Nasumpungan Ko ang Katarungan Hindi sa Pulitika Kundi sa Tunay na Kristiyanismo
Inilahad ni Xavier Noll
KAAPIHAN! Ito’y isang bagay na naranasan ko maaga sa aking buhay, at nagdusa ako dahilan dito. Bilang isang kabataan, itinanong ko sa aking sarili: ‘Ang pang-aapi ba ay isang bagay na dapat pagtiisan? Wala bang gobyerno sa lupa na makapag-aalis nito? Saan masusumpungan ang katarungan?’ Sa wakas ay nasumpungan ko ito, subalit hindi doon sa aking inaasahan.
Paghahanap Sapol Pa sa Pagkabata
Ako’y lumaki sa Wittelsheim, isang munting bayan sa Alsace, isang rehiyon sa hilagang-silangang Pransiya. Ang aking ama, tulad ng maraming mga lalaki sa lugar na iyon, ay sa isang minahan ng potasyo nagtatrabaho. Noong 1930’s, ang mga manggagawa sa daigdig ng industriya ay binabagabag ng paghihimagsik. Natatandaan ko pa na nang ako’y bata, sumali ako sa mga demonstrasyon ng mga manggagawa. Kami’y nagpaparada sa mga kalye na may mga kamao na nakaamba, kumakanta pa ng mga kantang rebolusyunaryo, tulad halimbawa ng “Internationale” ng sosyalismo. Ang mga manggagawa ay humihingi ng katarungan at lalong maiinam na mga kalagayan sa pamumuhay.
Nang magwelga ang mga minero at okupahan nila ang mina, si itay ay kailangang dalhan ko ng kaniyang pagkain. Natatandaan ko pa na ako’y takot na takot noon pagka ako’y dumaraan sa nakahilerang mga armadong nasyonal na mga guwardiya upang maipasa ang kay itay na gamelle (lata ng pagkain) para makuha niya sa pamamagitang ng pagdaraan sa mga rehas na kumukulong sa minahan. Ako’y hangang-hanga sa mga banderang may nakasulat na mapupusok na mga salawikain at sa mapupulang bandera na iniwawagayway ng hangin, ang iba’y may nakalarawang martilyo at karit.
Ang mga babae’y nagtitipon sa harap ng mga pintuan ng minahan, at sumisigaw ng mga salawikain upang palakasin-loob ang kani-kanilang mga asawang lalaki para magpatuloy ng pakikibaka laban sa “mga mapagsamantala.” May mga babaing sa tuwina’y nangangamba na baka mapahamak ang kani-kanilang asawa. Sa kabila ng kanilang galit sa mga kapitalista, may mga lalaki na pumupuslit ng pagpasok sa minahan kung gabi upang makakita ng sapat na pantustos sa kanilang pamilya. Kung minsan ay ganito rin ang ginagawa ng aking ama. May dala siyang baril sa kaniyang bag sakaling makasagupa siya ng mga welgistang naghahanap ng mga eskirol.
Si Hitler ay Lumusob sa Pransiya
Ako’y 17-anyos nang sumiklab ang digmaan. Makalipas ang mga ilang buwan, sinalakay ng mga Nazi ang Pransiya. Yamang sila’y nag-aangkin na ang Alsace ay hindi lamang okupadong teritoryo kundi isang bahagi ng Alemang Reich, lahat ng mga kabataang lalaki na katulad ko ay kailangang mapatala sa hukbo ni Hitler. Sa gayon, dala-dala sa may likuran ko ang isang maleta, tumakas ako sakay ng aking bisikleta bago makarating doon sa amin ang mga manlulusob. Kung minsan ay nagagawa ko na ako’y pahila sa pamamagitan ng paghawak sa likod ng mga trak na nagbibiyaheng patungo sa timog. Ang langkay-langkay na mga takas ay nanganganib na tirahin ng mga eruplanong Aleman, kaya ako ay agad tatalon sa isang hukay pagka ang mga ito’y narinig kong dumarating na.
