Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 8/1 p. 10-14
  • Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iyong Sariling Pananampalataya
  • Magtamo ng Kaalaman
  • Patuloy na Lumaki Sana ang Iyong Pagpapahalaga
  • Sumulong sa Paglilingkod sa Diyos
  • Gawin Mong Tunguhin ang Maglingkod sa Diyos Magpakailanman
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Mga Kabataan​—Patibayin ang Inyong Hangaring Maglingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Handa Na ba Akong Pabautismo?
    Gumising!—1990
  • Mga Kabataan, Piliin Ninyong Paglingkuran si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 8/1 p. 10-14

Maliligayang Kabataan sa Paglilingkod kay Jehova

“Kahit ang isang bata ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang mga kilos, kung baga ang kaniyang asal ay malinis at matuwid.”​—KAWIKAAN 20:11, New International Version.

1. Ano ang ilan sa mahahalagang bagay na sinasabi ng Bibliya tungkol kay Samuel?

ANG batang si Samuel ay posible na tatlo hanggang limang taóng gulang lamang nang siya’y magsimulang “maglingkod” sa tabernakulo ni Jehova sa Shiloh. Isa sa kaniyang gawain ay buksan “ang mga pinto ng bahay ni Jehova.” Sinasabi ng Bibliya na “si Samuel ay patuloy sa paglaki at nagiging kalugud-lugod sa paningin ni Jehova at sa paningin ng mga tao.” Nang siya’y lumaki na, ang Israel ay napanumbalik niya sa tunay na pagsamba. Siya’y naglingkod sa Diyos “lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Kahit na nang siya’y “matanda na at may uban na” kaniya pa ring ipinapayo sa mga tao na “matakot kay Jehova, at . . . maglingkod sa kaniya sa katotohanan.” Hindi baga kahanga-hanga kung ang ganitong mabubuting mga bagay ay masasabi ng mga tao tungkol sa iyo gaya ng sinasabi ng Bibliya tungkol kay Samuel?​—1 Samuel 1:24; 2:18, 26; 3:15; 7:2-4, 15; 12:2, 24.

2. Ano ba ang natututuhan ng mga bata sa mga pulong ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon?

2 Kung ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova o dumadalo ka sa kanilang mga pulong-Kristiyano, magmasid ka sa palibot ng Kingdom Hall na kung saan pinag-aaralan ang araling ito. Makikita mo ang mga tao na may sarisaring edad. Baka may mga tao na “matanda na at may uban na.” Mayroon din doon na mga magulang, mga kabataan, maliliit na mga bata, at maging mga sanggol na kalung-kalong. Ang pinakamaliliit ba ay natututo na? Oo, tanungin mo lamang yaong mga taong dinala sa gayong mga pagpupulong nang sila ay maliit pa. Kanilang sasabihin sa iyo nang may kataimtiman na sa kanilang maagang mga taon, sila’y natututo nang gumalang sa Diyos, umibig sa kaniyang mga lingkod, at pahalagahan ang mga dako na kung saan siya’y sinasamba. Habang lumilipas ang panahon, ang mga bata ay matututo ng kahanga-hangang mga katotohanan. Maraming kabataan, pagkatapos lumago sa kaalaman at sa pagpapahalaga, ay nagiging bahagi ng ‘mga binata at mga dalaga, matatandang lalaki at mga batang lalaki’ na hinihimok ng salmista na kanilang “purihin ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalan lamang ang sukdulan ang kataasan.”​—Awit 148:12, 13.

