Pagwawalang-Bahala sa Babala at Pagsubok sa Diyos
“Kahit na ang tubig ay umabot sa kanilang bukung-bukong ay hindi pa rin nila ibig na lumikas.”—El País, Colombia.
ANG paulong-balitang iyan ng pang-araw-araw na pahayagan sa Colombia ang nagtampok ng isa sa mga dahilan ng kakila-kilabot na pagkasawi ng buhay sa malaking kasakunaan na sumapit sa Armero noong 1985. Si Dora Elisa Rada Esguerra, isang telephone operator sa Armero, na natawag ang pansin sa lumalaglag na abo at umapaw na ilog, ay nagpasiya na tumakas. Pagkatapos ay nagbigay-babala siya sa kaniyang mga kamanggagawa sa telephone exchange tungkol sa dumarating na kasakunaan. Nang bandang huli ay ganito ang sabi niya: “Kanilang nakita ang tubig, na . . . malakas ang agos, napakalakas, subalit gayunman ay hindi sila kumilos.” Si Dora ay mabilis na tumakas buhat sa nanganganib na siyudad.
Ang mga ibang telephone operator ay nangamatay kasama ng humigit-kumulang 21,000 mga iba pang biktima sa isang malakas na agos ng kumukulong putik na galing sa bulkan, ng yelo, at malalaking bato na doon nanggaling sa bulkang Nevado del Ruiz. Kabilang sa mga natangay sa agos na iyon ay ang mayor ng bayan at ang karamihan ng mga pulis doon, na nagpapakita na hindi gaanong dinibdib ng sinuman doon ang panganib—hanggang maging huli na ang lahat.
Bakit Hindi Sila Tumakas?
Mayroong mga palatandaan at mga babala ang napipintong kapahamakan noon. Bakit napakaraming mga tao sa Armero ang nagwalang-bahala? Unang-una, ang opisyal na mga babala ay nahuli ng dating, nang ang kapahamakan ay naroon na sa siyudad. Bago pa nito, ang mga mamamayan ay pinagsabihan na maging kalmado, na baka magkaroon ng pagbaha ngunit wala namang gaanong kalubhaan iyon. Sa halip, ang siyudad ay nabura sa mapa dahilan sa isang malakas na agos na pumatay ng marami galing sa ilog Lagunilla.
Malamang, ang iba ay ayaw magsialis sa kanilang mga tahanan at ayaw nilang iwanan ang kanilang mga ari-arian, palibhasa’y alam nila na darating ang mga magnanakaw at magsisipagnakaw doon. Ito nga ay isang panganib. May ilang mga mandarambong na binaril ng mga sundalo. Ang mga iba na nakaligtas sa kapahamakang iyon ay nagbalik sa kanilang binahaang mga tahanan upang makita lamang na dinistrungka ang mga kandado sa mga pinto at ninakawan sila ng kanilang mga bagay na mahahalaga. Subalit karamihan ng mga taong bayan ay hindi nabuhay nang matagal upang makabalik pa sa kanilang mga tahanan. At kadalasan, wala namang mga tahanan na mababalikan.
Marahil inaakala ng iba na ang Diyos o ang Birheng Maria ay mamagitan para sa kanila. Subalit, makatuwiran ba na asahang ang Diyos ay mamagitan ngayon alang-alang sa ilang mga tao pagka may sumapit na likas na kalamidad? Bakit nga ang iba ay ililigtas ng Diyos at ang iba naman, na nasa gayunding katulad na mga kalagayan, ay papayagan na mapahamak?
