Sino ang Sumulat ng Bibliya?
“ANG Bibliya ay punô ng mga pagkakasalungatan,” ang sabi ng mga di-naniniwala. “Isa pa, ito’y may mga pilosopya ng tao. Kung gayon, paano matatanggap ninuman ang Bibliya bilang isang mapagkakatiwalaang giya sa buhay?”
Ang paniwala mo ba’y katulad din ng sa mga di-naniniwala na anupa’t ang Bibliya raw ay wala kundi isang aklat na nagpapahayag ng may depektong kaisipan ng tao? Ganiyan ang mga ilang klerigo. Ang yumaong Suisong Protestanteng teologo na si Karl Barth ay sumulat sa kaniyang Kirchliche Dogmatik (Mga Dogmatiko ng Simbahan): “Ang mga propeta at mga apostol ay maaaring magkamali sa pagsasalita at sa pagsulat.” Totoo, may makikitang mga pagkakaiba sa mga pananalita sa mga salaysay ng isang pangyayari na isinulat ng higit pa sa isang manunulat ng Bibliya. May masusumpungang mga pangungusap na, sa ibabaw, lumilitaw na lubusang naiiba sa mga pangungusap na nasa mga ibang lugar sa Bibliya. Subalit ang mga ito kaya ay talagang nagkakasalungatan? Ang Bibliya ba ay gawa lamang ng mga tao? Siyanga pala, sino ang sumulat ng Bibliya?
Ang sagot ay simple: “Ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos.” Subalit paano nila nalaman kung ano ang sasabihin at ano ang isusulat? Ang taong kasisipi ang mga sinalita, ang apostol na si Simon Pedro, ay nagpapaliwanag na sila’y nagsalita “habang iniaanod sila ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.
Ang totoo, paulit-ulit na idiniriin ng Bibliya na ito ay “ang salita ng Diyos.” Sa 176 na talata ng Awit 119 lamang ang puntong ito ay ipinahihiwatig nang 176 na beses! Ang lalong kapuna-puna rito ay ang bagay na pangkaraniwan nang ang mga manunulat ay interesado sa pagpapaalam na sila ay sumulat ng isang partikular na kasaysayan. Subalit ang mga taong sumulat ng Bibliya ay hindi interesado sa gayon. Lahat ng karangalan ay iniuukol sa Diyos. Iyon ay kaniyang aklat, hindi kanila.—1 Tesalonica 2:13; 2 Samuel 23:2.
“Iniaanod ng Banal na Espiritu”—Paano?
Paanong ang mga taong ito’y “iniaanod ng banal na espiritu”? Isang liham sa unang-siglong Kristiyanong si Timoteo ang nagbibigay ng kasagutan: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Ang “kinasihan ng Diyos” ay salin ng orihinal na tekstong Griego ng Bibliya ng salitang the·oʹpneu·stos, na ang ibig sabihin, sa literal, ay “hiningahan-ng-Diyos.” Ginamit ng Diyos ang kaniyang di-nakikitang aktibong puwersa—ang kaniyang banal na espiritu—upang “ihinga” ang kaniyang mga ideya sa pag-iisip ng mga manunulat. Samakatuwid, ang Diyos na Jehova ang Bukal at Maygawa ng Bibliya. Ang kaniyang mga kaisipan ang umakay sa pagsulat nito gaya rin ng isang negosyante na gumagamit ng isang sekretarya upang isulat ang mga liham para sa kaniya.—2 Timoteo 3:16.
Gayundin, ang ganitong ideya na “hiningahan-ng-Diyos” ay katumbas ng pananalita ng Bibliya na “iniaanod ng banal na espiritu.” Sa paano nga? Sa Griego ang “iniaanod” ay ginagamit may kaugnayan sa mga barko na tinatangay ng hangin para ito tumakbo. (Ihambing ang Gawa 27:15, 17.) Samakatuwid, kung paanong ang hangin ay umiihip at nagpapagalaw sa isang barkong nagbibiyahe, ganoon din na ang mga manunulat ng Bibliya ay umisip, nagsalita, at sumulat sa ilalim ng impluwensiya ng Diyos, iniaanod ng kaniyang banal na espiritu habang kaniyang “hinihingahan” sila.
