Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 8/15 p. 15-20
  • Mga Kabataan—Kayo ba’y Maunlad sa Espirituwal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataan—Kayo ba’y Maunlad sa Espirituwal?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinatutunayan ng Bautismo
  • Pinatutunayan ng Asal
  • Pinatutunayan ng Pag-aaral ng Bibliya
  • Ipinakikita sa mga Pulong at sa Paglilingkod
  • Sa Pamamagitan ng mga Kaugnayan sa mga Nakatatanda
  • Ang Bahagi ng mga Magulang at ng mga Iba Pa
  • Mga Kabataan—Ano ang Gagawin Ninyo sa Inyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Maging Progresibo sa Inyong Ministeryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1986
  • Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Mga Kabataan—Ano ang Inyong Itinataguyod?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 8/15 p. 15-20

Mga Kabataan​—Kayo ba’y Maunlad sa Espirituwal?

“Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”​—1 TIMOTEO 4:15.

1, 2. Ano ang ibig sabihin, at ang hindi ibig sabihin, ng pagiging maunlad sa espirituwal?

ANO ba ang ibig sabihin ng maging maunlad sa espirituwal? Ang ibig sabihin ay ang pagiging katulad ng kabataang si Jesus at si Timoteo, na ang inuna sa kanilang buhay ay mga espirituwal na kapakanan. Kung ikaw ay maunlad sa espirituwal, malalaman mo kung ano ang ibig mong gawin sa iyong buhay. Hindi ka magsasabi: ‘Ako’y magsisimulang mag-isip ng seryoso tungkol sa paglilingkod kay Jehova pagka ako’y nagkaedad-edad na.’ Hindi, ikaw ay maglilingkod sa kaniya ngayon!

2 Sa kabilang dako, ang pagiging maunlad sa espirituwal ay hindi ibig sabihin ang pagtulad sa isang monghe, pangangalandakan ng relihiyon, o kaya’y ang pagiging malabis sa pagkahilig sa pagbabasa; hindi rin ito nangangahulugan ng pagiging malungkutin, pormal, at hindi kailanman dumadalo sa mga sosyal na mga pagtitipon. (Juan 2:1-10) Si Jehova ay isang maligayang Diyos, at ibig niya na ang kaniyang makalupang mga anak ay maging maligaya. Kaya ang katamtamang paglahok sa sports o mga laro at iba pang mga libangan ay sinasang-ayunan naman ng Diyos.​—1 Timoteo 1:11; 4:8.

Pinatutunayan ng Bautismo

3. Kailan malamang na nabautismuhan si Timoteo?

3 Ang paghahanda para sa bautismo at pagpapabautismo ay mga katunayan na ang isang kabataan ay maunlad sa espirituwal. Kung, gaya ng binanggit na, si Timoteo’y isa pa ring tin-edyer nang siya’y makasama ni apostol Pablo sa pagmimisyonero, si Timoteo ay malamang na nabautismuhan nang siya’y nasa kalagitnaan o pagsisimula ng pagkatin-edyer. Siya’y tinuruan sa Kasulatan sapol sa pagkasanggol, at nang siya’y masangkapan na ng sapat na kaalaman at pagpapahalaga, siya’y hindi nag-atubili na pabautismo.​—2 Timoteo 3:15.

4. Ano ang itinanong kay Felipe, at bagaman noo’y hindi pa natatagalang nakikilala ng nagtanong si Kristo, bakit pinagbigyan ni Felipe ang kaniyang kahilingan?

4 Kumusta naman kayo na mga tin-edyer na naturuan sa Kasulatan? Inyo bang pinag-isipan ang tanong na: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” Noong unang siglo, iyan ay itinanong ng isang tao na malaki ang kaalaman sa Kasulatan subalit noo’y hindi pa natatagalang nakikilala niya si Kristo. Totoo, hindi alam ng taong iyon ang lahat na kailangang malaman tungkol sa mga layunin ng Diyos, gayunman ay pinakilos siya ng matinding pagpapahalaga sa kaalaman na taglay niya noon! Kung gayon, ang alagad na si Felipe ay walang matuwid na dahilan na hindi siya bautismuhan.​—Gawa 8:26-39.

