Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Pagpupulong ng mga Katoliko at Marxista
Sa Budapest, Hungary, noong Oktubre 1986, 15 mga teologong Katoliko at mga pilosopo ang nakipagpulong sa 15 mga Marxistang intelektuwal. Ang pulong ay ginanap ng Vatican Secretariat for Unbelievers at ng Hungarian Academy of Science upang talakayin ang ebolusyon ng mga pamantayang moral.
Kabilang sa mga Katolikong naroon ay si Cardinal Poupard ng Pransiya, chairman ng Secretariat for Unbelievers, at si Cardinal Koenig ng Austria, isang espesyalista sa relasyon ng Iglesya Katolika at ng mga bansang komunista. Sa mga Marxista ay kabilang ang mga pangulo ng Hungarian Institute of Philosophy at ng Soviet Institute of Scientific Atheism.
Ganito ang ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde: “Ang mga intelektuwal na Marxista ay kumikilala sa bagay na sila’y nakaharap sa isang krisis ng mga pamantayang moral, na ang kalubhaan ay kanilang sinusukat sa pamamagitan ng dami ng mga pagpapatiwakal, ng paggamit ng mga droga, at ng alak. Sang-ayon sa delagasyong Katoliko, sa kanilang paghahanap ng lunas sila [ang mga Marxista] ay umaasa sa kooperasyon ng mga simbahang Kristiyano. Sa panig naman ng Romano [Katoliko], ang dalawahang layunin ay upang lalo pang unawain kung paanong ang tao at ang moral ay maibabagay sa isang lipunang Marxista at ‘suriin ang saligang moral para sa matatag na kapuwa pag-iral ng mga Kristiyano sa Silangang [komunistang] mga bansa at ng mga Marxista.’”
Ang tunay na lunas sa mga problema sa moral sa kasalukuyan ay wala sa mga komperensiya ng nagkakalaban-labang mga ideolohiya. Bagkus, ito’y darating pagka ang Kaharian ni Jehova sa kamay ng kaniyang Anak, si Jesus, ay kumilos na upang ibagsak ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, at ihalili rito ang isang bagong sanlibutan sa ilalim ng makalangit na Kahariang iyan.—Daniel 2:44; Apocalipsis 21:4, 5.
Tunay na Kalayaan?
“Liberation theology” (teolohiya ng kalayaan)—isang kilusan na sumasang-ayon sa paggamit ng karahasan bilang paraan ng “pagpapalaya sa mga dukha at naaapi,” lalung-lalo na sa Third World, ay nagiging lalong popular. Ito ang paksa na tinalakay sa Second International Assembly of the Ecumenical Association of Third World Theologians na ginanap sa Oaxtepec, Mexico, noong Disyembre 8-13, 1986. Bakit nga ba ang mga iskolar na ito ng relihiyon higit kailanman ay ngayon lalong disidido na marating ang kanilang mga tunguhin ng pagbabago sa lipunan?
Bagaman noong 1985 ang Vaticano ay nagpalabas ng isang instruksiyon na humahatol sa liberation theology, ang Instruction on Christian Freedom and Liberation na ipinalabas noong 1986 ay nagsabi na “lubos na matuwid naman na iyong mga dumaranas ng pang-aapi ng mayayaman o malalakas sa pulitika ay gumawa ng aksiyon.” “Ang armadong paglaban” ay aprobado na ngayon bilang isang “ultimong hakbang.”
Subalit, noong si Jesu-Kristo’y narito sa lupa, siya ba’y sumangkot sa mga kilusang panlipunan ng daigdig? Hindi, bagkus pa nga, nang hawakan ni apostol Pedro “ang tabak” upang ipagtanggol ang Anak ng Diyos, siya’y sinaway ni Jesus na ang sabi: “Isauli mo ang iyong tabak sa lalagyan, sapagkat lahat ng naghahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay.” (Mateo 26:52) Nangangako ang Bibliya na ang tunay na kalayaan ay darating sa pamamagitan ng pagkilos ng Diyos pagka kaniyang winalis sa daigdig ang karalitaan, pag-aaway-away ng mga bansa, pagtatangi-tangi ng lahi, at pang-aapi, at kasali na rin dito ang pagluha, sakit, kalungkutan, at kamatayan. (Apocalipsis 21:4) Oo, ito ang tunay na kalayaan!
Tinanggihan ang Bautismo ng mga Bata
Isang ministrong Protestanteng Aleman na taga-Frankfurt ang kamakailan nagpabatid sa mga awtoridad ng simbahan na magmula sa pagkakataong iyon ay kaniyang tatanggihan “ang pagbautismo sa walang malay na mga bata sa kaniyang parokya.” Ipinaliwanag niya kung bakit ang kaniyang sariling bautismo nang siya’y isang sanggol ay hindi karapat-dapat sa ngalang bautismo, at ganito ang sabi ng 58-anyos na si Klaus Hoffmann: “Ito’y hindi tumupad sa patiunang kahilingan ng isang bautismong naaayon sa Bibliya, samakatuwid nga’y pananampalataya, at wala rin ito ng tamang simbolo, samakatuwid nga ay ang paglulubog.” Bilang pagsuhay sa kaniyang paniwala, minabuti niya na muling pabautismo at sa gayo’y “sumailalim siya ng bautismong paglulubog na naaayon sa Bibliya,” ang pag-uulat ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung.
Sa primero, si Hoffmann ay sinuspende ng mga opisyales ng simbahan sa lahat ng mga tungkulin niya, subalit ang hatol ay pinagaang at naging “pag-alis ng may tatlong buwan para magsaliksik.” Ano ba ang mga resulta? Ayon sa ulat ng pahayagan ang kaniyang higit pang pananaliksik sa bagay na iyan ay lalo lamang nagpatunay “na sa Bibliya ay walang sumusuhay sa bautismo ng sanggol. At, ang mga isinulat ng mga unang Kristiyano ay tahimik tungkol sa pagpapasok ng gawaing ito hanggang noong ikatlong siglo.”
Hindi nga kataka-taka, ang tradisyon ang binabanggit ng mga awtoridad sa relihiyon bilang saligan ng pagbabautismo nila ng mga bata. Gayunman, sa kabila ng mga katotohanang ito, ang pagbabautismo sa mga sanggol ay patuloy na isinasagawa pa rin sa kalakhang bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Dahil ba sa suportado ito ng mga klerigo ay matuwid na nga ito? Ang tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ay magbautismo, hindi ng mga sanggol, kundi ng mga mananampalataya na tinuruan na sumunod sa lahat ng kaniyang mga utos. Siya mismo ay hindi isang sanggol kundi “mga tatlumpung taóng gulang” nang siya’y ilubog sa tubig ng Ilog Jordan.—Lucas 3:21-23; Mateo 28:19, 20.