Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 12/15 p. 26-29
  • Si Jehova’y Nagtatayo ng Bahay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova’y Nagtatayo ng Bahay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Pagtatagumpay sa mga Problema
  • Isang Maharlikang Gusali sa Isang Magandang Paligid
  • Ang Programa ng Pag-aalay
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 12/15 p. 26-29

Si Jehova’y Nagtatayo ng Bahay

SABADO, Marso 21,1987, ay isang araw na hindi kailanman malilimot ng mga kagawad ng sangay ng Watch Tower Society sa Timog Aprika. Ito’y isang makasaysayang okasyon. Ang bagong complex sa Roodekrans ay inialay​—ang tugatog ng anim na taon na pagpapagal. Subalit kay Jehova nauukol ang karangalan. Gaya ng pagkasabi ni Solomon: “Malibang si Jehova mismo ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga nagtayo nito.”​—Awit 127:1.

Sandaling taluntunin natin ang paglago ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika. Noong 1902 ay may unang dalawang tagaroon na nagsimulang mag-aral ng mga lathalain ng Samahan at sila’y nangaral sa iba. Noong 1910 si Will Johnston ay pinapunta roon ni Brother Russell upang magbukas sa Durban ng isang tanggapang sangay na may manggagawang iisang tao lamang. Nang sumunod na taon ay inorganisa sa kalapit na Ndwedwe ang isa sa mga unang kongregasyon sa Aprika. Sa panahon ng maselang na taon ng 1914, ang unang kombensiyon ay ginanap sa Durban at may nagsidalong 50. Ang sangay ay inilipat sa Cape Town noong 1923, at nang sumunod na taon isang simpleng palimbagan ang dinala roon upang magamit. Ang sangay ay inilipat sa medyo malaki-laking lugar noong 1933, subalit walang Bethel Home.

Isa pang mahalagang paglipat ang naganap noong 1952, sa Elandsfontein​—mga 1,500 kilometro sa gawing hilaga ng Cape Town at mga 20 kilometro sa gawing silangan ng Johannesburg. Ito ang una sa mga gusali sa Timog Aprika na aktuwal na dinisenyo ng Samahan, kaya’t mayroong itong malaking espasyo para sa paglilimbag at mayroon ding isang Bethel Home, o tirahan. Samantala, ang gawaing pang-Kaharian ay nagsisimula na sa mga ilang bansa na pinangangasiwaan ng sangay sa Timog Aprika. Kaya’t kinailangan na ang sangay ay palawakin noong 1959, at muli na naman noong 1971, at muli na naman noong 1978. At wala nang lugar para sa higit pang pagpapalawak sa dakong iyon.

Ang panimulang dalawang mamamahayag sa Timog Aprika ay dumami hanggang sa umabot sa mga 28,000. Panahon na para humanap ng isang bagong lugar, at ito’y isang mahabang paghahanap. Sa wakas isang magandang lupain na may 87 hektarya ang natagpuan sa Roodekrans, na mga 60 kilometro ang layo sa Elandsfontein. Ang patnubay at tulong ni Jehova ay halatang-halata sa pagkatagpo at pagkabili sa magandang lugar na ito.

Pagtatagumpay sa mga Problema

Gayunman, may mga malulubhang problema na kailangang pagtagumpayan. Ang panimulang gastos ay waring pagkalaki-laki, at kailangan ng pantanging mga permiso upang makapagtayo ng isang pabrika, mga opisina, at isang tirahan sa isang lugar na munisipal. Ang isa pang karagdagang komplikasyon ay ang pangangailangan na magkaroon ng mga itim na Saksi na mga tagapagsalin na maninirahan doon. Wari ngang isang himala kung paano napanaigan ang mga balakid na ito, anupa’t nagpapatunay na si Jehova ang nagtayo ng bahay. Ang isa pang problema ay ang totoong kakauntian ng mga dalubhasang manggagawa sa iba’t ibang uri ng gawain. Subalit ang boluntaryong mga manggagawa ay mabilis matuto ng iba’t ibang trabahong pangdalubhasa. Kasali na rito ang mga kapatid na babae. Isang tagapangasiwa ang nagsabi: “Mga mayuyuming dalaga na hindi nababagay roon sa isang lugar ng konstruksiyon ang naging bihasang mga tagalapat ng baldosa. Wala akong nakikita pang mas mahusay.”