Mayroon bang matatag na batayan upang ang isang tao’y maniwala na siya’y maaaring mabuhay na protektado ng galing na nagbubuhat sa Diyos? Halimbawa, ang isa bang tsuper ng isang sasakyan ay makapagtitiwala sa kaniyang “anghel de la guardia” o paboritong “santo”? Napakaraming taimtim na mga Katoliko na may mga medalya ni “Saint” Christopher ang nangasawi sa mga aksidente ng sasakyan upang iyan ay maging kapani-paniwala. O ang isang Kristiyano baga ay dapat maniwala na mayroon siyang pantanging proteksiyon na nanggagaling sa Diyos pagka siya ay nagbibiyahe sa isang eruplano? Ano ang tungkol sa pantanging proteksiyon pagka ang isa’y nakikibahagi sa isang mapanganib na laro? Makatuwiran ba na subukin ang Diyos sa mga kalagayang iyon?
Hindi Maikli ang Kamay ni Jehova
Ang Kasulatan ay tumutulong sa atin na makita na mayroong mga situwasyon na kung saan ang Diyos na Jehova ay maaaring mamagitan alang-alang sa kaniyang bayan pagka ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay apektado o pagka ang kongregasyon ay nakaharap sa panganib. Ang propeta Isaias ay nagbibigay sa atin ng katiyakan: “Narito! Ang kamay ni Jehova ay hindi napakaikli na anupa’t hindi makapagligtas, ni hindi man naging mahina ang kaniyang pakinig na anupa’t hindi makarinig.”—Isaias 59:1.
Ang Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na mga halimbawa ng kamay ni Jehova na nagbigay ng proteksiyon sa mga apostol. Upang kamtin ni Haring Herodes ang pabor ng mga Judio, ipinabilanggo niya si Pedro at mahigpit na pinabantayan. Ang kongregasyon sa Jerusalem ay nanalangin ng buong tindi alang-alang sa kaniya. Ano ang nangyari? Ang anghel ni Jehova ay dumating at pinalaya si Pedro sa pagkabilanggo. Maging si Pedro man ay nagulat noon sa nangyari. Sa wakas ay kaniyang naunawaan ang nangyayari at sinabi niya: “Ngayon ay aktuwal na nalalaman ko na sinugo ni Jehova ang kaniyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes.”—Gawa 12:1-11.
Ang pag-uulat din iyan ang magsasabi sa atin na si apostol Santiago, na kapatid ni Juan, ay ipinaligpit na ni Herodes. Pinayagan ni Jehova ang gayong pagmamartir. Samakatuwid, maliwanag na bagaman si Jehova’y makapagbibigay ng proteksiyon at kaligtasan, maaari niyang payagan na ang mga pangyayari ay maganap sa takdang paraan, kung gayon ang iba sa kaniyang tapat na mga lingkod ay napapatunayan ang kanilang katapatan hanggang kamatayan. Ang mga salita ni Santiago, na kapatid ni Jesus sa ina, ay angkop: “Hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyong buhay sa araw ng bukas. Sapagkat kayo’y isang singaw na sandaling lumilitaw at pagdaka’y nawawala. Sa halip, ang dapat ninyong sabihin, ‘Kung loloobin ni Jehova, kami ay mabubuhay at gagawin namin ang ganito’t ganoon.’”—Santiago 4:14, 15; ihambing ang Job 2:3-5.
Isang bagay ang tiyak, kung panahon ng likas na mga kalamidad at aksidente, ang simulain ng Bibliya ay kumakapit nang pare-pareho sa lahat ng tao: “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa kanilang lahat.” (Eclesiastes 9:11) Samantalang angkop nga na manalangin at humingi ng tulong at proteksiyon sa panahon ng pag-uusig, dapat nating kilalanin na “ang pag-uusig ay di maiiwasan para sa mga disidido na mamuhay ng talagang mga pamumuhay na Kristiyano.”—2 Timoteo 3:12, Phillips.