3. Papaanong ang mga kabataang may alam sa Bibliya ay iba ang pangmalas sa buhay kaysa roon sa mga walang alam?

3 Kung ikaw ay isang kabataan na may mga magulang na palagiang nagsasama sa iyo sa gayong mga pulong, ikaw ay lalong-higit na pinagpala. Maraming mga ibang kabataan ang nililigalig ng mga suliranin ng daigdig. May iba na nangangambang baka wasakin ng mga tao ang lupa. Batid mo na hindi naman papayagan ng Diyos na mangyari ang ganiyan, na hindi niya pahihintulutang patuloy na ipahamak ng mga tao ang magandang planetang ito. Imbis na payagang mangyari iyan, sang-ayon sa Bibliya, kaniyang “ipahahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” Alam mo na may pangako ang Bibliya na malapit na ang isang magandang kinabukasan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.​—Apocalipsis 11:18; Awit 37:29; 2 Pedro 3:13.

Ang Iyong Sariling Pananampalataya

4. Anong pananagutan ang iniatang sa mga kabataan na may kaalaman tungkol sa mga daan ng Diyos, at papaanong ang batang si Samuel ay isang mainam na halimbawa nito?

4 Sa simula, ang daan ng katotohanang Kristiyano ay maaaring siyang itinataguyod ng iyong mga magulang. Marahil ikaw ay dumadalo sa mga pulong-Kristiyano dahil sa ikaw ay isinasama nila, at ikaw ay maaaring nakikibahagi sa maka-Diyos na paglilingkuran dahil sa sila’y nakikibahagi. Gayunman, habang lumalakad ang panahon, ang paglilingkod at pagsunod kay Jehova ay maaaring maging iyong sariling kagalakan. Ang ina ng batang si Samuel ang sa simula’y umakay sa kaniya sa tamang daan, ngunit kinailangan na siya mismo ang lumakad doon. Ating mababasa: “Kahit ang isang bata ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang mga kilos, kung baga ang kaniyang asal ay malinis at matuwid.”​—Kawikaan 20:11, NIV.

5. (a) Ano ang malaking kahalagahan ng Bibliya? (b) Ano ang sinabi ni Pablo kay Timoteo tungkol sa kahalagahan ng nasusulat na Salita ng Diyos?

5 Sinasabi sa atin ng Kasulatan kung ano ang ibig ng Diyos sa atin. Malinaw na ipinakikita nito sa atin kung papaano mapalulugdan siya, nagbibigay ito ng maraming impormasyon na lubhang makabubuti sa atin. Sinabihan ni apostol Pablo ang kaniyang kabataang katulong na si Timoteo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

6. Ano ba ang sinasabi ng aklat ng Mga Kawikaan tungkol sa kahalagahan ng kaalaman at ng maka-Diyos na karunungan?

6 Ang Bibliya ay nagsasabi rin sa atin na tayo’y “makinig sa disiplina at magpakapantas.” Sinasabi nito na “pakaingatan” ang mga utos ng Diyos, “magtaas ng tinig sa paghingi ng unawa,” at “patuloy na hanapin” ang kaunawaan gaya ng paghanap mo sa mahalagang natatagong kayamanan. Kung susundin mo ang payong ito, kung magkagayo’y “mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.” Makikita rin natin ang ganitong payo: “At ngayon, Oh mga anak, dinggin ninyo ako; oo, maliligaya ang mga nag-iingat ng akin mismong mga daan. Makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas, at huwag kayong magpabaya. Maligaya ang tao na nakikinig sa akin . . . Sapagkat ang nakasusumpong sa akin ay tiyak na nakasusumpong ng buhay, at nagtatamo ng kabutihang-loob kay Jehova.” Ganiyan ba ang iyong pagpapahalaga sa Bibliya at ganiyan ang iyong pagpapagal upang matutuhan ang mga bagay na sinasabi niyaon?​—Kawikaan 2:1-5; 8:32-35.

