Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Katotohanan ng Bibliya ang Nagpapalaya Buhat sa Espiritismo
ANG pangmalas ni Jehova sa espiritismo ay mariin ang pagkapahayag sa Israel sa mga salitang ito: “Huwag kayong susunod sa pamahiin na paghahanap ng palatandaan ng mangyayari, at huwag kayong mamimihasa sa gawang madyik.” (Levitico 19:26) Subalit paanong ang isang kasangkot sa madyik at espiritismo ay mapalalaya buhat sa kapangyarihan ng mga demonyo? Sinabi ni Jesus: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ito’y natupad, gaya ng makikita sa sumusunod na karanasan ng isang Saksi sa Pransiya.
“Nang ako’y lumipat sa aking bagong tahanan, hindi pa nagtatagal nang sa-lalapit ang isang palakaibigang kapitbahay at nag-alok na babasahin ang aking horoskopyo. Kaagad na ipinasiya kong huwag siyang pakitunguhan bahagya man, na hindi biru-biro, sapagkat sa totoo’y napakahilig niya na makihalubilo sa iba.
“Noong Nobyembre 1980 ako ay nagkasakit, at narito na naman siya upang maghandog ng tulong. Natuto akong pahalagahan ang kaniyang kabaitan. Lalo siyang napalapit sa aking kalooban nang ipagtapat niya na kadalasan siya’y nagigising na parang nahihirinan dahil sa paghihinagpis. Natalos ko noon na siya’y hindi gaanong maligaya gaya ng aking akala. Ngunit paano nga ba haharapin ang problemang ito ng espiritismo? Nadama kong hindi na ako makapaghihintay, kaya ipinasiya kong kausapin siya tungkol sa katotohanan.
“Kami’y nagsimulang mag-usap tungkol sa mga problema sa pananalapi na karaniwang nararanasan ng mga babaing walang asawa. Nang magkagayo’y sinabi niya: ‘Mayroon akong solusyon diyan. Ako’y kumikita sa pamamagitan ng pagbasa ng mga baraha.’ Kaya’t inilabas ko ang aking Bibliya at ipinakita ko sa kaniya kung paano napakamapanganib na mapasangkot sa makapangyarihang masasamang espiritu.
“Ito ang pasimula ng isang dibdibang pagtalakay sa espiritismo. Kaniyang sinabi na lahat ng kaniyang inihula ay nangyari naman. Sinikap kong tulungan siya na mangatuwiran sa mga bagay-bagay. Ipinakita ko sa kaniya ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio 18:10, 11: ‘Huwag makakasumpong sa iyo ng sinuman na . . . gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan . . . o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medyum o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay.’ Samantalang paalis na ako, sinabi niya: ‘Naisip kong ako’y naniniwala na nasumpungan ko na ang solusyon sa aking mga problema.’ Lubhang napatibay-loob ako ng mga salitang ito, sapagkat narito siya, pagkatapos ng isa lamang diskusyon, na tinutukoy ang espiritismo na parang nakaraan na! Nahiwatigan ko na sa kaniyang kalooban ay talagang naintindihan niya ang punto.
“Palibhasa’y mayroon siyang hindi mapawing gutom sa espirituwal na pagkain, siya’y nagbabasa ng Bibliya hanggang alas-tres o alas-kuwatro ng madaling araw. Sa pasimula pa lamang, kami’y makalawang beses na nag-aaral sa isang linggo. Siya’y dumadalo sa mga pulong at mabilis na sumulong. Mangyari pa, lubusang tinatalakay namin ang paksa ng espiritismo, na ginagamit doon ang Bibliya at ang mga lathalain ng Watch Tower, at nagpasiya siya na sunugin ang lahat ng kaniyang kagamitan na may kinalaman sa demonismo.
“Ang babaing ito’y nagtiyaga at hindi nagtagal ay nangangaral na siya ng ‘mabuting balita’ sa iba. Manaka-naka’y tinatawagan siya sa telepono ng kaniyang mga dating parokyano, at pagkatapos ipaliwanag na iniwan na niya ang mga gawang kaugnay ng espiritismo, kaniyang inaanyayahan sila na makinig sa lalong higit na kawili-wiling mga bagay. Siya’y nabautismuhan at ngayon ay kapatid na natin.”