Ang Espiritu ng Isang Matinong Kaisipan
Bagama’t totoo nga na noong panahong nakalipas si Jehova ay kumilos upang bigyan ng proteksiyon ang kaniyang bayan, tulad noong iligtas niya ang Israel buhat sa Ehipto at sa mga hukbo ni Faraon, isang kalabisang isipin na ililigtas ng Diyos ang bawat Kristiyano buhat sa mga resulta ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari’ o buhat sa ibubunga ng kaniyang sariling kamangmangan. Ang liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, na ang iba’y nangamatay marahil noong dakong huli sa arena bilang mga martir, ay may kaugnayan dito: “Sinasabi ko sa bawat isa riyan sa inyo na huwag mag-isip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip ayon sa isang matinong kaisipan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa.” (Roma 12:3) Ang salin ni J. B. Phillips ay nagsasabi: “Magkaroon ng matinong pagkakilala sa iyong kakayahan.”
Ang payo na ipinahahayag dito ay may katumbas na katuparan sa ngayon, bagama’t sa isang naiibang konteksto. Kung ginuguniguni ng isang Kristiyano na siya’y makapagmamaneho nang walang pag-iingat o kahit na siya ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alak at hindi siya madidisgrasya dahilan sa may proteksiyon siya ng Diyos, iyon ba ay pagpapakita ng “isang matinong kaisipan”? Ang Kristiyano ba ay may ‘matinong pagkakilala sa kaniyang kaisipan’? Gayundin, kung kaniyang isinasapanganib ang kaniyang kapuwa tao, talaga bang ‘iniibig niya ang kaniyang kapuwa na gaya ng kaniyang sarili’?—Mateo 22:39.
Ngayon ay ikapit natin ang espiritu ng isang matinong kaisipan sa kalagayan na kung saan ang tao’y nakapagtatag ng mga pamayanan sa mga lugar na nasa sona ng lindol o kung saan may mga aktibong bulkan na nagsisilbing isang tunay na panganib. Ang isang magaling na halimbawa ay gaya ng lugar na binanggit na sa palibot ng bulkan ng Nevado del Ruiz sa Colombia. Sang-ayon sa pahayagan ng Colombia na El País, ang arkitekto na si César Zárate ay naghanda ng isang pag-aaral noong 1982 na nagpapakitang noong nakaraan ay binahaan ng Ilog Lagunilla ang Armero at na ang siyudad ay wala pa ring sapat na mga depensa. Napag-alaman din na ang bulkang Nevado del Ruiz ay makaanim na ulit na pumutok sapol noong 1570. Sang-ayon sa ulat ng kasaysayan, ang bulkan ay may regular na siklo ng pagputok na hali-halili sa pagitan ng 140 taon 9 na buwan at ng 110 taon 2 buwan.
Ang impormasyong ito ay ipinadala sa edisyong pan-Linggo ng pahayagang El Tiempo ng Colombia mga ilang linggo pa bago nangyari ang kalamidad sa Armero. Sinabi niyaon nang buong liwanag: “Ang susunod na baha . . . ay magaganap humigit-kumulang sa kalagitnaan ng Nobyembre ng taong ito. Ang mga dating palatandaan ay lumitaw na: usok buhat sa pinaka-bunganga na ‘Arenas.’ Pag-ulan ng abo at ng mga gas. Naging kontaminado ang tubig at ang mga pananim. Amoy na sanhi ng pagkahilo at pagsusuka . . . Isang humuhugong na tunog na nanggaling sa bulkan noong Setyembre 11. Unti-unting pagkatunaw ng yelo na nasa taluktok . . . Kaya naman, panahon na upang kumilos.”
Subalit, ang artikulo ay hindi napalathala. Marahil ay itinuturing na iyon ay isang di-kinakailangang pagpapalahaw tungkol sa kalamidad. Nang maglaon ayon sa mga editor ng El Tiempo ito raw ay “kawalan ng patiunang pang-unawa, kahinaan ng pandamdam, o ang musmos na paniniwala na walang anumang mangyayari.”