Magtamo ng Kaalaman

7. Ano ang pinakamahalagang mga bagay na dapat nating matutuhan?

7 May mga kabataan na alam ang lahat ng estadistika tungkol sa isports, o kanilang masasabi sa iyo ang lahat tungkol sa kanilang paboritong grupo sa musika. Para sa kanila ang mga bagay na ito ay madaling matutuhan at matandaan dahil sa sila’y interesado sa mga ito. Ngunit ang pinakamahalagang tanong ay, Ano ba ang kanilang alam tungkol sa Diyos? Isip-isipin lamang ang kaniyang nagawa. Ang Diyos ang gumawa ng uniberso. Kaniyang inihula kung ano ang gagawin ng mga tao at ano ang mangyayari matagal pa bago maganap ang mga pangyayari. Ang Bibliya’y hindi lamang nagsasabi sa atin ng tungkol sa Diyos kundi ito’y nagtuturo sa atin kung papaano tayo makalulugod sa kaniya. Ipinakikita nito sa atin kung papaano tayo magkakaroon ng isang maligayang buhay ngayon at kung papaano tayo magtatamo ng buhay na walang-hanggan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Hindi baga iyan ay lalong higit na mahalaga kaysa pagkaalam ng kung sino ang nanalo sa isang laro ng bola o maalaman ang mga pangalan ng mga musikero na hindi nagtatagal at malilimutan ng mga tao?​—Isaias 42:5, 9; 46:9, 10; Amos 3:7.

8. Anong mabuting halimbawa ang ipinakita kapuwa ni Josias at ni Jesus?

8 Nang ang kabataang si Haring Josias ay 15 taon ang edad, siya’y “nagsimulang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno.” Nang si Jesus ay 12 taóng gulang, siya’y natagpuang “nakaupo sa gitna ng mga guro” sa templo ni Jehova, “nakikinig sa kanila at tinatanong sila.”a Ano man ang iyong edad, tulad ni Josias at ni Jesus, ikaw ba ay nakapagpaunlad ng tunay na interes sa pagkatuto tungkol sa mga bagay na ginawa na ng Diyos at gagawin pa?​—2 Cronica 34:3; Lucas 2:46.

9. (a) Ano ang problema ng maraming kabataan? (b) Ano ang lalong makapagpapadali sa pagbabasa at pag-aaral, at napatunayan mo na ba ito?

9 Gayunman, baka sabihin mo: ‘Ang pag-aaral ay mabigat na trabaho.’ Maraming tao, bata at matanda, ang hindi pa nakababasa nang sapat para maging madali ang pagbabasa para sa kanila. Mientras ikaw ay nagbabasa, lalong magiging madali ang pagbabasa. Mientras nag-aaral ka, lalong nagiging madali ang pagkatuto. Ang mga bagong ideya ay iniuugnay mo sa mga bagay na alam mo na, ginagawa nito na mas madaling maunawaan iyon at matandaan iyon.

10. (a) Papaano ka lalong makikinabang sa mga pulong-Kristiyano? (b) Ano ba ang iyong sariling karanasan sa bagay na ito?

10 Ano ang makatutulong sa iyo na matuto pa nang higit tungkol sa Diyos? Marahil ay maaari kang maging lalong regular sa pagdalo sa mga pulong-Kristiyano. Ikaw ba ay makapaghahanda nang patiuna at talagang makikibahagi? Halimbawa, ikaw ba ay kumukuha ng lalong malalim na kaalaman buhat sa araling ito sa pamamagitan ng paghanap at pagbasa sa mga teksto sa Kasulatan na binanggit lamang ngunit hindi sinipi? Ikaw ba ay sumulat ng isa o dalawang salita sa gilid ng pahina upang ipaalaala sa iyo kung ano ang idinaragdag sa parapo o sa aralin ng bawat isa sa mga tekstong ito? Nakaugalian mo ba na isali ang kahit isa lamang sa mga tekstong ito sa pagkukomento na nagpapakitang pinahahalagahan mo ang talakayan sa Kasulatan? Isang matanda (elder) sa kongregasyon na maraming taon nang regular na dumadalo sa mga pulong ang nagsabi: “Nahihirapan akong ipako ang aking isip sa isang aralin na hindi ko naman talagang naihanda, ngunit isang lubos na kagalakang sundan ang isa na aking napag-aralan nang lubus-lubusan.”