Nagawa ko na makarating sa timog-sentrong Pransiya, na noo’y hindi pa nasasakop ng mga Aleman. Subalit kahit na roon ay napaharap ako sa mga pang-aapi. Ako’y nagtrabahong puspusan sa pagwawalis sa mga kalye, pagdadala ng mga kabaong sa mga sementeryo, o pagkakarga ng 45-kilong mga kargada sa isang pabrika ng semento. Kung minsan ako ay nagtatrabaho ng 12 oras maghapon na ang kita ay napakaliit. Karamihan ng tulong na dapat sanang mapabigay sa aming mga takas ay ninanakaw ng mga opisyal na inatasang mamahagi niyaon.
Nang magtatapos na ang 1940, ipinasiya kong sumali sa pagbabaka na magpapalaya sa aking bansa. Naparoon ako sa Algeria, sa Hilagang Aprika, at umanib sa natira roon ng hukbong Pranses. Ang buhay-sundalo ay hindi nakasiya sa aking pagkauhaw sa katarungan katulad din ito nang ako’y sibilyan pa, subalit ibig ko pa ring magkaroon ng bahagi sa pagpapalaya sa Europa. Ang mga Amerikano ay lumunsad sa Hilagang Aprika nang matatapos na ang 1942. Gayunman, isang araw noong 1943 naputol ang tatlong daliri ko nang isang pampasabog ng granada na tangan ko ang sumabog. Kaya’t hindi ako nakasama sa mga tropa na muling sasakop sa Europa.
Suya Na sa Komersiyo, Pulitika, at Relihiyon
Minsang nakabalik na ako sa buhay sibilyan sa Algeria, ang tahasang pagsasamantala ng tao sa tao na nagaganap noon sa daigdig ng paggawa ay nagpagalit sa akin. Isa sa aking mga kasama ay namatay pagkatapos na makalanghap ng isang nakamamatay na gas dahilan sa mapanganib na mga kalagayan sa trabaho. Hindi nagtagal pagkatapos, ako ay halos namatay rin sa ilalim ng katulad na mga kalagayan. Ang komersiyal na kompaniyang ito ay walang-walang anumang konsiderasyon sa kalusugan, o kahit na sa buhay, ng mga manggagawa. Kinailangan kong makipagbaka upang makakuha ng kompensasyon. Suyang-suya nga ako.
Bagaman noon ay 24 anyos lamang ako, ang kinauwian ko’y mapapunta sa isang tahanan para sa mga matatanda na, na kung saan doon ako tumuloy hanggang sa matapos ang digmaan. Samantalang naroroon, ako ay may nakilalang ilang mga Pranses na komunistang militante na ipinatapon sa Algeria sa pasimula ng digmaan. Mahusay naman ang takbo ng mga bagay-bagay, at hindi sila nagkaroon ng suliranin sa paghimok sa akin na sumali sa kanilang kilusan na pagbaka sa pang-aapi.
Nang matapos ang digmaan, ako’y bumalik sa aking sariling bayan sa Alsace, ako’y lipos ng mga bagong mithiin. Subalit ang mga bagay-bagay ay hindi lumabas na gaya ng aking inaasahan. Ako’y lubhang nabahala nang matuklasan ko na ang mga ilang miyembro ng Partido Komunista ay hindi naging mabubuting makabayan noong panahon ng digmaan. Isang araw isang opisyal ng partido ang nagsabi sa akin: “Alam mo, Xavier, wala tayong mararating kung ang tinanggap lamang natin ay mga matitigas na walang-suko.” Ako’y nagpahayag ng di-pagsang-ayon at ng kabiguan.
Napansin ko rin na yaong mga taong pinakamalalakas sumigaw tungkol sa mga mithiin at katarungan ay ginugol ang karamihan ng kanilang suweldo sa mga inumin doon sa kantina ng minahan, anupa’t ang kani-kanilang pamilya ay napapasadlak sa karalitaan. Sa kabila nito, ang ibinoto ko pa rin ay ang Partido Komunista sapagkat inakala ko na ang mga komunista ang pinakamalaki ang nagagawa sa pagtatamo ng katarungan para sa uring manggagawa.