Datapuwat, eksakto sa takdang panahon ang Nevado del Ruiz ay sumabog noong gabi ng Nobyembre 13, 1985. Mahigit na 20,000 katao ang nasawi sa Armero, at mayroong libu-libong mga biktima mula sa Chinchiná at iba pang karatig bayan. Kabilang sa mga nangamatay sa Armero ay 41 mga Saksi ni Jehova at ang kanilang iba pang mga kaibigan. Bagaman ang iba’y hindi pinayuhan na doon manganlong sa Kingdom Hall, sila’y naparoon doon, na nasa mababang lugar. Sila’y natangay at napahamak na kasama niyaon. Sa kabutihang palad, ang mga ibang Saksi ay nakatakas tungo sa mas mataas na lugar at sila’y nangaligtas.
Maliwanag, madaling magpakatalino pagkatapos na mangyari na ang kapahamakan. Subalit may mga matututuhang aral sa kakila-kilabot na mga pangyayaring iyon.
Ipinagwalang-Bahala ang Sinaunang mga Babala
Ang Bibliya ay nagbibigay ng mga halimbawa ng mga taong nagwalang-bahala sa napapanahong mga babala o nag-akalang ‘hindi mangyayari iyon sa panahon nila’ o sa kanilang kinaroroonang lugar sa lupa. Ang isang malinaw na halimbawa ay nang paalalahanan si Lot na agad-agad umalis sa Sodoma at Gomora. Kaniyang binigyan ng babala ang kaniyang mga manugang, at sinabi: “Magtindig kayo! Magsialis kayo sa dakong ito, sapagkat gugunawin ni Jehova ang bayan!” Paano naman sila kumilos? “Ang akala ng kaniyang mga manugang ay nagbibiro [si Lot].” Ang ‘biro’ ay sandaling-sandali. Pinapangyari ni Jehova na umulan ng apoy at asupre sa hinatulan, likong mga lunsod. Ang mga manugang ay nangasawi na kasama ng imoral na mga tao sa lugar na iyon. Marahil ang asawa ni Lot ay tumakas buhat sa Sodoma na taglay ang mga pagdududa at agam-agam. Siya’y “lumingon sa likuran [ni Lot], at siya’y naging isang haliging asin.”—Genesis 19:12-26.
Mahigit na 1,900 taon na ngayon ang lumipas, si Jesus ay humula na sasapitin ng sinaunang Jerusalem ang isang kakila-kilabot na pagkapuksa. Siya’y nagbigay ng espisipikong mga detalye ng mga pangyayari na magaganap bago magiba ang lunsod, at ang sabi: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na.” At kaniyang idinagdag ang babala: “Kung gayo’y ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas, at ang mga nasa parang ay huwag pumasok sa bayan.”—Lucas 21:20-24.
Nang ang Jerusalem ay makubkob na ng mga hukbong Romano noong taong 66 C.E., nakilala ng mga Kristiyano sa lunsod na iyon ang tanda na ibinigay ni Jesus. Nang magkagayon, bagaman lubusan na niyang masasakop iyon, sa di alam na dahilan ay pinaatras ni Heneral Cestius Gallus ang kaniyang mga kawal. Iyon ang pagkakataon na hinihintay ng mga Kristiyano, at sila’y nagsitakas tungo sa kabilang ibayo ng Jordan. Noong 70 C.E. ang mga Romano ay nagsibalik sa ilalim ni Heneral Tito at kanilang pinuksa ang Jerusalem. Daan-daang libong mga Judio na hindi nagsialis sa nakubkob na siyudad ang nangamatay noong mga sandali ng pananalakay at ng paglalaban.
Totoo, sa mga kasong ito ay nagbigay ng babalang galing sa Diyos. Subalit ang punto ay na kakaunti lamang ang nakinig sa babala at nakaligtas. Ang karamihan ay hindi nagbigay-pansin. Hindi nila dinibdib ang babala ng Diyos.
Paano Natin Matuwid na Masusubok ang Diyos?
