Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Ang Pamumukadkad ng Katotohanan ng Kaharian sa Sri Lanka
Ang Sri Lanka, ibig sabihin “Maningning na Lupain,” ang sinaunang pangalan na isinauli sa magandang islang ito na kilala pa ngayon ng marami sa kolonyal na pangalan nito na, “Ceylon.” Dahilan sa lokasyon nito sa Indian Ocean, tinagurian din ito na ang Patak ng Luha ng India; ngunit ang mga luha ay hindi mga luha ng kagalakan ng panahong kalilipas palibhasa’y sumiklab dito ang karahasan ng iba’t ibang grupo, anupa’t naging mga paulong-balita sa buong daigdig.
Gayunman, dito ay namumukadkad din ang katotohanan ng Kaharian. Ang mga Budista, Hindu, Muslim, Parsi, at ang naturingang mga Kristiyano, ay tinuturuan na tanging ang Kaharian ni Jehova lamang sa ilalim ni Kristo Jesus ang makapagdadala ng walang-hanggang pagpapagaling sa sugat ng sarisaring grupo ng mga tao na may iba’t ibang lahi at panig sa pulitika na bumabahagi sa mga pamayanan. Ang sumusunod na karanasan ang nagpapakita ng pamumukadkad ng katotohanan ng Kaharian sa “Maningning na Lupain” na ito.
◻ Si Salimoon ay lumaki sa paniniwala na ang Qurʼan ang Salita ng Diyos. Subalit hindi niya lubusang matanggap na ang isang sakdal-mahabaging Diyos ay magpaparusa sa mga tao sa isang nagliliyab na impierno. Isang araw siya’y inanyayahan ng mga Saksi ni Jehova sa isang pagpupulong. Palibhasa’y nakilala niya agad na iyon ang katotohanan, hindi siya lumingon kailanman sa kaniyang pinanggalingan, at ngayo’y naglilingkod siya nang may kagalakan bilang isang hinirang na matanda sa kongregasyong Kristiyano.
◻ Si Harry, isang matagal nang Budista na nagpatunay ng kaniyang relihiyosong pananampalataya sa pamamagitan ng paglakad sa nagliliyab na baga, ay hindi nakasunod sa mga simulain na nasa turong Budista tungkol sa isang waluhang landas, paglakad sa: (1) tamang unawa; (2) tamang kaisipan; (3) tamang pagsasalita; (4) tamang pagkilos; (5) tamang paghahanapbuhay; (6) tamang pagsisikap; (7) tamang pagkapalaisip; at (8) tamang paglilimilimi. Ang mga ito’y dapat maging bahagi ng pamumuhay ng isang tao. Bagaman siya’y naniniwala na isa siyang mabuting Budista, ang kaniyang paninigarilyo, pag-inom, at iba pang tiwaling asal ay lumikha ng mga suliranin sa kaniyang pamilya. Sa wakas, ipinasiya niya na mag-aral ng Bibliya. Subalit, walang sinumang nag-alok na aralan siya. Nabalitaan niya na baka gusto ng mga Saksi ni Jehova, kaya’t dumalo siya sa isang pulong sa Kingdom Hall at isang pag-aaral ang isinaayos. Isa sa mga Saksi na isang dating Muslim ang tumulong sa kaniya na matutuhan ang itinuturo ng Bibliya. Ngayon, sa wakas, ay natuklasan niya ang lakas na nanggagaling kay Jehova upang masunod niya ang landas ng tamang mga simulain. Siya’y nagagalak na maglingkod bilang isang ministeryal na lingkod at nagpaplanong pumasok sa pagpapayunir.
Sa gayo’y namumukadkad sa Sri Lanka ang katotohanan ng Kaharian at ngayon ay mayroong 1,086 na mga Saksi sa marikit na lupaing ito. Ang ganitong pagsulong ay nangangailangan ng lalong malalaking pasilidad ng sangay, at ngayon ay humahanap ng isang lokasyon para rito. Ang mga kapatid ay nagtatayo rin ng mga bagong Kingdom Hall. Sa Puttalam isang kongregasyon na binubuo ng 10 pamilya ang nagpasiyang magtayo ng isang Kingdom Hall at magtayo ng sapat ang laki para sa mga pansirkitong asamblea. Ang gusali ay natapos nang nasa panahon para sa pansirkitong asamblea, na kung saan 107 ang dumalo. Ngayon ang kongregasyon ay halos nadoble ang bilang ng kaugnay, at mahigit na 75 ang dumadalo sa mga pulong na ginaganap kapuwa sa Tamil at Sinhalese. Gayumpaman ay malaki pa rin ang pag-asa para sa higit pang pagpapalawak.
Ang natutupad na mga hula sa Bibliya ay tumutukoy sa bagay na sa pinakamadaling panahon bawat luha ng kalungkutan ay papahirin sa lahat ng mata gaya ng ipinangako ng Diyos. Maging ang karahasan man na likha ng pagkakaiba-iba ng lahi at relihiyon ay hindi na sasa-isip o sasa-puso man. (Apocalipsis 21:4; Isaias 65:17) At sa marikit na “patak ng luha” ng isang isla, mga luha ng kagalakan ang lalaglag samantalang ang mapayapang bunga ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na tinatamasa magpakailan-kailanman.