Ako ay naging sakristan na umaasisti sa Misa noong ako’y nasa kabataan, kaya’t nilapitan ako ng paring Katoliko upang subukin kong mahihikayat akong maging isang militante para sa simbahan. Subalit nawalan ako ng pananampalataya sa klero. Ako’y kumbinsido na sila’y nasa panig ng uring dominante. Isa pa, batid ko na maraming paring Katoliko ang nakiisa sa mga Aleman sa Pransiya noong panahon ng pananakop nila rito. Natatandaan ko pa rin nang ako’y nasa hukbo, ang mga kapilyang Katoliko ay nangangaral ng pagkamakabayan. Subalit batid ko pa rin na ang mga kapilyang Katoliko sa hukbong Aleman ay ganoon din ang ginawa. Sa aking opinyon, iyon ay trabaho ng mga pulitiko at mga lider militar, hindi ng mga ministro ng simbahan.
Isa pa, mapapait na karanasan ang nakaapekto nang malubha sa aking pananampalataya sa Diyos. Ang aking kapatid na babae ay namatay sa tama ng isang bala ng kanyon nang mismong araw na siya’y maging 20 anyos. Noon ay sinabi ko sa aking sarili: ‘Kung mayroong Diyos, bakit kaya niya pinapayagan ang lahat ng pang-aaping ito?’ Datapuwat, pagka nadarama ko na ang mapayapang katahimikan ng aming magandang tanawin sa may kabukiran, naantig na mabuti ang aking damdamin. Sasabihin ko sa aking sarili: ‘Lahat na ito’y hindi maaaring “nagkataon lamang.”’ Sa mga sandaling katulad nito ay nananalangin ako.
Isang Mensahe ng Pag-asa
Isang Linggo ng umaga noong 1947, isang lalaki at isang babae na nasa mga edad na 30 pataas ang dumating sa amin. Kanilang kinausap ang aking ama, na nagsabi sa kanila: “Mabuti pa’y kausapin ninyo ang aking anak. Lahat ng may pagkakataon siyang basahin ay binabasa niya.” Totoo naman iyon. Binabasa ko ang lahat, mula sa komunistang pahayagang L’Humanité hanggang sa peryodikong Katoliko na La Croix. Sinabi sa akin ng mga bisitang ito ang tungkol sa isang walang digmaang daigdig ng katarungan para sa lahat, na kung saan ang ating lupa ay magiging isang paraiso. Bawat isa ay magkakaroon ng kaniyang sariling bahay, at ang sakit at kamatayan ay magiging mga bagay na lumipas na. Kanilang pinatunayan ang lahat ng kanilang sinasabi buhat sa Bibliya, at kitang-kita ko na sila’y talagang kumbinsido.
Ako noon ay 25 anyos, at ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako’y nakahipo ng Bibliya. Ang mga talatang kanilang binasa ay gumising ng aking pananabik. Lahat niyaon ay waring napakabuti upang magkatotoo, at ang bagay na iyon ay ibig kong magliwanag sa aking sariling pag-iisip. Ang aking mga bisita ay nangako na sila’y magdadala para sa akin ng isang Bibliya at sila’y nag-iwan ng isang aklat na tinatawag na Deliverance, kasama na ang isang pulyetong pinamagatang “Be Glad, Ye Nations.”
Pagkaalis na pagkaalis nila, sinimulan ko nang basahin ang pulyeto. Ang patotoo ng pamangking babae ni Heneral de Gaulle tungkol sa integridad ng mga Saksi ni Jehova sa kampong piitan ng babae sa Ravensbruck, ay isang tunay na tagapagbukas-mata. ‘Kung talagang may mga tunay na Kristiyano,’ ang sabi ko sa aking sarili, ‘tiyak na sila ito.’ Natapos ko ang aklat na Deliverance bago ako natulog nang gabing iyon. Sa wakas ay natagpuan ko ang sagot sa isa sa mga tanong na matagal ding lumiligalig sa akin: “Bakit ang isang Diyos ng katarungan ay nagpapahintulot ng pang-aapi?”