5. Ano ang kailangan upang ikaw ay mabautismuhan?

5 Ano ba ang humahadlang sa iyo sa pagpapabautismo? Upang maging kuwalipikado, sabihin pa, kailangan na naiintindihan mo ang nasasangkot. Talagang kailangan na ibig mong maglingkod kay Jehova dahil sa iniibig mo siya. Kailangan din na gumawa ka ng isang personal na pag-aalay sa kaniya kasabay ng panalangin. Isa pa, kailangan na sumusunod ka sa moral na mga kahilingan ng Diyos at may sapat na karanasan na sa pamamahagi sa iba ng iyong pananampalataya. Kung ikaw ay kuwalipikado na, kailangan na masubaybayan mo iyon at pabautismo ka.​—Mateo 28:19, 20; Gawa 2:38.

6. Sa ano maihahambing ang bautismo, at pagkatapos ay ano ang kailangan?

6 Bagaman ang pagpapabautismo ay katunayan na ikaw ay maunlad sa espirituwal, tandaan na ang bautismo ay isa lamang panimulang hakbang. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili kay Jehova, ikaw ay nagiging isang tagaibang-bayan sa matandang sanlibutang ito na pinaghaharian ni Satanas. Samakatuwid ang pag-aalay ay maihahambing sa pag-aaplay para sa buhay na walang-hanggan sa bagong sistema ng Diyos, at ang pormal na seremonya ng bautismo ay, sa katunayan, isang demonstrasyon sa harap ng mga saksi na nagpapatunay nito. (Juan 12:31; Hebreo 11:13) Pagkatapos ay kailangang mamuhay ka ayon sa iyong pag-aalay upang tanggapin mo ang kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan.​—Roma 6:23.

Pinatutunayan ng Asal

7. Ano ang kaugnayan ng iyong saloobin sa mga bagay ng sanlibutan at ng iyong espirituwal na kaunlaran?

7 Ang pagiging maunlad o hindi maunlad sa espirituwal ay pinatutunayan din ng iyong saloobin tungkol sa mga bagay ng sanlibutan. Anong mga bagay? Kasali na roon ang isang istilo ng buhay na libreng-libre, pagkasugapa sa droga, libre sa sekso, imoral na mga sine, mahahalay na musika, masasagwang pananalita, malibog na pagsasayaw, pagmamataas dahil sa lahi at bansa, at iba pa. (1 Juan 2:16; Efeso 5:3-5) Ang kabataan, lalo na, ang kailangang maging mapagbantay. Tandaan, ang iyong ginagawi tungkol sa ganiyang mga bagay ang magpapakilala ng kalagayan ng iyong espirituwal na kalusugan.​—Kawikaan 20:11.

8. Bakit ang mga ibang kabataan ay nag-aatubiling pabautismo?

8 Pinapangyayari ni Satanas na ang imoral na mga lakad ng sanlibutan ay magtinging lubhang kaakit-akit. Sa katunayan, isang 15-anyos ang nagsabi: “Mientras napapanood natin ang pagbibilad ng sekso at pagkasugapa sa mga droga sa TV, lalo namang nagiging normal iyon sa lipunan.” Ipinadarama sa mga kabataan na hindi nakikisali sa mga lakad ng sanlibutan na sila’y mga kakatwa at na pinalalampas nila ang pagkakataon na lumigaya. Ganiyan ba ang iyong nadarama? Ang ibang kaugnay sa kongregasyon ay nakadarama ng ganiyan, at sila’y hindi makapagpasiya. Nang tanungin tungkol sa pagpapabautismo, isang kabataan ang nagsabi: ‘Hindi ko ibig iyan ngayon sapagkat baka ako makagawa ng isang bagay na maging dahilan ng pagkatiwalag ko.’ Datapuwat ikaw ay hindi maaaring lumagay sa alanganin o mag-urong-sulong sa dalawang magkaibang opinyon. Ang propeta ng Diyos ay nagsabi minsan: “Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sundin ninyo siya; ngunit kung si Baal, sundin ninyo siya.”​—1 Hari 18:21.

9. Anong proteksiyon ang natatamo dahil sa pagiging maunlad sa espirituwal?

9 Ang totoo, sa pag-iwas sa imoral na mga lakad ng sanlibutan, ang nawawala sa iyo ay katakut-takot na mga suliranin. “Ako’y nakadama ng malaking pagbabago at matinding pagsisisi dahil sa pamumuhay ko noon,” ang pagtatapat ng isang babae. “Naging murang-mura ako at dinaya ko ang aking sarili at ang sanggol na aking ipinaglihi.” Oo, ang akala mo na kaningningan at kislap ng sanlibutan ng Diyablo ay isa lamang palang guniguni, isang pandaraya. Ito’y walang anumang kabuluhan. Ang paglakad sa daan ng sanlibutan ay hahantong sa pag-aanak sa pagkadalaga, sa watak-watak na mga tahanan, sa mga sakit na likha ng pagtatalik, at napakaraming kabiguan at kaabahan sa buhay. Kaya pakinggan ang payo, maging maunlad sa espirituwal. “Lumayo ka sa masama at gawin mo ang mabuti.”​—1 Pedro 3:11.

