagal nang umiiral na problema: ang seksuwal na panliligalig. Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na isang lalaking nagngangalang Boaz ay nag-utos sa kaniyang mga manggagawang kabataang lalaki na “huwag hipuin” si Ruth, isang babaing gumagawa sa kaniyang bukid. Binabanggit ng iskolar ng Bibliya na si John P. Lange ang “magagaspang na biro na marahil kinaugalian na ng gayong mga magbubukid sa panunukso sa mga babae.” (Ruth 2:9) At bagama’t may mga amo ngayon na nagsisikap na mapangalagaan ang kanilang mga empleadong babae, tinataya ng ilan na 40 hanggang 85 prosiyento ng mga manggagawang babae (sa Estados Unidos) ang napahantad sa isang anyo ng seksuwal na panliligalig.
Halimbawa, isang dalagang nagngangalang Valerie, ang nagtrabaho bilang isang sekretarya. Paminsan-minsan, ang kaniyang amo—mahigit na tatlong doble ang edad kaysa kaniya—ay nagpaparinig ng masasagwang pananalita tungkol sa kaniyang pananamit. Minsan ay pinurbahan ng amo na engganyuhin siya na tumingin sa mga mahahalay na larawan. Sa wakas, siya’y tinawag ng amo sa kaniyang opisina at sinabi sa kaniya, “Para huwag kang maalis sa trabaho, kailangang pagbigyan mo ako sa seksuwal na mga hangarin ko sa iyo.” Mangyari pa, si Valerie ay tumangging gawin iyon.
Ang ganiyang nakahihiyang paggawi ay maraming anyo. Ang sabi ng Britanong magasin na New Statesman: “Kabilang na rito ang pag-irap, pangungurot, di-nararapat na pagdaiti ng katawan at berbalang pag-aabuso.” Malimit na ang simbuyo na nagtutulak para mahulog sa seksuwal na imoralidad ay nag-uumpisa lamang sa pagtawag-tawag ng magiliw na pagtawag. (Honey, Sweetheart) o isang tahasang pagmumungkahi. May mga babae na pumapayag sa gayong panliligalig dahilan sa takot na mawalan ng kanilang trabaho. At ipinakikita ng mga surbey na ang isang maliit na bilang ng mga babae ay may pakiwari na sila’y labis-labis na pinapupurihan sa pamamagitan ng gayong atensiyon!
Subalit bagaman ang atensiyon buhat sa mga lalaki ay maaaring isang labis-labis na papuri, ang labis na pagiging pamilyar ay kadalasang siyang unang hakbang sa paglalaro ng apoy. Kaya naman ito ay isang pagsalakay sa iyong katapatan at pagdusta sa iyong karangalan bilang Kristiyano.—1 Corinto 6:18.
Ang Dapat Gawin Upang Maiwasan Ito
“Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso . . . , ang kakayahang umisip ay mag-iingat sa iyo, unawa ang magliligtas sa iyo.” (Kawikaan 2:10, 11) Kaya paano mo magagamit ang praktikal na karunungan at unawa upang iligtas ang iyong sarili? Isang babaing nagtatrabaho na nagngangalang Diane ang nagsabi: “Doon sa aking trabaho ay ipinakikilala ko na ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova.” (Ihambing ang Mateo 5:16.) Pagka alam ng mga lalaki na ikaw ay mayroong matataas na mga pamantayang asal, malimit na hindi ka nila ginagambala.
Isang maunawaing babae na nagngangalang Betty ang gumagawa ng isa pang paraan ng pag-iingat. Ang sabi niya: “Nagpapakaingat ako tungkol sa pakikihalubilo sa aking mga kamanggagawa sapagkat ang kanilang asal ay iba kaysa akin.” (1 Corinto 15:33) Hindi naman ibig sabihin nito na ikaw ay magpapakalayo o magagalit ka sa iyong mga kamanggagawa. Ngunit pagka iginiit nila na makipag-usap sa iyo ng mga bagay na hindi nararapat sa isang Kristiyano, huwag mag-atubili na humingi ng paumanhin at lumayo. (Efeso 5:3, 4) Ang kahit pakikinig mo lamang sa gayong imoral na usapan ay maaaring magbigay sa mga kamanggagawang lalaki ng impresyon na pagbibigyan mo ang kanilang mga imoral na hangarin.
Ang pananatiling may propesyonal na tindig ay maaari ring sumira ng loob ng isang di-nararapat na magbigay sa iyo ng atensiyon. Gayundin, ang Bibliya ay nagpapayo sa mga babae na “magsigayak ng maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip.” (1 Timoteo 2:9; ihambing ang Kawikaan 7:10.) Ang sabi ng aklat na Sexual Harassment on the Job: “Pumupukaw ng pita na mga damit—na nagbibilad halos ng dibdib; sundresses; maiikling-maiikling mga palda; at katakut-takot na nagkikintabang makeup—ito ay hindi dapat gamitin sa lugar ng trabaho. . . Ang iyong mga pagkakataon na kilalanin ka na isang propesyonal ay totoong napasusulong kung ikaw ay mananamit sa paraan na hindi nakatatawag-pansin.”