Ako’y Gumawa ng Paninindigan sa Panig ng Tunay na Katarungan
Kinabukasan, bilang pagtupad sa kanilang pangako, ang mga Saksi ay nagbalik dala ang isang Bibliya. Dahilan sa isang aksidente sa bisikleta, ang aking balikat ay naka-plaster, at hindi ako makapagtrabaho, kaya’t libre ako sa panahon. Binasa ko ang buong Bibliya sa loob lamang ng pitong araw, anupa’t natuklasan ko ang mahuhusay na mga simulain nito nang katarungan at ng katuwiran. Habang ako’y nagpapatuloy ng pagbabasa, patuloy namang nakukumbinsi ako na ang aklat na ito ay galing sa Diyos. Naunawaan kong unti-unti na ang pagbabaka upang maitatag ang tunay na katarungan ay espirituwal, hindi pulitikal.—Efeso 6:12.
Ako’y kumbinsido na lahat ng aking mga kaibigan sa pulitika ay magkakaroon ng labis na kagalakan na marinig ang mensahe ng pag-asa na katutuklas ko lamang. Anong laking kabiguan ang aking nadama nang kanilang ipakita na bahagya ma’y hindi sila interesado! Sa ganang akin, talagang hindi ko mapigil ang paghahayag ng mabuting balita sa lahat. Ako’y lalo nang tuwang-tuwa sa pagsipi ng mga teksto, tulad nitong nasa Santiago 5:1-4, na kung saan ang mga mayayaman ay hinahatulan sa pagsasamantala sa mga manggagawa.
Ako ay isang kartero noong panahong iyon. Upang huwag kong mabigyan ng anumang ikagagalit ang aking ama, na hindi mo mababali sa kaniyang sariling mga opinyon, pag-alis ko sa bahay ay nakasuot ako ng aking sombrero sa pagkakartero at pag-uwi ko ay seguradong suot ko rin iyon. Isang araw ay sinabi ng aking itay sa isang kaibigan: “Ang anak ko ay malimit mag-obertaym nitong nakaraang mga araw.” Ang totoo’y inihahabilin ko ang aking sombrero sa lugar ng isang kaibigan pagka ako’y nasa gawaing pangangaral at saka ko na isinusuot muli pagkatapos.
Wala pang tatlong buwan pagkatapos na ako’y unang matagpuan ng mga Saksi ni Jehova, nag-iisang dumalo ako sa isang kombensiyon sa Basel, Switzerland. Sa kalagitnaan ng pahayag sa bautismo, binanggit ko sa babaing Saksi na katabi ko (na may kabaitang tumulong sa akin para makadalo ako sa asamblea) na ibig kong pabautismo ngunit wala naman akong damit na pambasa. Agad-agad na nilisan niya ang kaniyang upuan at nang bumalik ay may dala nang pambasa at tuwalya matagal pa bago matapos ang pahayag.
Pagpapalawak ng Ministeryo
Noon ay gumugugol na ako ng mga 60 oras isang buwan sa pagdalaw sa mga tao sa kanilang tahanan. Gayunman, nang basahin sa Kingdom Hall ang isang liham na nanghihimok para magpayunir (buong-panahong pangangaral), sinabi ko sa aking sarili: ‘Iyan ay para sa akin!’
Nang magtatapos na ang 1949, ako’y idinestino sa tanyag na puerto sa Mediteraneo ng Marseilles upang doon magpayunir. Kaaya-ayang buhay sa Marseilles nang mga araw na iyon pagkatapos ng digmaan. Iyon ang uri ng siyudad na kung saan ang mga tsuper ng trambiya ay hihinto upang huwag maabala ang larong pétanque (mga mangkok) na ginagawa sa kalye. Yaong mga iba pang kapatid na payunir at ako ay walang natagpuang lugar na matutuluyan kundi isang bahay pangaserahan na ginagamit din ng mga patutot. Hindi iyon isang ulirang dako para sa mga ministrong Kristiyano, ngunit sasabihin ko na kung para sa amin, ang mga filles de joie na ito ay hindi kailanman nagsalita o gumawa ng anuman na wala sa lugar at sila’y nakinig nang puspusan sa aming mensahe.