10. Anong payo at kaninong mga halimbawa ang susundin ng isang kabataan na maunlad sa espirituwal?

10 Ang isang maunlad sa espirituwal na kabataan ay makikinig sa payo ni apostol Pablo: “Magpakasanggol kayo sa kasamaan; gayunma’y sa kapangyarihang umunawa ay magpakatao kayong lubos.” (1 Corinto 14:20) Ang kabataang si Timoteo ay tunay na nagkapit ng payong ito. Maguguniguni mo ba siya na nakikipagbarkada sa mahahalay, makasanlibutang mga kabataan noong kaniyang kaarawan? Hinding-hindi! Ang kaniyang mga kasama ay mga kapuwa lingkod ng Diyos. (Kawikaan 13:20) Tularan ang kaniyang halimbawa. Sakaling ikaw ay halos mahuhulog na sa paggawa ng anumang kuwestiyunableng gawain, tanungin ang iyong sarili: Ito kaya’y gagawin ni Timoteo o ni Jesus?

Pinatutunayan ng Pag-aaral ng Bibliya

11. Anong pangitain ang wala ang kabataan ng sanlibutan, at paano ito natatamo at napananatili?

11 Isang artikulo buhat sa Italya at inilathala sa World Press Review ang nagsasabi: “Ang kahibangan at kawalang pag-asa ng mga kabataan ay lumulubha sa araw-araw, at walang sinuman na makapaghahandog sa kanila ng isang kasiya-siyang kinabukasan.” Ang binulag na mga mata ng mga nasa sanlibutan ni Satanas ay walang pangitain ng ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos at ng maningning na kinabukasan na naghihintay sa mga magiging kuwalipikado na magtamo ng buhay doon. (2 Corinto 4:4; Kawikaan 29:18; 2 Pedro 3:13) Subalit ang maunlad sa espirituwal na mga kabataan ay mayroong gayong pangitain na napananatiling maliwanag at malinaw sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya.

12. (a) Paano natin dapat pagsumikapang kamtin ang kaalaman sa Diyos? (b) Bakit ang kaalamang ito ay sulit sa ating pagpapagal?

12 Ang bagong sanlibutan ba ng Diyos ay tunay sa iyo? Maaaring magkagayon, subalit upang makamit iyon ay kailangan ng tunay na pagsusumikap sa ganang iyo. Kailangang paunlarin mo ang isang matalas na panlasa para sa pag-unawa sa Bibliya na anupa’t “iyong patuloy na hinahanap ito na gaya ng pilak, at gaya ng natatagong kayamanan ay patuloy na nagsasaliksik ka para matamo ito.” (Kawikaan 2:1-6) Ano’t ang isang naghahanap ng kayamanan ay patuloy na naghahanap at naghuhukay, kung minsan ay sa loob ng maraming taon? Siya ay may maalab na hangarin na makamit ang kayamanan na idudulot sa kaniya niyaon. Gayunman ang kaalaman ay makapupung higit kaysa materyal na kayamanan. “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung talagang naniniwala ka sa sinabi noon ni Jesus, ang pag-aaral sa Bibliya ay lubhang pananabikan mo at magdudulot sa iyo ng kagantihan na lalong mahalaga kaysa mahalagang mga hiyas.​—Kawikaan 3:13-18.

13. Anong mga mungkahi sa pag-aaral ang susundin ng maunlad sa espirituwal na mga kabataan?

13 Matutuklasan mo na mientras ikaw ay nag-aaral, lalo namang magkakagana ka sa espirituwal na pagkain. Matuto ka ng mabubuting pamamaraan ng pag-aaral. Ang gagawin mo’y hindi lamang ang pagsasalangguhit sa mga sagot, kundi basahin mo pa rin ang mga teksto sa Bibliya na hindi sinipi kundi binanggit lamang, at pagkatapos ay magpatuloy ka ng pagbabasa ng kaugnay na mga teksto sa tulong ng cross-references. Makagagawa ka rin ng karagdagang pananaliksik na ang ginagamit ay mga indese, tulad baga ng Watch Tower Publications Index 1930-1985. Pag-aralan mo kung paano kumakapit ang materyal at kung paano magagamit ito. Makipag-usap ka sa iba tungkol sa iyong pinag-aaralan. Ito’y magkikintal ng mga punto sa iyong isip at magsisilbing pampatibay-loob sa iba upang magsaliksik din. Sa talagang pagkakapit niyaon sa iyong sarili, pinakikinggan mo ang payo na ibinigay sa kabataang si Timoteo: “Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”​—1 Timoteo 4:15; 2 Timoteo 2:15.

