Ang Ika-84 na Klase ng Gilead—Tumutugon sa Inaasahan sa Kanila!
ANG Kawikaan 10:28 ay nagsasabi: “Ang inaasahan ng mga matuwid ay isang kagalakan.” Ganiyan nga ang pangyayari noong umaga ng Marso 6, 1988. Makikita ng sinumang tagapagmasid na sumisigla ang pag-asa ng 4,360 mga nagtitipon sa Jersey City Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses.
Ang bagay na halos ang buong pamilya ng Bethel sa Brooklyn at sa Watchtower Farms ay nagkasama-sama sa gayong magandang paligid ay sa ganang sarili’y isang okasyon para sa malaking kagalakan at pagsasaya! Gayunman, yaong mga naroroon ay naparoon na ang inaasahan ay higit kaysa isang malakihang reunyon ng pamilya. Ang unang-una sa kanilang isip ay yaong alam nila na magiging isang di-malilimot na pangyayari: ang graduwasyon ng ika-84 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead.
Ang Gilead ay naroroon ngayon sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, anupa’t ito’y itinatag noong 1943 upang mapasulong ang ordinado-ng-Diyos na gawaing ‘paggawa ng mga alagad.’ (Mateo 28:19, 20) Pagkatapos na makakompleto ng isang limang-buwang kurso ng edukasyon sa Bibliya, ang mga graduwado sa Gilead ay ipinadadala, hindi sa mga trabahong nagdadala ng malaking pakinabang, kundi sa pambuong-daigdig na larangan bilang mga misyonero. (Mateo 13:38) Kung gayon, mauunawaan kung bakit malaki ang inaasahan sa kaninuman na nagkaroon ng pribilehiyo na makapag-aral sa Gilead.—Ihambing ang Lucas 12:48.
Sa pamamagitan ng programa ng graduwasyon ang mga inaasahang ito ay lalong nagliwanag. Ang programa ay nagsimula sa isang taimtim na panalangin ni George Gangas, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Si C. W. Barber, miyembro rin ng Lupong Tagapamahala, ay nagsilbing chairman ng araw na iyon. ‘Tayo ay gumaganap ng pinakadakilang kampaniya ng pagtuturo sa kasaysayan,’ ang sabi ni Barber. Batay sa Isaias kabanata 6, kaniyang ipinaliwanag na kadalasan tayo’y kailangang mangaral sa ilalim ng mga kalagayang di-kaaya-aya. At gaya noong kaarawan ni Isaias, isang makasagisag na “ikapu” lamang, o “nalabi,” ang marahil ay tutugon sa ating mensahe. (Isaias 6:13; Roma 9:27) Subalit, huwag nating isipin na walang kabuluhan ang ating pagsisikap na mangaral!
Ang nakapagpapatibay-loob na mga pangungusap na ito ay pumukaw ng pananabik sa susunod na bahagi: ang sunud-sunod na maiikli ngunit maririin na mga pahayag na nakadirekta sa mga nagtapos. Si Calvin Chyke ng Factory Committee ang nagsimula sa pamamagitan ng pagbabangon ng tanong, ‘Kayo ba ang magpapatunay na isang pagpapala sa iba?’ Sila’y tumanggap ng maraming pagpapala sa Gilead. Ngayon sila ay kailangang magbigay ng mga pagpapala, magbigay ng ‘espirituwal na mga kaloob’ sa iba. (Roma 1:11, 12) Kahit na kung bumangon ang mga situwasyong nagsisilbing pagsubok, tulad halimbawa ng pagiging kapos sa salapi, ang mga misyonero ay dapat na patuloy na “magbigay” ng mga bagay na espirituwal. (Lucas 6:38) Kung magkagayon ang mga salita ng Awit 84:6 ay matutupad sa kanila: “Ang instruktor mismo ay mapupuspos ng mga pagpapala.”
Si David Olson ng Service Department Committee ang sumunod ay nagpagunita sa mga misyonero ng ating pambuong-daigdig na kapatiran. Sa loob ng limang buwan kanilang nalasap ang pag-ibig at nadama ang pagsuporta ng mga kaklase nila—ngayo’y upang magsipangalat lamang sa buong globo. Sa kanila’y tiniyak ni Olson na kanilang tatamasahin ang katuparan ng Marcos 10:29, 30, na nangangakong bibigyan sila ng mga bagong kaibigan at ‘mga pamilya.’