Kaunting-kaunti lang ang aming pera at kay Jehova kami lubusang nakasandal bilang siyang magbibigay ng aming materyal na mga pangangailangan. Kung gabi, pagka kami’y nakauwi na sa tahanan, kami’y nagbibidahan ng aming mga karanasan. Isang araw, sa laki ng aking pagtataka, isang babaing taga-Yugoslavia na nakilala ko sa aking pagbabahay-bahay ang kumuha ng isang malaking krusipiho sa kaniyang mesa sa tabi ng kaniyang kama at mapusok na pinaghahagkan iyon upang patunayan kung gaano kalaki ang pag-ibig niya sa Diyos. Siya’y tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya, at hindi nagtagal ang kaniyang mga mata ay nabuksan sa kawalang-kabuluhan ng pagsamba sa mga idolo.
Noong Nobyembre 1952 si Sister Sara Rodriguez, isang payunir na taga-Paris, ang dumating sa Marseilles upang tumulong sa gawaing pangangaral. Lahat kami na mga kapatid na lalaking payunir ay nagagalak na siya’y makasama namin sa pagdalaw sa mga babaing nagpapakita ng interes sa katotohanan ng Bibliya. Sa wakas, siya’y aking “kinidnap,” wika nga, sapagkat siya’y naging aking maybahay.
Noong 1954, tatlong buwan pagkatapos nang kami’y makasal, kami’y inimbitahan ng Samahan na pumaroon sa Martinique sa French West Indies. Kami nga noon ang unang mga Saksi sa ibayong dagat na mangangaral sa islang ito sapol nang paalisin dito ang mga misyonero noong may pasimula ng 1950’s. Pagkaraan ng 17 araw sa karagatan, kami sa wakas ay dumating din doon na nakaukit sa aming isip ang maraming tanong. Paano kaya kami tatanggapin? Saan kami titira? Anong uri ng pagkain ang kakainin namin? Gaano katagal ang kailangan upang makasumpong ng isang angkop na Kingdom Hall para sa aming mga pulong?
Isang Bagong Teritoryo at Isang Panibagong Buhay
Ang mga tao sa Martinique ay napatunayang totoong magandang-loob. Sa aming pagbabahay-bahay, kadalasa’y binibigyan kami ng mga tao ng pampalamig. Sa katunayan, karaniwan na kami’y inaanyayahan na pumasok at sumalo sa isang pagkain. Maraming literatura sa Bibliya ang aming naipasakamay sa mga tao, at bagama’t karamihan ng mga tagaisla ay walang sariling Bibliya, mataas naman ang kanilang pagpapahalaga roon.
Ang unang tahanan namin ay isang kubo na may bubong na yero. Kung tag-ulan, ang biglang pagbuhos ng ulan kung gabi ay gumigising sa amin samantalang binabayo ng ulan ang bubong. Ang tubig na ginagamit namin ay kinukuha namin ng dalawa lamang o tatlong beses maghapon. Kami’y walang banyo. Kami’y naliligo na nakatayo sa isang walang laman na bariles ng langis sa aming likod-bahay, na naghahalinhinan sa pagbubuhos ng tubig sa isa’t isa. Medyo sinauna pero gustung-gusto namin pagkatapos ng isang maghapong pagpapainit sa araw!
Kinailangang si Sara ay makibagay sa lokal na pagluluto at matutong maghanda ng rimas. Nang ako’y isang bata, sa tuwina’y naguguniguni ko ang punong rimas na may mga tinapay na nakabitin sa mga sanga niyaon. Sa aktuwal, ang bunga ng punong ito ay higit na nakakatulad ng isang gulay. Ito ay maaaring ihanda na tulad ng patatas. Noong sinaunang mga araw na iyon, inuulaman namin ito ng itlog ng pagong. Ito’y masarap, subalit sa ngayon ang gayong mga itlog ay isang luhong pagkain. Ang rimas ay masarap rin kung uulaman ng karne o isda.