Ipinakikita sa mga Pulong at sa Paglilingkod

14. Ano ang tumutulong upang ang mga pulong Kristiyano ay maging lalong kalugud-lugod, at paano mo mapatitibay-loob ang iba samantalang dumadalo?

14 Pagka ikaw ay nasisiyahan sa pag-aaral ng Bibliya at naghandang mainam, ang mga pulong Kristiyano ay nagiging lalong kalugud-lugod. (Awit 122:1; Hebreo 2:12) Ngayon inaasam-asam mo na higit pang makasali sa pakikibahagi ng mga tagapakinig at sa pagbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Subalit sa pagdalo sa mga pulong, mayroon pang mga ibang paraan upang tupdin ang tagubilin na ‘kayo’y mapalakas-loob sa isa’t isa’ at “mag-udyukan sa pag-iibigan at sa mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Halimbawa, ikaw ba ay nagkukusa ng pakikipag-usap sa iba? Isang palakaibigang, “Kumusta po, ako’y nagagalak na makita kayo!” o isang taimtim na pagtatanong, “Ano po ang pakiramdam ninyo?” ay maaaring lubhang nakapagpapasigla sa isa, lalo na kung iyon ay nanggagaling sa isang kabataan.

15. Paano mo maihahandog ang iyong sarili para sa kinakailangang mga paglilingkod, at bakit mabuti na laging isaisip ang halimbawa ni Kristo?

15 Isang malaking trabaho ang magpaandar ng isang kongregasyon. Puwede ka bang tumulong? Malamang, ang kabataang si Timoteo ay gumawa ng maraming nakatutulong na mga paglilingkod kay Pablo​—siya’y inutusan kung saan-saan, namili siya ng mga panustos, naghatid ng mga mensahe, at iba pa. Kung hindi ka pa nagkakaroon ng gayong pagkakataon, bakit hindi mo banggitin sa matatanda ang pananabik mo na makatulong. Baka hilingin sa iyo na ipamahagi mo ang mga atas sa pulong, maglinis ka sa bulwagan, o gumawa ng iba pang kinakailangang paglilingkod. Tandaan, hinugasan ni Kristo ang mga paa ng kaniyang mga alagad, kaya’t walang trabaho na alangan sa sinuman na maunlad sa espirituwal.​—Juan 13:4, 5.

16. Anong aktibidad ang kinilala ng isang peryodikong Katoliko bilang isang pananagutang Kristiyano?

16 Kung pinagmamasdan natin ang mga ibang relihiyon, tunay na maipagpapasalamat natin ang pagsasanay na tinatanggap natin sa ating mga pulong para sa pinakamahalagang gawaing pangangaral. Sa kaniyang isinulat sa U.S. Catholic noong nakaraang Setyembre, sinabi ni Kenneth Guentert: “Ako’y lumaki noong mga kaarawan na ang mga Katoliko’y binabawalan na magbasa ng Bibliya dahil sa nagkakaroon sila ng kakatwang mga ideya​—tulad baga ng pag-aakala na ang mga Kristiyano’y dapat tumuktok sa bahay-bahay upang mangumberte ng mga tao. Pagkatapos ay dumating naman ang Vatican II, at ako’y nagsimulang magbasa ng Bibliya. At talaga naman; ang palagay ko ngayon ay na dapat maglibot ang mga Kristiyano at tumuktok sa mga pintuan upang mangumberte ng mga tao.” Isinusog pa niya: “Alam ninyo, hindi sa bagay na gusto ko ang ideyang iyan; kundi dahil sa pagka binasa mo ang Bagong Tipan, halos imposible na maiwasan ang ganitong konklusyon.”​—Mateo 10:11-13; Lucas 10:1-6; Gawa 20:20, 21.