Ang mga Taong Ginamit ng Diyos Upang Sumulat
Kakaunti lamang ang taglay nating mga detalye ng talambuhay tungkol sa mga sumulat ng Bibliya. Malayo sa pagtuturing na sila’y totoong mahalaga, sa tuwina’y lagi nilang pinagsisikapang parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang sarili sa likuran. Gayunman, batid natin na kabilang sa mga ito ang mga opisyal ng pamahalaan, hukom, propeta, hari, pastol, magbubukid, at mangingisda—humigit-kumulang mga 40 mga tao lahat-lahat. Kaya naman, ang Bibliya, bagaman pasabing galing sa Diyos, ay may init ng damdamin, pagkasarisari, at pang-akit na nanggagaling sa tao.
Marami sa mga manunulat ng Bibliya ang hindi magkakakilala. Sila’y nabuhay ng kung ilang mga dantaon ang pagitan at lubhang nagkakaiba-iba ang kanilang mga ugali at karanasan, gayundin ang buhay panlipunan at mga napag-aralan. Gayunman, bata man sila o matanda, makikita sa kanilang mga isinulat ang lubos na pagkakaisa. Sa loob ng mahigit na isang yugto na mga 1,600 taon, sila’y sumulat hanggang sa matapos sa wakas ang aklat. Pagkatapos ng maingat na pagsusuri, makikita mo na sa mga pangungusap ng Bibliya ay mababanaag ang isang pambihirang pagkakasuwato. Sa gayon ay mababanaag sa Bibliya ang kaisipan ng iisang Awtor, bagama’t maraming manunulat ang ginamit.
Hindi baga ito dapat mag-udyok sa atin na “magbigay ng higit kaysa karaniwang pansin” sa pambihirang aklat na ito, ang Bibliya? Hindi baga dapat tayong manghinuha na gaya ng ginawa ni Pedro, na sumulat: “Lahat na ito’y nagpapatibay lamang sa atin ng mensahe ng mga propeta, na makabubuting subaybayan ninyo, sapagkat ito’y gaya ng isang ilawan na nagbibigay ng liwanag sa isang madilim na dako”?—Hebreo 2:1; 2 Pedro 1:19, The New English Bible.
Subalit, ngayon ano ang masasabi tungkol sa pag-aangkin na ang Bibliya’y sumasalungat sa sarili? Ganoon nga kaya? Paano mo sasagutin iyan?
[Kahon sa pahina 4]
“Anong pagkadaki-dakilang aklat! Para sa akin mas pambihira kaysa mga nilalaman nito ang paraan ng pagpapahayag nito, na kung saan ang salita ay halos nagiging natural na resulta na gaya ng isang punungkahoy, gaya ng isang bulaklak, gaya ng dagat, gaya ng mga bituin, gaya ng tao mismo. Ito’y tumutubo, ito’y umaagos, ito’y sumisikat, ito’y tumatawa, hindi alam ninuman kung paano, hindi alam ninuman kung bakit, masusumpungan ng isa ang lahat dito na lubusang natural. Ito ay tunay na Salita ng Diyos na naiiba sa mga ibang aklat na nagpapatotoo ng karunungan lamang ng tao.”—Ang ika-19 na siglong makata at peryudistang Aleman na si Heinrich Heine sa kaniyang komento tungkol sa Bibliya.
[Larawan sa pahina 4]
Kung paanong pinakikilos ng hangin ang naglalayag na mga barko, ang mga manunulat ng Bibliya ay ‘inianod ng banal na espiritu ng Diyos’