Ang konstruksiyon ay mabagal sa pasimula. Nang magkagayo’y nagsihugos sa Roodekrans ang mga boluntaryo​—mga itim, puti, Colored, at mga Indian. May mga kapatid pang nanggaling sa mga ibang bansa, tulad ng New Zealand at ng Estados Unidos. Ito’y lubhang pambihira sa Timog Aprika. “Maganda na mapanood mo ang mga kapatid, mga lalaki at mga babae na nagtatrabahong sama-sama, mga iba’t ibang nasyonalidad at mga lahi na may iba’t ibang karanasan,” ang sabi ng isang boluntaryo. Marami ang nag-iwan ng mabubuting trabaho o kumuha ng mahahabang bakasyon upang makatulong sa konstruksiyon sa Roodekrans. Kasali na rito ang may karanasang mga mekaniko, isang arkitekto, isang inhenyero, kuwalipikadong mga debuhante, at mga kapatas sa konstruksiyon. Maraming mamahaling mga makinarya ang ibinigay na donasyon o dili kaya’y ipinahiram.

Kumusta naman ang napakalaking nagastos? Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagbigay ng sapat-sapat na pautang, at ang lokal na mga Saksi buhat sa lahat ng lahi at may sarisaring edad ay nag-abuloy nang may pagkabukas-palad. Isang batang babae na sais anyos ang sumulat: “Aking inipon ang perang ito upang makabili ng isang manyika, pero ipinadala ko na sa inyo. Inaasahan kong matatapos ninyo ang Roodekrans sa tulong ng perang ito. Pagka ako’y malaki na, ibig kong pumunta sa Roodekrans at magtrabaho riyan.” Isang singko anyos na batang lalaking Indian ang nag-abuloy ng kaniyang perang panggastos na tinipon noong nakalipas na anim na buwan!

Kung mga dulo ng sanlinggo daan-daang karagdagan pang mga Saksi ang dumarating upang makibahagi sa mahalagang proyektong ito. Ang ibang mga boluntaryo ay nagtatrabaho araw-araw, kadalasa’y talagang nagsasakripisyo at gumugugol ng malaking pagsisikap na gawin ang gayon. Ang mga bisitang hindi naman mga Saksi ay umiiling sa pagkakita nila ng malawakan at masiglang pagsuporta. Maraming mga taong doon naninirahan sa palibot ang hangang-hanga. Ang lokal na mga kompanyang komersiyal ay may mahigpit na kompetensiya sa isa’t isa sa Roodekrans, at ang kanilang mga kinatawan ay kalimitan kariringgan ng kanilang mga komento tungkol sa kapaligiran doon na makikitaan ng kapayapaan at pagkakaisa.

Isang Maharlikang Gusali sa Isang Magandang Paligid

Mababatong burol sa timugang panig ng lugar ng konstruksiyon ang nakapanunghay sa isang kaaya-ayang libis at ilog. Bagama’t ang lupaing iyon ay malapit sa isang kaakit-akit na arabal, mayroon pa rin doong gumagalang maiilap na hayop, tulad baga ng guinea fowl at mga kuneho. Maiitim na agila at mga asong-bundok ang malimit na dumadalaw rin. Ang gusaling tirahan, na doon nakatayo sa gawing ibaba ng mga tagiliran ng mga burol sa may lawak na mga 360 metro, ay pulang ladrilyo. Ito’y may tatlong palapag, na magagandang bista ang nasa palibot. Sa sentro ay naroon ang lugar na nagbibigay ng serbisyo ng isang silid-kainan, isang kusina, isang londri, at isang impirmarya. Karatig nito ang bloke na kinaroroonan ng opisina at isang malaking palimbagan, na humigit-kumulang kasinlaki ng arka ni Noe. Dito narito ang malaking apat-na-kulay na TKS offset press.

Sa gawing kanluran ng gusaling tirahan ay isang lugar na taniman at isang malaking kamalig, na ginamit bilang silid-kainan at kusina noong panahon ng konstruksiyon. May mga damuhan din na mapagkukunan ng damo at alpalpa na pakain sa isang kawan ng mga ginagatasang baka. Mayroong daan-daang mga palumpon ng protea sa mga burol sa likod ng tirahan. Bukod sa matatayog na mga punong eukalipto, nagtanim din ng maraming mga bagong puno, ng sarisaring mga bulaklakin, at ng mga malalapad na damuhan.