Sa wakas, ang isang maunawaing babae ay umiiwas sa mga situwasyong alanganin. Ang imbitasyon na makipag-inuman o magpaiwan sa trabaho pagkatapos ng oras ng pagtatrabaho nang wala namang nakikitang dahilan ay maaaring magsilbing isang patibong. (Ihambing ang 2 Samuel 13:1-14.) “Pantas ang isa na nakakita sa kasakunaan at nagkukubli,” ang sabi ng isang pantas na kawikaan.—Kawikaan 22:3.
Upang Mapigil ang Panliligalig
Kung sabagay, hindi makatotohanan na isiping maaari mong baguhin ang kaisipan ng lahat ng lalaki na kasama mo sa trabaho o baguhin kaya ang malaon nang kinagawiang mga kilos. (Ihambing ang Jeremias 13:23.) At hindi rin makatuwiran na manghinuha na lahat ng lalaking sa tingin mo’y labis na palakaibigan sa iyo ay may “mga matang lipos ng pangangalunya.” (2 Pedro 2:14) Kaya naman kung minsan ay angkop din na iwaksi ang pag-aalinlangan.
Subalit pagka may sinuman na nahahalata mong ibig na maging labis na pamilyar sa iyo, magpakatatag ka. Nang si Solomon ay gumawa ng di-nararapat na panliligaw sa isang dalaga, ang dalaga ay hindi nakinig. Siya’y tumugon sa gayong panliligaw sa pamamagitan ng pagpapahayag kay Solomon ng walang maliw na pag-ibig niya sa isang maralitang binatang pastol. Yamang tinanggihan niya ang pagsinta ni Solomon, kaniyang nasabi, “Ako’y isang kuta.”—Awit ni Solomon 8:10.
Magpakita ng ganiyan ding katatagan. Malimit na ang hangaring manligaw sa iyo ay agad mapangyayari mo na maunsiyami sa pamamagitan ng pagsasabing: “Pakisuyo naman, puwera hipo”; “Tawagin mo ako sa aking pangalan”; o, “Hindi ko gusto ang ganiyang klase ng pagbibiro.” Isang Kristiyanong babae ang hindi lamang miminsan na nagsasabi, “Itigil mo na!” Sa anumang paraan, liwanagin mo na ang iyong hindi ay nangangahulugan ng hindi! (Ihambing ang Mateo 5:37.) Ang isang mahina o malabong tugon ay baka lalong magpasigla sa isang manliligalig upang lalo pang magsikap na ligaligin ka.
Kung ikaw ay isang babaing may-asawa, makabubuti na isangguni mo sa iyong asawa ang iyong damdamin. Baka siya ay mayroong mga praktikal na ideya tungkol sa kung paano haharapin ang suliranin. Kung wari ngang ang pinakamagaling ay lumipat ka sa ibang trabaho, alalahanin ang pangako ng Diyos: “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwanan ni pababayaan ka man.”—Hebreo 13:5.
Ang Iyong Trabaho at ang Iyong Katapatan
Kaya bagama’t ang isang pinaka-hanapbuhay na trabaho ay malimit na kinakailangan, kung minsan ay baka nagbibigay ito ng panganib sa iyong katapatan bilang isang Kristiyano. Kaya naman ang mga salita ni Jesus sa Mateo 10:16 ay angkop: “Patunayan ninyong kayo’y maingat na gaya ng mga ahas ngunit walang malay na gaya ng mga kalapati.”
Ang pananatili sa katapatan bilang Kristiyano sa lugar ng trabaho ay hindi madali, ngunit magagawa. Libu-libong mga babaing Saksi ni Jehova ang gumagawa nito sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya. Sila’y nananatiling malakas sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, panalangin, mga pulong Kristiyano, gawaing pangangaral ng Kaharian, at iba pang maka-Diyos na mga gawain. Kaya naman, kanilang tinatamasa ang isang bagay na hindi naibibigay ng salaping suweldo. Ito’y ang pagkaalam na sumasa-kanila ang pagsang-ayon ni Jehova, ang Isa na ang Salita’y nangangako: “Siyang lumalakad sa katapatan ay lalakad nang matiwasay.”—Kawikaan 10:9.
[Talababa]
a Dito’y tumutukoy sa isang babaing pumapasok sa trabaho. Kung sa bagay, ang mga ginang ng tahanan, mga ina, at mga iba pang babae ay nagtatrabaho rin.
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa Pananatiling Tapat sa Lugar ng Trabaho:
Mag-ingat ka tungkol sa sosyal na pakikihalubilo sa mga kamanggagawa
Hayaang makilala na ikaw ay may matataas na pamantayang asal
Manamit ka nang mahinhin