11. Papaano ka lalong makikinabang sa salig-sa-Bibliyang mga pahayag, at bakit ito lubhang mahalaga?

11 Pagka ikaw ay nakikinig sa mga pahayag sa Bibliya, ikaw ba’y kumukuha ng maiikling nota upang tumulong sa iyo na suriin kung papaano binubuo ang pahayag at upang ipako ang iyong isip sa mga bagay na sinasabi? Iyo bang inihahambing ang iyong napapakinggan sa mga bagay na alam mo na upang iyong lalong madaling maunawaan iyon at matandaan nang lalong higit? Si Jesus ay nanalangin: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Hindi baga ang kaalaman na umaakay patungo sa buhay ang pinakamagaling na kaalaman na posibleng makamit mo? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito: “Sapagkat si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging ligaya sa iyong kaluluwa, ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo.”​—Kawikaan 2:6, 10, 11.

Patuloy na Lumaki Sana ang Iyong Pagpapahalaga

12. Ano ang ilan sa mahahalagang mga bagay na nagawa na ng Diyos para sa atin?

12 Talaga bang pinahahalagahan natin ang nagawa na ng Diyos para sa atin? Siya’y lumalang ng isang magandang lupa at inihanda iyon para sa buhay. Siya ang lumalang sa ating unang mga magulang, kaya tayo naisilang. Kaniyang isinaayos na tayo’y suportahan ng mga pamilya at ng isang mapagmahal na kongregasyon. (Genesis 1:27, 28; Juan 13:35; Hebreo 10:25) Kaniyang sinugo sa lupa ang kaniyang sariling panganay na Anak upang tayo’y turuan nang higit pa tungkol sa Kaniyang sarili at upang ilaan ang pantubos na nagpapangyaring matamo ang buhay na walang-hanggan. Talaga bang pinahahalagahan mo ang gayong kahanga-hangang mga regalo? Ang mga ito ba’y nagpapakilos sa iyo na tanggapin ang kaniyang paanyaya na matuto tungkol sa kaniya at maglingkod sa kaniya?​—Mateo 20:28; Juan 1:18; Roma 5:21.

13. Bakit inaakala mong ang Diyos ay interesado sa mga tao?

13 Ang Maylikha ng uniberso ay interesado sa mga tao. Si Abraham ay kaniyang tinaguriang “aking kaibigan,” at kay Moises ay sinabi niya: “Kilala kita sa pangalan.” (Isaias 41:8; Exodo 33:12) Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na ang Diyos ay may isang makasagisag na aklat, o “balumbon ng aklat ng buhay,” na kinasusulatan ng mga pangalan ng kaniyang mga tapat na lingkod “buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” Ang iyong pangalan ay makasali kaya roon?​—Apocalipsis 3:5; 17:8; 2 Timoteo 2:19.

14. Papaanong ang pagsunod sa mga simulain ng Diyos ay magpapahusay sa iyong buhay?

14 Ang mga simulain ng Diyos ay gumagana. Ang paggawa sa mga bagay ayon sa kaniyang paraan ay nag-aalis ng maraming suliranin​—imoralidad, pagkasugapa sa droga, alkoholismo, pag-aanak sa pagka-dalaga, sakit sa babae, karahasan, pagpatay, at isang mahabang listahan ng iba pang mga karamdaman. Ang pagsunod sa kaniyang mga daan ay tutulong din sa iyo na masumpungan ang tunay na mga kaibigan at mamuhay ng isang lalong maligayang buhay. Hindi ba iyan ay sulit na gawin? (1 Corinto 6:9-11) Kahit ang isang kabataan na determinado nang gawin ang mga bagay ayon sa paraan ng Diyos ay makapagtatamo ng higit pang lakas na gawin ang matuwid. Sinasabi ng Bibliya: “Sa sinumang tapat [si Jehova] ay kikilos nang may katapatan.” Tinitiyak din sa atin nito na hindi niya “iiwanan ang mga tapat sa kaniya” ni “pababayaan ang kaniyang bayan.”​—Awit 18:25; 37:28; 94:14; Isaias 40:29-31.