Idiniin naman ni Daniel Sydlik ng Lupong Tagapamahala na ang mga nagtapos ay kailangang ‘Magpaunlad ng Dakila at Kapaki-pakinabang na mga Maaasahan.’ Tayo’y nilalang ni Jehova na taglay ang kapasidad na magkaroon ng mga maaasahan, mga pag-asa, at mga pangarap. Kung gayon, hindi baga ang mga misyonero ay dapat magkaroon ng mga bagay na puspusang maaasahan para sa kanilang sarili? ‘Magtakda ng tunguhin, hingan mo ang iyong sarili ng mga bagay na gusto mong hilingin!’ ang payo ni Sydlik. ‘Magpakadalubhasa kayo sa wika ng bansa na pinagdestinuhan sa inyo. Patuloy na laging nakasubaybay ng pagbabasa sa Ang Bantayan at Gumising! sa inyong inang wika upang magpatuloy na malusog ang inyong espirituwalidad. Sa pagtuturo sa iba,’ ang patuloy pa ni Sydlik, ‘kayo’y magtakda rin ng mga bagay na maaasahan sa kanila. Hayaan ninyong malaman nila na inaasahang sila’y dadalo sa mga pulong at maghahanda ng mga leksiyon nang patiuna.’
Ang sumunod na mga tagapagpahayag ay nagpatuloy sa diwa ring ito. Si Lyman Swingle, miyembro rin ng Lupong Tagapamahala, ay nagpagunita sa mga estudyante na: ‘Si Jesu-Kristo ang siyang nagsusugo sa inyo. At siya mismo ay isang sinugo sa isang larangang banyaga dito sa lupa.’ Tulad ni Jesus, dapat na dibdibin ng mga misyonero ang kanilang atas. Gayunman, sila ay huwag namang labis na magiging seryoso. ‘Magkaroon kayo ng abilidad na tawanan din ang inyong sarili pagka kayo’y nakagawa ng isang bagay na kahangalan,’ ang sabi ni Swingle. ‘Ang Eclesiastes 3:4 ay nagpapagunita sa atin na mayroong “panahon ng pagtawa.”’
Ang dalawang pangunahing instruktor ng paaralan ay mayroon ngayong pagkakataon na magbigay sa kanilang mga estudyante ng mga ilang pangkatapusang payo. Si Jack Redford ay may tema na ‘Huwag Kalilimutan Kailanman ang Inyong Misyon!’ Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay hindi na nakadarama na sila’y may misyon, marami sa kanila ang napapasangkot sa makasanlibutang pulitika. Gayunman, si Jesu-Kristo ay tumupad ng kaniyang misyon na mangaral, kailanman ay hindi siya naakit ng mga bagay na iniaalok ng sanlibutan ni Satanas. Kailangan samakatuwid na laging tandaan ng mga misyonero kung bakit sila sinugo—upang pakainin ng espirituwal na pagkain ang nagugutom na sangkatauhan. (Ihambing ang Mateo 9:36.) Kailangan sa gayon na iwasan nila ang mga silo na gaya ng materyalismo at imoralidad. Sa pamamagitan ng pagtututok ng kanilang pansin sa kanilang misyon na pangangaral, maaasahan nila na sila’y magtatamasa ng maraming magagandang karanasan sa larangan!
Si U. V. Glass ang sumunod na nagpahayag at gumamit ng ilustrasyon tungkol sa isang baso ng tubig at isang kuwintas ng mga perlas. Sa maraming bansa ang kadalisayan ng isang basong tubig ay pinagdududahan. Marahil ay pinagdududahan din ang pagiging tunay ng mga perlas ng isang kuwintas. ‘Kumusta naman ang inyong kredibilidad?’ ang tanong ni Glass. ‘Ang kawalan ng kredibilidad ang sinasabing siyang “tahimik na maninira ng relasyon.”’ Paano nga maitatatag ng mga nagtapos ang kanilang kredibilidad? ‘Magsalita ng katotohanan,’ ang sabi ni Glass, ‘hindi pinalalabisan o binabaluktot iyon. Ang integridad ang siyang pundasyon ng kredibilidad.’—Efeso 4:25.
Ang isang tampok ng umagang iyon ay ang pantapos na pahayag ng 94-anyos na presidente ng Samahang Watch Tower, si F. W. Franz. Sa isang tinig na matatag pa rin at matindi, nirepaso ni Franz ang kasaysayan ng Gilead. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, napag-unawa ng Lupong Tagapamahala na ‘ang Digmaang Pandaigdig II ay hindi hahantong sa Armagedon. Ito’y matatapos at ang kasunod nito’y isang panahon ng kapayapaan.’ Ang Gilead ay itinatag upang lubusang samantalahin ang pagitang panahong ito—at patuloy na lumalakas sapol noon! ‘Tayo’y nabubuhay sa pinakakaaya-ayang panahon!’ ang bulalas ng presidente ng Samahan. Ipinahayag ng mga tagapakinig ang kanilang pagpapahalaga sa payo ng malaon nang lingkod na ito ni Jehova sa pamamagitan ng naghuhumugong na palakpakan!