Ang materyal na mga suliranin ay napagtatagumpayan, at saganang espirituwal na mga pagpapala ang sapat na nakakapalit ng anumang mga kahirapan. Nang ako’y dumating sa tahanan isang araw, ibinalita ko kay Sara na ako’y nakasumpong ng isang Kingdom Hall na maaaring lagyan ng upuan para sa isang daan. “Magkano?” ang tanong niya. “Sinabi sa akin ng may-ari na magbigay ako ng pihong presyo,” ang tugon ko. Nang panahong iyon wala kaming maiaalok kundi ang katawa-tawang halaga na 10 francs isang buwan. Hindi sukat akalain, tinanggap naman iyon ng tao.
Malaki ang aming pag-asa na marami ang dadalo sa pulong, sapagkat sa tuwina’y sinasabi ng mga tao: “Kung kayo’y may bulwagan, kami’y dadalo sa inyong mga pulong.” Gayunman, sa loob ng maraming mahahabang buwan sasampu lamang ang sa katamtaman ay dumadalo. Subalit ang pagtitiyaga ay nagbunga, at sa ngayon ay mayroong 24 na mga kongregasyon sa Bulaklaking Isla, gaya ng tawag sa Martinique, at sa kabuuan ay mayroon doong mahigit-kumulang 2,000 Saksi.
Saganang mga Pagpapala
Nang magtatapos na ang 1958, ako’y naparoon sa French Guiana upang tumugon sa panawagan ng isang may kabataang estudyante. Pagkatapos ng sampung-araw na pagbibiyahe sa dagat sakay ng isang munting sasakyang-tubig na tinatawag na Nina, ako’y nagsimulang mangaral sa Saint Laurent, isang puerto sa Ilog Maroni. Doon ay nakilala ko ang mga ilang dating bilanggo na naroon pa rin pagkatapos na ang gayong sistema ng kolonya ng mga bilanggo ay wakasan ng Pransiya noong 1945. Pagkatapos ay naparoon ako sa Cayenne, na kung saan dinalaw ko ang binata na siyang dahilan ng pagpunta ko roon. Siya at ang ilan pang mga taong sumuskribe sa ating mga magasin nang ako’y naroroon sa French Guiana ay mga aktibong lingkod na ngayon ni Jehova.
Kaming mag-asawa ay kung ilang beses nang inanyayahan sa pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, para sa iba’t ibang mga kurso ng pagsasanay, at gumugol ng mahigit na isang taon. Doon ay tunay na nakita ko kung paanong ang mga prinsipyo ng Bibliya ng katarungan at pagkakapantay-pantay ay isinasagawa sa gitna ng bayan ng Diyos. Yaong mga naghahawak ng responsableng mga tungkulin ay kumakain sa iisang lamesa kasama ng mga kabataan na nagtatrabaho sa pabrika, at sila’y tumatanggap ng kapareho ring munting alawans. Oo, ang katarungan at pagkakapantay-pantay—na mga pangarap ko noong ako’y bata—ay isang buhay na katunayan doon.
Ako ngayon ay 65 anyos na, may 40 taon na sa buong-panahong paglilingkod. Kami ng aking maybahay ay gumugol ng maraming taóng iyan sa pagsuyod sa Martinique sakay ng mga motorsiklo, nangangaral ng mabuting balita ng bagong sistema ni Jehova ng mga bagay-bagay na nakasalig sa katarungan. Kami ngayon ay nagtatrabaho sa sangay at ang aming tanggapan ay nasa isang gusali na doo’y matatanaw ang nakabibighaning look ng Fort-de-France. Lahat ng mga taóng ito sa organisasyon ng Diyos ay nagturo sa amin ng isang mahalagang leksiyon. Sa gitna lamang ng bayan ng Diyos masusumpungan ang tunay na katarungan, na walang mga balakid ng lahi, tribo, o relihiyon. Kasama niyaong mga taong nasaksihan namin na tumanggap ng katotohanan sa lumipas na mga taon, aming pinakamamahal ang pag-asang mabuhay sa malapit nang bagong lupa na kung saan tatahan ang katuwiran.—2 Pedro 3:13.