Kahit na sa likas na mga kalamidad, malimit na may mga babala—ang dating kasaysayan ng lugar, ang kamakailang mga palatandaan, o siyentipikong mga ulat—na nagpapakita ng isang matinding posibilidad na panganib sa loob ng isang tiyak na yugto ng panahon. Baka ang isang lugar ay malimit na binabahaan. Kung gayon ay dapat na timbang-timbangin ng isang taong makatuwiran ang lahat ng salik upang makapagpasiya kung kailangang lumikas at magtungo sa ibang lugar na maaaring pamuhayan. Kung sa bagay, imposible na hulaan ang panahon at lugar ng bawat likas na kalamidad. Gayunman, ang batas ng mga promedyo ay maaaring pag-isipan at pati na rin ang posibilidad ng pagkaligtas sakaling mangyari na ang pinakamasama. Subalit hindi makatuwiran na asahan ang pantanging proteksiyon buhat sa Diyos. Ang paggawa ng gayon ay pagsubok sa Diyos sa isang paraan na hindi naaayon sa katuwiran at sa katinuan.
Datapuwat, sa isang naiibang diwa, tayo’y inaanyayahan ni Jehova na subukin siya. Noong panahon ni propeta Malakias, mali ang ginagawa ng Israel na pagsubok sa Diyos sa pamamagitan ng paghahandog sa dambana ng mga hain na may depekto. Sa pamamagitan ng kanilang maruming tinapay at pilay na hayop na iniaalay, kanilang ipinakita na kanilang hinahamak ang hapag ni Jehova. Sa pamamagitan ni Malakias, sila’y inanyayahan ni Jehova na magbalik-loob at ituwid ang kanilang mga gawain. “‘Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na silid na kalagyan.’ ”—Malakias 3:10.
Oo, kung tungkol sa espirituwal na mga pagpapala, ating ‘masusubok,’ o mapatutunayan, ang pagkamatapat ni Jehova. Kung ating hahanapin muna ang kaniyang Kaharian at ang kaniyang katuwiran, kung magkagayo’y, gaya ng sinabi ni Jesus, lahat ng ‘iba pang kinakailangang mga bagay ay idaragdag sa atin.’ Sinabi rin ni Jesus: “Patuloy na humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; patuloy na humanap, at kayo’y makakasumpong; patuloy na kumatok, at iyon ay bubuksan sa inyo.” Kung ang di-sakdal na mga tao ay nagbibigay ng may kagandahang-loob na mga regalo sa kanilang mga anak, “gaano pa kaya na ang inyong Ama na nasa langit ay hindi magbibigay ng mabubuting bagay sa mga nagsisihingi sa kaniya [kaayon ng kaniyang kalooban]?”—Mateo 6:33; 7:7-11; 1 Juan 5:14.
Sa mismong panahong ito, isang babala ang ibinibigay sa mga bansa na nagsasabing hindi na magtatagal at isasagawa ni Jehova ang kaniyang paghihiganti laban sa lahat ng bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (Apocalipsis 16:14, 16; 18:20) Angaw-angaw na mga taong pantas ang nakikinig sa mensaheng ito na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova at sila’y humihiwalay at pumapanig sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Sila’y nagsisilabas sa likong makapulitika at makarelihiyong alyansa bago maging huli na ang lahat. (Apocalipsis 18:4) Sa paggawa ng gayon, sila ay naghahanda para sa buhay na walang-hanggan sa ilalim ng pamamahala ni Kristo sa lupang ito natin, na babaguhin upang maging isang paraiso ng katarungan at katuwiran. Ikaw ba ay nakikinig sa babalang ito?—2 Pedro 3:13; Tito 1:2.
[Larawan sa pahina 21]
Isang diploma na natagpuan sa kaguhuan ng Armero ay isang malagim na tagapagpaalaala na libu-libo ang hindi nakinig sa babala
[Larawan sa pahina 22]
Sa iyo bang mga kaugalian sa pagmamaneho ay mababanaag ang katinuan ng isip ng isang Kristiyano?
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang kasalukuyang-gibang dako na dating kinaroroonan ng Armero. Mahigit na 20,000 katao ang nasawi rito
Ang wasak na kotseng ito ang nagpapakilala sa matinding kapahamakan na sumapit sa Armero