Sumulong sa Paglilingkod sa Diyos

15. Anong maka-Diyos na payo ang ibinigay ni Solomon sa mga kabataan?

15 Ang iyo bang mga tunguhin ay nakasentro sa isang namamatay na matandang sanlibutan o sa matuwid na bagong sanlibutan? Ikaw ba ay nakikinig sa Diyos, o ikaw ay nakikinig sa makasanlibutang-marurunong na mga taong sumasalansang sa kaniya? Ang paglilibang ba, nakatataas na edukasyon, o isang kumukonsumo-ng-panahong makasanlibutang karera ang nauuna sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya? Ang marunong na si Haring Solomon ang sumulat ng buong aklat ng Bibliya na Eclesiastes upang ipakita kung ano ang dapat na unahin sa ating buhay. Ang kaniyang konklusyon: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, o sumapit ang mga taon na iyong sasabihin: ‘Wala akong kaluguran sa mga iyon.’ Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ika’y matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—Eclesiastes 12:1, 13.

16. Papaanong ang mga kabataan ay makapagsisikap para sa karagdagang mga pribilehiyo?

16 Lahat ng nakatatandang mga kapatid na lalaking Kristiyano na kilala mo​—ang matatanda, ang mga payunir, at ang inyong tagapangasiwa ng sirkito at distrito​—​ay naging mga bata rin. Ano ba ang umakay tungo sa pagkakamit nila ng mga pagpapala na kanilang tinatamasa ngayon? Sila’y umiibig sa Diyos at nagnanais na maglingkod sa kaniya. Marami sa kanila nang nasa kabataan ang nagsamantala sa ekstrang panahon na mayroon sila upang magtamo ng kaalaman at karanasan. Sila’y nag-aral at nakibahagi sa mga pulong. Sila’y nakibahagi sa pagtuturo at sila’y nagsumikap para sa karagdagang mga pribilehiyo​—pagpapayunir, paglilingkod sa Bethel, o iba pang kapaki-pakinabang na gawain. Sila’y hindi naman mga ‘super youths’ (pambihirang uri ng mga kabataan); sila’y may normal na mga hilig at mithiin na gaya ng taglay mo. Gayunman, kanilang ikinapit sa kanilang sarili ang payo: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao.”​—Colosas 3:23; ihambing ang Lucas 10:27; 2 Timoteo 2:15.

17. Ano ang makatutulong sa mga kabataan upang sumulong sa paglilingkuran sa Diyos?

17 Kumusta ka naman? Talaga bang pinahahalagahan mo ang maka-Diyos na mga bagay? Ang pinipili mo bang mga kaibigan ay yaong ang espirituwal na mga bagay ang inuuna? Iyo bang pinatitibay-loob ang iba upang makibahaging kasama mo sa gawaing-Kristiyano? Ikaw ba’y lumalabas sa paglilingkurang-Kristiyano kasama ng nakatatanda, higit na may karanasang mga tao upang matuto buhat sa kanila, upang malasap din ang kanilang kagalakan, at mapatibay-loob ng kanilang mabubuting gawa? Isang Saksi ang nakagugunita pa ng araw, halos 20 taon na ang lumipas, nang sa unang pagkakataon isang nakatatandang tao ang masiglang nag-anyaya sa kaniya na sumama sa ministeryo sa larangan. Ito, sabi niya, ay isang malaking pagbabago sa kaniyang buhay: “Sa unang pagkakataon ako ay lalabas dahilan sa gusto ko, hindi lamang dahilan sa isinasama ako ng aking mga magulang.”