17. Paanong ang ministeryo ay magiging lalong kalugud-lugod para sa iyo?

17 Oo, ang mga sinaunang Kristiyano ay aktibo sa pangangaral sa bahay-bahay, at maliwanag na ang mga kabataan na katulad ni Timoteo ay kalahok din sa ministeryo kasama ng mga nakatatanda. Subalit, aaminin natin na, para sa mga iba sa ngayon ito’y hindi siyang pinakakasiya-siyang gawain. Bakit hindi? Ang kasanayan ay isang salik. Halimbawa, kung mahusay ka sa isang laro o sa isang sport, hindi baga lalong higit na nasisiyahan ka roon? Ganoon din kung tungkol sa ministeryo. Habang ikaw ay nagiging lalong sanay sa paggamit ng Bibliya at sa pagtalakay sa mga paksa ng Bibliya, ang ministeryo ay magdudulot ng kaluguran, lalo na kung makasumpong ka ng isang tao na maaari mong bahaginan ng kaalamang nagbibigay-buhay. Kaya’t maging maunlad sa espirituwal! Magsanay ka sa iyong presentasyon sa bahay-bahay. Kumuha ka sa iba ng mga mungkahi. Manalangin ka kay Jehova na tulungan ka.​—Lucas 11:13.

Sa Pamamagitan ng mga Kaugnayan sa mga Nakatatanda

18. Anong uri ng mga kaugnayan ang tinamasa ni Jesus at ni Timoteo sa pakikisalamuha sa mga nakatatanda?

18 Nang siya’y isa lamang bata na 12 anyos, si Jesus ay naligayahan ng pakikisalamuha sa mga nakatatanda, na tumalakay ng espirituwal na mga bagay. Minsan “nasumpungan siya sa templo [ng kaniyang mga magulang], na kung saan nakaupo siya sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:46) Ganoon din kung tungkol kay Timoteo. Nang si apostol Pablo at ang kaniyang mga kasama’y dumalaw sa Listra, maliwanag na si Timoteo’y naligayahan ng pakikisalamuha sa kanila at nakinig na mabuti sa kanilang mga turo. Mahusay ang pakikitungo niya sa lokal na mga kapatid na maganda ang rekomendasyon tungkol sa kaniya.​—Gawa 16:1-3.

19. Bakit lalong higit na gusto ni Pablo si Timoteo bilang isang kasama sa paglalakbay, at paanong isang malaking tulong si Timoteo?

19 Bagama’t si Timoteo ay kusang nagsagawa ng pisikal na mga serbisyo para sa iba, siya’y pinili ni Pablo bilang isang kasama sa paglalakbay lalong higit dahil sa kaniyang kakayahan na maglingkod sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao. Kaya naman, nang isang pangkat ng mang-uumog ang nagtaboy kay Pablo upang lumisan sa Tesalonica, kaniyang isinugo ang kabataang si Timoteo upang kaniyang aliwin at palakasin ang mga bagong alagad. Samakatuwid si Timoteo ay hindi lamang sabik na matuto sa mga nakatatanda at nasisiyahan siya sa kaniyang pakikisalamuha sa kanila; siya’y nagbibigay rin sa kanila ng tunay na tulong sa espirituwal.​—Gawa 17:1-10; 1 Tesalonica 3:1-3.

20. Ano ang may karunungang gagawin mo, at anong paglilingkod ang magagawa mo para sa matatanda na?

20 Ikaw ay magiging marunong kung tutularan mo si Jesus at si Timoteo at ikaw ay handang makinabang buhat sa karanasan at kaalaman ng mga nakatatanda. Makisalamuha ka sa kanila at tanungin sila ng mga katanungan. Subalit ipakita mo rin ang iyong kaunlaran sa espirituwal sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila. Mayroon bagang mga matatanda na o mga masasakitin na nagpapasalamat kung sila’y ipamímilí mo o gagawan mo sila ng iba pang kailangang mga paglilingkod? Baka ang kailangan lamang ay dalawin mo sila, basahan mo sila, at kuwentuhan mo ng iyong mga karanasan sa ministeryo.