Ang Programa ng Pag-aalay

Humigit-kumulang 4,000 ang nagtipon sa malawak na lugar malapit sa gusaling tirahan para sa pag-aalay noong Sabado ng hapon, Marso 21, 1987. Isang pansamantalang plataporma ang itinayo na nakaharap sa mga burol, at nagbibigay ng epekto ng isang ampiteatro. Ang chairman, si Brother R. F. Stow, ay bumasa ng bumabating mga mensahe buhat sa 17 bansa. Ang totoong makabagbag-damdamin ay yaong galing kay Maud Johnston, ang maybahay ng unang tagapangasiwa ng sangay sa Durban. Sa edad na 92 anyos, siya ay naglilingkod pa rin sa Bethel ng Australia.

Si P. J. Wentzel, tagapangasiwa ng Service Department, ang unang tagapagsalita, at siya’y nagbigay ng maikling sumaryo ng kasaysayan ng gawaing pang-Kaharian sa Timog Aprika. Ang bilang na 50 nagsidalo sa unang asamblea noong 1914 ay inihambing niya sa bilang ng nagsidalo na 99,000 sa mga kombensiyon noong 1986. Pagkatapos, si J. R. Kikot, ang tagapangasiwa ng pabrika, ay nagbigay ng paglalarawan tungkol sa paglilimbag ng literatura sa maraming wika at sa gawain ng mahigit na 50 tagapagsalin. Kaniyang binanggit din na noong 1979 isang malaking TKS press, isang regalo buhat sa sangay sa Hapón, ang itinayo, subalit dalawang kulay lamang ang nilimbag nito. Kamakailan, dalawa pang yunit, isa ring regalo buhat sa Hapón, ang idinagdag sa palimbagan. Kaya naman, Ang Bantayan ng Abril 1, 1987, ay nilimbag sa apat na kulay, at ito’y ikinagalak ng lahat.

Si C. F. Muller, na coordinator ng Branch Committee, ay nagbigay ng paglalarawan tungkol sa kung paanong tumulong si Jehova ng paglalaan ng lugar na iyon, ng mga pondo, ng mga eksperto, at ng dalubhasang mga manggagawa. Ang espiritu ng Diyos ay lumikha rin ng mainam na pagkakasundu-sundo ng iba’t ibang lahi. Bagama’t sa unang yugto ay wari ngang imposible na magtayo ng isang pabrika sa isang pantanging lugar para tirahan lamang at para manirahan doon ang mga itim, si Jehova ang nagbukas ng daan, kaya’t siya ang tunay na Maestrong Tagapagtayo!

Ang susunod na nagpahayag ay si Carey Barber, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang mahusay na pahayag ay salig sa Isaias 65:17-19, na isang hula tungkol sa kung paano ang bayan ni Jehova ay “magsasaya . . . at magagalak magpakailanman.” Ipinaliwanag ng tagapagpahayag na ang ‘pagsasaya’ ay nangangahulugan ng “paglundag dahil sa kagalakan” at ito ang pinakamataas na uri ng kaligayahan. Tunay na isang pagkaliga-ligayang araw na iyon para sa mga naroroon. Ang pahayag sa pag-aalay ay binigkas ni Milton Henschel, miyembro rin ng Lupong Tagapamahala. Siya’y nanguna sa isang natatanging panalangin kay Jehova, at nagpasalamat sa paglalaan ng gusaling iyon, na ngayon ay inialay sa Kaniya.

Kinabukasan 28,250 Saksi at mga taong interesado ang nagtipon sa Rand Stadium, Johannesburg, na kung saan kanilang napakinggan ang isang maikling sumaryo ng programa sa Roodekrans. Sa isang pahayag na isinalin sa Zulu, ipinakita ni Henschel kung paanong ang mga Saksi ni Jehova, na pinangungunahan ni Jehova at ni Jesus, ay nagtatagumpay saan mang dako at nagkakalat ng “isang mabangong samyo ni Kristo” at iba pang mga kaalaman sa Bibliya. (2 Corinto 2:14-17) Siya’y nagtapos sa pamamagitan ng pagbibida ng maraming nakapagpapatibay-loob na mga karanasan na nakagalak sa napakaraming tagapakinig na iyon.

Nang sumunod na mga ilang araw, katulad na mga pagtitipon ang ginanap sa Durban at Cape Town. Ito’y mga okasyon na hindi malilimutan kailanman ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika. Tunay na ang pag-aalay ng kanilang bagong tahanan ay hindi malilimot ng pamilyang Bethel sa Roodekrans. Dahil sa mahigit na 40,000 mga Saksi na kasalukuya’y aktibo sa Timog Aprika imbis na 28,000 nang magsimula ang trabaho sa Roodekrans, ang ‘bahay na itinayo ni Jehova’ ay sumasapat sa isang apurahan at mahalagang pangangailangan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share