18. Ano ang mga bagay-bagay na dapat pag-isipan bago ka magprisinta ng iyong sarili para sa bautismo?

18 Kung ikaw ay sumusulong sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ng Diyos, marahil ay hindi magtatagal at pag-iisipan mo ang tungkol sa bautismo. Mahalagang tandaan na ang bautismo ay hindi isang rituwal para sa paglipat sa pasimula ng pagka-adulto. Ito’y hindi nagpapakita na ikaw ay lumalaki, ni ito man ay isang bagay na dapat mong gawin dahilan sa ang iyong mga kaibigan ay gumawa na ng hakbang na ito. Bago humiling na ikaw ay bautismuhan, dapat na mayroon kang saligang kaalaman sa katotohanan at namumuhay ka na kasuwato ng Salita ng Diyos. Ikaw ay dapat na may sapat na karanasan sa pamamahagi sa iba ng kaalamang iyan at nauunawaan mo na ito ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Dapat na alam mo rin na pagkatapos na gumawa ng ganitong mahalagang hakbanging Kristiyano ikaw ay aasahang mamumuhay na kasuwato ng matuwid na mga simulain ng asal sa Bibliya.b Sa iyong puso, dapat na naialay mo na ang iyong buhay sa iyong maibiging makalangit na Ama.​—Ihambing ang Awit 40:8, 9.

19. Kailan dapat pabautismo ang isang tao?

19 Ang bautismo ay isang hakbang na ginagawa mo pagka ikaw ay tiyak na nagpasiyang anuman ang mangyari sa nalalabing bahagi ng iyong buhay, ikaw ay maglilingkod sa Diyos. Ito ay isang pangmadlang tanda na gumawa ka ng isang buo, walang pasubali, at walang kondisyon na pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na gawin ang kalooban ng Diyos. Isang elder na Kristiyano ang nakagugunita pa ng araw, halos limampung taon na ang lumipas, nang kaniyang matanto: “Ako ay kailangang kumilos tungkol dito!” Si Michelle, isang kabataang Saksi na nabautismuhan sa Newcastle, Inglatera, mga ilang taon na ngayon ang lumipas, ay nagsasabi: “Sa edad na 13 anyos, naunawaan ko na ako’y dapat mag-alay ng aking buhay at pabautismo; ako’y wala nang higit na mabuting gawin kundi ang maglingkod sa Diyos.”

20. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita na ng libu-libong kabataan? (b) Papaano dapat malasin ang hakbang na ito?

20 Libu-libong mga kabataan ang nabautismuhan na kamakailan. Sila’y nag-aral ng Salita ng Diyos at natuto ng kaniyang mga daan, at pagkatapos, sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, may kagalakang nakisama sila sa maraming nakatatandang mga tao sa pagsasagisag sa madla ng kanilang pag-aalay sa Diyos. Batid nila na ang bautismo ay hindi katapusan kundi pasimula lamang ng pagpasok sa tunay na inialay na paraan ng pamumuhay na desidido silang sundin sa paglilingkuran kay Jehova magpakailanman.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Mga Lingkod na Kabataan Noong Panahon ng Bibliya” sa pahina 4.

b Ito’y hindi nangangahulugan na ang pagsasabing ‘Ako’y hindi pa bautismado’ ay isang dahilan para sa paggawa ng mali. Sa oras na malaman natin kung ano ang kahilingan ng Diyos, maliwanag na tayo’y may pananagutan na sumunod sa kaniya.​—Santiago 4:17.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit ang kaalaman sa Salita ng Diyos ay lubhang mahalaga?

◻ Papaano ka higit pang makikinabang sa mga pulong Kristiyano?

◻ Anong mga pagpapala buhat sa Diyos ang dapat magpakilos sa atin na sumunod sa kaniya?

◻ Papaano ka makasusulong sa paglilingkuran sa Diyos?

◻ Kailan dapat pabautismo ang isa?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share