Ngayon ay binuksan na ang tabing, at napahantad na noon ang 24 na mga estudyante ng ika-84 na klase ng Gilead na nakaupo sa plataporma. Bagaman ang kanilang katamtamang edad ay 31.6 lamang, sila’y hindi mga bagitong mangangaral. Aba, ang katamtamang tagal nila sa buong-panahong pangangaral ng ebanghelyo ay 11.3 taon! At isang grupo sila buhat sa maraming bansa ng daigdig, may nanggaling sa Netherlands, Australia, Finland, Sweden, Alemanya, at Estados Unidos. Sa tulong ni A. D. Schroeder, na isa sa orihinal na mga instruktor sa Gilead, si C. W. Barber naman ang nag-abot sa kanila ng kani-kanilang diploma. Ganiyan na lang ang katuwaan ng mga nakikinig nang ipahayag na ang mga nagtapos ay ipadadala sa siyam na bansa: Pilipinas, Sierra Leone, Kanlurang Samoa, Taiwan, Tanzania, Papua New Guinea, Bolivia, Guam, at Colombia! Pagkatapos ay binasa ng isa sa mga estudyante ang napakainam na liham ng pagpapasalamat ng klase.
Pagkatapos ng isang sandaling pananghalian, muling nagkatipon ang mga naroon para sa isang pinaikling Pag-aaral ng Watchtower, na pinangunahan ni Robert Wallen ng Bethel Committee. Nang matapos ang pag-aaral, pinalabo ang mga ilaw. Hinimok ng chairman ng programa ang naroroon: ‘Kayo’y magrelaks at maligayang saksihan ang regalo sa inyo ng mga estudyante, ang programang inihanda ng mga estudyante ng ika-84 na klase, na pinamagatang “Niluluwalhati ang Ating Ministeryo.”’
Sa pamamagitan ng mga awit, karanasan, at maiikling dulang katatawanan, ang mga estudyante ay nagtanghal ngayon ng isang panloob na pagmamasid sa buhay ng estudyante at ng misyonero. Halimbawa, ipinakita kung paanong ang sarisaring teritoryong pinangangaralan sa New York City ay ginagamit bilang isang larangang sanayan ng mga misyonero. Sa isang dulang katatawanan, na batay sa tunay na mga karanasan ng mga estudyante sa Gilead, ay napanood kung paanong ang mga estudyante’y natututong magbigay ng isang epektibong impormal na patotoo sa mga subway ng siyudad. Itinanghal din ang isang nakakatawa, ngunit totoo naman, na paraan na kung saan napanood na ang mga misyonero’y kalimitang gumagawa ng katawatawang mga pakikibagay sa banyagang kultura at mga ugali.
Isang nagtapos na misyonero ang mahusay ang pagkapahayag tungkol sa kabuuan ng programa, at ang sabi: ‘Mayroon pa bang iinam na paraan ng pagluwalhati sa ating ministeryo kaysa tulungan ang iba na maglagak ng kanilang buong pananalig sa Salita ni Jehova?’ Walang alinlangan na lahat ng dumalo ay napakilos na pag-isipan kung paano sila maaaring magkaroon ng lalong malaking bahagi sa gawaing pangangaral. Bilang pantapos, ang mga estudyante ay nagtanghal ng isang modernong-panahong drama na nagdiin sa atin ng pangangailangan na magpasakop tayo sa Diyos. Isa pang pambihirang okasyon ang natapos noon nang manguna sa isang nagpapasalamat na panalangin si J. E. Barr ng Lupong Tagapamahala.
Walang alinlangan, ang programa ng graduwasyon sa Gilead ay tumugon sa mga inaasahan. Kumusta naman ang mismong klaseng nagtapos? Tayo’y nagtitiwala na, katulad ng mga klaseng nauna sa kanila, ang pinakahuling grupong ito ng mga nagtapos na misyonero ay makahihigit pa sa inaasahan sa kanila, oo, sa hinihingi sa kanila ni Jehova—na kanilang luwalhatiin ang kanilang ministeryo sa kanilang atas sa ibang bansa!
[Larawan sa pahina 24]
Ika-84 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hilera ay may bilang mula sa harap palikod at nakatala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hilera.
(1) Norberg, C.; Holmes, T.; Holland, J.; Vehlen, B.; Rector, D.; Thomas, K. (2) Rajalehto, T.; Rajalehto, T.; Hoefnagels, J.; Moonen, A.; Summers, C.; Wahl, H. (3) Holland, J.; Holmes, F.; Hoefnagels, H.; Koivula, V.; Moonen, M.; Thomas, B. (4) Wahl, M.; Rector, W.; Summers, G.; Keighley, P.; Vehlen, P.; Norberg, O.