Ang Bahagi ng mga Magulang at ng mga Iba Pa

21. Gaanong kahalaga ang mga magulang sa bahaging ginagampanan nila, at ano ang hindi kalabisang sabihin?

21 Ang espirituwal na kalusugan ng mga kabataan ay nakasalalay ang malaking bahagi sa turo at halimbawa na tinatanggap nila sa kanilang mga magulang. (Kawikaan 22:6) Tiyak na si Jesus ay nakinabang sa pag-akay na ginawa sa kaniya ng kaniyang makalupang mga magulang na may takot sa Diyos. (Lucas 2:51, 52) At tunay naman na si Timoteo’y hindi naging ang maunlad sa espirituwal na kabataan kung hindi sa pagsasanay na ginawa sa kaniya ng kaniyang ina at lola. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Ang kahalagahan ng regular na pagtuturo ng Bibliya ay hindi isang kalabisan na sabihin! Bilang mga magulang, naglalaan ba kayo nito? O ito ba’y napapabayaan?

22. (a) Pagka itinuring ng mga magulang na mahalaga ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, paano apektado ang mga anak? (b) Sa anong tunguhin dapat akayin ng mga magulang ang kanilang mga anak?

22 Isang lalaking kabataan sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang nagpapaliwanag na sa loob ng mga taon na siya’y lumalaki, ang hindi nababagong bahagi ng kanilang buhay pampamilya ay ang lingguhang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga anak. “Kung minsan si Itay ay totoong pagod na pagod pagkagaling sa trabaho na anupa’t nahihirapan siyang manatiling gising, subalit sa kabila niyaon ay ipinagpapatuloy ang pag-aaral, at ito ang tumulong sa amin na makilala ang totoong kahalagahan nito.” Mga magulang, malamang na ang inyong mga anak ay hindi lubhang magpapahalaga sa espirituwal na mga bagay kung kayo’y hindi nagpapahalaga roon. Kaya akayin sila sa tunguhin na pagpapayunir at sa pagmimisyonero at sa paglilingkod sa Bethel. Tulungan sila na pahalagahan ang bagay na ang ministeryo ay isang karera na may kinabukasan at na walang tunay na kinabukasan sa makasanlibutang mga karera.​—Ihambing ang 1 Samuel 1:26-28.

23. Paanong ang mga iba na nasa kongregasyon ay makatutulong sa kabataan upang maging maunlad sa espirituwal?

23 Ang iba, rin naman, ay makatutulong sa mga kabataan upang maging maunlad sa espirituwal. Maaaring maging tunguhin mo ang makipag-usap sa kanila sa mga pulong. At, sikaping isali sila sa ilan sa iyong mga aktibidades. Sa kapahintulutan ng magulang, maaaring magsaayos ang isang matanda na isama ang isang kabataan kung siya’y naatasang magpahayag o isali siya sa pamamasyal o ekskursiyon. (Job 31:16-18) Ang waring isang munting bagay ay maaaring magdulot ng malaking kabutihan. Isang naglalakbay na tagapangasiwa, nang mapansin niya na isang batang lalaki na nakikinig sa kaniyang pahayag ay walang Bibliya, ang pagkatapos ay nagregalo sa batang iyon ng isang Bibliya. Ang bata ay natuwang mainam hindi lamang dahil sa regalo kundi rin naman sa ipinakitang interes sa kaniya. Nang makalipas ang 30 taon, nang ang batang iyon ay isa nang elder, nagugunita pa niya nang may pagmamahal ang ipinakita sa kaniya ng kapatid na iyon na kagandahang loob.

24. Ano ang totoong nakagagalak matalos, at ano ang dapat na determinado tayong gawin?

24 Hindi baga totoong nakagagalak na matalos na mayroong daan-daang libong “mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog” na naghahayag ng nakarirepreskong mensahe ng Kaharian at na mayroong humigit-kumulang isang katumbas na bilang ng mga kabataang babae na bumubuo ng ‘isang malaking hukbo na naghahayag ng mabuting balita’? Harinawang silang lahat ay magsumikap na maging maunlad sa espirituwal, at harinawang tayong lahat ay tumulong sa kanila para matamo iyan.​—Awit 110:3; 68:11.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Ano ang makatutulong sa isang kabataan na magpasiya kung kailan siya pababautismo?

◻ Paanong ang asal ng isang kabataan ay isang panukat sa kaniyang maunlad na espirituwalidad?

◻ Ano ang makatutulong sa mga kabataan na masiyahan sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan?

◻ Anong relasyon ang dapat paunlarin ng mga kabataan sa kanilang pakikitungo sa mga nakatatanda?

◻ Paano matutulungan ng mga magulang at ng mga nakatatanda ang mga kabataan?

[Larawan sa pahina 16]

Ano ang humahadlang sa iyo sa bautismo?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share